Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Beginning

Read the Bible from start to finish, from Genesis to Revelation.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Jeremias 7-9

Si Jeremias ay Nangaral sa Templo

Pinapunta ni Yahweh si Jeremias sa pintuan ng Templo, at ipinasabi ang ganito: “Makinig kayo, mga taga-Juda na nagkakatipon dito upang sumamba kay Yahweh. Pakinggan ninyo ang mensahe ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, ang Diyos ng Israel! Baguhin ninyo ang inyong pamumuhay at ang inyong ginagawa at kayo'y papayagan kong manatili rito.” Huwag ninyong dayain ang inyong sarili sa paulit-ulit na pagsasabing: ‘Ito ang Templo ni Yahweh, ang Templo ni Yahweh, ang Templo ni Yahweh!’ Hindi kayo maililigtas ng mga salitang iyan.

“Magbagong-buhay na kayo at iwan na ang dati ninyong ginagawa. Maging makatarungan kayo sa isa't isa. Huwag ninyong aapihin ang mga dayuhan, mga ulila, at mga balo. Tigilan na ninyo ang pagpatay sa mga walang kasalanan sa lugar na ito. Talikdan na ninyo ang pagsamba sa mga diyus-diyosan, sapagkat ito ang magiging dahilan ng inyong kapahamakan. Kapag sinunod ninyo ito, pahihintulutan ko kayong manatili sa lupaing ito na ibinigay ko sa inyong mga magulang upang maging tirahan ninyo magpakailanman.

“Bakit kayo nagtitiwala sa mga salitang walang kabuluhan? Nagnanakaw kayo, pumapatay, nangangalunya, nanunumpa sa hindi katotohanan, naghahandog kay Baal, at sumasamba sa mga diyus-diyosang hindi ninyo nakikilala. 10 Ginawa ninyo ang aking kinamumuhian at pagkatapos, haharap kayo sa akin, sa aking Templo at sasabihin ninyo, ‘Ligtas kami rito!’ 11 Bakit?(A) Ang tahanan bang ito'y mukhang lungga ng mga magnanakaw? Nakikita ko ang ginagawa ninyo. Akong si Yahweh ang nagsasabi nito. 12 Pumunta(B) kayo sa Shilo, ang lugar na una kong pinili upang ako'y sambahin ninyo. Tingnan ninyo ang ginawa ko sa lugar na iyon dahil sa mga kasalanan ng aking bayang Israel. 13 At ngayon, ginawa rin ninyo ang mga kasalanang iyon. Paulit-ulit ko kayong pinaalalahanan, ngunit ayaw ninyong makinig. Hindi ninyo pinansin ang aking panawagan. 14 Kaya naman, ang ginawa ko sa Shilo ay gagawin ko rin sa Templong ito na labis ninyong pinagtiwalaan. Wawasakin ko ang lugar na ito na ibinigay ko sa inyo at sa inyong mga magulang, gaya ng ginawa ko sa Shilo. 15 Palalayasin ko kayo sa harap ko, tulad ng ginawa ko sa inyong mga kapatid, sa angkan ni Efraim.”

Ang Pagsuway ng mga Tao

16 Sinabi ni Yahweh, “Huwag mong ipapanalangin ang mga taong ito, Jeremias. Huwag kang mananangis para sa kanila o magmamakaawa sapagkat hindi kita papakinggan. 17 Tingnan mo ang kanilang ginagawa sa mga lunsod ng Juda at sa mga lansangan ng Jerusalem. 18 Nangunguha(C) ng panggatong ang kanilang mga anak, nagpaparikit ng apoy ang kalalakihan, at nagluluto ng tinapay ang kababaihan upang ihandog sa diyus-diyosang tinatawag nilang reyna ng kalangitan. Naghahandog din sila ng mga inumin sa ibang diyos, upang saktan ang aking kalooban. 19 Subalit ako bang talaga ang kanilang sinasaktan? Hindi, manapa'y ang kanilang sarili ang sinasaktan nila at inilalagay sa kahihiyan. 20 Kaya nga, ibubuhos ko sa lugar na ito ang aking galit at poot. Madadamay sa ipapataw kong parusa ang mga tao, mga hayop, at pati mga punongkahoy at mga halaman. Ang aking poot ay gaya ng apoy na walang sinumang makakapatay.

21 “Mabuti pa'y kainin na lamang ninyong lahat ang inyong mga handog na susunugin, kasama ng mga handog na pinagsasaluhan. Ako, si Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, ang Diyos ng Israel, ang nagsasabi nito. 22 Nang ilabas ko sa Egipto ang inyong mga magulang, hindi ko iniutos sa kanila ang tungkol sa mga handog na susunugin o iba pang handog. 23 Subalit inutusan ko silang sumunod sa akin upang sila'y maging aking bayan at ako naman ang kanilang magiging Diyos. Sinabi kong mamuhay sila ayon sa ipinag-uutos ko, at magiging maayos ang kanilang buhay. 24 Ngunit hindi sila sumunod; ayaw nilang makinig sa akin. Sa halip, ginawa nila ang bawat maibigan at lalo pa silang nagpakasama, sa halip na magpakabuti. 25 Mula nang umalis sa Egipto ang inyong mga magulang hanggang sa araw na ito, patuloy akong nagpapadala ng aking mga lingkod, ang mga propeta. 26 Subalit hindi ninyo sila pinakinggan ni pinahalagahan. Nagmatigas kayo at masahol pa ang ginawa ninyo kaysa ginawa ng inyong mga magulang.

27 “Kaya, Jeremias, sasabihin mo ang lahat ng ito sa kanila subalit hindi sila makikinig sa iyo. Tatawagin mo sila ngunit hindi ka nila papansinin. 28 Kaya ganito ang sabihin mo sa kanila: ‘Narito ang bansang ayaw makinig sa tinig ni Yahweh na kanilang Diyos, at ayaw ituwid ang kanilang mga landas. Naglaho na sa kanila ang katotohanan at hindi man lamang nababanggit.’”

Ang mga Kasamaang Ginagawa sa Libis ng Ben Hinom

29 “Manangis kayo, mga taga-Jerusalem.
    Putulin ninyo ang inyong buhok, at itapon ito sa malayo.
Managhoy kayo sa ibabaw ng mga burol,
    sapagkat itinakwil at pinabayaan ni Yahweh
    ang mga taong kanyang kinapopootan.

30 “Napakasama ng ginawa ng mga taga-Juda. Ang mga diyus-diyosang kinasusuklaman ko'y inilagay nila sa aking Templo. Nilapastangan nila ang aking tahanan. Akong si Yahweh ang maysabi nito. 31 Sa(D) Libis ng Ben Hinom ay gumawa sila ng altar at tinawag nilang Tofet. Doon nila sinusunog ang kanilang mga anak bilang handog. Hindi ko iniutos sa kanilang gawin ito, at ni hindi man lamang ito sumagi sa aking isipan. 32 Dahil dito, darating ang panahon na hindi na iyon tatawaging Tofet o Libis ng Ben Hinom kundi Libis ng Kamatayan. Magiging isang libingan ang Tofet sapagkat wala nang lugar na mapaglilibingan. 33 Ang mga bangkay ay kakanin ng mga ibon at maiilap na hayop; walang sinumang makapagtataboy sa kanila. 34 At(E) sasalantain ko ang buong lupain hanggang ito'y maging isang disyerto. Hindi na maririnig sa mga lunsod ng Juda at sa mga lansangan ng Jerusalem ang mga himig ng kagalakan at katuwaan. Hindi na mapapakinggan ang masasayang tinig ng mga ikakasal.

“Pagdating ng panahong iyon,” sabi pa ni Yahweh, “ang kalansay ng mga hari at mga pinuno sa Juda, mga pari, mga propeta, at iba pang naninirahan sa Jerusalem, ay aalisin sa kanilang libingan. Ibibilad ang mga ito sa liwanag ng araw, buwan, at mga bituin na kanilang minahal, pinaglingkuran, sinunod, sinangguni, at sinamba. Sa halip na tipunin at ibaon, ang mga kalansay ay parang duming ikakalat sa lupa. Para sa mga nabubuhay pa sa makasalanang lahing ito na nagkalat sa mga lupaing pinagtapunan ko sa kanila, nanaisin pa nila ang mamatay kaysa patuloy na mabuhay. Akong si Yahweh na Makapangyarihan sa lahat ang nagsasabi nito.”

Ang Kasalanan at ang Kaparusahan

“Jeremias, akong si Yahweh ang nagsasalita sa aking bayan. Kapag nabuwal ang isang tao, hindi ba muli siyang bumabangon? Kapag naligaw siya ng daan, hindi ba muli siyang magbabalik? Bayan kong hinirang, bakit kayo lumalayo sa akin ngunit hindi naman nagbabalik? Bakit hindi ninyo maiwan ang inyong mga diyus-diyosan, at ayaw ninyong magbalik sa akin? Naghintay ako at nakinig ngunit walang nagsalita ng katotohanan. Ni walang nagsisi sa kanyang kasalanan. Wala man lamang nagtanong, ‘Anong kasalanan ang nagawa ko?’ Bawat isa ay ginawa ang sariling maibigan, gaya ng kabayong patungo sa digmaan. Nalalaman ng ibong palipat-lipat ng tirahan, ng batu-bato, ng langay-langayan at ng tagak, kung kailan sila dapat lumipat at kung kailan dapat magbalik. Ngunit kayo, na aking bayan, hindi ninyo nalalaman ang aking kautusan na dapat ninyong sundin. Paano ninyo nasabing, ‘Kami'y matatalino; nasa amin ang kautusan ni Yahweh’? Ang kautusan ay binago ng mga mandarayang eskriba. Mapapahiya ang kanilang mga matatalino; sila'y malilito at mabibigo. Sapagkat tinanggihan nila ang salita ni Yahweh, anong karunungan ang taglay nila ngayon? 10 Kaya(F) ibibigay ko sa iba ang kanilang mga asawa; ang kanilang bukid ay tatamnan ng ibang tao. Ang lahat, dakila man o abâ, ay gumagamit ng pandaraya upang yumaman. Pati mga propeta at mga pari ay nandaraya. 11 Hindi(G) nila pansin ang kahirapan ng aking bayan. Ang sabi nila, ‘Payapa ang lahat,’ gayong wala namang kapayapaan. 12 Ikinahiya ba nila ang kanilang masasamang gawa? Hindi! Hindi na sila marunong mahiya! Makapal na ang kanilang mukha. Kaya nga, babagsak sila tulad ng iba. Ito na ang kanilang magiging wakas kapag sila'y aking pinarusahan. Ito ang sabi ni Yahweh.

13 “Lilipulin ko na ang aking bayan sapagkat ang katulad nila'y punong ubas na walang bunga, o puno ng igos na walang pakinabang; nalanta na pati mga dahon. Kaya't tatanggapin nila ang bunga ng kanilang ginawa.”

14 “Bakit tayo nakaupo at walang ginagawa?” tanong nila. “Halina kayo, tayo'y magtago sa mga lunsod na matibay, at doon na tayo mamatay. Hinatulan na tayo ni Yahweh na ating Diyos upang mamatay. Binigyan niya tayo ng tubig na may lason upang inumin sapagkat nagkasala tayo sa kanya. 15 Naghintay tayo ng kapayapaan ngunit walang nangyari; umasa ng kaligtasan ngunit kakila-kilabot na hirap ang dumating sa atin. 16 Naririnig hanggang sa lunsod ng Dan ang ingay ng mga kabayo ng kaaway. Nanginginig na sa takot ang buong bansa sa yabag pa lamang ng mga kabayong pandigma. Dumating na ang wawasak sa ating lupain at sa lahat ng naroon; sa ating lunsod at sa lahat ng naninirahan doon.”

17 “Humanda kayo!” sabi ni Yahweh. “Magpapadala ako ng mga ahas na makamandag, mga ulupong na hindi mapaaamo, upang kayo'y tuklawin.”

Ang Kalungkutan ni Jeremias Dahil sa Kanyang Bayan

18 Hindi mapapawi ang nadarama kong kalungkutan;
    nagdurugo ang aking puso.
19 Pakinggan ninyo! Naririnig ko
    ang iyakan ng buong bayan,
“Wala na ba sa Zion si Yahweh?
    Wala na ba roon ang hari ng Zion?”
At sumagot si Yahweh,
“Bakit ninyo ako ginagalit? Bakit kayo sumasamba sa mga diyus-diyosan na hindi ninyo kilala at wala namang kabuluhan?”
20 At sumigaw ang bayan:
“Dumaan na ang tag-araw, tapos na rin ang anihan,
    ngunit hindi pa kami naliligtas!”

21 Para akong sinuntok sa dibdib
    dahil sa hirap na sinapit ng aking bayan;
    ako'y nanangis; lubos akong nalilito.

22 Wala na bang panlunas sa Gilead?
    Wala na bang manggagamot diyan?
    Bakit hindi gumagaling ang aking bayan?

Sana'y naging balon ng tubig itong aking ulo,
    at bukal ng luha itong mata ko,
upang ako'y may iluha sa maghapon at magdamag
    para sa aking mga kababayang namatay.
Sana'y may mapagtaguan ako doon sa disyerto,
    kung saan malayo ako sa aking mga kababayan.
Sila'y mapakiapid
    at pawang mga taksil.
Sila'y laging handang magsabi ng kasinungalingan;
    kasamaan ang namamayani sa halip na katotohanan.

Ganito ang sabi ni Yahweh:
“Sunud-sunod na kasamaan ang ginagawa ng aking bayan,
    at ako'y hindi nila nakikilala.”

Mag-ingat kayo kahit sa inyong mga kaibigan,
    kahit kapatid ay huwag pagkatiwalaan;
sapagkat mandaraya lahat ng kapatid, katulad ni Jacob,
    at bawat isa'y naninira sa kanyang kaibigan.
Ang lahat ay nandaraya sa kanyang kapwa,
    walang nagsasabi ng katotohanan;
dila nila'y sanay sa pagsisinungaling,
    sila'y patuloy sa pagkakasala, at hindi naiisip ang magsisi.
Ang kanilang kasalanan ay patung-patong na,
    hindi tumitigil sa pandaraya sa iba.

Kahit na si Yahweh hindi kinikilala.
Kaya sinabi ni Yahweh, ang Makapangyarihan sa lahat,
“Pahihirapan ko ang bansang ito upang sila'y subukin.
    Sapagkat ano pa ang aking magagawa sa bayan kong naging masama?
Parang makamandag na pana ang kanilang mga dila,
    lahat ng sinasabi ay pawang pandaraya.
Magandang mangusap sa kanilang kapwa,
    ngunit ang totoo, balak nila ay masama.
Hindi ba nararapat na parusahan ko sila?
    Hindi ba dapat lang na maghiganti ako sa kanila?
Ako, si Yahweh, ang nagsasabi nito.”

10 Ang sabi ni Jeremias, “Ang mga bundok ay aking tatangisan,
    at iiyakan ko ang mga pastulan;
sapagkat natuyo na ang mga damo, at wala nang nagdaraang tao.
Hindi na naririnig ang unga ng mga baka;
    pati mga ibon at hayop sa gubat ay nag-alisan na.”

11 Ang sabi ni Yahweh: “Ang Jerusalem ay wawasakin ko.
    Kanyang mga pader, paguguhuin ko,
    at wala nang maninirahan doon kundi mga asong-gubat.
Magiging disyerto, mga lunsod ng Juda,
    wala nang taong doon ay titira.”

12 At nagtanong si Jeremias, “Yahweh, bakit po nasalanta ang lupain at natuyo tulad sa isang disyerto, kaya wala nang may gustong dumaan? Sinong matalino ang makakaunawa nito? Kanino ninyo ipinaliwanag ang nangyaring ito upang masabi naman niya sa iba?”

13 Sumagot si Yahweh, “Nangyari ito sapagkat tinalikuran ng aking bayan ang kautusang ibinigay ko sa kanila at hindi sila sumunod sa akin. 14 Sa halip, nagmatigas sila at sumamba sa diyus-diyosang si Baal, gaya ng itinuro ng kanilang mga magulang. 15 Kaya, akong si Yahweh, ang Makapangyarihan sa lahat, ang Diyos ng Israel, ganito ang gagawin ko. Mapapait na halaman ang ipapakain ko sa kanila at tubig na may lason ang ipapainom ko sa kanila. 16 Pangangalatin ko sila sa iba't ibang bansa, mga bansang ni hindi man lamang nabalitaan ng kanilang mga magulang. At magpapadala ako ng mga hukbong sasalakay sa kanila hanggang sa lubusan silang malipol.”

Napapasaklolo ang mga Taga-Jerusalem

17 Ang sabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat:
“Isipin ninyo ang mga nangyayari!
Tawagin ninyo ang mga taga-iyak,
    ang mga babaing sanay managhoy.”

18 Sabi naman ng mga tao,
“Pagmadaliin sila upang managhoy para sa atin,
    hanggang sa bumalong ang ating mga luha
    at mamugto sa pag-iyak ang ating mga mata.”

19 Dinggin mo ang panaghoy sa Zion,
“Nasalanta na tayo!
    Napakalaking kahihiyan nito!
Lisanin na natin ang ating lupain;
    sapagkat wasak na, mga tahanan natin.”

20 Sinabi naman ni Jeremias,
“Mga babae, pakinggan ninyo si Yahweh,
    at unawain ang kanyang sinasabi.
Turuan ninyong managhoy ang inyong mga anak na babae,
    gayon din ang kanilang mga kaibigan.
21 Nakapasok na ang kamatayan sa ating mga tahanan,
    at sa magagarang palasyo;
pinuksa niya ang mga batang nasa lansangan,
    at ang mga kabataang nasa pamilihan.
22 Nagkalat kahit saan ang mga bangkay,
    tila bunton ng dumi sa kabukiran,
    parang uhay na ginapas ng mga mang-aani
    at saka iniwang walang nag-iipon.
Ito ang ipinapasabi sa akin ni Yahweh.”

23 Ang sabi ni Yahweh:
“Huwag ipagmayabang ng matatalino ang kanyang karunungan
    o ng malakas ang lakas na kanyang taglay
    ni ng mayaman ang kanyang kayamanan.
24 Kung(H) may nais magmalaki,
    ang ipagmalaki niya'y ang pagkakilala't pagkaunawa sa akin,
sapagkat ang aking pag-ibig ay hindi nagbabago,
    makatarungan at matuwid ang mga ginagawa ko.
Ito ang mga bagay na nais ko.
Ako, si Yahweh, ang nagsasabi nito.”

25 Sinabi pa ni Yahweh, “Darating ang panahong paparusahan ko ang lahat ng tinuli ngunit ang puso'y hindi naman nababago; 26 mga taga-Egipto, Juda, Edom, Ammon, Moab at lahat ng naninirahan sa disyerto at ang mga nagpuputol ng kanilang buhok. Sila at lahat ng mga taga-Israel ay hindi pa nagkakaroon ng panloob na pagbabago bagaman sila ay tinuli ayon sa laman.”

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.