Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Beginning

Read the Bible from start to finish, from Genesis to Revelation.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Genesis 27-29

Nakuha ni Jacob ang Pagpapala

27 Si Isaac ay matanda na at halos hindi na makakita, kaya ipinatawag niya si Esau, ang anak niyang panganay. Sinabi niya rito, “Anak, matanda na ako at malapit nang mamatay. Pumunta ka sa parang at mangaso. Ihuli mo ako ng hayop at lutuin ang putahing gusto ko. Pagkakain ko'y igagawad ko sa iyo ang aking basbas bago ako mamatay.”

Nakikinig pala si Rebeca samantalang kinakausap ni Isaac si Esau. Kaya't nang umalis ito upang sundin ang bilin ng ama, tinawag ni Rebeca si Jacob at sinabi, “Narinig ko ang sinabi ng iyong ama kay Esau: ‘Ihuli mo ako ng hayop at lutuin mo para sa akin. Pagkakain ko, babasbasan kita sa harapan ni Yahweh bago ako mamatay.’ Kaya't ganito ang gawin mo, anak: Kumuha ka agad ng dalawang kambing na mataba at iluluto ko para sa iyong ama. Ipaghahanda ko siya ng pagkaing gustung-gusto niya, 10 at ipakain mo sa kanya upang ikaw ang mabigyan ng basbas bago siya mamatay!”

11 Ngunit sumagot si Jacob sa kanyang ina, “Balbon po si Esau, samantalang ako'y hindi. 12 Malalaman ng aking ama na nililinlang ko siya kapag ako'y kanyang nahipo; susumpain niya ako sa halip na basbasan.”

13 Sumagot ang ina, “Hayaan mong sa akin tumalab ang anumang sumpa niya. Basta't sumunod ka, anak; ako na ang bahala. Kumuha ka na ng kambing.” 14 Kumuha nga si Jacob ng kambing, at iniluto ng kanyang ina ang putahing gustung-gusto ng kanyang ama. 15 Binihisan ni Rebeca si Jacob ng pinakamagarang damit ni Esau na nakatabi sa bahay. 16 Ang mga braso at leeg ni Jacob na walang balahibo'y binalutan niya ng balat ng kambing. 17 Pagkatapos, ipinadala sa anak ang putahe na may kasama pang tinapay na niluto rin niya.

18 Lumapit si Jacob kay Isaac. “Ama!” sabi niya.

“Sino ka ba?” tanong nito.

19 “Ako po si Esau,” sagot ni Jacob. “Nagawa ko na po ang inyong iniuutos sa akin. Narito na po ang gusto ninyong pagkain; bumangon na kayo at kainin na ninyo ito nang ako'y mabasbasan na ninyo pagkatapos.”

20 “Napakadali mo naman yatang nakahuli?” tanong ni Isaac.

“Tinulungan po ako ni Yahweh na inyong Diyos,” sagot ni Jacob.

21 Nagtanong muli si Isaac, “Ikaw ba talaga si Esau? Lumapit ka nga rito nang matiyak ko kung ikaw nga.” 22 Lumapit naman si Jacob at siya'y hinawakan ng ama. “Kay Jacob ang tinig ngunit ang bisig ay parang kay Esau!” wika ni Isaac. 23 Hindi niya nakilala si Jacob, sapagkat ang mga bisig nito'y mabalahibo ring tulad ng kay Esau. Babasbasan na sana ni Isaac si Jacob, 24 ngunit muli pang nagtanong, “Ikaw nga ba si Esau?”

“Ako nga po,” tugon ni Jacob.

25 Kaya't sinabi ni Isaac, “Kung gayon, akin na ang pagkain at pagkakain ko'y babasbasan kita.” Iniabot ni Jacob ang pagkain at binigyan din niya ng alak. 26 “Halika anak, at hagkan mo ako,” sabi ng ama. 27 Nang(A) lumapit si Jacob upang hagkan ang ama, naamoy nito ang kanyang kasuotan, kaya't siya'y binasbasan:

“Ang masamyong halimuyak ng anak ko,
    ang katulad ay samyo ng kabukirang si Yahweh ang nagbasbas;
28 Bigyan ka nawa ng Diyos, ng hamog buhat sa itaas,
    upang tumaba ang lupa mo't ikaw nama'y makaranas
    ng saganang pag-aani at katas ng ubas.
29 Hayaan(B) ang mga bansa'y gumalang at paalipin;
    bilang pinuno, ikaw ay kilalanin.
Igagalang ka ng mga kapatid mo,
    mga anak ng iyong ina ay yuyuko sa iyo.
Sila nawang sumusumpa sa iyo ay sumpain din,
    ngunit ang nagpapala sa iyo ay pagpalain.”

30 Matapos igawad ni Isaac ang kanyang basbas, umalis si Jacob. Siya namang pagdating ni Esau na may dalang usa. 31 Niluto niya ito nang masarap at dinala sa ama. Sinabi niya, “Maupo kayo, ama, at kainin ninyo ang dala kong pagkain upang ako'y inyong mabasbasan.”

32 “Sino ka ba?” tanong ni Isaac.

“Si Esau po, ang inyong panganay,” tugon naman niya.

33 Nanginig ang buong katawan ni Isaac. Sabi niya, “Kung gayo'y sino ang naunang nagdala sa akin ng pagkain? Katatapos ko lang kumain nang ika'y dumating. Binasbasan ko na siya at tataglayin niya iyon magpakailanman.”

34 Humagulgol ng iyak si Esau nang marinig ito at nagmamakaawa, “Basbasan din po ninyo ako, ama!”

35 Ngunit sinabi ni Isaac, “Nilinlang ako ng iyong kapatid kaya nakuha niya ang basbas ko para sa iyo.”

36 Nagsalita(C) si Esau, “Dalawang beses na niya akong dinaya, kaya pala Jacob[a] ang kanyang pangalan! Kinuha na niya ang aking karapatan bilang panganay, at ngayo'y inagaw niya pati ang basbas na ukol sa akin! Wala na ba kayong nalalabing basbas para sa akin?”

37 “Wala na akong magagawa, anak,” sagot ni Isaac. “Siya'y panginoon mo na ngayon; ginawa ko nang alipin niya ang kanyang mga kamag-anak. Ibinigay ko na sa kanya ang kasaganaan sa pagkain at inumin, kaya wala nang nalalabi para sa iyo.”

38 Ngunit(D) patuloy na nagmamakaawa sa kanyang ama si Esau, “Talaga bang iisa lang ang inyong basbas, ama? Basbasan na rin ninyo ako.” At patuloy siyang nanangis.

39 Sinabi(E) ni Isaac sa kanya,
“Ang magiging tahanan mo'y malayo sa kasaganaan,
    pati hamog mula sa langit, ika'y pagkakaitan.
40 Tabak(F) mo ang iyong ikabubuhay,
    kapatid mo'y iyong paglilingkuran;
upang kalayaa'y iyong makamit,
    kailangang ikaw ay maghimagsik.”

41 Namuhi si Esau kay Jacob sapagkat ito ang binasbasan ng kanyang ama. Kaya't ganito ang nabuo sa kanyang isipan: “Pagkamatay ng aking ama, at ito'y hindi na magtatagal, papatayin ko si Jacob!”

42 May(G) nakapagsabi kay Rebeca tungkol sa balak ni Esau, kaya't ipinagbigay-alam niya agad ito kay Jacob. Sinabi niya, “Anak, binabalak ng iyong kapatid na patayin ka upang makapaghiganti siya. 43 Makinig ka sa akin, anak. Umalis ka kaagad! Pumunta ka sa Haran at doon ka muna tumira sa aking kapatid na si Laban. 44 Doon ka muna hanggang hindi humuhupa ang galit ng iyong kapatid; 45 malilimutan din niya ang ginawa mo sa kanya. Hayaan mo't pababalitaan kita kung maaari ka nang bumalik. Masakit man sa loob ko ang malayo ka sa akin, lalong hindi ko matitiis ang kayo'y parehong mawala sa akin.”

Pinapunta ni Isaac si Jacob kay Laban

46 Sinabi ni Rebeca kay Isaac, “Hirap na hirap na ang loob ko sa mga dayuhang asawa ni Esau. Kapag Hetea ring tulad nila ang napangasawa ni Jacob, mabuti pang mamatay na ako.”

28 Kaya tinawag ni Isaac si Jacob at matapos basbasan ay pinagbilinan, “Huwag kang mag-aasawa ng Cananea. Pumunta ka sa Mesopotamia, sa bayan ng iyong Lolo Bethuel. Doon ka pumili ng mapapangasawa sa mga pinsan mo, sa mga anak ng iyong Tiyo Laban. Sa iyong pag-aasawa, pagpalain ka ng Makapangyarihang Diyos, at nawa'y magkaroon ka ng maraming anak upang ikaw ay maging ama ng maraming bansa. Pagpalain(H) ka nawa niya, gayundin ang iyong lahi, tulad ng ginawa niya kay Abraham. Mapasaiyo nawa ang lupaing ito na iyong tinitirhan, ang lupang ipinangako ng Diyos kay Abraham.” Pinapunta nga ni Isaac si Jacob sa Mesopotamia, sa kanyang Tiyo Laban na anak ni Bethuel na taga-Aram. Si Laban ay kapatid ni Rebeca na ina nina Jacob at Esau.

Nag-asawa si Esau ng Isa pa

Nalaman ni Esau na pinapunta ni Isaac si Jacob sa Mesopotamia upang doon mag-asawa. Nalaman din niya na pagkatapos basbasan si Jacob ay pinagbawalan itong mag-asawa ng babaing taga-Canaan. Nalaman din niyang sinunod ni Jacob ang kanyang ama't ina at nagpunta nga sa Mesopotamia. Nang mabatid ni Esau na ayaw ng kanyang ama sa babaing Cananea, nagpunta siya sa kanyang Tiyo Ismael na anak din ng kanyang Lolo Abraham. Nag-asawa siya ng isa pa, ang pinsan niyang si Mahalat na kapatid ni Nebayot at anak ni Ismael.

Nanaginip si Jacob sa Bethel

10 Umalis(I) nga si Jacob sa Beer-seba at nagpunta sa Haran. 11 Inabot siya nang paglubog ng araw sa isang lugar at minabuti niyang doon na magpalipas ng gabi. Isang bato ang inunan niya sa kanyang pagtulog. 12 Nang(J) gabing iyon, siya'y nanaginip. May nakita siyang hagdan na abot sa langit at nagmamanhik-manaog doon ang mga anghel ng Diyos. 13 Walang(K) anu-ano'y nakita niya si Yahweh sa tabi niya. Wika sa kanya, “Ako si Yahweh, ang Diyos ni Abraham at ni Isaac. Ang lupang ito na iyong hinihigan ay ibibigay ko sa iyo at sa iyong lahi. 14 Darami(L) sila na parang alikabok sa lupa at lalaganap sila sa apat na sulok ng daigdig. Sa pamamagitan mo at ng iyong lahi ay pagpapalain ang lahat ng bansa.[b] 15 Tandaan mo, susubaybayan kita at ipagtatanggol saan ka man magpunta, at ibabalik kita sa lupaing ito. Hindi kita iiwan hanggang sa matupad ang lahat ng sinabi ko sa iyo.”

16 Nagising si Jacob at ang sabi, “Hindi ko alam na narito pala si Yahweh! 17 Nakakapangilabot ang lugar na ito! Tiyak na ito ang tahanan ng Diyos at ang pintuan ng kalangitan.”

18 Maagang gumising si Jacob nang umagang iyon. Kinuha niya ang inunang bato at itinayo bilang isang alaala. Binuhusan niya ito ng langis at itinalaga sa Diyos. 19 Tinawag niyang Bethel[c] ang lugar na iyon na dati'y tinatawag na Luz. 20 Nangako si Jacob nang ganito: “O Yahweh, kung ako'y sasamahan ninyo at iingatan sa paglalakbay na ito, pakakainin at dadamitan, 21 at makakabalik na muli sa bahay ng aking ama, kayo po ang aking magiging Diyos. 22 Sasambahin kayo sa lugar na ito na pinagtayuan ko ng batong alaalang ito, at ibabalik ko sa inyo ang ikasampung bahagi ng lahat ng ipinagkakaloob ninyo sa akin.”

Dumating si Jacob kina Laban

29 Nagpatuloy si Jacob sa kanyang paglalakbay hanggang sa dumating siya sa lupain ng mga taga-Silangan. May nakita siyang isang balon ng tubig sa kaparangan. Sa paligid nito'y may tatlong kawan ng mga tupang nagpapahinga, sapagkat doon pinapainom ang mga ito. Ang balon ay may takip na malaking bato, at binubuksan lamang ito kapag papainumin na ang mga tinipong kawan. Matapos painumin ang mga ito, muli nilang tinatakpan ang balon.

Tinanong ni Jacob ang mga pastol na naroon, “Tagasaan kayo, mga kaibigan?”

“Taga-Haran,” tugon nila.

“Kilala ba ninyo si Laban na apo ni Nahor?” tanong niyang muli.

“Oo,” sagot naman nila.

“Kumusta na siya?” tanong pa niya.

“Mabuti,” sabi naman nila. “Hayun at dumarating si Raquel, ang anak niyang dalaga! Kasama niya ang kawan ng kanyang ama.”

“Maaga pa naman,” sabi ni Jacob, “bakit hindi ninyo painumin ang mga tupa at dalhin muna sa pastulan bago ikulong?”

“Aba, hindi maaari!” sagot ng mga pastol. “Ang lahat ng pastol ay kailangang narito bago buksan ang balon; saka pa lamang kami maaaring magpainom.”

Nakikipag-usap pa si Jacob nang dumating si Raquel na kasama ang kawan ng kanyang ama. 10 Nang makita ni Jacob si Raquel na kasama ang kawan ni Laban, binuksan ni Jacob ang balon at pinainom ang mga tupa. 11 Pagkatapos, nilapitan niya ang dalaga at hinagkan; napaiyak siya sa tuwa. 12 Sinabi niya, “Ako'y pamangkin ng iyong ama, anak ng iyong Tiya Rebeca!”

Patakbong umuwi si Raquel at ibinalita ito sa ama. 13 Sinalubong naman agad ni Laban ang kanyang pamangkin. Niyakap niya ito at hinagkan, saka isinama sa kanila. Nang maisalaysay ni Jacob ang lahat, 14 sinabi sa kanya ni Laban, “Tunay na ikaw ay laman ng aking laman at dugo ng aking dugo!” At doon na siya tumira sa loob ng isang buwan.

Naglingkod si Jacob Dahil kina Raquel at Lea

15 Pagkalipas ng isang buwan, sinabi ni Laban kay Jacob, “Hindi dahil magkamag-anak tayo ay pagtatrabahuhin kita nang walang bayad; magkano bang dapat kong isweldo sa iyo?” 16 Si Laban ay may dalawang anak na dalaga. Si Lea ang nakatatanda at si Raquel naman ang nakababata. 17 Mapupungay[d] ang mga mata ni Lea, ngunit mas maganda at kaakit-akit si Raquel.

18 Nabighani si Jacob kay Raquel, kaya't ang sabi niya kay Laban, “Paglilingkuran ko kayo nang pitong taon para kay Raquel.”

19 Sinabi ni Laban, “Mas gusto ko ngang ikaw ang mapangasawa niya kaysa iba. Sige, dumito ka na.” 20 Pitong taóng naglingkod si Jacob upang mapasakanya si Raquel, ngunit iyon ay parang katumbas lamang ng ilang araw dahil sa laki ng kanyang pag-ibig dito.

21 Sinabi ni Jacob kay Laban, “Dumating na po ang panahong dapat kaming makasal ng inyong anak.” 22 Naghanda nang malaki si Laban at inanyayahan ang lahat ng tagaroon. 23 Ngunit nang gabing iyon, hindi alam ni Jacob na ang pinasiping sa kanya ay si Lea, sa halip na si Raquel. 24 Ibinigay naman ni Laban kay Lea ang alipin nitong si Zilpa. 25 Kinaumagahan, nakita ni Jacob na si Lea pala ang kanyang kasiping. Kaya sinabi niya kay Laban, “Bakit ninyo ito ginawa sa akin? Bakit ninyo ako nilinlang? Naglingkod ako sa inyo para kay Raquel, hindi po ba?”

26 Sumagot si Laban, “Hindi kaugalian dito sa amin na mauna pang mag-asawa ang nakababatang kapatid. 27 Patapusin mo muna ang sanlinggong pagdiriwang na ito at pagkatapos ay ibibigay ko sa iyo si Raquel kung maglilingkod ka sa akin ng pitong taon pa.”

28 Sumang-ayon naman si Jacob at nang matapos ang pagdiriwang, ibinigay nga sa kanya ni Laban si Raquel bilang asawa. 29 Ibinigay rin ni Laban kay Raquel ang alipin nitong si Bilha. 30 Sa wakas, naangkin ni Jacob si Raquel; mas mahal niya ito kaysa kay Lea. Kaya't naglingkod pa si Jacob kay Laban nang pitong taon pa.

Ang mga Anak ni Jacob

31 Alam ni Yahweh na si Lea ay di gaanong mahal ni Jacob, kaya't niloob niyang magkaanak na ito, samantalang si Raquel ay baog. 32 Lalaki ang unang anak ni Lea. Ang sabi niya, “Nakita ni Yahweh ang aking suliranin. Ngayon, tiyak na mamahalin ako ng aking asawa.” Kaya't Ruben[e] ang ipinangalan niya rito. 33 Nagdalang-tao siyang muli at lalaki na naman ang kanyang naging anak. Kanyang sinabi, “Kaloob din ito sa akin ni Yahweh, dahil narinig niyang ako'y hindi mahal ng aking asawa.” Kaya't tinawag naman niya itong Simeon.[f] 34 Muling nagdalang-tao si Lea at lalaki uli ang naging anak. Sinabi niya, “Lalo akong mapapalapit sa aking asawa, sapagkat tatlong lalaki na ang aming anak.” At tinawag niya itong Levi.[g] 35 Nagdalang-tao siyang muli at lalaki pa rin ang kanyang anak. Sinabi niya, “Ngayo'y pupurihin ko si Yahweh.” Kaya't tinawag niya itong Juda.[h] Pagkatapos noo'y hindi na siya nagkaanak.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.