Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Beginning

Read the Bible from start to finish, from Genesis to Revelation.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Ezekiel 9-12

Ang Pagpuksa sa Masasama

Sumigaw si Yahweh, “Halikayo, mga itinalaga upang magpahirap sa lunsod. Dalhin ninyo ang inyong mga sandata.” Mula sa pintuan sa hilaga ay pumasok ang anim na taong tigi-tig-isa ng sandata. May kasama silang nakasuot ng kayong lino at may panulat sa baywang. Tumayo sila sa may altar na tanso.

Noon, ang kaluwalhatian ni Yahweh na nasa pagitan ng mga kerubin ay tumaas papunta sa pasukan ng Templo. Tinawag niya ang lalaking nakadamit ng telang lino at may panulat sa baywang. Sinabi(A) niya rito, “Libutin mo ang lunsod ng Jerusalem at lagyan mo ng tatak sa noo ang lahat ng nagdalamhati dahil sa mga kasuklam-suklam na ginawa roon.” Sa iba naman ay narinig kong sinabi niya, “Sumunod kayo sa kanya at patayin ninyo ang mga tagaroon. Huwag kayong magtitira maliban sa mga may tanda sa noo. Patayin ninyong lahat ang mga tagaroon: matanda, binata, dalaga, babae at bata. Umpisahan ninyo sa santuwaryo.” Inuna nga nilang patayin ang matatandang pinuno ng bayan sa harap ng bahay. Sinabi niya sa kanila, “Parumihin ninyo ang Templo at punuin ninyo ng bangkay ang patyo. Sige, umpisahan n'yo na!” Lumakad nga sila at pumatay nang pumatay sa lunsod. Ako'y naiwang mag-isa.

Habang pumapatay sila, nagpatirapa ako at nanangis. Sinabi ko, “Panginoong Yahweh, aking Diyos, dahil ba sa galit mo sa Jerusalem ay uubusin mo ang nalalabing Israelita?”

Sinabi niya sa akin, “Napakalaki ng pagkakasala ng Israel at ng Juda. Dumadanak ang dugo sa lupain. Nawawala ang katarungan. Sinasabi pa nilang hindi ko sila makikita sapagkat umalis na ako sa lupain. 10 Kaya, pagbabayarin ko sila sa ginagawa nila. Wala akong patatawarin ni isa man sa kanila.”

11 At bumalik ang lalaking nakasuot ng telang lino, at sinabi kay Yahweh, “Nagawa ko na po ang ipinagagawa ninyo sa akin.”

Umalis sa Templo ang Kaluwalhatian ni Yahweh

10 Tumingin(B) ako sa ulunan ng mga kerubin at may nakita akong parang trono na waring yari sa safiro. Sinabi(C) ni Yahweh sa lalaking nakasuot ng telang lino, “Pumunta ka sa gitna ng mga gulong na umiikot sa ibaba ng kerubin. Dumakot ka ng baga at isabog mo sa buong lunsod.”

Gayon nga ang ginawa ng lalaking nabanggit. Noon, ang mga kerubin ay nasa gawing timog ng Templo. Pagpasok ng lalaki sa patyo sa loob, ito'y napuno ng makapal na ulap. Ang kaluwalhatian ni Yahweh ay umalis sa may kerubin at lumipat sa may pagpasok ng Templo. Napuno rin ito ng ulap at ang buong patyo'y nagliwanag sa kaluwalhatian ni Yahweh. Ang pagaspas ng pakpak ng mga kerubin ay dinig hanggang sa patyo sa labas, wari'y ugong ng tinig ng Makapangyarihang Diyos.

Nang sabihin nga niya sa lalaking nakadamit ng lino na siya'y kumuha ng baga sa gitna ng mga gulong sa ibaba ng mga kerubin, pumunta ito at tumayo sa tabi ng isang gulong. Ang isa sa mga kerubin ay dumakot ng baga na nasa kanilang kalagitnaan at ibinigay sa lalaki; at ito'y umalis. Ang mga kerubin ay may mga tila kamay nga ng tao sa ilalim ng kanilang mga pakpak.

Nang(D) ako'y tumingin, nakita kong may isang gulong sa tabi ng bawat kerubin. Ang mga gulong ay kumikislap, tulad ng topaz. 10 Magkakamukha ang mga ito at parang iisa. 11 Sila'y nakababaling kahit saan, hindi na kailangang pumihit. Saanman gumawi ang nasa unahan, sumusunod ang iba nang hindi na pumipihit. 12 Ang(E) kanilang katawan, likod, kamay, pakpak, pati mga gulong ay puno ng mata. Ang mga kerubin ay tig-iisang gulong, 13 at ang tawag sa kanila ay “Mga Umiikot na Gulong.” 14 Bawat(F) kerubin ay tig-aapat ang mukha: kerubin, tao, leon, at agila.

15 Ang mga kerubin ay tumayo. Ito rin ang mga nilalang na buháy na nakita ko sa may Ilog Kebar. 16 Paglakad ng mga ito, lumalakad din ang mga gulong; pagtaas ng mga ito, tumataas din ang mga gulong. 17 Pagtigil nila, tumitigil din ang mga gulong. Pagtaas noong isa, sunod ang ikalawa pagkat iisa ang nagpapagalaw sa mga nilalang na buháy at sa mga gulong.

18 Ang kaluwalhatian ni Yahweh ay umalis sa may pagpasok ng Templo at nagpunta sa may ulunan ng kerubin. 19 Lumipad ang mga kerubin kasama ang mga gulong, at tumigil sa may pintuan ng Templo sa gawing silangan. Nasa ulunan pa rin nila ang kaluwalhatian ng Diyos ng Israel.

20 Ang mga ito ay siya ring apat na nilalang na nakita ko sa may Ilog Kebar at nalaman kong sila'y mga kerubin. 21 Sila'y tig-aapat ang mukha at tig-aapat din ang pakpak at may mga tila kamay sa ilalim ng kanilang mga pakpak. 22 Ang mukha nila'y tulad din nang nakita ko sila sa may Ilog Kebar. Kung saan gumawi ang isa ay doon din ang iba.

Pinatay ang Masasamang Pinuno

11 Pagkatapos, dinala ako ng Espiritu sa pintuan ng Templo sa gawing silangan. May dalawampu't limang tao roon, kasama si Jaazanias na anak ni Azur, at si Pelatia na anak ni Benaias; sila'y mga pinuno ng bayan. Sinabi sa akin ni Yahweh, “Ezekiel, anak ng tao, sila ang nagpupunla ng masamang kaisipan sa lunsod na ito. Sinasabi nila sa mga tao na hindi na dapat magtayo muli ng mga bahay sapagkat ang siyudad na ito ang matibay na tanggulan. Kaya, magpahayag ka laban sa kanila.”

Nilukuban ako ng Espiritu[a] ni Yahweh at sinabi sa akin, “Sabihin mong ipinapasabi ni Yahweh: Mga Israelita, hindi lingid sa akin ang inyong mga pinagsasabi. Alam ko ang binabalak ninyo. Patuloy ang patayan ninyo sa lunsod na ito at nagkalat ang bangkay sa mga lansangan. Kaya, ito ang sinasabi ko: Ang lunsod ay natulad sa kaldero at ang karne ay ang mga bangkay. Hindi kayo dapat manatili rito. Takot kayo sa tabak kaya ipasasalakay ko kayo sa mga taong bihasa sa paggamit ng tabak. Iaalis ko kayo sa lunsod na ito at ipapabihag sa mga taga-ibang bayan bilang parusa. 10 Mamamatay kayo sa tabak sa may hangganan ng Israel. Sa gayon, makikilala ninyong ako si Yahweh. 11 Kailanma'y hindi ninyo magiging tanggulan ang Jerusalem at hindi kayo magiging ligtas sa loob nito. Paparusahan ko kayo kahit saan kayo magpunta. 12 Ipapakilala ko sa inyo kung sino ako sapagkat hindi kayo lumakad ayon sa aking mga tuntunin at hindi ninyo sinunod ang aking mga utos. Sa halip, namuhay kayo ayon sa tuntunin ng mga bansang nakapaligid sa inyo.”

13 Nang kasalukuyan akong nagpapahayag, patay na bumagsak si Pelatia. Dahil dito'y tumatangis akong nagpatirapa. Itinanong ko, “Panginoong Yahweh, uubusin mo rin ba ang natitira pang Israelita?”

Muling Titipunin ang mga Natirang Israelita

14 Sinabi sa akin ni Yahweh, 15 “Ezekiel, anak ng tao, ang mga kapatid mo at mga dinalang-bihag tulad mo, ang buong sambahayan ni Israel, ay pinagsabihan ng mga nakatira ngayon sa Jerusalem ng, ‘Lumayo kayo kay Yahweh, ang lupaing ito'y ibinigay na sa amin.’ 16 Kaya, ganito ang sabihin mo sa kanila: ‘Pinangalat ko sila sa iba't ibang dako kaya maaari nila akong sambahing pansamantala saanman sila napatapon.’ 17 Sabihin mo na muli ko silang titipunin mula sa mga bansang kinatapunan nila at ibibigay kong muli sa kanila ang lupain. 18 At pagbalik nila roon, aalisin nila ang mga kasuklam-suklam na mga bagay roon. 19 Bibigyan(G) ko sila ng bagong puso at bagong espiritu. Ang masuwayin nilang puso ay papalitan ko ng pusong masunurin 20 upang lumakad sila ayon sa aking mga tuntunin at sumunod sa aking mga utos. Sa gayon, magiging bayan ko sila at ako ang kanilang magiging Diyos. 21 Ngunit pagbabayarin ko ang mga gumawa ng karumal-dumal at kasuklam-suklam na bagay.” Ito ang sabi ng Panginoong Yahweh.

Inalis ng Panginoong Yahweh ang Kanyang Kaluwalhatian sa Jerusalem

22 Pumaitaas(H) ang mga kerubin, kasama ang mga gulong, at ang kaluwalhatian ng Diyos ng Israel ay nasa itaas nila. 23 Ang kaluwalhatian ni Yahweh ay umalis sa lunsod at nagpunta sa ibabaw ng bundok sa gawing silangan. 24 Inilipad ako ng Espiritu[b] at sa pamamagitan ng pangitain ay dinala ako sa Babilonia, sa lugar ng mga dinalang-bihag. Doon natapos ang pangitain. 25 At sinabi ko sa mga dinalang-bihag ang lahat ng ipinakita sa akin ni Yahweh sa pamamagitan ng pangitain.

Inilarawan ni Ezekiel ang Paglaya ng Israel

12 Sinabi sa akin ni Yahweh, “Ezekiel,(I) anak ng tao, nasa gitna ka ng isang mapaghimagsik na bayan. May mga mata sila ngunit hindi nakakakita; may mga tainga ngunit hindi naman nakakarinig sapagkat sila'y mapaghimagsik. Kaya nga, magbalot ka ng kailangan mo sa paglalakbay bilang isang bihag. Bago dumating ang gabi, maglalakad ka sa lansangan nang nakikita nila at baka sakaling makaunawa sila sa kabila ng pagiging mapaghimagsik na lahi. Samantalang maliwanag pa, maghanda ka ng iyong dala-dalahan nang nakikita nila at kinagabihan ay maglalakad kang parang manlalakbay. Pagkatapos, bumutas ka sa pader at doon ka magdaan. Pasanin mo ang iyong dala-dalahan at lumakad kang nakikita nila. Magtakip ka ng mukha para hindi mo makita ang lupain pag-alis mo pagkat ikaw ang gagawin kong pinakababala sa mga Israelita.”

At ginawa ko ang lahat ayon sa utos sa akin. Nang araw na iyon, naghanda ako ng aking madadala bilang isang takas. Kinagabihan, sa pamamagitan lamang ng aking mga kamay, bumutas ako sa pader at nagpatuloy sa paglalakbay na nakikita nila habang pasan ko ang aking mga dala-dalahan.

Kinaumagahan, sinabi sa akin ni Yahweh, “Ezekiel, anak ng tao, hindi ba't itinanong sa iyo ng mapaghimagsik na mga Israelitang yaon kung ano ang iyong ginagawa? 10 Sabihin mo sa kanila na ipinapasabi ko: ‘Ang pahayag na ito ay para sa pinuno ng Jerusalem at sa buong Israel. 11 Sabihin mong ang ginawa mo ay pinakababala sa gagawin sa kanila: Itatapon sila, at ipapabihag.’ 12 Pagdilim, papasanin ng pinuno ng Jerusalem ang kanyang dala-dalahan at tatakas sa pamamagitan ng butas sa pader. Magtatakip siya ng kanyang mukha para hindi niya makita ang lupaing iiwan niya. 13 Ngunit(J) susukluban ko siya ng lambat. Huhulihin ko siya at dadalhin sa Babilonia kung saan doon siya mamamatay nang hindi ito nakikita. 14 Ang mga nasasakupan niya ay pangangalatin ko sa lahat ng dako, ang kanyang mga lingkod at buong hukbo. Ang mga ito'y uusigin ko sa pamamagitan ng tabak. 15 At kung mapangalat ko na sila sa iba't ibang lugar, makikilala nilang ako si Yahweh. 16 Ngunit may ilan akong ititira sa kanila para saanman sila mapunta ay maikuwento nila ang kasuklam-suklam nilang gawain. Sa gayon, makikilala nilang ako si Yahweh.”

Ang Palatandaan ng Panginginig ng Propeta

17 Sinabi sa akin ni Yahweh, 18 “Ezekiel, anak ng tao, manginig ka sa takot habang kumakain at umiinom. 19 Sabihin mo sa kanila, ‘Ipinapasabi ng Panginoong Yahweh sa mga Israelita, Kakain kayo at iinom nang nanginginig sa takot. Ang lunsod ay paghaharian ng lagim sapagkat magaganap ang karahasan sa kabi-kabila. 20 Ang mga lunsod ay mawawalan ng tao, at magiging pook ng lagim ang lupain. Sa gayon, makikilala nilang ako si Yahweh.’”

Ang mga Palasak na Kasabihan

21 Sinabi sa akin ni Yahweh, 22 “Ezekiel, anak ng tao, laganap ngayon sa buong Israel ang kasabihang, ‘Humahaba ang mga araw ngunit isa man sa mga hula'y walang katuparang natatanaw.’ 23 Sabihin mo sa kanilang mawawala na ang kasabihang iyan, hindi na ito maririnig sa Israel. Sabihin mo ring malapit nang matupad ang lahat ng inihayag sa kanila. 24 Mula ngayo'y mawawala na ang maling pagpapahayag sa sambayanang Israel. 25 Akong si Yahweh ang magsasabi ng dapat sabihin. Hindi na magtatagal, mga Israelitang mapaghimagsik, at mangyayari sa inyong kapanahunan ang lahat ng aking sasabihin.”

26 Sinabi pa sa akin ni Yahweh, 27 “Ezekiel, anak ng tao, sinasabi ng mga Israelita na ang nakikita mong mga pangitain ay hindi magkakatotoo kung ngayon lamang. Magtatagal pa raw bago mangyari ang inihahayag mo ngayon. 28 Kaya, sabihin mo sa kanilang ipinapasabi ko: ‘Isa man sa mga sinabi ko'y hindi maaantala. Hindi na magtatagal at magaganap ang lahat ng ito.’”

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.