Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Beginning

Read the Bible from start to finish, from Genesis to Revelation.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Genesis 35-37

Binasbasan ng Diyos si Jacob sa Bethel

35 Sinabi(A) ng Diyos kay Jacob, “Pumunta ka sa Bethel at doon ka manirahan. Ipagtayo mo roon ng altar ang Diyos na nagpakita sa iyo noong tumatakas ka sa iyong kapatid na si Esau.”

Kaya't sinabi ni Jacob sa kanyang sambahayan at sa lahat ng kasama niya, “Itapon ninyong lahat ang diyus-diyosang taglay ninyo, maglinis kayo ng inyong katawan, at magbihis kayo. Aalis tayo rito at pupunta sa Bethel. Magtatayo ako roon ng altar para sa Diyos na kasama ko saanman at laging tumutulong sa akin sa panahon ng kagipitan.” Ibinigay nila kay Jacob ang kanilang mga diyus-diyosan at ang suot nilang mga hikaw. Ang lahat ng ito'y ibinaon ni Jacob sa tabi ng malaking punong malapit sa Shekem.

Ang mga tao sa mga karatig-bayan ay natakot kay Jacob at sa kanyang mga anak na lalaki, kaya't walang nangahas humabol sa kanila nang sila'y umalis. Nang dumating sila sa Luz, sa lupain ng Canaan, gumawa siya ng altar at tinawag niyang El-Bethel[a] ang lugar na iyon, sapagkat doon nagpakita sa kanya ang Diyos nang siya'y tumakas mula sa kanyang kapatid. Namatay si Debora, ang nag-alaga kay Rebeca, at inilibing sa tabi ng malaking puno sa gawing timog ng Bethel. At ang dakong iyo'y tinawag na “Roble ng Pagluha.”

Pagbalik ni Jacob mula sa Mesopotamia, muling nagpakita sa kanya ang Diyos at siya'y binasbasan, 10 “Jacob(B) ang pangalan mo, ngunit mula ngayon, Israel na ang itatawag sa iyo.” 11 Sinabi(C) pa sa kanya, “Ako ang Makapangyarihang Diyos; magkakaroon ka ng maraming anak. Darami ang iyong mga lahi at sa kanila'y may mga magiging hari. Magmumula sa lahi mo ang maraming bansa. 12 Ang mga lupaing aking ipinangako kay Abraham at kay Isaac ay ibibigay ko sa iyo at sa iyong mga anak.” 13 At iniwan siya ng Diyos. 14 Naglagay(D) si Jacob ng batong palatandaan sa lugar na pinagtagpuan nila. Binuhusan niya ito ng langis at alak bilang tanda na ito'y ukol sa Diyos. 15 Tinawag niyang Bethel ang lugar na iyon.

Namatay si Raquel

16 Umalis sila sa Bethel. Nang sila'y malapit na sa Efrata, naramdaman ni Raquel na manganganak na siya at napakatindi ng kanyang hirap. 17 Sinabi sa kanya ng hilot, “Huwag kang matakot, lalaki na naman ang isisilang mo.” 18 Nasa bingit na siya ng kamatayan, at bago siya nalagutan ng hininga, ang sanggol ay tinawag niyang Benoni,[b] ngunit Benjamin[c] naman ang ipinangalan ni Jacob.

19 Namatay si Raquel at inilibing sa tabi ng daang patungo sa Efrata na ngayon ay Bethlehem. 20 Ang puntod ay nilagyan ni Jacob ng batong pananda at hanggang ngayo'y makikita pa rin ang panandang iyon sa puntod ni Raquel. 21 Nagpatuloy ng paglalakbay si Israel at nagkampo sa kabilang panig ng tore ng Eder.

Ang mga Anak ni Jacob(E)

22 Samantalang(F) sina Israel ay nasa lupaing iyon, sumiping si Ruben kay Bilha na isa sa mga asawang-lingkod ng kanyang ama. Nalaman ito ni Israel.

Labindalawa ang mga anak na lalaki ni Jacob: 23 kay Lea, ang naging anak niya'y sina Ruben, Simeon, Levi, Juda, Isacar at Zebulun; 24 kay Raquel, si Jose at si Benjamin; 25 kay Bilha na alipin ni Raquel, si Dan at si Neftali; 26 kay Zilpa naman na alipin ni Lea, ang naging anak niya'y sina Gad at Asher. Sa Mesopotamia ipinanganak ang lahat ng ito.

Namatay si Isaac

27 Dumalaw(G) si Jacob sa kanyang amang si Isaac sa Mamre, na tinatawag ding Lunsod ng Arba o Hebron. Dito rin tumira si Abraham. 28 Si Isaac ay 180 taon 29 nang mamatay at mamahinga sa piling ng kanyang mga ninuno. Siya'y inilibing nina Esau at Jacob.

Ang mga Nagmula sa Lahi ni Esau(H)

36 Ito ang kasaysayan ng lahi na mula kay Esau na tinatawag ding Edom. Ang(I) napangasawa niya ay mga Cananea: si Ada, anak ni Elon na Heteo, si Aholibama, anak ni Ana at apo ni Zibeon na Hivita, at(J) si Basemat na anak naman ni Ismael at kapatid ni Nebayot. Ang anak ni Esau kay Ada ay si Elifaz; kay Basemat ay si Reuel; at kay Aholibama ay sina Jeus, Jalam at Korah. Silang lahat ay ipinanganak sa Canaan.

Nangibang-bayan si Esau kasama ang kanyang mga asawa, mga anak, mga tauhan, pati ang mga hayop at ang lahat ng ari-arian ay kanyang dinala. Iniwan niya si Jacob sa Canaan, sapagkat ang lupaing ito'y hindi na sapat sa kanilang mga kawan. Sa Seir nanirahan si Esau.

Ito ang kasaysayan ng lahi na mula kay Esau, ang pinagmulan ng mga Edomita sa kaburulan ng Seir: 10 si Elifaz, anak kay Ada; at si Reuel, kay Basemat. 11 Ang mga anak naman ni Elifaz ay sina Teman, Omar, Zefo, Gatam at Kenaz. 12 At si Amalek ang naging anak ni Elifaz kay Timna. Sila ang mga apo ni Esau kay Ada.

13 Ito naman ang mga apo ni Esau kay Reuel na anak ni Basemat: Nahat, Zera, Shammah at Miza.

14 Ang mga anak ni Esau kay Aholibama na anak ni Ana at apo ni Zibeon, ay sina Jeus, Jalam at Korah.

15-16 Ito ang mga pinuno sa lahi ni Esau: Teman, Omar, Zefo at Kenaz, Korah, Gatam at Amalek, mga anak ni Elifaz na kanyang panganay at apo ni Ada. Sila'y naging pinuno sa lupain ng Edom.

17 Naging mga pinuno rin sa lupain ng Edom sina Nahat, Zera, Shammah, at Miza na mga anak ni Reuel. Sila ang mga apo ni Esau kay Basemat.

18 Sina Jeus, Jalam at Korah ang naging pinuno sa mga anak ni Esau kay Aholibama na anak ni Ana. 19 Ang lahat ng mga liping ito'y nagmula sa lahi ni Esau.

Ang Lahi ni Seir(K)

20 Ito ang mga anak ni Seir, ang Horeo: Lotan, Sobal, Zibeon, Ana, 21 Dishon, Ezer at Disan. Sila ang mga pinuno ng mga Horeo na unang nanirahan sa lupain ng Edom.

22 Ang mga anak ni Lotan ay sina Hori at Heman. Si Timna ay kapatid na babae ni Lotan.

23 Ito naman ang mga anak ni Sobal: Alvan, Manahat, Ebal, Zefo at Onam.

24 Ang kay Zibeon naman ay sina Aya at Ana. Si Ana ang siyang nakatuklas ng mainit na bukal sa ilang samantalang inaalagaan ang mga asno ng kanyang ama. 25 Ang mga anak ni Ana ay si Dishon at ang kapatid nitong babae na si Aholibama. 26 Ang mga anak naman ni Dishon ay sina Hemdan, Esban, Itran at Keran.

27 Sina Bilhan, Zaavan at Acan ang mga anak naman ni Ezer.

28 At ang kay Disan ay sina Hus at Aran.

29 Ito ang mga pinuno ng mga Horeo sa lupain ng Seir ayon sa kanilang angkan: Lotan, Sobal, Zibeon, Ana, 30 Dishon, Ezer at Disan.

Ang mga Hari ng Edom(L)

31 Ito naman ang mga naging hari sa lupain ng Edom bago nagkaroon ng haring Israelita. 32 Si Bela, ang anak ni Beor, ay naghari sa Lunsod ng Dinaba. 33 Pagkamatay niya, pumalit si Jobab na anak ni Zerah, na taga-Bosra. 34 Nang mamatay naman si Jobab, pumalit si Husam na Temaneo. 35 Namatay si Husam, at humalili naman si Hadad, anak ni Bedad na tumalo sa mga Midianita sa lupain ng Moab. Avit ang tawag sa kanyang lunsod. 36 Pagkamatay ni Hadad, siya'y pinalitan ni Samla na taga-Masreca. 37 Si Saul namang taga-Rehobot sa Eufrates ang sumunod na namahala pagkamatay ni Samla. 38 Pagkamatay ni Saul, ang naghari ay si Baal-hanan na anak ni Acbor. 39 Pagkamatay ni Baal-hanan, pumalit si Hadar. Ang pangalan ng lunsod niya ay Pau. Si Mehetabel na anak ni Matred at apo ni Mezahab ang kanyang asawa.

40 Ito ang mga liping nagmula kay Esau ayon sa kanilang tirahan: Timna, Alva, Jetet, 41 Aholibama, Ela, Pinon, 42 Kenaz, Teman, Mibzar, 43 Magdiel at Iram. Ito ang mga bansa ng Edom ayon sa kani-kanilang tirahan. Si Esau ang ninuno ng mga Edomita.

Si Jose at ang Kanyang mga Kapatid

37 Si Jacob ay nanatili sa Canaan, sa lupaing tinirhan ng kanyang ama. Ito ang kasaysayan ng sambahayan ni Jacob:

Nang si Jose ay labimpitong taon na, nag-aalaga siya ng kawan kasama ng kanyang mga kapatid sa ama, ang mga anak nina Bilha at Zilpa, na mga asawang-lingkod ng kanyang ama. Alam niya ang masasamang gawain ng kanyang mga kapatid kaya't ang mga ito'y isinumbong niya sa kanilang ama.

Mas mahal ni Israel si Jose kaysa ibang mga anak, sapagkat matanda na siya nang ito'y isinilang. Iginawa niya ito ng damit na mahaba at may manggas.[d] Nang mahalata ng mga kapatid ni Jose na mas mahal siya ng kanilang ama, kinamuhian siya ng mga ito at ayaw siyang pakisamahang mabuti.

Minsan, nanaginip si Jose at lalong namuhi ang mga kapatid niya nang ito'y ikuwento niya sa kanila. Sabi ni Jose, “Napanaginipan ko, na tayo ay nasa bukid at nagbibigkis ng trigo. Tumayo ang aking binigkis at yumukod sa paligid nito ang inyong mga binigkis.”

“Ano! Ang ibig mo bang sabihin ay maghahari ka sa amin?” tanong nila. At lalo silang nagalit kay Jose.

Nanaginip muli si Jose at isinalaysay sa kanyang mga kapatid ang ganito: “Nakita ko sa aking panaginip na ang araw, ang buwan at labing-isang bituin ay yumuko sa aking harapan.”

10 Sinabi rin niya ito sa kanyang ama, at ito'y nagalit din sa kanya.

“Anong ibig mong sabihin?” tanong ng ama. “Kami ng iyong ina't mga kapatid ay yuyuko sa harapan mo?” 11 Inggit(M) na inggit kay Jose ang kanyang mga kapatid. Inisip-isip namang mabuti ng kanyang ama ang mga bagay na ito.

Ipinagbili si Jose at Dinala sa Egipto

12 Isang araw, nasa Shekem ang mga kapatid ni Jose at pinapastol doon ang kawan ng kanilang ama. 13 Sinabi ni Israel kay Jose, “Gumayak ka at sumunod sa iyong mga kapatid.”

“Opo,” tugon ni Jose.

14 Sinabi pa ng kanyang ama, “Tingnan mo kung sila'y nasa mabuting kalagayan. Pagkatapos, bumalik ka agad at nang malaman ko.” Lumakad nga si Jose mula sa libis ng Hebron at nakarating sa Shekem. 15 Sa kanyang paglalakad, nakita siya ng isang lalaki at tinanong kung anong hinahanap niya.

16 “Hinahanap ko po ang aking mga kapatid na nagpapastol ng aming kawan,” sagot niya. “Saan ko po kaya sila makikita?”

17 Sinabi ng lalaki, “Umalis na sila at ang dinig ko'y sa Dotan pupunta.” Sumunod si Jose at natagpuan nga roon ang mga kapatid.

18 Malayo pa'y natanaw na siya ng mga ito. Nagkaisa silang patayin siya. 19 Sinabi nila, “Ayan na ang mahilig managinip! 20 Patayin natin siya at ihulog sa balon, at sabihing siya'y sinila ng mabangis na hayop. Tingnan natin kung ano ang mangyayari sa kanyang mga panaginip.”

21 Narinig ito ni Ruben at binalak niyang iligtas si Jose. Sabi niya, “Huwag, huwag nating patayin. 22 Huwag natin siyang pagbuhatan ng kamay; ihulog na lamang natin sa balon.” Sinabi niya ito, sapagkat ang balak niya ay iligtas ang kapatid at dalhin ito sa kanyang ama. 23 Paglapit ni Jose, hinubad nila ang mahabang damit nito na may manggas,[e] 24 at inihulog sa isang tuyong balon.

25 Habang sila'y kumakain, may natanaw silang pangkat ng mga Ismaelitang mula sa Gilead. Ang kanilang mga kamelyo ay may kargang mga gagawing pabango na dadalhin sa Egipto. 26 Sinabi ni Juda sa kanyang mga kapatid, “Wala tayong mapapala kung papatayin natin ang ating kapatid. 27 Mabuti pa'y ipagbili na lamang natin siya sa mga Ismaelita kaysa ating saktan! Siya'y kapatid din natin, laman ng ating laman at dugo ng ating dugo.” At sila'y nagkasundo. 28 Kaya't(N) nang may dumaraang mga mangangalakal na Midianita, iniahon nila si Jose at ipinagbili sa halagang dalawampung pirasong pilak. At si Jose'y dinala ng mga Ismaelita sa Egipto.

29 Pagbalik ni Ruben sa balon, nakita niyang wala na roon si Jose. Sa laki ng kanyang pagdaramdam, pinunit niya ang kanyang damit. 30 Lumapit siya sa kanyang mga kapatid at ang sabi, “Wala na sa balon si Jose! Ano ang gagawin ko ngayon?”

31 Nagpatay sila ng kambing at itinubog sa dugo nito ang hinubad na damit ni Jose. 32 Pagkatapos, dinala nila ito sa kanilang ama at sinabi, “Nakita po namin ang damit na ito, tingnan nga ninyo kung ito nga ang sa mahal ninyong anak.”

33 Nakilala niya agad ang damit. “Kanya nga ito! Pinatay ng mabangis na hayop ang anak ko! Pihong nagkaluray-luray ang kanyang katawan.” 34 Sinira ni Jacob ang suot niyang damit, at nagsuot ng damit-panluksa. Ipinagluksa niya nang mahabang panahon ang nangyari sa kanyang anak. 35 Inaliw siya ng lahat niyang mga anak ngunit patuloy ang kanyang pamimighati. Sinabi niya, “Mapupunta ako sa daigdig ng mga patay na nagdadalamhati dahil sa pagkawala ng aking anak.” Patuloy siyang nagluksa dahil kay Jose.

36 Samantala, pagdating sa Egipto, ipinagbili si Jose ng mga Midianita kay Potifar, isang punong kawal ng Faraon at kapitan ng mga tanod sa palasyo.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.