Beginning
Ang Pahayag Laban sa Hari ng Tiro
28 Sinabi sa akin ni Yahweh: 2 “Ezekiel, anak ng tao, sabihin mo sa pinuno ng Tiro na ito ang ipinapasabi ko sa kanila: Sa iyong kapalaluan ay sinabi mong isa kang diyos. Nakaluklok kang parang diyos sa gitna ng karagatan bagama't ang totoo'y hindi ka diyos kundi tao lamang. Pinipilit mong abutin ang isipan ng isang diyos. 3 Akala mo'y matalino ka pa kay Daniel. Akala mo'y alam mo ang lahat ng bagay kahit pa anong lihim. 4 Sa dunong mo't kaalaman ay nagkamal ka at nakapagbunton ng pilak at ginto. 5 Sa iyo ngang nalalaman sa larangan ng kalakal, patuloy na lumaki ang iyong kayamanan. Dahil dito, naging palalo ka. 6 Kaya naman ito ang ipinapasabi ng Diyos na si Yahweh: Pagkat pilit mong ipinapantay sa Diyos ang sarili, 7 ipapalusob kita sa pinakamalupit na kaaway sa daigdig. Wawasakin nila ang lahat ng ari-arian mo na pawang kinamtan sa tusong pamamaraan. 8 Ihuhulog ka niya sa walang hanggang kalaliman, papatayin at ihahagis sa pusod ng dagat. 9 Sa harap kaya ng mga papatay sa iyo ay masabi mo pang ikaw ay diyos? Doon mo malalamang ikaw pala ay tao lang at may kamatayan. 10 Parang aso kang papatayin ng mga dayuhan. Akong si Yahweh ang maysabi nito.”
Ang Pagbagsak ng Hari ng Tiro
11 Sinabi sa akin ni Yahweh: 12 “Ezekiel, anak ng tao, tangisan mo ang sasapitin ng hari ng Tiro. Sabihin mong ito ang ipinapasabi ko: Ikaw ay larawan ng kasakdalan. Puspos ng kaalaman. Ang ganda mo'y walang kapintasan. 13 Tulad mo'y nasa paraiso ng Diyos, sa hardin ng Eden. Nababalot ka ng iba't ibang uri ng batong mamahalin: sardiyo, topaz at diyamanteng nagniningning; berilo, onise at jasper na walang kahambing; safiro, esmeralda at karbungko. Ginto ang iyong enggasto. At ang pagkaukit dito ay inihanda noong una pa, nang isilang ka sa mundo. 14 Kerubin ang itinalaga kong magbabantay sa iyo. Nasa ituktok ka ng aking banal na bundok. Ang nilalakaran mo'y mga batong kumikinang. 15 Wala kang kapintasan mula pa nang isilang hanggang sa maisipan mong mamuhay sa kasamaan. 16 Nang lumakas ang kalakal mo, natuto kang sumuway at namuhay sa kasalanan. Kaya, ipinagtabuyan ka mula sa aking banal na bundok. Pinalayas ka ng kerubin sa kinatatayuan mong mga batong kumikinang. 17 Naging palalo ka dahil sa iyong kagandahan. Ginamit mo sa kasamaan ang iyong karunungan para mapatatag ang iyong katayuan. Kaya ibinagsak kita sa lupa upang maging babala sa ibang mga bansa. 18 Dahil sa masamang pamamaraan ng iyong pangangalakal, nasalaula ang Templo at nadumihan. Kaya ipinatupok kita sa apoy. Nilamon ka nga nito at nakita ng lahat na ikaw ay naging abo. 19 Katapusan mo na. Mawawala ka na nang lubusan. Lahat ng bansang nakakakilala sa iyo ay takot na takot na matulad sila sa iyong sinapit.”
Ang Pahayag Laban sa Sidon
20 Sinabi(A) sa akin ni Yahweh, 21 “Ezekiel, anak ng tao, humarap ka sa Sidon at magpahayag laban sa kanya. 22 Sabihin mong ito ang ipinapasabi ko: Sidon, ako ay kaaway mo. Pupurihin ako ng mga tao dahil sa gagawin ko sa iyo. Pagkatapos kong parusahan ang lahat ng naninirahan sa iyo, makikilala nilang ako si Yahweh at ipapakita ko na ako ay banal. 23 Padadalhan kita ng mga sakit. Ang mga lansangan mo ay matitigmak ng dugo. Sa kabi-kabila, patay ang makikita dahil sa pagkumpay ng tabak nang walang pakundangan at makikilala ninyong ako si Yahweh.”
Pagpapalain ang Israel
24 Sinabi ni Yahweh, “Alinman sa mga bansang humahamak noon sa Israel ay hindi na magiging tinik na magpapahirap sa kanya. Kung magkagayon, makikilala nilang ako si Yahweh.”
25 Ipinapasabi pa ng Panginoong Yahweh: “Kapag natipon ko nang muli ang Israel mula sa iba't ibang panig ng daigdig, malalaman ng lahat ng bansa na ako ay banal. Sila'y maninirahan na sa kanilang tunay na lupain, sa lupaing itinalaga ko sa aking lingkod na si Jacob. 26 Doon, magtatayo sila ng kanilang tahanan at magtatanim ng mga halaman. Payapa silang makakapanirahan doon matapos kong parusahan ang mga karatig-bansa na humamak sa kanila. Sa gayon, makikilala nilang ako si Yahweh.”
Ang Pahayag Laban sa Egipto
29 Noong(B) ikalabindalawang araw ng ikasampung buwan ng ikasampung taon ng aming pagkakabihag, sinabi sa akin ni Yahweh, 2 “Ezekiel, anak ng tao, harapin mo ang hari ng Egipto. Magpahayag ka laban sa kanya at sa buong Egipto. 3 Sabihin mong ito ang ipinapasabi ko: Ako'y laban sa iyo, hari ng Egipto. Ikaw na malaking buwayang nagbabad sa tubig. Ikaw na nagsasabing ang Ilog Nilo ay iyo pagkat ikaw ang gumawa nito. 4 Kakawitin ko ang panga mo. Kakapit sa kaliskis mo ang mga isdang kasama mo, at iaahon kita sa tubig, kasama ang mga isdang nakakabit sa iyo. 5 Ihahagis kita sa ilang, pati ang mga isdang kasama mo sa batis. Ihahagis ko nga kayo sa gitna ng bukid. At hindi kayo titipunin, ni ililibing. Hahayaan kitang kainin ng mga hayop sa parang at ibon sa himpapawid.
6 “Sa(C) gayon, makikilala ng lahat ng Egipcio na ako si Yahweh. Mas mabuti pa ang tambo kaysa tulong na ginawa mo sa Israel. 7 Nabali ito nang kanyang hawakan, at tuluyan siyang napilay. Ikaw ay bumagsak nang sumandal sa iyo ang Israel kaya nabali ang balakang nito. 8 Kaya padadalhan kita ng tabak upang puksain ang mga mamamayan mo't mga hayop. 9 Ang buong Egipto ay matitiwangwang at mawawalan ng kabuluhan. Sa gayon makikilala ninyong ako si Yahweh.
“Sinabi mong iyo ang Ilog Nilo sapagkat ikaw ang gumawa niyon. 10 Dahil diyan, laban ako sa iyo at sa iyong Ilog Nilo. Ititiwangwang ko ang buong Egipto at gagawin kong walang kabuluhan, mula sa Migdal hanggang Sevene at sa mga hangganan sa Etiopia.[a] 11 Sa loob ng apatnapung taon, walang tao o hayop na tutuntong dito ni titira. 12 Gagawin ko itong pinakamapanglaw sa lahat ng lupain at ang mga lunsod ay apatnapung taon kong pananatilihing isang lugar na pinabayaan. Ang mga Egipcio'y pangangalatin ko sa iba't ibang bansa.”
13 Ipinapasabi ni Yahweh: “Pagkaraan ng apatnapung taon, titipunin ko ang mga Egipcio mula sa lugar na pinagtapunan ko sa kanila. 14 Ibabalik ko sa kanila ang dati nilang kabuhayan, pati ang dati nilang lupain sa katimugan. Doon, sila'y magiging isang mahinang kaharian. 15 Siya'y magiging pinakamahina sa lahat ng kaharian, at kailanma'y hindi siya makahihigit sa iba, pagkat pananatilihin ko silang kakaunti. 16 Hindi na muling aasa sa kanya ang Israel sapagkat maaalala niya na masama ang ginawa niyang paghingi ng tulong sa Egipto. Sa gayon, makikilala nilang ako si Yahweh.”
Masasakop ang Egipto
17 Noong unang araw ng unang buwan ng ikadalawampu't pitong taon ng aming pagkakabihag, sinabi ni Yahweh sa akin: 18 “Ezekiel, anak ng tao, ang mga kawal-Babilonia ay pinahirapang mabuti ng hari nilang si Nebucadnezar laban sa Tiro. Nakalbo na silang lahat sa kabubuhat sa ulo ng mga kagamitan at nagkalyo ang kanilang mga balikat sa kapapasan ngunit wala ring napala. 19 Kaya, ipapasakop ko sa kanya ang Egipto upang samsamin ang kayamanan nito bilang sweldo ng kanyang mga kawal. 20 Ibibigay ko sa kanya ang Egipto bilang kabayaran ng kanyang pagod sa paglilingkod niya sa akin. 21 Kapag nangyari na ang mga ito, palalakasin ko ang Israel, at ikaw, Ezekiel, ang gagawin kong tagapagsalita. Papakinggan ka ng lahat at sa gayon, makikilala nilang ako si Yahweh.”
Ang Magiging Wakas ng Egipto
30 Sinabi sa akin ni Yahweh, 2 “Ezekiel, anak ng tao, magpahayag ka. Sabihin mo sa kanilang ito ang ipinapasabi ko:
Matinding kapighatian sa araw na iyon ang darating,
3 sapagkat malapit na ang araw, ang araw ni Yahweh.
Magdidilim ang ulap sa araw na iyon, araw ng paghuhukom sa lahat ng bansa.
4 Sisiklab ang digmaan sa Egipto.
Maghahari sa Etiopia[b] ang matinding dalamhati
kapag namatay na sa Egipto ang maraming tao,
sasamsamin ang kayamanan ng buong bansa
at iiwanan itong wasak.
5 “Sa digmaang iyon ay mapapatay ang mga upahang kawal ng Etiopia, Libya, Lydia, Arabia, Kub, at ng aking bayan.” 6 Ipinapasabi nga ni Yahweh: “Mapapahamak ang lahat ng tutulong sa Egipto. Ang ipinagmamalaki niyang lakas ay ibabagsak. Mula sa Migdal hanggang Sevene lahat ay kasama niyang pupuksain sa pamamagitan ng tabak. 7 Siya ay magiging pinakamapanglaw sa lahat ng lupain. At ang lunsod niya'y isang pook na wasak na wasak. 8 Kapag ang Egipto ay akin nang tinupok at ang mga kakampi niya ay namatay nang lahat, makikilala nilang ako si Yahweh.
9 “Sa araw na iyon, ang mga tagapagbalita'y isusugo kong sakay ng mga sasakyang-dagat upang bigyang babala ang Etiopia na wala pa ring kabali-balisa. Sila'y paghaharian ng matinding kapighatian dahil sa pagkawasak na sasapitin ng Egipto; ang araw na iyon ay mabilis na dumarating.” 10 Ito ang ipinapasabi ni Yahweh: “Ang kasaganaan ng Egipto'y wawakasan ko na sa pamamagitan ng Haring Nebucadnezar. 11 Siya at ang malulupit niyang kawal ang susuguin ko upang wasakin ang Egipto. Tabak nila'y ipamumuksa sa buong lupain. Pagdating ng araw na iyon, makikitang naghambalang ang mga bangkay sa buong lupain. 12 Tutuyuin ko ang Ilog Nilo at ipapasakop ang Egipto sa masasama. Wawasakin ng mga kaaway ang buong bansa. Akong si Yahweh ang maysabi nito.” 13 Ipinapasabi ng Panginoong Yahweh: “Dudurugin ko ang mga diyus-diyosan nila. Gayon din ang gagawin ko sa mga rebulto sa Memfis. Wala nang tatayo na pinuno sa Egipto. Takot ang paghahariin ko sa buong lupain. 14 Ang dakong timog ng Egipto ay gagawin kong pook na mapanglaw. Susunugin ko ang Zoan sa hilaga at paparusahan ang punong-lunsod ng Tebez. 15 Ang galit ko'y ibubuhos sa bayan ng Pelusium na tanggulan ng Egipto. Sisirain ko ang kayamanan ng Tebez. 16 Tutupukin ko ang Egipto. Mamamahay ang Pelusium sa matinding pighati. Gigibain ang pader ng Tebez at babaha sa lupain. 17 Ang mga binata ng On at Bubastis ay papatayin sa tabak. Ang mga babae naman ay mabibihag. 18 Ang araw ng Tafnes ay magdidilim sa sandaling wakasan ko ang pananakop ng Egipto, at ang kapangyarihan niya'y putulin ko na. Matatakpan siya ng ulap, at mabibihag ang kanyang mamamayan. 19 Ganyan ang parusang igagawad ko sa Egipto. Akong si Yahweh ay makikilala nilang lahat.”
20 Noong ikapitong araw ng unang buwan ng ikalabing isang taon ng pagkakabihag sa amin, sinabi sa akin ni Yahweh, 21 “Ezekiel, anak ng tao, pipilayin ko ang braso ng hari ng Egipto. Hindi ko ito pagagalingin para hindi na makahawak ng tabak. 22 Ito ang sinasabi ko: Ako'y laban sa hari ng Egipto. Babaliin ko pa ang isa niyang kamay para mabitiwan ang kanyang tabak. 23 Ang mga Egipcio'y pangangalatin ko sa iba't ibang bayan, ipapatapon sa lahat ng panig ng daigdig. 24 Palalakasin ko ang pwersa ng hari ng Babilonia at aalisan ko naman ng kapangyarihan ang hari ng Egipto hanggang sa maging sugatan siya at umuungol na malugmok sa harapan ng hari ng Babilonia. 25 Pahihinain ko ang hari ng Egipto ngunit palalakasin ko naman ang hari ng Babilonia. Kapag itinuro niya sa Egipto ang tabak na ibibigay ko sa kanya, malalaman nilang ako si Yahweh. 26 Pangangalatin ko sa lahat ng bansa ang mga Egipcio at ipapatapon sa iba't ibang dako. Sa gayon, makikilala nilang ako si Yahweh.”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.