Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Beginning

Read the Bible from start to finish, from Genesis to Revelation.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Jeremias 38-41

Si Jeremias sa Tuyong Balon

38 Narinig ni Sefatias na anak ni Matan, ni Gedalias na anak ni Pashur, ni Jucal na anak naman ni Selemias, at ni Pashur na anak ni Malquias, ang sinasabi ni Jeremias sa mga tao. Ganito ang narinig nilang sinabi ni Jeremias: “Sinabi ni Yahweh na mamamatay sa labanan o sa matinding gutom at sakit ang sinumang mananatili sa lunsod na ito. Ngunit ang lalabas at susuko sa mga taga-Babilonia ay hindi mamamatay, bagkus ay maliligtas. Ganito ang sabi ni Yahweh: Ang lunsod na ito ay pababayaan kong masakop ng mga taga-Babilonia.”

Kaya sinabi ng mga pinuno, “Mahal na hari, dapat ipapatay ang taong ito. Sa kasasalita niya ay natatakot tuloy ang mga kawal pati ang mga mamamayan. Hindi nakakatulong sa bayan ang taong iyan; nais pa niyang mapahamak tayong lahat.”

Kaya sinabi ni Haring Zedekias, “Kung gayon, gawin ninyo sa kanya ang nais ninyo; hindi ko kayo mapipigil.” Dinakip nila si Jeremias at inihulog sa balon ni Malquias, ang anak ng hari, na nasa himpilan ng mga bantay. Hindi tubig kundi putik ang laman ng balon, kaya lumubog siya sa putik.

Ang pangyayaring ito'y nabalitaan ni Ebed-melec, isang Etiopeng naglilingkod sa palasyo ng hari. Ang hari naman ay kasalukuyang nasa may Pintuan ni Benjamin. Pinuntahan ni Ebed-melec ang hari at sinabi, “Mahal na hari, masama ang ginawa ng mga pinuno; inihulog nila sa balon si Jeremias. Maaaring mamatay siya sa gutom sapagkat wala nang pagkain sa lunsod.” 10 Inutusan ng hari si Ebed-melec na magsama ng tatlong lalaki[a] at pagtulung-tulungan nilang iahon sa balon si Jeremias bago ito mamatay. 11 Isinama ni Ebed-melec ang mga lalaki, kumuha sila ng mga lumang damit sa taguan, at inihulog kay Jeremias sa pamamagitan ng lubid. 12 Sinabi ni Ebed-melec kay Jeremias, “Isapin po ninyo sa inyong kili-kili ang mga lumang damit para hindi kayo masaktan ng lubid.” Sumunod naman si Jeremias, 13 at hinila nila siya paitaas hanggang sa maiahon. Pagkatapos ay iniwan nila si Jeremias sa himpilan ng mga bantay.

Si Zedekias ay Humingi ng Payo kay Jeremias

14 Ipinatawag ni Haring Zedekias si Jeremias at kinausap sa ikatlong pintuan ng Templo. “May itatanong ako sa iyo at huwag kang maglilihim sa akin kahit ano,” sabi ng hari.

15 Sumagot si Jeremias, “Kung sabihin ko sa inyo ang katotohanan, ipapapatay ninyo ako, at kung payuhan ko naman kayo, ayaw ninyong pakinggan.”

16 Palihim na nangako kay Jeremias si Haring Zedekias, “Saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy[b] na nagbibigay-buhay sa atin! Ipinapangako kong hindi kita ipapapatay, at hindi rin kita ipagkakanulo sa mga taong ibig pumatay sa iyo.”

17 Matapos marinig ang gayon, sinabi ni Jeremias kay Zedekias ang sabi ni Yahweh, ang Makapangyarihan sa lahat, ang Diyos ng Israel, “Kung kayo'y susuko sa mga pinuno ng hari ng Babilonia, maliligtas ang buhay ninyo at hindi nila susunugin ang lunsod. Kayo at ang inyong sambahayan ay mabubuhay. 18 Ngunit kung hindi kayo susuko, ibibigay sa taga-Babilonia ang lunsod na ito. Susunugin nila ito, at hindi kayo makakaligtas.”

19 Sumagot si Haring Zedekias, “Natatakot ako sa mga Judiong kumampi sa mga taga-Babilonia. Baka ibigay ako sa kanila, at ako'y pahirapan nila.”

20 “Hindi kayo ibibigay sa kanila,” sabi ni Jeremias. “Ipinapakiusap kong sundin ninyo ang salita ni Yahweh, gaya ng pagkakasabi ko sa inyo. Sa gayo'y mapapabuti kayo at maliligtas. 21 Ipinaalam na sa akin ni Yahweh, sa pamamagitan ng isang pangitain, ang mangyayari kapag hindi kayo sumuko. 22 Nakita kong inilalabas ng mga pinunong taga-Babilonia ang lahat ng babaing naiwan sa palasyo ng hari sa Juda. Pakinggan ninyo ang sinasabi nila:

‘Ang hari'y iniligaw ng pinakamatalik niyang mga kaibigan;
    naniwala siya sa kanila.
At ngayong nakalubog sa putik ang kanyang mga paa,
    iniwan na siya ng mga kaibigan niya.’”

23 Pagkatapos ay sinabi ni Jeremias, “Bibihagin ng mga taga-Babilonia ang lahat ng babae at mga bata; pati ikaw ay hindi makakaligtas. Dadalhin kang bihag, at susunugin ang lunsod na ito.”

24 Sumagot si Zedekias, “Huwag mong ipapaalam kahit kanino ang pag-uusap na ito, at hindi na manganganib ang buhay mo. 25 Kung mabalitaan ng mga pinuno na kinausap kita, lalapitan ka nila at itatanong kung ano ang pinag-usapan natin. Mangangako pa sila na hindi ka papatayin kung magtatapat ka. 26 Ngunit sabihin mong nakikiusap ka lang sa akin na huwag na kitang ipabalik sa bahay ni Jonatan upang doon mamatay.” 27 Nagpunta nga kay Jeremias ang lahat ng pinuno at tinanong siya. At sinabi naman niya sa kanila ang iniutos ng hari na kanyang isasagot. Wala silang magawâ sapagkat walang nakarinig sa pag-uusap nila. 28 At(A) nanatili si Jeremias sa himpilan ng mga bantay hanggang sa masakop ang Jerusalem.

Bumagsak ang Jerusalem

39 Dumating si Haring Nebucadnezar ng Babilonia, kasama ang kanyang buong hukbo at kinubkob ang Jerusalem noong ikasampung buwan ng ikasiyam na taon ng paghahari ni Haring Zedekias sa Juda. At noong ikasiyam na araw ng ikaapat na buwan naman ng ikalabing isang taon ng paghahari ni Zedekias, napasok nila ang lunsod. Matapos makuha ang Jerusalem, lahat ng pinuno ng hari ng Babilonia ay sama-samang naupo sa Gitnang Pintuan ng lunsod. Kabilang dito sina Nergal-sarezer, Samgar-nebo, Sarsequim ng Rabsaris, Nergal-sarezer ng Rabmag, at ang iba pang mga pinuno ng hari ng Babilonia. Nang makita sila ni Haring Zedekias at ng kanyang mga tauhan, tumakas sila pagsapit ng gabi. Sila'y dumaan sa halamanan ng hari, sa pintuang nasa pagitan ng dalawang pader, at tumakas patungo sa Libis ng Jordan. Ngunit hinabol sila ng mga kawal ng Babilonia, at inabutan sa kapatagan ng Jerico. Nabihag si Zedekias at ang mga kasama niya, at dinala kay Haring Nebucadnezar na noo'y nasa Ribla, sa lupain ng Hamat. Iginawad ni Nebucadnezar ang hatol na kamatayan. Pinatay ng hari ng Babilonia ang mga anak na lalaki ni Zedekias sa harapan nito pati ang mga pinuno ng Juda. Ipinadukit ang mga mata ni Zedekias, at pagkatapos ay ginapos ng kadena upang dalhin sa Babilonia. Sinunog din ng mga kaaway ang palasyo ng hari at ang mga bahay sa lunsod, at iginuho ang mga pader ng Jerusalem. Sa pangunguna ni Nebuzaradan, ang pinuno ng bantay, dinalang-bihag sa Babilonia ang mga taong nalabi sa lunsod, pati ang mga kumampi sa kanya. 10 Ang tangi niyang iniwan sa lupain ng Juda ay ang mahihirap na taong walang anumang ari-arian; binigyan pa niya sila ng mga ubasan at bukirin.

Kinalinga ni Nebucadnezar si Jeremias

11 Iniutos ni Haring Nebucadnezar kay Nebuzaradan, 12 “Kunin mo si Jeremias at alagaang mabuti. Huwag mo siyang sasaktan at sundin mo ang kanyang kahilingan.” 13 Kaya isinama ni Nebuzaradan ang matataas na pinunong sina Nebuzazban, Nergal-sarezer, at lahat ng iba pang pinuno ng hari sa Babilonia. 14 Kinuha nila si Jeremias mula sa himpilan ng bantay at ipinagkatiwala kay Gedalias, anak ni Ahicam na anak naman ni Safan. Doon siya tumira, kasama ng sarili niyang mga kababayan.

Pag-asa para kay Ebed-melec

15 Samantalang nasa himpilan ng bantay si Jeremias, sinabi sa kanya ni Yahweh, 16 “Pumunta ka kay Ebed-melec na taga-Etiopia at sabihin mo: Ganito ang sinasabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, ang Diyos ng Israel. Matutupad na ngayon ang lahat ng sinabi kong pagkawasak laban sa lunsod na ito. Makikita mo ang kapahamakang aking ibinabala sa takdang araw. 17 Subalit ililigtas kita sa araw na iyon, at hindi ka ibibigay sa kamay ng mga taong kinatatakutan mo. 18 Ikaw ay tiyak na ililigtas ko at hindi mapapatay ng mga kalaban. Mabubuhay ka sapagkat nanalig ka sa akin.”

Si Jeremias at ang mga Nalabing Kasama ni Gedalias

40 Nagpahayag muli si Yahweh kay Jeremias matapos itong palayain sa Rama ni Nebuzaradan, ang pinuno ng bantay ng Babilonia. Dinala kami ditong nakagapos, kasama ng iba pang mga taga-Jerusalem at taga-Juda upang dalhing-bihag sa Babilonia.

Sinabi sa kanya ni Nebuzaradan, “Ibinabala ng Diyos mong si Yahweh na wawasakin ang lupaing ito. Ang babalang iyon ay isinagawa niya ngayon sapagkat nagkasala at sumuway kay Yahweh ang bayang ito. Subalit ikaw, Jeremias, ay pawawalan ko na. Kung ibig mo'y sumama ka sa akin sa Babilonia, at kakalingain kita. Ngunit kung ayaw mo, ikaw ang bahala. Masdan mo ang buong lupain sa harapan mo; maaari kang magpunta kung saan mo nais.”

Hindi sumagot si Jeremias, kaya nagpatuloy si Nebuzaradan. “Kung gusto mo naman, pumunta ka kay Gedalias; siya ang inilagay ng hari ng Babilonia bilang gobernador sa buong lupain ng Juda. Malaya kang makakapanirahan doon o kahit saan na iniisip mong mabuti.” Pagkatapos, binigyan niya si Jeremias ng pagkain at kaloob, at pinaalis na. Si Jeremias nama'y pumunta kay Gedalias sa Mizpa, at doon nakipamayan kasama ng mga taong naiwan sa lupain ng Juda.

Naging Gobernador si Gedalias(B)

May(C) mga pinuno at mga kawal ng Juda na hindi sumuko sa mga taga-Babilonia. Nabalitaan nila ang pagkahirang kay Gedalias bilang gobernador ng lupain at tagapamahala sa pinakamahihirap na mamamayan na hindi dinala sa Babilonia. Kaya pinuntahan nila si Gedalias sa Mizpa. Kabilang sa mga pinunong ito sina Ismael na anak ni Netanias, Johanan na anak ni Karea, Seraias na anak ni Tanhumet, ang mga anak ni Efai na taga-Metofat, Jezanias na anak ng taga-Maaca. At sinabi sa kanila ni Gedalias, “Huwag kayong matakot na maglingkod sa mga taga-Babilonia. Manirahan kayo sa lupaing ito, paglingkuran ninyo ang hari ng Babilonia, at kayo'y mapapabuti. 10 Ako ay mananatili rito sa Mizpa upang maging kinatawan ninyo sa mga sugo ng Babilonia na maaaring dumating dito. Kayo'y manirahan sa mga nayong inyong magustuhan. Anihin ninyo ang mga ubas, olibo at iba pang bungangkahoy, at mag-imbak kayo ng langis at alak.” 11 Nabalitaan din ng mga Judio sa Moab, Ammon, Edom, at iba pang bansa, na may mga kababayan silang naiwan sa Juda, at si Gedalias ang inilagay ng hari ng Babilonia para mamahala sa kanila. 12 Kaya sila'y umalis sa lupaing pinagtapunan sa kanila at nakipagkita kay Gedalias sa Mizpa. Nakapagtipon sila ng napakaraming prutas at alak doon.

Pinatay ni Ismael si Gedalias(D)

13 Si Johanan na anak ni Karea, at lahat ng namumuno sa hukbong hindi sumuko ay nagpunta kay Gedalias sa Mizpa. 14 Ang sabi nila, “Alam ba ninyong si Ismael na anak ni Netanias ay sinugo ni Baalis na hari ng mga Ammonita upang patayin kayo?” Subalit ayaw maniwala ni Gedalias. 15 Pagkatapos, palihim na sinabi ni Johanan sa kanya, “Bayaan po ninyong patayin ko si Ismael. Hindi kayo dapat masawi sa kamay ng taong iyon. Kapag kayo'y namatay, mangangalat ang lahat ng Judio na nasa inyong pamamahala; mapapahamak pati ang mga nalabi sa Juda.”

16 Ngunit sumagot si Gedalias, “Johanan, huwag mong gawin iyan. Hindi totoo ang sinasabi mo tungkol kay Ismael.”

41 Si(E) Ismael na anak ni Netanias at apo ni Elisama ay mula sa lahi ng hari at isa sa matataas na pinuno sa palasyo. Noong ikapitong buwan ng taóng iyon, pinuntahan nila si Gedalias sa Mizpa, kasama ang sampu niyang tauhan. At habang sila'y kumakain, tumayo si Ismael at ang sampung tauhan nito at sinunggaban si Gedalias. Pinatay nila ang hinirang ng hari ng Babilonia sapagkat ginawa itong gobernador ng lupain. Pinatay rin ni Ismael ang mga Judiong kasama ni Gedalias sa Mizpa, pati ang mga kawal na taga-Babilonia na nagkataong naroon.

Kinabukasan, matapos patayin si Gedalias, at bago pa nalaman ng sinuman, may walumpung kalalakihang dumating buhat sa Shekem, Shilo, at Samaria. Ahit ang kanilang balbas, punit ang damit, at pawang sugatan; may dala silang trigo at insenso upang ihandog sa Templo ni Yahweh. Lumabas mula sa Mizpa si Ismael; umiiyak siyang sumalubong at ang sabi, “Pumasok kayo, naririto si Gedalias na anak ni Ahicam.” Pagkapasok nila sa lunsod, sila'y pinatay ni Ismael at ng mga tauhan nito, at itinapon sa isang hukay ang mga bangkay.

May sampung lalaking hindi napatay, at sila'y nakiusap kay Ismael, “Huwag mo kaming patayin. Marami kaming nakaimbak na trigo, sebada, langis, at pulot-pukyutan. Nakatago ang mga ito sa kabukiran.” Kaya, naawa siya at hindi sila pinatay. Ang malaking hukay na ipinagawa ni Haring Asa ng Juda nang pagbantaan siyang salakayin ni Haring Baasa ng Israel ay napuno ng mga bangkay na itinapon doon ni Ismael. 10 Pagkatapos, binihag ni Ismael ang lahat ng nasa Mizpa—ang mga anak na babae ng hari at ang mga mamamayang iniwan ni Nebuzaradan sa pamamahala ni Gedalias. At sila'y umalis patungo sa lupain ng Ammon.

11 Nabalitaan ni Johanan, at ng mga kasama niyang pinuno at mga kawal ang kasamaang ginawa ni Ismael. 12 Isinama nila ang lahat ng kanilang tauhan at hinabol si Ismael; inabutan nila ito sa may malaking deposito ng tubig sa Gibeon. 13 Gayon na lamang ang tuwa ng mga bihag ni Ismael nang makita si Johanan at ang kanyang mga tauhan. 14 At silang lahat ay nagtakbuhan papunta kay Johanan. 15 Subalit si Ismael, kasama ang walo niyang tauhan, ay nagtuloy sa lupain ng mga Ammonita.

16 Tinipon ni Johanan at ng mga pinunong kasama niya ang mga bihag na dala ni Ismael mula sa Mizpa, matapos patayin si Gedalias. Kabilang dito'y mga kawal, babae, bata, at eunuko; silang lahat ay ibinalik ni Johanan buhat sa Gibeon. 17 Nagpunta sila at tumigil sa Gerut-quimam, malapit sa Bethlehem, subalit may balak na magtuloy sa Egipto. 18 Natatakot silang paghigantihan ng mga taga-Babilonia dahil sa ginawa ni Ismael kay Gedalias, na inilagay ng hari ng Babilonia bilang gobernador ng Juda.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.