Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Beginning

Read the Bible from start to finish, from Genesis to Revelation.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Genesis 4-7

Si Cain at si Abel

Sinipingan ni Adan ang kanyang asawa at ito'y nagdalang-tao. Nang isilang ang kanyang panganay na lalaki ay sinabi ni Eva: “Nagkaroon ako ng anak na lalaki sa tulong ni Yahweh.” Kaya Cain[a] ang ipinangalan niya rito. Sinundan si Cain ng isa pang anak na lalaki, at Abel naman ang ipinangalan dito. Naging pastol ito at si Cain naman ay naging magsasaka. Dumating ang panahon na si Cain ay naghandog kay Yahweh ng ani niya sa bukid. Kinuha(A) naman ni Abel ang isa sa mga panganay ng kanyang kawan. Pinatay niya ito at inihandog ang pinakamainam na bahagi. Si Yahweh ay nasiyahan kay Abel at sa kanyang handog, ngunit hindi niya kinalugdan si Cain at ang handog nito. Dahil dito, hindi mailarawan ang mukha ni Cain sa tindi ng galit. Kaya't sinabi ni Yahweh, “Anong ikinagagalit mo, Cain? Bakit ganyan ang mukha mo? Kung mabuti ang ginawa mo, dapat kang magsaya. Kung masama naman, ang kasalana'y tulad ng mabangis na hayop na laging nag-aabang upang lapain ka. Nais nitong pagharian ka. Kaya't kailangang mapaglabanan mo ito.”

Isang(B) araw, niyaya ni Cain ang kanyang kapatid, “Abel, pumunta tayo sa bukid.” Sumama naman ito, ngunit pagdating nila sa bukid ay pinatay ni Cain si Abel.

Tinanong ni Yahweh si Cain, “Nasaan ang kapatid mong si Abel?”

Sumagot siya, “Hindi ko alam. Bakit, ako ba'y tagapag-alaga ng aking kapatid?”

10 At(C) sinabi ni Yahweh, “Cain, ano itong ginawa mo? Sumisigaw sa akin mula sa lupa ang dugo ng iyong kapatid, at humihingi ng katarungan. 11 Sinusumpa kita ngayon, at hindi mo na maaaring bungkalin ang lupa dahil dumanak doon ang dugo ng kapatid mo na iyong pinaslang. 12 Bungkalin mo man ang lupa upang tamnan, hindi ka mag-aani; wala kang matitirhan at magiging lagalag ka sa daigdig.”

13 “Napakabigat namang parusa ito!” sabi ni Cain kay Yahweh. 14 “Ngayong pinapalayas mo ako sa lupaing ito upang malayo sa iyong paningin, at maglagalag sa daigdig, papatayin ako ng sinumang makakakita sa akin.”

15 “Hindi,” sagot ni Yahweh. “Paparusahan ng pitong ibayo ang sinumang papatay sa iyo.” Kaya't nilagyan ni Yahweh ng palatandaan si Cain upang maging babala sa sinuman na ito'y hindi dapat patayin. 16 Iniwan ni Cain si Yahweh at tumira siya sa lupain ng Nod, isang lugar sa silangan ng Eden.

Ang Angkan ni Cain

17 Sinipingan ni Cain ang kanyang asawa, nagdalang-tao ito at nagkaanak ng isang lalaki na pinangalanang Enoc. Pagkatapos, nagtayo si Cain ng isang lunsod at ito'y tinawag na Enoc, bilang alaala sa kanyang anak. 18 Si Enoc ang ama ni Irad na ama ni Mehujael. Anak naman nito si Metusael na ama ni Lamec. 19 Nag-asawa si Lamec ng dalawa, sina Ada at Zilla. 20 Naging anak ni Ada si Jabal, ang ninuno ng mga nagpapastol ng mga baka at ng mga tumitira sa tolda. 21 Kapatid nito si Jubal na siya namang ninuno ng mga manunugtog ng alpa at plauta. 22 Naging anak naman ni Zilla si Tubal-cain na ninuno ng lahat ng panday ng mga kagamitang tanso at bakal. Si Tubal-cain ay may kapatid na babae, si Naama. 23 Sinabi ni Lamec sa dalawa niyang asawa:

“Dinggin ninyo itong aking sasabihin,
    Ada at Zilla, mga asawa kong giliw;
may pinatay akong isang kabataan,
    sapagkat ako'y kanyang sinugatan.
24 Kung saktan si Cain, ang parusang gawad sa gagawa nito'y pitong patong agad;
    ngunit kapag ako ang siyang sinaktan, pitumpu't pitong patong ang kaparusahan.”

Ang Angkan ni Set

25 Muling sinipingan ni Adan ang kanyang asawa, at ito'y nanganak ng isa pang lalaki. Sinabi ng ina, “Binigyan ako ng Diyos ng kapalit ni Abel na pinatay ni Cain;” at ito'y tinawag niyang Set.[b] 26 Si Set ang ama ni Enos. Noon nagsimulang tumawag sa pangalan ni Yahweh ang mga tao sa kanilang pagsamba.

Ang Lahi ni Adan(D)

Ito(E) ang kasaysayan ng lahi na mula kay Adan. Nang likhain ng Diyos ang tao, ginawa niya ito ayon sa kanyang larawan. Sila'y(F) nilikha niya na lalaki at babae, at matapos pagpalain, sila'y tinawag niyang “Sangkatauhan”.[c] Si Adan ay 130 taon nang maging anak niya si Set na kanyang kalarawan. Nabuhay pa siya nang walong daang taon, at nagkaroon pa ng mga anak na lalaki't babae. Namatay siya sa gulang na 930 taon.

Si Set ay 105 taon nang maging anak niya si Enos. Nabuhay pa siya nang 807 taon at nagkaroon din ng iba pang mga anak. Namatay siya sa gulang na 912 taon.

Siyamnapung taon naman si Enos nang maging anak niya si Kenan. 10 Nabuhay pa siya nang 815 taon at nagkaroon din ng iba pang mga anak. 11 Namatay siya sa gulang na 905 taon.

12 Si Kenan naman ay pitumpung taon nang maging anak si Mahalalel. 13 Nabuhay pa si Kenan nang 840 taon at nagkaroon din ng iba pang mga anak. 14 Namatay siya sa gulang na 910 taon.

15 Animnapu't limang taon si Mahalalel nang maging anak si Jared. 16 Nabuhay pa si Mahalalel nang 830 taon at nagkaroon din ng iba pang mga anak. 17 Namatay siya sa gulang na 895 taon.

18 Si Jared ay 162 nang maging anak niya si Enoc. 19 Nabuhay pa si Jared nang 800 taon at nagkaroon din ng iba pang mga anak. 20 Namatay siya sa gulang na 962 taon.

21 Animnapu't limang taon naman si Enoc nang maging anak niya si Matusalem. 22 Tatlong daang taon pang nabuhay si Enoc na kasama ang Diyos, at nagkaroon ng iba pang mga anak. 23 Umabot siya nang 365 taon, 24 at(G) sa buong panahong iyon ay namuhay siyang kasama ng Diyos. Pagkatapos, nawala siya sapagkat kinuha siya ng Diyos.

25 Si Matusalem ay 187 taon nang maging anak niya si Lamec. 26 Nabuhay pa si Matusalem nang 782 taon at nagkaroon din ng iba pang mga anak. 27 Namatay siya sa gulang na 969 na taon.

28 Si Lamec naman ay 182 taon nang magkaroon ng anak. 29 Sinabi niya, “Mula sa lupang ito na isinumpa ni Yahweh, ipinanganak ang lulunas sa lahat ng ating mga pagpapagal at paghihirap.” Kaya't Noe[d] ang ipinangalan niya sa kanyang anak. 30 Nabuhay pa si Lamec nang 595 taon at nagkaroon din siya ng iba pang mga anak. 31 Namatay siya sa gulang na 777 taon.

32 Si Noe nama'y 500 na nang maging anak niya sina Shem, Ham at Jafet.

Ang Kasamaan ng Sangkatauhan

Napakarami(H) na ng mga tao sa daigdig nang panahong iyon. Nagkaroon sila ng mga anak na babae. Nang makita ng mga anak ng Diyos[e] na ang mga babaing anak ng tao ay magaganda, ang mga ito'y pumili sa kanila ng kanya-kanyang asawa. Sinabi ni Yahweh, “Hindi ko ipapahintulot na mabuhay nang habang panahon ang tao, sapagkat siya'y makalaman. Hindi na lalampas sa 120 taon ang kanyang buhay sa daigdig.” Nang(I) panahong iyon, may mga higante sa ibabaw ng lupa. Sila ang naging bunga ng pakikipagtalik ng mga anak ng Diyos sa mga anak ng tao. Ang mga higanteng iyon ay tinanghal na mga dakilang bayani at tanyag na tao noong unang panahon.

Nakita(J) ni Yahweh na laganap na ang kasamaan ng tao sa daigdig, at puro kasamaan na lamang ang palaging nasa isip nito. Kaya't labis na ikinalungkot ni Yahweh na nilikha pa niya ang tao. Sinabi niya, “Lilipulin ko ang lahat ng taong aking nilalang. Lilipulin ko rin ang lahat ng hayop at mga ibon. Ikinalulungkot kong nilalang ko pa ang mga ito.” Ngunit si Noe ay naging kalugud-lugod kay Yahweh.

Si Noe

Ito(K) ang kasaysayan ni Noe. Matuwid at mabuting tao si Noe noong kanyang kapanahunan. Namuhay siya ayon sa kalooban ng Diyos. 10 Siya'y may tatlong anak na lalaki, sina Shem, Ham at Jafet. 11 Maliban kay Noe, masasama ang lahat ng tao sa paningin ng Diyos at laganap ang karahasan sa lahat ng dako. 12 Ito ang kalagayang nakita ng Diyos sa buong daigdig; namumuhay sa kasamaan ang lahat ng tao.

Pinagawa ng Malaking Barko si Noe

13 Sinabi ng Diyos kay Noe, “Napagpasyahan ko nang lipulin ang lahat ng tao sa daigdig. Umabot na sa sukdulan ang kanilang kasamaan. Gugunawin ko sila kasama ng daigdig. 14 Kaya gumawa ka ng isang malaking barko na yari sa kahoy na sipres. Lagyan mo ito ng mga silid at pahiran mo ng alkitran ang loob at labas nito. 15 Ang barkong gagawin mo ay 135 metro ang haba, 22 metro ang luwang, at 13.5 metro ang taas. 16 Bubungan mo ito at lagyan ng kalahating metrong pagitan mula sa bubong[f] hanggang sa tagiliran. Gawin mong tatlong palapag ang barko at lagyan mo ng pintuan sa tagiliran. 17 Palulubugin ko sa tubig ang buong daigdig at malilipol ang lahat ng may buhay sa balat ng lupa. 18 Ngunit ako'y gagawa ng kasunduan natin: Isama mo ang iyong asawa at mga anak na lalaki, pati mga asawa nila, at pumasok kayo sa barko. 19 Magsakay ka ng isang lalaki at isang babae ng bawat uri ng hayop at ibon upang magpatuloy ang lahi nila. 20 Magsakay ka rin ng tig-iisang pares sa bawat uri ng ibon at hayop at mga gumagapang sa lupa upang magpatuloy rin ang lahi ng mga ito. 21 Maglaan ka ng lahat ng uri ng pagkain para sa inyo at sa kanila.” 22 At(L) ginawa nga ni Noe ang lahat ng iniutos sa kanya ng Diyos.

Ang Baha

Sinabi ni Yahweh kay Noe, “Pumasok kayong mag-anak sa barko. Sa lahat ng tao'y ikaw lamang ang nakita kong namumuhay ng matuwid. Magdala ka ng pitong pares sa bawat hayop na malinis, at isang pares naman sa di-malinis. Pitong pares din sa bawat uri ng ibon ang iyong dadalhin. Gawin mo ito upang magpatuloy ang kanilang lahi sa balat ng lupa. Pagkaraan ng isang linggo, pauulanin ko nang apatnapung araw at apatnapung gabi upang lipulin ang lahat ng aking nilikha sa daigdig.” At ginawa nga ni Noe ang bawat iniutos ni Yahweh.

Si Noe ay 600 taon nang bumaha sa daigdig. Pumasok(M) nga siya sa malaking barko kasama ang kanyang asawa, mga anak, at mga manugang upang maligtas sa baha. Sa bawat uri ng hayop, malinis o hindi, sa bawat uri ng ibon at maliliit na hayop, ay nagsama siya sa barko ayon sa utos ng Diyos. 10 Pagkaraan ng pitong araw, bumaha nga sa buong daigdig.

11 Si(N) Noe ay 600 taóng gulang na noon. Noong ikalabimpitong araw ng ikalawang buwan, nabuksan ang lahat ng bukal sa ilalim ng lupa. Nabuksan din ang mga bintana ng langit. 12 Bumuhos ang ulan sa loob ng apatnapung araw at apatnapung gabi. 13 Pumasok noon sa barko si Noe at ang kanyang asawa, kasama ang kanilang tatlong anak na lalaki na sina Shem, Ham at Jafet at ang kani-kanilang asawa. 14 Pinapasok din niya ang bawat uri ng hayop—mailap at maamo, lumalakad at gumagapang sa lupa, at bawat uri ng ibon. 15 Isang lalaki at isang babae ng bawat may buhay ang isinama ni Noe, 16 ayon sa utos ng Diyos. Pagkatapos, isinara ni Yahweh ang pinto ng barko.

17 Apatnapung araw na bumaha sa daigdig. Lumaki ang tubig at lumutang ang barko. 18 Palaki nang palaki ang tubig habang palutang-lutang naman ang barko. 19 Patuloy pang lumaki ang tubig hanggang sa lumubog ang lahat ng matataas na bundok, 20 at tumaas pa nang halos pitong metro sa taluktok ng mga bundok. 21 Namatay ang bawat may buhay sa lupa—mga ibon, maaamo at maiilap na mga hayop, lahat ng gumagapang sa lupa, at lahat ng tao. 22 Ang lahat ng may hininga sa ibabaw ng lupa ay namatay. 23 Ang mga tao at mga hayop sa daigdig ay nilipol ng Diyos, maliban kay Noe at sa kanyang mga kasama sa barko. 24 Nagsimulang bumabâ ang tubig pagkatapos ng 150 araw.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.