Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Beginning

Read the Bible from start to finish, from Genesis to Revelation.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Exodo 19-21

Ang mga Israelita sa Bundok ng Sinai

19 Ang mga Israelita'y nakarating sa ilang ng Sinai noong unang araw ng ikatlong buwan buhat nang umalis sila sa Egipto. Mula sa Refidim, nagpatuloy sila sa ilang ng Sinai at nagkampo sa tapat ng bundok. Si Moises naman ay umakyat sa bundok upang makipag-usap sa Diyos.

Sinabi sa kanya ni Yahweh, “Ito ang sabihin mo sa angkan ni Jacob, sa mga Israelita. ‘Nakita ninyo ang ginawa ko sa mga Egipcio. Nakita rin ninyo kung paanong dinala ko kayo rito tulad ng isang agilang nagdala sa kanyang mga inakay. Kung(A) (B) susundin ninyo ako at magiging tapat sa ating kasunduan, kayo ang magiging bayang hinirang. Ang buong daigdig ay akin ngunit kayo'y aking itatangi. Kayo'y(C) gagawin kong isang kaharian ng mga pari at isang bansang banal.’ Iyan ang sabihin mo sa mga Israelita.” Kaya tinipon ni Moises ang mga pinuno ng Israel at sinabi ang lahat ng iniutos sa kanya ni Yahweh. Sila nama'y sabay-sabay na sumagot, “Susundin namin ang lahat ng iniutos ni Yahweh.” Si Moises ay nagbalik kay Yahweh at sinabi ang tugon ng mga tao.

Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Magsasalita ako sa iyo mula sa makapal na ulap upang marinig ng mga tao at nang sila'y maniwala sa iyo habang panahon.”

At sinabi ni Moises kay Yahweh ang pasya ng mga tao. 10 Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Sabihin mo sa mga tao na ihanda nila ang kanilang sarili mula sa araw na ito hanggang bukas. Kailangang labhan nila ang kanilang mga damit 11 at humanda sa makalawa, sapagkat akong si Yahweh ay bababâ sa Bundok ng Sinai para makita ng mga tao. 12 Lagyan(D) mo ng hangganan ang paligid ng bundok, at sabihin mo sa kanilang huwag aakyat sa bundok ni hahawakan ang anumang nasa loob ng hangganan. Sinumang gumawa nito ay papatayin 13 sa pamamagitan ng bato o sibat, maging tao man o hayop. At sinumang patayin sa ganitong dahilan ay huwag ding hahawakan. Kapag narinig na ninyo ang mahabang tunog ng trumpeta, saka pa lamang kayo makaaakyat sa bundok.”

14 Mula sa bundok, bumabâ si Moises at pinahanda ang mga tao upang sumamba; at nilinis nila ang kanilang mga damit. 15 Sinabi sa kanila ni Moises, “Humanda kayo sa ikatlong araw; at huwag muna kayong magsisiping.”

16 Kinaumagahan(E) (F) ng ikatlong araw ay kumulog at kumidlat. Ang bundok ay nabalot ng makapal na ulap at narinig ang isang malakas na tunog ng trumpeta. Nanginig sa takot ang lahat ng tao sa buong kampo. 17 Pinangunahan ni Moises ang mga tao papunta sa paanan ng bundok upang humarap sa Diyos. 18 Ang Bundok ng Sinai ay nababalot ng usok sapagkat bumabâ si Yahweh sa anyo ng apoy. Tumaas ang usok tulad ng usok ng isang pugon, at nayanig ang bundok. 19 Palakas nang palakas ang tunog ng tambuli. Nagsalita si Moises at sumagot sa kanya ang Diyos sa pamamagitan ng kulog. 20 Bumabâ si Yahweh sa tuktok ng Bundok ng Sinai at pinaakyat niya roon si Moises. 21 Sinabi niya, “Bumabâ ka at sabihin mo sa mga tao na huwag lalampas ng hangganan upang makita ako sapagkat marami ang mamamatay. 22 Pati ang mga paring lalapit sa akin ay kailangang maglinis ng kanilang sarili; kung hindi'y paparusahan ko sila.”

23 Sinabi ni Moises kay Yahweh, “Hindi po aakyat dito ang mga tao sapagkat pinalagyan na ninyo ng hangganan ang paligid ng bundok at itinuturing naming banal ang nakapaloob doon.”

24 Sinabi ni Yahweh, “Bumabâ ka at isama mo rito si Aaron. Ang mga pari at ang mga tao ay huwag mong palalampasin sa hangganan. Sinumang lumampas ay paparusahan ko.” 25 Bumabâ nga si Moises at sinabi ito sa mga tao.

Ang Sampung Utos(G)

20 Ang lahat ng ito'y sinabi ng Diyos: “Ako si Yahweh, ang iyong Diyos na naglabas sa iyo sa Egipto at nagpalaya sa iyo mula sa pagkaalipin.

“Huwag kang sasamba sa ibang diyos, maliban sa akin.

“Huwag(H) kang gagawa ng imahen ng anumang nilalang na nasa langit, nasa lupa, o nasa tubig upang sambahin. Huwag(I) mo silang yuyukuran ni sasambahin sapagkat akong si Yahweh na iyong Diyos ay mapanibughuing Diyos. Ang kasalanan ng mga magulang ay sinisingil ko sa kanilang mga anak hanggang sa ikatlo at ikaapat na salinlahi. Ngunit ipinadarama ko ang aking pag-ibig sa libu-libong salinlahi ng mga umiibig sa akin at tumutupad sa aking mga kautusan.

“Huwag(J) mong gagamitin sa walang kabuluhan ang pangalan ni Yahweh na iyong Diyos. Tiyak na paparusahan ko ang sinumang gumamit nito nang walang kabuluhan.

“Lagi(K) mong tandaan at ilaan para sa akin ang Araw ng Pamamahinga. Anim(L) na araw kang magtatrabaho, at tapusin mo ang dapat gawin. 10 Subalit ang ikapitong araw ay para kay Yahweh na iyong Diyos; ito ay Araw ng Pamamahinga. Sa araw na ito'y huwag magtrabaho ang sinuman sa inyo; kayo, ang inyong mga anak, mga aliping lalaki o babae, ang inyong mga alagang hayop, ni ang mga dayuhang nakikipamayan sa inyo. 11 Anim(M) na araw kong nilikha ang langit, ang lupa, ang mga dagat at ang lahat ng nasa mga ito. Ngunit namahinga ako sa ikapitong araw. Kaya't ito'y aking pinagpala at inilaan para sa akin.

12 “Igalang(N) mo ang iyong ama at ina. Sa gayo'y mabubuhay ka nang matagal sa lupaing ibinibigay sa inyo ni Yahweh na inyong Diyos.

13 “Huwag(O) kang papatay.

14 “Huwag(P) kang mangangalunya.

15 “Huwag(Q) kang magnanakaw.

16 “Huwag(R) kang sasaksi nang walang katotohanan laban sa iyong kapwa.

17 “Huwag(S) (T) mong pagnanasaang maangkin ang sambahayan ng iyong kapwa: ang kanyang asawa, mga alilang lalaki o babae, mga baka, asno o ang anumang pag-aari niya.”

Natakot ang mga Israelita(U)

18 Nanginig sa takot ang mga Israelita nang marinig nila ang dagundong ng kulog at tunog ng trumpeta, at makita ang kidlat at ang usok sa bundok. Nanatili silang nakatayo sa malayo. 19 Nang lumapit sa kanila si Moises, sinabi nila, “Ikaw ang magsalita sa amin at makikinig kami; huwag na ang Diyos at baka kami mamatay.”

20 Sinabi sa kanila ni Moises, “Huwag kayong matakot, sapagkat sinusubok lang kayo ng Diyos. Nais lang niyang magkaroon kayo ng takot sa kanya sapagkat ayaw niya kayong magkasala.” 21 Ngunit nanatili pa rin sa malayo ang mga tao; si Moises lamang ang lumapit sa makapal na ulap na kinaroroonan ng Diyos.

Ang mga Utos tungkol sa mga Altar

22 Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Sabihin mo ito sa mga Israelita: Narinig ninyo nang ako'y magsalita mula sa langit. 23 Huwag kayong gagawa ng anumang diyus-diyosan, pilak man o ginto. 24 Gumawa kayo ng altar na yari sa lupa at doon ninyo susunugin ang inyong mga handog para sa kapayapaan; doon din ninyo susunugin ang handog ninyong mga tupa at mga baka. Doon ninyo ako sasambahin sa lugar na ituturo ko sa inyo. Pupunta ako roon at pagpapalain ko kayo. 25 Kung(V) gagamit kayo ng bato sa altar na inyong gagawin, huwag kayong gumamit ng batong tinapyasan ng paet. Ang paggamit ng paet ay isang paglapastangan. 26 Huwag ninyo akong igagawa ng altar na may baytang paakyat upang hindi malantad ang inyong kahubaran.”

Ang Batas sa mga Alipin(W)

21 “Ito ang tuntuning ibibigay mo sa bayang Israel. Kapag(X) ang isang tao'y bumili ng aliping Hebreo, maglilingkod ito sa kanya sa loob ng anim na taon. Sa ikapito, makakalaya na siya nang hindi kailangang tubusin. Kung ang alipin ay walang asawa nang bilhin, aalis siyang walang asawa. Ngunit kung may asawa siya nang mabili, kasama niya sa pag-alis ang kanyang asawa. Kung sa kanyang pagkaalipin ay binigyan siya ng magiging asawa at nagkaanak sila, ang babae at ang mga anak ay maiiwan sa amo; siya lamang ang lalaya. Ngunit kung ayaw na niyang umalis sapagkat mahal niya ang kanyang asawa't mga anak, gayon din ang kanyang amo patutunayan niya ito sa harapan ng Diyos: dadalhin siya sa pintuan, sa tabi ng poste ng pinto at bubutasan ang isa niyang tainga. Sa gayon, magiging alipin siya habang buhay.

“Kapag ipinagbili ng ama ang kanyang anak na babae upang maging alipin, hindi ito palalayain tulad ng aliping lalaki. Ngunit kung ang babae'y ipinagbili bilang asawa ng kanyang amo, subalit siya'y hindi nito kinaluguran, siya ay maaaring ipatubos sa kanyang mga kamag-anak. Walang karapatan ang kanyang amo na siya'y ipagbili sa mga dayuhan sapagkat hindi ito naging makatarungan sa babae. Kung ang babae nama'y binili para sa anak ng amo, ituturing siya nito na parang tunay na anak. 10 At kung mag-asawa ng iba ang lalaki, ang babae ay patuloy na bibigyan ng kanyang pagkain, damit at patuloy na sisipingan ng kanyang asawang lalaki. 11 Kapag hindi tinupad ng lalaki ang tatlong bagay na ito, dapat palayain ang babae nang hindi na kailangang tubusin.

Mga Batas tungkol sa mga Karahasan

12 “Sinumang(Y) manakit at makapatay sa kanyang kapwa ay dapat ring patayin. 13 Ngunit(Z) kung hindi sinadya o binalak ang pagpatay at ito'y hinayaang mangyari ng Diyos, ang nakamatay ay maaaring magtago sa lugar na itatakda ko sa ganitong pangyayari. 14 Ngunit kung ang pagpatay ay sinasadya, darakpin ang pumatay at papatayin kahit magtago pa siya sa aking altar.

15 “Sinumang magbuhat ng kamay sa kanyang ama o ina ay dapat patayin.

16 “Sinumang(AA) dumukot ng kapwa upang ipagbili o alipinin ay dapat patayin.

17 “Sinumang(AB) magmura sa kanyang ama o ina ay dapat patayin.

18-19 “Ang manuntok o mamukpok ng bato sa pag-aaway ay hindi paparusahan kung ang sinuntok o pinukpok ay hindi namatay at muling nakalakad kahit nakatungkod. Ngunit kung ang sinuntok o pinukpok ay maratay, siya ay aalagaan ng nanakit at babayaran pa ang panahong hindi niya naipagtrabaho.

20 “Kapag sinaktan ng isang tao ang kanyang alipin, maging babae o lalaki, at ito'y namatay noon din, paparusahan ang taong iyon. 21 Ngunit kung ang alipin ay mabuhay ng isa o dalawang araw, hindi paparusahan ang amo sapagkat kanyang ari-arian ang alipin.

22 “Kung ang nag-aaway ay makasakit ng nagdadalang-tao at dahil doo'y nakunan ito, ngunit walang ibang pinsala, ang nakasakit ay magbabayad ng halagang hihingin ng asawa ng babae ayon sa kapasyahan ng mga hukom. 23 Ngunit kung may iba pang pinsalang tinamo ang babae, paparusahan ang nakasakit: buhay din ang kabayaran sa buhay, 24 mata(AC) sa mata, ngipin sa ngipin, kamay sa kamay, paa sa paa, 25 sunog sa sunog, sugat sa sugat, galos sa galos.

26 “Kapag pinalo ng amo ang kanyang alipin, lalaki o babae, at ito'y nabulag, palalayain niya ang aliping iyon bilang kabayaran sa mata nito. 27 Ganoon din ang gagawin kung mabungi ng amo ang ngipin ng kanyang alipin, bilang kabayaran naman sa ngipin nito.

Ang Pananagutan ng May-ari

28 “Kapag ang isang baka ay nanuwag at nakapatay ng tao, babatuhin ang baka hanggang sa mamatay, ngunit huwag kakanin ang karne nito; walang pananagutan ang may-ari ng baka. 29 Kung ito'y dati nang nanunuwag ngunit pinabayaan pa ng may-ari matapos tawagin ang kanyang pansin, papatayin ang baka gayundin ang may-ari kapag nakamatay ang baka. 30 Gayunman, kung lalagyan ng halaga ang buhay ng namatay, babayaran ito ng may-ari at hindi na siya papatayin. 31 Kahit bata ang mapatay ng baka, iyan din ang tuntunin. 32 Kung alipin ang napatay sa suwag, ang amo ng alipin ay babayaran ng may-ari ng baka; tatlumpung pirasong pilak ang ibabayad at babatuhin ang baka hanggang sa mamatay.

33 “Kapag naiwang bukás ang isang balon, o kaya'y may humukay ng balon ngunit hindi tinakpan, at may baka o asnong nahulog doon, 34 ang nahulog na hayop ay babayaran ng may-ari ng balon ngunit kanya na ang hayop. 35 Kapag ang napatay naman sa suwag ay baka ng iba, ipagbibili ang nanuwag at ang pinagbilhan ay paghahatian ng dalawang may-ari, pati ang karne ng bakang napatay. 36 Ngunit kung ito'y dating nanunuwag at hindi ikinulong ng may-ari, papalitan niya ang napatay na baka at ito nama'y kanya na.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.