Beginning
Hinirang ni Yahweh si Ciro
45 Ito ang ipinahayag ni Yahweh kay Ciro,
ang pinunong kanyang pinili,
upang sakupin ang mga bansa
at alisan ng kapangyarihan ang mga hari.
Ibubukas ko ang mga pintuang-lunsod para sa kanya habang siya'y pumapasok.
2 “Ako ang maghahanda ng iyong daraanan,
mga bundok doo'y aking papatagin.
At sa mga lunsod, mga pintong tanso'y aking wawasakin;
pati kandadong bakal ay aking tatanggalin.
3 Ibibigay ko sa iyo ang nakatagong mga kayamanan at alahas;
sa gayon, malalaman mong ako si Yahweh,
ang Diyos ng Israel, ang siyang tumawag sa iyo.
4 Tinawag kita sa iyong pangalan,
alang-alang sa aking lingkod na si Israel na aking hinirang.
Binigyan kita ng malaking karangalan,
kahit hindi mo ako nakikilala.
5 Ako si Yahweh, ako lamang ang Diyos at wala nang iba;
palalakasin kita, kahit hindi mo ako nakikilala.
6 Ginawa ko ito upang ako ay makilala
mula sa silangan hanggang kanluran,
at makilala nila na ako si Yahweh,
ako lamang ang Diyos at wala nang iba.
7 Ako ang lumikha ng dilim at liwanag;
ako ang nagpapahintulot ng kaginhawahan at kapahamakan.
Akong si Yahweh ang nagpapasya ng lahat ng ito.
8 Padadalhan kita ng sunud-sunod na tagumpay,
parang mga patak ng ulan na bumabagsak sa lupa;
dahil dito'y maghahari sa daigdig ang kalayaan at katarungan.
Akong si Yahweh ang magsasagawa nito.”
Si Yahweh ng Buong Nilikha at Kasaysayan
9 Ang(A) palayok ba ay makakatutol sa gumawa sa kanya?
Maitatanong ba ng putik sa magpapalayok kung ano ang ginagawa nito?
Masasabi ba ng palayok na hindi sanay ang gumawa sa kanya?
10 May anak bang magtatanong sa kanyang ama, “Bakit ikaw ang aking naging ama?”
At sa kanyang ina, “Bakit mo ako ipinanganak?”
11 Ngunit ipinahayag ni Yahweh, ang Banal na Diyos ng Israel, ang Lumalang sa kanila:
“Wala kayong karapatang magsabi sa akin tungkol sa aking mga anak
at kung ano ang dapat kong gawin.
12 Ako ang lumikha ng buong daigdig,
pati mga taong doo'y tumatahan.
Maging ang kalangitan, ako ang nagladlad,
ako ang may kapangyarihan sa araw, buwan at mga bituin.
13 Ako ang tumawag kay Ciro upang isagawa ang aking layunin at isaayos ang lahat ng bagay.
Aking tutuwirin ang kanyang daraanan;
muli niyang itatayo ang Jerusalem na aking lunsod,
at kanyang palalayain ang aking bayan.
Walang sinumang nagbayad o nanuhol sa kanya upang ito'y isagawa.”
Ang Makapangyarihang si Yahweh ang nagsabi nito.
14 Ang sabi ni Yahweh sa Israel,
“Mapapasaiyo ang kayamanan ng Egipto at Etiopia.
Magiging alipin mo ang matatangkad na lalaki ng Seba;
sila'y magiging sunud-sunuran sa iyo.
Yuyukuran ka nila at sasabihin:
‘Sumasaiyo ang Diyos, siya lamang ang Diyos at wala nang iba pa.’”
15 Ang Diyos ng Israel ang Tagapagligtas ng kanyang bayan;
mahiwaga siya kaya hindi kayang unawain.
16 Hahamakin at mapapahiya
ang lahat ng gumagawa ng mga diyus-diyosan.
17 Ngunit ang Israel ay iyong ililigtas,
ang tagumpay nila ay sa habang panahon
at kailanma'y hindi mapapahiya.
18 Si Yahweh ang lumikha ng kalangitan,
siya rin ang lumikha ng daigdig,
ginawa niya itong matatag at nananatili,
at mainam na tirahan.
Siya ang maysabing, “Ako si Yahweh at wala nang iba pang diyos.
19 Lahat ng salita ko'y sinasabi nang hayagan,
isa man sa layunin ko'y hindi inililihim.
Hindi ko pinahirapan ang Israel
sa paghanap sa akin.
Ako si Yahweh, sinasabi kong lahat ang katotohanan,
at inihahayag ko kung ano ang tama.”
Si Yahweh ng Sanlibutan at ang mga Diyus-diyosan ng Babilonia
20 Sinabi ni Yahweh,
“Halikayong lahat na mga natitirang buháy mula sa lahat ng bansa;
kayong mga mangmang na nagpapasan ng mga imaheng kahoy
at dumadalangin sa mga diyus-diyosan na hindi makakapagligtas.
Ang mga taong ito'y walang nalalaman.
21 Ipagtanggol ninyo ang inyong panig.
Magsanggunian kayo.
Sino ang makakapagsabi ng mga bagay na magaganap?
Hindi ba akong si Yahweh, ang Diyos na nagliligtas sa kanyang bayan?
Walang ibang diyos maliban sa akin.
22 Lumapit kayo sa akin at kayo ay maliligtas,
kayong mga tao sa buong daigdig.
Walang ibang diyos maliban sa akin.
23 Ako(B) ay tapat sa aking pangako
at hindi magbabago,
at tutuparin ko ang aking mga pangako:
‘Lahat ng tao ay luluhod sa aking harapan,
at mangangakong sila'y magiging tapat sa akin!’
24 “Sasabihin nila, si Yahweh lamang ang matuwid at malakas;
at mapapahiya ang sinumang sa kanya'y maghimagsik.
25 Akong si Yahweh ang magliligtas sa lahi ni Israel;
sila'y magtatagumpay at magpupuri sa akin.”
46 Sina Bel at Nebo na dati'y sinasamba ng mga taga-Babilonia;
ngayo'y isinakay na sa likod ng mga asno at baka,
at naging pabigat sa likod ng mga pagod na hayop.
2 Hindi nila mailigtas ang kanilang sarili.
Sila'y parang mga bihag na itinapon sa malayo.
3 “Makinig kayo sa akin, lahi ni Jacob,
kayong nalabi sa bayang Israel;
kayo'y inalagaan ko mula sa inyong pagsilang.
4 Ako ang inyong Diyos.
Iingatan ko kayo hanggang sa pumuti ang inyong buhok at kayo'y tumanda.
Kayo'y nilikha ko kaya tungkulin ko
na kayo'y iligtas at tulungan.”
5 Sinabi ni Yahweh, “Saan ninyo ako itutulad?
Mayroon bang makakapantay sa akin?
6 Binuksan nila ang kanilang sisidlan, ibinuhos ang mga gintong laman,
at nagtimbang sila ng mga pilak.
Umupa sila ng platero at nagpagawa ng diyus-diyosan;
pagkatapos ay niluhuran nila at sinamba ito.
7 Pinapasan nila ito para ilibot sa ibang lugar,
pagkatapos ay ibabalik sa kanyang lalagyan.
Mananatili ito roon at hindi makakakilos.
Dalanginan man ito'y hindi makakasagot,
at hindi makatutulong sa panahon ng pagsubok.
8 “Ito ang inyong tandaan, mga makasalanan,
ang bagay na ito ay alalahanin ninyo.
9 Alalahanin ninyo ang mga nakaraang pangyayari.
Inyong kilalaning ako lamang ang Diyos,
at maliban sa akin ay wala nang iba.
10 Sa simula pa'y itinakda ko na,
at aking inihayag kung ano ang magaganap.
Sinabi kong tiyak na magaganap ang lahat ng balak ko,
at gagawin ko ang lahat ng gusto kong gawin.
11 May tinawag na akong mandirigma sa silangan,
siya ay darating na parang ibong mandaragit,
at isasagawa ang lahat kong balak.
Ako ang nagsasabi nito, at tiyak na matutupad.
12 “Makinig kayo sa akin, mga taong suwail;
kayong naniniwalang malayo pa ang tagumpay.
13 Malapit na ang araw ng pagtatagumpay,
ang pagliligtas ko'y hindi na magtatagal.
Ililigtas ko ang Jerusalem,
at doon ko bibigyan ng karangalan ang bayang Israel.”
Hahatulan ang Babilonia
47 Sinabi(C) ni Yahweh sa Babilonia,
“Bumabâ ka sa iyong trono, at maupo ka sa alabok ng lupa.
Dati'y para kang birhen, isang lunsod na hindi malupig.
Ngunit hindi ka na ganoon ngayon,
isa ka nang alipin!
2 Hawakan mo ang batong gilingan at ikaw ay gumiling ng harina.
Alisin mo na ang iyong belo, at hubarin ang magarang kasuotan;
itaas mo ang iyong saya sa pagtawid sa batisan.
3 Malalantad sa mga tao ang hubad mong katawan,
mabubunyag ang kahiya-hiya mong kalagayan.
Walang makakapigil sa aking gagawin.
Ako'y maghihiganti.”
4 Ang Diyos ang siyang nagligtas sa amin, siya ang Banal na Diyos ng Israel.
Ang pangalan niya ay Yahweh, ang Makapangyarihan sa lahat.
5 Sinabi ni Yahweh sa Babilonia,
“Maupo ka na lang at manahimik doon sa dilim,
sapagkat ikaw ay hindi na tatawaging reyna ng mga kaharian.
6 Nang ako'y magalit sa mga lingkod ko,
sila'y aking itinakwil;
aking pinabayaan na masakop mo at maging alipin.
Pinarusahan mo silang walang awa,
pati matatanda'y pinagmalupitan mo.
7 Sapagkat akala mo'y mananatili kang reyna habang panahon.
Hindi mo na naisip na magwawakas ito pagdating ng araw.
8 “Pakinggan(D) mo ito, ikaw na mahilig sa kalayawan,
at nag-aakalang ikaw ay matiwasay.
Ang palagay mo sa sarili'y kasindakila ka ng Diyos,
at ang paniwala mo'y wala kang katulad;
inakala mong hindi ka mabibiyuda,
at hindi mo mararanasan ang mamatayan ng anak.
9 Ngunit isang araw, sa loob lamang ng isang saglit,
anumang salamangka o mahika ang iyong gawin,
mangyayari ang dalawang bagay na ito:
Mawawala ang iyong asawa at ang iyong mga anak!
10 “Panatag ka sa paggawa ng kasamaan;
sapagkat iniisip mong walang nakakakita sa iyo.
Iniligaw ka ng iyong karunungan at kaalaman,
ang palagay mo sa sarili'y ikaw ang Diyos,
wala nang hihigit pa sa iyo.
11 Ngunit darating sa iyo ang kapahamakan,
at walang makakahadlang kahit ang nalalaman mo sa salamangka;
darating sa iyo ang sumpa, at hindi mo ito maiiwasan.
Biglang darating sa iyo ang pagkawasak,
na hindi mo akalaing mangyayari.
12 “Itago mo na lang ang salamangkang alam mo mula pa sa iyong kabataan,
baka sakaling magamit mo pa iyan bilang panakot sa iyong kaaway.
13 Wala kang magagawa sa kabila ng maraming payo sa iyo;
patulong ka man sa inaasahan mong mga astrologo,
sa mga taong humuhula ng mangyayari bukas, batay sa kalagayan ng kalangitan at mga bituin.
14 “Sila'y parang dayaming masusunog,
kahit ang sarili nila'y hindi maililigtas sa init ng apoy;
sapagkat ito'y hindi karaniwang init
na pampaalis ng ginaw.
15 Walang maitutulong sa iyo ang mga astrologo
na hinihingan mo ng payo sa buong buhay mo.
Sapagkat ikaw ay iiwan na nila,
walang matitira upang iligtas ka.”
Si Yahweh ang Diyos ng Panahong Darating
48 Dinggin mo ito, O bayang Israel, kayong nagmula sa lahi ni Juda,
sumumpa kayong maglilingkod kay Yahweh,
at sasambahin ang Diyos ng Israel,
ngunit hindi kayo naging tapat sa kanya.
2 Ipinagmamalaki ninyong kayo'y nakatira sa banal na lunsod;
at kayo'y umaasa sa Diyos ng Israel;
ang pangalan niya ay Yahweh na Makapangyarihan sa lahat.
3 Sinabi ni Yahweh sa Israel,
“Noong una pa'y alam ko na kung ano ang mangyayari. Pagkatapos ay bigla ko itong isinakatuparan.
4 Alam kong matitigas ang inyong ulo,
may leeg na parang bakal at noo na parang tanso.
5 Kaya noon pa,
ipinahayag ko na ang mangyayari sa iyo,
upang kung maganap na'y huwag ninyong isipin
na ang mga diyus-diyosan ang may gawa nito.
6 “Lahat ng pahayag ko ay pawang natupad,
inyo nang kilalanin ang katotohanan nito.
Ngayo'y may ihahayag akong bago,
mga bagay na hindi ko inihayag noon.
7 Ngayon ko pa lamang ito gagawin;
wala pang pangyayaring katulad nito noon
para hindi ninyo masabing ito'y alam na ninyo.
8 Alam kong hindi kayo mapagkakatiwalaan,
sapagkat lagi na lamang kayong naghihimagsik.
Kaya tungkol dito'y wala kayong alam,
kahit kapirasong balita'y walang natatanggap.
9 “Dahil na rin sa karangalan ko,
ako ay nagpigil,
dahil dito'y hindi ko na kayo lilipulin.
10 Sinubok ko kayo sa pamamagitan ng kahirapan,
kung paanong ang pilak ay dinadalisay sa apoy;
ngunit kayo'y napatunayang hindi nararapat.
11 Ang ginawa ko'y para na rin sa sariling kapakanan,
paghamak sa ngalan ko'y hindi ko pahihintulutan.
Ang karangalan ko'y tanging akin lamang,
walang makakahati kahit na sinuman.”
Si Ciro ang Pinunong Pinili ni Yahweh
12 Sinabi(E) ni Yahweh,
“Makinig ka sa akin, O Israel, bayang aking hinirang!
Ako lamang ang Diyos;
ako ang simula at ang wakas.
13 Ako ang lumikha sa pundasyon ng daigdig,
ako rin ang naglatag sa sangkalangitan;
kapag sila'y aking tinawag, agad silang tutugon.
14 “Magsama-sama kayo at makinig!
Walang nakaaalam isa man sa mga diyus-diyosan,
na ang hinirang ko ang lulusob sa Babilonia;
at gagawin niya ang lahat ng ipapagawa ko.
15 Ako ang tumawag sa kanya,
pinatnubayan ko siya at pinagtagumpay.
16 Kayo ay lumapit at pakinggan ang aking sasabihin.
Sa mula't mula pa'y hayagan ako kung magsalita
at ang sabihin ko'y aking ginagawa.”
Sa kapangyarihan ng espiritu ng Panginoong Yahweh, ako'y kanyang sinugo.
Ang Plano ni Yahweh sa Kanyang Bayan
17 Ganito ang sabi ng Banal na Diyos ng Israel,
ni Yahweh na sa iyo'y tumubos:
“Ako ang iyong Diyos na si Yahweh.
Tuturuan kita para sa iyong kabutihan,
papatnubayan kita sa daan na dapat mong lakaran.
18 “Kung sinusunod mo lang ang aking mga utos,
pagpapala sana'y dadaloy sa iyo,
parang ilog na hindi natutuyo ang agos.
Tagumpay mo sana ay sunud-sunod,
parang along gumugulong sa dalampasigan.
19 Ang iyong lahi ay magiging sindami sana ng buhangin sa dagat,
at tinitiyak kong hindi sila mapapahamak.”
20 Lisanin(F) ninyo ang Babilonia, takasan ninyo ang Caldea!
Buong galak na inyong ihayag sa lahat ng lugar
na iniligtas ni Yahweh ang lingkod niyang si Israel.
21 Nang patnubayan ni Yahweh ang bayang Israel, sa pagtawid sa malawak at mainit na disyerto,
hindi ito nauhaw bahagya man
sapagkat binutas niya ang isang malaking bato, at ang tubig ay bumukal.
22 Ang(G) sabi ni Yahweh, “Walang kapayapaan ang mga makasalanan!”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.