Beginning
Ang Pahayag Laban sa mga Ammonita
25 Sinabi(A) sa akin ni Yahweh, 2 “Ezekiel, anak ng tao, humarap ka sa mga anak ni Ammon at magpahayag laban sa kanila. 3 Sabihin mo sa kanila na dinggin ang salita ni Yahweh: Natuwa kayo nang makita ninyong nilapastangan ang aking Templo, nang wasakin ang lupain ng Israel, at pangalatin ang mga taga-Juda. 4 Dahil dito, kayo ay ipapasakop ko sa mga taga-silangan, at sila'y maninirahang kasama ninyo. Sila'y makakahati ninyo sa inyong pagkain at inumin. 5 Ang Rabba ay gagawin kong pastulan ng mga kamelyo, at ang mga lunsod ng mga anak ni Ammon ay pastulan ng mga tupa. Sa gayon, makikilala ninyong ako si Yahweh.” 6 Ipinapasabi nga ni Yahweh: “Ikaw ay pumalakpak at lumundag sa kagalakan, bilang pagkutya sa Israel. 7 Dahil diyan, paparusahan kita. Pababayaan kong lusubin ka at looban ng ibang bansa. Ikaw ay ganap na mawawasak, anupa't hindi ka na kikilanling isang bansa. Sa gayon, makikilala ninyong ako si Yahweh.”
Ang Pahayag Laban sa Moab
8 Ito(B) naman ang ipinapasabi ni Yahweh sa Moab: “Sinabi mong ang Juda ay karaniwan lamang, tulad ng ibang bansa. 9 Dahil dito, wawasakin ko ang Beth-jesimot, Baal-meon, at Kiryataim, ang mga lunsod na ipinagmamalaki mo sa iyong hangganan. 10 Kasama ito ng mga anak ni Ammon na ipapasakop ko sa mga taga-silangan hanggang sa ganap na malimutan ng daigdig. 11 Paparusahan ko rin ang buong Moab. Sa gayon, makikilala ninyong ako si Yahweh.”
Ang Pahayag Laban sa Edom
12 Ito(C) ang ipinapasabi ni Yahweh sa Edom: “Pinaghigantihan mo ang Juda at ito'y kasalanan mong hindi mapapawi kailanman. 13 Dahil dito, paparusahan kita. Papatayin ko ang iyong mga mamamayan at mga hayop hanggang sa ikaw ay maging pook ng kapanglawan. Mula sa Teman hanggang Dedan, lahat ay papatayin ko sa tabak. 14 Paghihigantihan kita sa pamamagitan ng bayan kong Israel. Sila ang gagawa sa iyo ng dapat kong gawin dahil sa matinding poot ko sa iyo. Sa gayon, malalaman mo kung gaano katindi akong maghiganti.”
Ang Pahayag Laban sa mga Filisteo
15 Ito(D) naman ang ipinapasabi ni Yahweh sa mga Filisteo: “Pinaghigantihan mo ang Israel at ibig mong lipulin dahil sa matagal na ninyong alitan. 16 Dahil dito, paparusahan ko kayo. Lilipulin ko ang mga taga-Creta pati ang naninirahan sa baybay-dagat. 17 Paparusahan ko sila nang mabigat bilang paghihiganti, at madarama nila ang tindi ng aking galit. Sa gayon, malalaman nilang ako si Yahweh.”
Ang Pahayag Laban sa Tiro
26 Noong(E) unang araw ng buwan,[a] ng ika-11 taon ng aming pagkabihag, sinabi sa akin ni Yahweh: 2 “Ezekiel, anak ng tao, nang mawasak ang Jerusalem, sinabi ng Tiro: ‘Ngayong bagsak na ang pangunahing bansa, ako naman ang uunlad.’ 3 Dahil dito, sabihin mo sa kanyang ito ang ipinapasabi ko: Tiro, ako'y laban sa iyo. Ipapalusob kita sa maraming bansa, tulad ng paghampas ng maraming alon sa dagat. 4 Iguguho nila ang iyong kuta at ibabagsak ang iyong mga toreng bantayan. Kakalkalin ko ang iyong lupa hanggang sa bato ang matira. 5 Magiging bilaran ka na lamang ng lambat sa gitna ng dagat at hahamakin ka ng kapwa mo bansa. Akong si Yahweh ang maysabi nito. 6 Ang mga mamamayan sa kalakhan ng bansa ay papatayin sa tabak. Sa gayon, makikilala mong ako si Yahweh.”
7 Ipinapasabi nga ni Yahweh: “Ang Tiro ay ipasasalakay kay Haring Nebucadnezar ng Babilonia, ang pinakamakapangyarihang hari. Mula sa hilaga, darating siya kasama ang isang malaking hukbo at maraming karwahe at mangangabayo. 8 Mapapatay sa digmaan ang mga nakatira sa kalakhang bahagi ng bansa. Gagawa sila ng mga hukay na pagkukublihan at iba pang kanlungan. Kukubkubin ka ng mga kawal na ang mga kalasag ay parang matibay na pader. 9 Ang iyong pader ay iguguho sa pamamagitan ng malalaking pambayo at ang toreng bantayan ay ibubuwal sa pamamagitan ng kagamitang bakal. 10 Hindi ka makikita sa kapal ng alikabok dahil sa dami ng kanyang kabayong gagamitin sa pagsalakay sa iyo. Mayayanig ang iyong pader sa yabag ng mga kabayo, karwahe at kawal. 11 Ang mga lansangan mo'y mapupuno ng kanyang mga kabayo, at papatayin sa tabak ang iyong mga mamamayan. Anupa't mabubuwal pati ang pinakamalalaki mong haligi. 12 Sasamsamin niya ang iyong ari-arian. Iguguho niya ang iyong mga tanggulan, gigibain ang iyong magagarang bahay, at itatambak sa dagat ang mga bato at kahoy na gumuho. 13 Dahil(F) diyan, matitigil na ang iyong masasayang awitan gayon din ang pagtugtog mo sa iyong mga lira. 14 Mag-iiwan lamang ako ng malapad na batong bilaran ng mga lambat, at hindi ka na muling itatayo bilang isang lunsod. Akong si Yahweh ang maysabi nito.”
15 Ipinapasabi ni Yahweh sa Tiro: “Ang mga lupain sa baybayin ay mayayanig sa balita ng iyong pagbagsak, sa nakakapangilabot na daing ng mga sugatan, at sa dami ng mamamatay sa iyong mamamayan. 16 Dahil(G) dito, ang mga hari ng mga pulo sa karagatan ay aalis sa kanilang luklukan, maghuhubad ng magagara nilang kasuotan, maglulupasay na nanginginig, at masisindak sa nangyari sa iyo. 17 Aawitin nila para sa iyo ang panaghoy na ito:
‘Ang bantog na lunsod ay nawasak,
pinalubog sa karagatan ang kanyang mga sasakyang-dagat.
Dati, ang mga mamamayan niya ang kinasisindakan sa karagatan.
Sila ay naghasik ng takot sa mga bayan sa baybay-dagat.
18 Ngayon, ang lahat ng pulo ay nangingilabot dahil sa kanyang sinapit.
Oo, ang mga mamamayan nito'y pawang natatakot dahil sa balita ng kanyang pagkawasak.’”
19 Sapagkat sabi ni Yahweh: “Gagawin kitang pook na mapanglaw, tulad ng isang lugar na walang nakatira. 20 Palulubugin kita sa tubig, tulad ng itinapon sa pusod ng dagat, tulad ng mga namatay noong unang panahon. Pananatilihin kita sa walang hanggang kalaliman para hindi na mapanahanan ninuman. 21 Daranasin(H) mo ang kakila-kilabot na wakas at ganap kang mawawala. Hahanapin ka ngunit hindi na matatagpuan.”
Ang Panaghoy para sa Tiro
27 Sinabi sa akin ni Yahweh, 2 “Ezekiel, anak ng tao, awitan mo ng panaghoy ang Tiro. Sabihin mo sa kanya: 3 Lunsod ng Tiro, lunsod na nasa bunganga ng dagat, at nakikipagkalakalan sa mga bansa sa malalayong dako. Ito ang ipinapasabi sa iyo ni Yahweh:
‘Tiro, ipinagmamalaki mo ang iyong kagandahan at sinasabing wala kang kapintasan.’
4 Ang tahanan mo ay ang karagatan.
Ikaw ay ginawang tila isang magandang sasakyang-dagat.
5 Mga piling kahoy buhat sa Bundok Hermon ang tablang ginamit,
at ang palo ay kahoy buhat sa Lebanon.
6 Ang mga sagwan mo ay ensina buhat pa sa Bashan.
Mga tablang sedar buhat pa sa Cyprus
ang matibay mong kubyerta at may disenyo pang garing.
7 Hinabing lino buhat sa Egipto ang iyong layag
at siya mo ring bandila;
telang kulay ube na yari sa Cyprus ang bubong mo.
8 Mga taga-Sidon at Arvad ang iyong tagasagwan,
ang mga tripulante'y mga dalubhasa mong tauhan.
9 Ang mga karpintero mo'y sinanay pa sa Biblos.
Ang nakipagkalakalan sa iyo ay mga tripulante ng iba't ibang barko.
10 “Mga taga-Persia, Lydia at Libya ang bumubuo ng iyong hukbo. Mga kalasag at helmet nila'y nakapalamuti sa iyong mga dingding. 11 Mga taga-Arvad ang nakapaligid sa iyo, at mga taga-Gamad ang nasa iyong bantayan. Ang kanilang mga kalasag at helmet ang lumulubos sa iyong kagandahan.
12 “Ang Tarsis ay nakipagkalakalan sa iyo. Ang kanyang minang pilak, bakal, lata, at tingga ay ipinagpalit niya sa mga pangunahing paninda mo. 13 Ang Javan, Tubal at Meshec ay nagdala sa iyo ng mga alipin at kagamitang tanso bilang kapalit ng iyong mga produkto. 14 Kabayo at asno naman ang ibiniyahe sa iyo ng Beth-togarma. 15 Nakipagkalakalan din sa iyo ang mga taga-Rodes. Maraming lugar sa baybayin ang dinalhan mo ng paninda; garing at pangil naman ng elepante ang kanilang ipinalit. 16 Nakipagkalakalan din sa iyo ang Siria; esmeralda, purpurang pinong lino na nabuburdahan nang maganda, batong koral, at pulang rubi ang ipinalit niya sa mga pangunahin mong produkto. 17 Trigo naman, olibo, pulot-pukyutan, langis, at balsamo ang ipinalit ng Juda at Israel sa mga kalakal mo. 18 Ang Damasco ay nagdadala sa iyo ng inumin na yaring Helbon, puting lana, 19 inuming yaring Uzal na siyang pamalit sa kinuha niya sa iyo; mga kagamitang yaring bakal, akasya at kalamo ang iyong inaangkat. 20 Magagaspang na lanang panapin naman ang dinala sa iyo ng Dedan. 21 Ang Arabia naman at ang mga pangunahin ng Kedar ang pinanggalingan ng kailangan mong kordero, tupang lalaki, at mga kambing. 22 Nakipagkalakalan din sa iyo ang Seba at Raama; ang dala nila'y lahat ng uri ng piling pabango, mamahaling bato, at mga ginto. 23 Nakipagkalakalan din sa iyo ang Haran, Cane, Eden, Assur, at Kilmad. 24 Mamahaling damit na asul at burdado, alpombrang magaganda at iba't ibang kulay at natataliang mabuti ng kurdon. Ang mga ito ang ibinibiyahe nila sa iyo. 25 Mga(I) malalaking barko ang pambiyahe mo ng iyong mga produkto.
“Ikaw ay punung-puno ng mabigat na kalakal
sa gitna ng karagatan.
26 Dinadala ka ng mga tagasagwan mo sa iba't ibang lugar,
ngunit binayo ka ng hanging mula sa silangan, at nawasak sa gitna ng dagat.
27 Ang iyong kayamanan, kalakal,
mga marinero, kapitan,
tagakumpuni, mangangalakal, at mga kawal
ay kasama mong nalubog sa dagat nang ikaw ay mawasak.
28 Mga lugar sa baybayin ay nayanig
sa sigaw ng mga tagasagwan mong nalulunod sa gitna ng tubig.
29 “Wala nang tao isa man sa mga barko;
nag-alisan na ang mga tripulante.
30 Tinangisan ka nila nang buong kapaitan.
Nilagyan nila ng alabok ang kanilang ulo saka gumulong sa bunton ng abo.
31 Nag-ahit sila ng ulo.
Pagkatapos, nagbihis ng damit-panluksa
at nanangis nang kapait-paitan.
32 Ang panaghoy nila'y hinaluan pa ng panaghoy:
‘Sino ang nawasak sa gitna ng dagat na tulad ng Tiro?’ tanong nila.
33 Ang mga kalakal mo
ay pantugon sa pangangailangan ng marami.
Dahil sa yaman mo at paninda
ay bumuti ang buhay ng mga hari.
34 Ngayon, ikaw ay wasak na sa gitna ng karagatan.
Lumubog na kasama mo ang iyong mga produkto at mga tauhan.
35 Ang lahat sa baybay-dagat, pati nasa katihan,
ay nagtatakang natatakot sa iyong sinapit.
36 Katapusan mo na, mawawala ka na nang lubusan.
Lahat ng mangangalakal sa daigdig ay takot na takot at baka matulad sila sa iyong sinapit.”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.