Beginning
Ang Lingkod ni Yahweh
42 Sinabi(A) (B) ni Yahweh,
“Narito ang lingkod ko na aking hinirang;
ang aking pinili at lubos na kinalulugdan;
ibinuhos ko sa kanya ang aking Espiritu,
at siya ang magpapairal ng katarungan sa mga bansa.
2 Hindi siya makikipagtalo o makikipagsigawan,
ni magtataas ng boses sa mga lansangan.
3 Ang marupok na tambo'y hindi niya babaliin,
ilaw na aandap-andap hindi niya papatayin;
katarungan para sa lahat ang kanyang paiiralin.
4 Hindi siya mawawalan ng pag-asa o masisiraan ng loob,
hangga't katarungan ay maghari sa daigdig;
ang malalayong lupain ay buong pananabik na maghihintay sa kanyang mga turo.”
5 Ang(C) Diyos na si Yahweh ang lumikha ng kalangitan,
nilikha rin niya ang lupa at nagbigay-buhay sa lahat ng bagay dito sa daigdig,
kaya't sinabi ng Diyos na si Yahweh sa kanyang lingkod,
6 “Akong(D) si Yahweh ang tumawag sa iyo sa katuwiran,
binigyan kita ng kapangyarihan upang pairalin ang katarungan sa daigdig.
Sa pamamagitan mo ay gagawa ako ng kasunduan sa lahat ng tao,
at sa pamamagitan mo'y dadalhin ko ang liwanag sa lahat ng bansa.
7 Ikaw ang magbubukas sa mga mata ng mga bulag
at magpapalaya sa mga bilanggo ng kadiliman.
8 Ako si Yahweh; 'yan ang aking pangalan;
walang makakaangkin ng aking karangalan;
ang papuri'y sa akin, hindi sa diyus-diyosan.
9 Ang mga dating pahayag ko ay natupad na.
Mga bagong bagay ang sasabihin ko ngayon bago pa mangyari ang mga ito.”
Awit ng Pagpupuri sa Diyos
10 Umawit kayo ng isang bagong awit para kay Yahweh,
ang buong daigdig sa kanya ay magpuri!
Purihin ninyo siya, kayong mga naglalayag;
kayong lahat na nilalang sa karagatan!
Umawit kayong lahat na nasa malalayong kapuluan.
11 Kayo ay magdiwang, kayong nasa disyerto, at sa mga bayan,
mga taga-Kedar, kayo ay magdiwang;
mga taga-Sela, kayo'y mag-awitan,
kayo ay umakyat sa tuktok ng bundok at kayo'y sumigaw sa kagalakan.
12 Kayong nasa malalayong lupain,
purihin ninyo si Yahweh at parangalan.
13 Siya ay lalabas, parang mandirigma na handang lumaban,
siya ay sisigaw bilang hudyat ng pagsalakay,
at ang kapangyarihan niya'y ipapakita sa mga kaaway.
Tutulungan ng Diyos ang Kanyang Bayan
14 Sinabi ng Diyos,
“Mahabang panahon na ako'y nanahimik;
ngayo'y dumating na ang oras para ako ay kumilos.
Parang manganganak,
ako ay sisigaw sa tindi ng kirot.
15 Ang mga bundok at burol ay aking gigibain,
malalanta ang mga damo at ang iba pang mga halaman;
ang mga ilog at lawa ay matutuyo,
at magiging disyerto.[a]
16 Aakayin ko ang mga bulag,
sa mga daang hindi nila nakikita.
Gagawing liwanag ang kadiliman sa harapan nila,
at papatagin ko ang mga daang baku-bako.
Ang lahat ng ito'y aking gagawin alang-alang sa kanila.
17 Mabibigo at mapapahiya ang lahat ng kumikilala
at nagtitiwala sa mga diyus-diyosan.”
Hindi na Natuto ang Israel
18 Sinabi ni Yahweh,
“Kayong mga bingi, ngayon ay makinig!
At kayong mga bulag naman ay magmasid!
19 Mayroon bang mas bulag pa kaysa sa aking lingkod,
o mas bingi pa sa aking isinugo?
20 Israel, napakarami mo nang nakita ngunit walang halaga sa iyo.
Mayroon kang tainga ngunit ano ang iyong napakinggan?”
21 Isang Diyos na handang magligtas itong si Yahweh,
kaya ibinandila niya ang kanyang kautusan at mga tuntunin
upang sundin ng kanyang bayan.
22 Ngunit ngayong sila'y pinagnakawan,
ikinulong sa bilangguan, at inalipin,
sa nangyaring ito'y wala man lang nagtanggol,
o kaya'y dumamay.
23 Wala pa bang makikinig sa inyo?
Hindi pa ba kayo natututo para makinig na mabuti?
24 Sino ang nagpahintulot na manakawan ang Israel?
Hindi ba si Yahweh na ating sinuway?
Hindi natin siya sinunod
sa halip, nilabag natin ang kanyang mga utos.
25 Kaya ipinadama niya sa Israel ang kanyang galit,
at ipinalasap ang lupit ng digmaan.
Ang galit niya'y nag-aalab laban sa Israel,
halos matupok na tayo,
ngunit hindi pa rin tayo natuto.
Ililigtas ng Diyos ang Kanyang Bayan
43 Israel, ito ang sinasabi ni Yahweh na lumikha sa iyo,
“Huwag kang matatakot sapagkat ililigtas kita.
Tinawag kita sa iyong pangalan, ikaw ay akin.
2 Kapag dumaan ka sa malalim na tubig, sasamahan kita;
tumawid ka man sa mga ilog, hindi ka malulunod;
dumaan ka man sa apoy, hindi ka masusunog,
hindi ka matutupok.
3 Sapagkat ako si Yahweh na iyong Diyos,
ang Banal na Diyos ng Israel na iyong Tagapagligtas.
Ibibigay ko ang Egipto,
Etiopia[b] at Sheba bilang pantubos sa iyo upang ikaw ay makalaya.
4 Ibibigay ko ang mga bansa para lang maligtas ka,
sapagkat mahalaga ka sa akin;
mahal kita, kaya't pararangalan kita.
5 Huwag kang matakot, sapagkat ako'y kasama mo!
Titipunin ko kayo mula sa dulong silangan hanggang sa kanluran,
at ibabalik ko kayo sa inyong dating tahanan.
6 Sasabihin ko sa mga bansa sa hilaga na kayo'y palayain.
Sasabihin ko rin sa mga bansa sa timog na huwag kayong pigilan,
hayaan ninyong magbalik ang aking bayan, mula sa malalayong dako;
mula sa lahat ng panig ng daigdig.
7 Sila ang aking bayan na aking nilalang,
upang ako'y bigyan ng karangalan.”
Saksi ni Yahweh ang Israel
8 Sinabi ni Yahweh,
“Paharapin ninyo sa akin ang aking bayan.
Sila'y may mga mata ngunit hindi nakakakita,
may mga tainga ngunit hindi nakakarinig.
9 Tawagin ang mga bansa sa panahon ng paglilitis.
Sino sa kanilang diyos ang makakahula sa mangyayari?
Sino sa kanila ang nakahula sa nangyayari ngayon?
Bayaan silang magharap ng mga saksi
para patunayan ang kanilang sinasabi
at patunayang sila ay tama.
10 Bayang Israel, ikaw ang saksi ko,
pinili kita upang maging lingkod ko,
upang makilala mo ako at manalig ka sa akin.
Walang ibang Diyos maliban sa akin,
walang nauna at wala ring papalit.
11 Ako ay si Yahweh, wala nang iba pa;
walang ibang Tagapagligtas, maliban sa akin.
12 Noong una pa man ako'y nagpahayag na.
Ako ang nagligtas sa iyo, at ang nagbalita ng lahat ng ito.
Noon ay wala pa kayong kinikilalang ibang diyos;
kayo ang mga saksi ko.
13 Ako ang Diyos at mananatili akong Diyos magpakailanman,
walang makakatakas sa aking kapangyarihan;
at walang makakahadlang sa aking ginagawa.”
Paglaya Mula sa Babilonia
14 Sinabi pa ni Yahweh,
ang Tagapagligtas, at Banal na Diyos ng Israel:
“Magpapadala ako ng hukbo laban sa Babilonia alang-alang sa iyo.
Gigibain ko ang mga pintuan ng kanyang lunsod
at mauuwi lamang sa iyakan ang kasayahan ng mga tagaroon.
15 Ako si Yahweh, ang iyong Diyos na Banal,
ang Hari ng Israel na sa iyo'y lumalang!
16 Iyan ang sinasabi ni Yahweh, na siyang gumawa ng daan sa gitna ng dagat,
upang maging kalsadang tawiran.
17 Siya ang nanguna upang malupig ang isang malaking hukbo.
Nilipol niya ang kanilang mga kabayo.
At ang kanilang mga karwahe'y winasak;
sila'y nabuwal at hindi na nakabangon;
parang isang ilaw na namatay ang dingas.”
18 Ito ang sabi niya:
“Ilibing mo na sa limot, at huwag nang alalahanin pa,
ang mga nangyari noong unang panahon.
19 Masdan mo, ako ay gagawa ng isang bagong bagay;
ito'y nagaganap na, hindi mo pa ba makita?
Gagawa ako ng isang daanan sa gitna ng disyerto,
at magkakaroon ng ilog sa lugar na ito.
20 Pararangalan ako maging ng mababangis na hayop
gaya ng mga asong-gubat at mga ostrits,
sapagkat nagpabukal ako ng tubig sa disyerto,
upang may mainom ang mga taong hinirang ko.
21 Nilalang ko sila upang maging aking bayan,
upang ako'y kanilang laging papurihan!”
Ang Kasalanan ng Israel
22 Sinabi ni Yahweh,
“Ngunit ikaw, Israel, ang lumimot sa akin;
at ayaw mo na akong sambahin.
23 Hindi ka na nagdadala ng mga tupang sinusunog bilang handog;
hindi mo na ako pinaparangalan sa pamamagitan ng iyong mga hain.
Hindi kita pinilit na maghandog sa akin,
o pinahirapan man sa pagsusunog ng insenso.
24 Hindi mo ako ibinili ng mabangong insenso
o kaya'y hinandugan man lang ng taba ng hayop.
Sa halip ay gumawa ka ng maraming kasalanan,
pinahirapan mo ako sa iyong kasamaan.
25 “Gayunman, ako ang Diyos
na nagpatawad sa iyong mga kasalanan;
hindi ko na aalalahanin pa ang iyong mga kasalanan.
26 Magharap tayo sa hukuman,
patunayan mong ikaw ay may katuwiran.
27 Nagkasala sa akin ang kauna-unahan mong ninuno,
gayon din ang iyong mga pinuno.
28 Ang aking santuwaryo ay nilapastangan ng iyong mga pinuno,[c]
kaya pinabayaan kong mawasak ang Israel,
at mapahiya ang aking bayan.”
Si Yahweh Lamang ang Diyos
44 Sinabi ni Yahweh,
“Ikaw Jacob, na lingkod ko, ako ay pakinggan;
lahi ni Israel, ang pinili kong bayan!
2 Akong si Yahweh ang sa iyo ay lumalang;
tinulungan na kita mula nang ikaw ay isilang.
Huwag kang matakot, ikaw na aking lingkod,
ang bayan kong minamahal.
3 Aking ibubuhos ang saganang tubig sa uhaw na lupa,
sa tuyong lupa maraming batis ang padadaluyin.
Ibubuhos ko sa iyong mga anak ang aking Espiritu,
at ang mga liping susunod sa iyo ay pagpapalain.
4 Sila ay sisibol tulad ng damong sagana sa tubig,
sila'y dadaloy tulad ng halaman sa tabi ng batis.
5 Bawat isa'y magsasabing, ‘Ako ay kay Yahweh.’
Sila ay darating upang makiisa sa Israel.
Itatatak nila sa kanilang mga bisig ang pangalan ni Yahweh,
at sasabihing sila'y kabilang sa bayan ng Diyos.”
6 Ang(E) sabi ni Yahweh, ang Hari at Tagapagligtas ng Israel,
ang Makapangyarihan sa lahat:
“Ako ang simula at ang wakas;
walang ibang diyos maliban sa akin.
7 Sino ang makakagawa ng mga ginawa ko?
Sino ang makakapagsabi sa mga nangyari mula simula hanggang wakas?
8 Huwag kayong matakot, bayan ko!
Alam mong sa pasimula pa'y ipinahayag ko na ang mga mangyayari;
kayo'y mga saksi sa lahat ng ito.
Mayroon pa bang diyos maliban sa akin?
Wala nang hihigit pa sa aking kapangyarihan!”
Hinamak ang Pagsamba sa Diyus-diyosan
9 Walang kuwentang tao ang mga gumagawa ng rebulto, at walang kabuluhan ang mga diyus-diyosang kanilang pinahahalagahan. Mga bulag at hangal ang sumasamba sa mga ito, kaya sila'y mapapahiya. 10 Walang idudulot na mabuti ang paggawa ng mga rebulto para sambahin. 11 Tandaan ninyo, ang sumasamba sa mga ito ay mapapahiya lamang. Ang mga gumagawa nito'y tao lamang, kaya't magsama-sama man sila at ako'y harapin, sila'y matatakot at mapapahiya rin.
12 Ang panday ay kumukuha ng isang pirasong bakal at inilalagay ito sa apoy. Pagkatapos ay pinupukpok niya ito sa pamamagitan ng kanyang malakas na bisig hanggang sa magkahugis. Sa paggawa nito, siya ay nauuhaw, nagugutom at napapagod.
13 Ang karpintero naman ay kumukuha ng isang pirasong kahoy. Ginuguhitan niya ito ng anyong tao, saka inuukit hanggang sa mayari ang isang magandang imahen. Pagkatapos, ilalagay niya ito sa kanyang bahay. 14 Pumipili siya at pumuputol ng isang matigas na kahoy sa gubat tulad ng sedar, ensina at sipres. Maaari din siyang magtanim ng laurel at ito ay hintaying lumaki habang dinidilig ng ulan. 15 Ang(F) kaputol na kahoy nito ay ginagawang panggatong at ang kaputol naman ay ginagawang diyus-diyosan. Ang isang piraso ay iginagatong para magbigay ng init sa kanya at para igatong sa pagluluto. Ang isang piraso ay ginagawang rebulto para sambahin. 16 Ang ibang piraso ng kahoy ay ginagawang panggatong. Dito siya nag-iihaw ng karne at nasisiyahan siyang kumain nito. Kung nadarama niya ang init ng apoy ay nasasabi niya ang ganito: “Salamat at hindi na ako giniginaw!” 17 Ang natirang kahoy ay ginagawa nga niyang diyos na kanyang niluluhuran at sinasamba. Dumadalangin siya sa rebulto, “Iligtas mo ako sapagkat ikaw ang aking diyos!”
18 Ang mga taong gayon ay mga mangmang at hindi inuunawa ang kanilang ginagawa. Tinakpan nila ang kanilang mga mata at sinarhan ang isipan sa katotohanan. 19 Hindi na nila naisip na ang kaputol ng ginawa nilang rebulto ay ginamit na panggatong sa pagluluto ng tinapay at karneng kanilang kinain. Hindi man lamang nila itinanong sa kanilang sarili kung hindi kaya karumal-dumal ang sumamba sa isang pirasong kahoy.
20 Ang mga gumagawa nito'y parang kumakain ng abo.[d] Lubusan na siyang nailigaw ng kanyang maling paniniwala at mahirap nang ituwid. At hindi siya papayag na ang rebultong hawak niya ay hindi mga diyos.
Si Yahweh, ang Manlilikha at Tagapagligtas
21 Sinabi ni Yahweh,
“Tandaan mo Israel, ikaw ay aking lingkod.
Nilalang kita upang maglingkod sa akin.
Hindi kita kakalimutan.
22 Ang pagkakasala mo'y pinawi ko na, naglahong ulap ang katulad;
Ika'y manumbalik dahil tinubos na kita at pinalaya.
23 Magdiwang kayo, kalangitan!
Gayundin kayo, kalaliman ng lupa!
Umawit kayo, mga bundok at kagubatan,
sapagkat nahayag ang karangalan ni Yahweh
nang iligtas niya ang bansang Israel.
24 “Akong si Yahweh, na iyong Tagapagligtas, ang lumikha sa iyo:
Ako ang lumikha ng lahat ng bagay.
Ako lamang mag-isa ang nagladlad nitong kalangitan,
at nag-iisa ring lumikha ng sanlibutan.
25 Aking(G) binibigo ang mga sinungaling na propeta
at ang mga manghuhula;
ang mga marurunong ay ginagawang mangmang,
at ang dunong nila'y ginawang kahangalan.
26 Ngunit ang pahayag ng mga lingkod ko'y pawang nagaganap,
at ang mga payo ng aking mga sugo ay natutupad;
ako ang maysabing darami ang tao sa Jerusalem,
muling itatayo ang mga gumuhong lunsod sa Juda.
27 Isang utos ko lamang, natutuyo ang karagatan.
28 Ang(H) sabi ko kay Ciro, ‘Ikaw ang gagawin kong tagapamahala.
Susundin mo ang lahat ng ipapagawa ko sa iyo.
Ang Jerusalem ay muli mong ipatatayo,
gayundin ang mga pundasyon ng Templo.’”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.