Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Beginning

Read the Bible from start to finish, from Genesis to Revelation.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Genesis 41-42

Ipinaliwanag ni Jose ang mga Panaginip ng Faraon

41 Pagkaraan ng dalawang taon, ang Faraon naman ang nanaginip. Napanaginipan niyang siya'y nakatayo sa pampang ng Ilog Nilo. Walang anu-ano'y may pitong magaganda't matatabang bakang umahon sa ilog at nanginain ng damo. 3-4 Umahon din mula sa ilog na iyon ang pitong pangit at payat na baka. Lumapit ang mga ito at kinain ang pitong matatabang baka. At nagising ang Faraon. Nakatulog siyang muli at nanaginip na naman. May pitong uhay na tumubo sa isang puno ng trigo. Malalaki at matataba ang mga butil nito. Pagkatapos, may sumibol na pitong uhay. Ang mga ito ay payat at tuyot ang mga butil dahil sa hampas ng hanging silangan. Kinain ng mga payat ang matatabang uhay, at muling nagising ang Faraon. Noon niya nalamang siya pala'y nananaginip. Pagsapit(A) ng umaga, nabagabag siya, kaya't ipinatawag niyang lahat ang mga salamangkero at mga matatalinong tao sa buong Egipto. Isinalaysay niya ang kanyang mga panaginip, ngunit isa ma'y walang makapagpaliwanag ng kahulugan ng mga ito.

Lumapit sa Faraon ang tagapangasiwa ng mga inumin at sinabi sa kanya, “Ako po'y may malaking pagkukulang na nagawa. 10 Nang magalit po kayo sa amin ng punong panadero at ipabilanggo ninyo kami sa tahanan ng kapitan ng mga tanod, 11 kami po'y parehong nanaginip. 12 Isa pong binatang Hebreo na alipin ng kapitan ng mga tanod ang kasama namin doon. Siya po ang nagpaliwanag ng aming panaginip. 13 Sinabi po niyang ako'y mababalik sa tungkulin at ang punong panadero'y bibitayin; nangyari pong lahat ang kanyang sinabi.”

14 Ipinatawag agad ng Faraon si Jose. Nang mailabas na sa bilangguan, siya'y nag-ahit, nagbihis at kaagad humarap sa hari. 15 Sinabi ng Faraon sa kanya, “Ako'y nanaginip ngunit walang makapagsabi sa akin ng kahulugan niyon. Nabalitaan kong mahusay kang magpaliwanag ng mga panaginip.”

16 “Hindi po ako ang makapagpapaliwanag, kamahalan,” sabi ni Jose. “Ang Diyos po ang siyang magbibigay ng katugunan sa inyong katanungan.”

17 Sinabi ng Faraon, “Ako raw ay nakatayo sa pampang ng Ilog Nilo. 18 May pitong magaganda at matatabang bakang umahon sa ilog at nanginain. 19 Walang anu-ano'y pitong mga payat na baka, pinakapangit na sa nakita ko sa buong Egipto, ang umahon din sa ilog. 20 Kinain ng mga payat ang matatabang baka, 21 ngunit parang walang anumang nangyari. Matapos kainin ang matataba, iyon pa rin ang ayos ng mga payat, napakapangit pa rin, at ako'y nagising. 22 Muli akong nakatulog at nanaginip na naman. May nakita akong pitong uhay sa isang puno ng trigo na hitik na hitik ng hinog na butil. 23 Sa puno ring ito, may sumibol na pitong uhay, ngunit lanta, napakapayat ng mga butil, at tinuyo ng hanging silangan. 24 Kinain ng mga payat na uhay ang matataba. Isinalaysay ko na ito sa mga salamangkero, ngunit walang makapagpaliwanag sa akin.”

25 “Iisa po ang kahulugan ng dalawa ninyong panaginip,” sabi ni Jose. “Ipinapaalam sa inyo ng Diyos kung ano ang kanyang gagawin. 26 Ang pitong matatabang baka po ay pitong taon; iyon din po ang kahulugan ng pitong uhay na matataba ang butil. 27 Ang sinasabi ninyong pitong payat na baka at ang pitong uhay na payat ang mga butil ay pitong taon ng taggutom. 28 Gaya ng sinabi ko sa inyo, iyan po ang gagawin ng Diyos. 29 Magkakaroon ng pitong taóng kasaganaan sa buong Egipto. 30 Ang kasunod naman nito'y pitong taon ng taggutom at dahil sa kapinsalaang idudulot nito, malilimutan na sa Egipto ang nagdaang panahon ng kasaganaan. 31 Mangyayari ito dahil sa katakut-takot na hirap na daranasin sa panahon ng taggutom. 32 Dalawang ulit po ang inyong panaginip, mahal na Faraon, upang ipaalam sa inyo na itinakda na ng Diyos ang bagay na ito, at malapit na niya itong isagawa.

33 “Ang mabuti po'y pumili kayo ng taong matalino at may kakayahan upang siyang mamahala sa Egipto. 34 Maglagay kayo sa buong bansa ng mga tagalikom ng ikalimang bahagi ng lahat ng aanihin sa loob ng pitong taóng kasaganaan. 35 Lahat ng inaning butil sa panahong iyon ay dapat ipunin, ikamalig sa mga lunsod at pabantayang mabuti. Bigyan ninyo ng kapangyarihan ang mga tagalikom upang maisagawa ang lahat ng ito. 36 Ang maiipong pagkain ay ilalaan para sa pitong taon ng taggutom na tiyak na darating sa Egipto. Sa gayon, hindi mamamatay sa gutom ang mga mamamayan sa buong bansa.”

Ginawang Tagapamahala sa Egipto si Jose

37 Nagustuhan ng Faraon at ng kanyang mga kagawad ang panukala ni Jose. 38 Sinabi nila, “Bakit pa tayo hahanap ng iba, samantalang nasa kanya ang Espiritu[a] ng Diyos?” 39 Kaya't sinabi ng Faraon kay Jose, “Ang Diyos ang nagpakita sa iyo ng lahat ng ito, kaya't wala nang hihigit pa sa iyo sa karunungan at pang-unawa. 40 Ikaw(B) ang pamamahalain ko sa buong bansa, at susundin ka ng lahat. Ang aking trono lamang ang hindi mapapasaiyo. 41 At ngayon, inilalagay kitang gobernador ng buong Egipto!” 42 Inalis(C) ni Faraon sa kanyang daliri ang singsing na pantatak at isinuot iyon kay Jose; binihisan niya ito ng damit na lino at sinabitan ng gintong kuwintas sa leeg. 43 Ipinagamit kay Jose ang pangalawang sasakyan ng hari, at binigyan siya ng tanod pandangal na nauuna sa kanya at sumisigaw, “Lumuhod kayo!” Sa gayon, ipinailalim sa kanya ang pamamahala sa buong Egipto. 44 Sinabi ng Faraon kay Jose, “Ako ang Faraon at ikaw ang aking pangalawa, ngunit kung wala kang pahintulot, walang sinuman sa Egipto na makakagawa ng anuman.” 45 Binigyan niya si Jose ng bagong pangalan: Zafenat-panea. At ipinakasal sa kanya si Asenat na anak ni Potifera, ang pari sa Heliopolis.[b] Bilang gobernador, pinamahalaan ni Jose ang buong lupain ng Egipto.

46 Tatlumpung taon si Jose nang magsimulang maglingkod sa Faraon. Pagkaalis niya sa harapan ng hari, nilibot niya ang buong Egipto. 47 Pitong taóng nag-ani nang sagana sa buong lupain. 48 Inipon ni Jose ang lahat ng pagkain sa Egipto at ikinamalig sa mga lunsod. Sa loob ng pitong taon ng kasaganaan, inipon niya sa bawat lunsod ang mga pagkaing inani sa palibot nito. 49 Ang naipon niyang trigo ay sindami ng buhangin sa dagat, kaya't hindi na niya tinatakal dahil sa dami.

50 Bago dumating ang taggutom, nagkaanak si Jose ng dalawang lalaki kay Asenat. 51 Tinawag niyang Manases[c] ang panganay, sapagkat sinabi niya, “Niloob ng Diyos na malimot ko ang aking naging hirap sa bahay ng aking ama.” 52 Efraim[d] naman ang ipinangalan sa pangalawa, sapagkat ang sabi niya, “Pinagkalooban ako ng Diyos ng mga anak sa lupain ng aking paghihirap.”

53 Natapos ang pitong taon ng kasaganaan sa Egipto. 54 At(D) sumunod ang pitong taóng taggutom, tulad ng sinabi ni Jose. Ngunit sa buong Egipto'y may pagkain, samantalang taggutom sa ibang bansa. 55 Nang(E) wala nang makain ang mamamayan, sila'y dumaing sa Faraon. Sinabi niya sa mga taga-Egipto, “Magpunta kayo kay Jose, at sundin ninyo ang kanyang sasabihin.” 56 Lumaganap ang taggutom sa buong bansa. Binuksan ni Jose ang lahat ng mga kamalig, at pinagbilhan ng trigo ang mga taga-Egipto. Palubha nang palubha ang taggutom sa buong Egipto. 57 Lumaganap din ito sa ibang mga bansa, kaya't ang mga mamamayan nila'y pumunta sa Egipto upang bumili ng pagkain kay Jose.

Nagpunta sa Egipto ang mga Kapatid ni Jose

42 Nang mabalitaan ni Jacob na maraming pagkain sa Egipto, sinabi niya sa kanyang mga anak na lalaki, “Ano pang hinihintay ninyo? Pumunta(F) kayo sa Egipto at bumili agad ng pagkain upang hindi tayo mamatay sa gutom. Balita ko'y maraming pagkain doon.” Pumunta nga sa Egipto ang sampung kapatid ni Jose upang bumili ng pagkain. Si Benjamin, ang tunay na kapatid ni Jose, ay hindi na pinasama ni Jacob sa takot na may masamang mangyari sa kanya.

Kasama ng ibang taga-Canaan, lumakad ang mga anak ni Jacob upang bumili ng pagkain sapagkat laganap na ang taggutom sa buong Canaan. Bilang gobernador ng Egipto, si Jose ang nagbebenta ng pagkain sa mga tao, kaya't sa kanya pumunta ang kanyang mga kapatid. Paglapit ng mga ito, sila'y yumukod sa kanyang harapan. Nakilala agad ni Jose ang mga kapatid niya, ngunit hindi siya nagpahalata. “Tagasaan kayo?” mabagsik niyang tanong.

“Taga-Canaan po. Naparito po kami upang bumili ng pagkain,” tugon nila.

Nakilala nga ni Jose ang kanyang mga kapatid ngunit hindi siya namukhaan ng mga ito. Naalala(G) niya ang kanyang mga panaginip tungkol sa kanila, kaya't sinabi niya, “Kayo'y mga espiya, at naparito kayo upang makita ang kahinaan ng aming bansa, hindi ba?”

10 “Hindi po! Kami pong mga lingkod ninyo'y bumibili lamang ng pagkain. 11 Magkakapatid po kami, at kami'y mga taong tapat. Hindi po kami mga espiya.”

12 “Hindi ako naniniwala,” sabi ni Jose. “Naparito kayo upang alamin ang kahinaan ng aming bansa!”

13 Kaya't nagmakaawa sila, “Ginoo, kami po'y labindalawang magkakapatid; nasa Canaan po ang aming ama. Pinaiwan po ang bunso naming kapatid; ang isa po nama'y patay na.”

14 Sinabi ni Jose, “Tulad ng sinabi ko, kayo'y mga espiya! 15 At isinusumpa ko sa ngalan ng Faraon, hindi kayo makakaalis hanggang hindi ninyo dinadala rito ang inyong bunsong kapatid. 16 Umuwi ang isa sa inyo at kunin siya; ang iba'y ikukulong dito hanggang hindi ninyo napatutunayan ang inyong sinasabi. Kung hindi, mga espiya nga kayo!” 17 Tatlong araw niyang ikinulong ang kanyang mga kapatid.

18 Pagsapit ng ikatlong araw, sinabi ni Jose sa kanila, “Ako'y may takot sa Diyos; bibigyan ko kayo ng pagkakataong mabuhay kung gagawin ninyo ito: 19 Kung talagang nagsasabi kayo ng totoo, isa lamang sa inyo ang ibibilanggo; ang iba'y makakaalis na at maaari nang iuwi ang pagkaing binili ninyo para sa inyong mga pamilya. 20 Ngunit pagbalik ninyo'y kailangang isama ninyo ang bunso ninyong kapatid. Dito ko malalaman na kayo'y nagsasabi ng totoo, at hindi kayo mamamatay.” Sumang-ayon ang lahat.

21 Pagkatapos, ang sabi nila sa isa't isa, “Nagbabayad na tayo ngayon sa ginawa natin sa ating kapatid. Nakikita natin ang paghihirap ng kanyang kalooban noon ngunit hindi natin pinansin ang kanyang pagmamakaawa. Kaya tayo naman ngayon ang nasa kagipitan.”

22 “Iyan(H) na nga ba ang sinasabi ko,” sabi ni Ruben. “Nakiusap ako sa inyong huwag saktan ang bata, ngunit hindi kayo nakinig; ngayon, pinagbabayad tayo sa kanyang kamatayan.” 23 Hindi nila alam na nauunawaan ni Jose ang kanilang usapan, sapagkat gumagamit pa ito ng tagasalin sa wika kapag humaharap sa kanila. 24 Iniwan muna sila ni Jose dahil sa hindi na niya mapigil ang pag-iyak. Nang panatag na ang kanyang kalooban, bumalik siya at ibinukod si Simeon. Ipinagapos niya ito sa harapan nila.

Nagbalik ang mga Kapatid ni Jose sa Canaan

25 Iniutos ni Jose na punuin ng trigo ang kanilang mga sako at ilagay doon ang salaping ibinayad nila. Pinabigyan pa sila ng makakain sa kanilang paglalakbay. Nasunod lahat ang utos ni Jose. 26 Ikinarga ng magkakapatid sa mga asno ang kanilang biniling pagkain, at sila'y umalis. 27 Pagsapit ng gabi, tumigil sila upang magpahinga. Binuksan ng isa ang kanyang sako upang pakainin ang asno niya at nakita ang salapi sa loob ng sako. 28 Napasigaw ito, “Ibinalik sa akin ang aking salapi! Heto sa aking sako!”

Nanginig sila sa takot at nagtanong sa isa't isa, “Ano ang ginawang ito sa atin ng Diyos?”

29 Pagdating nila sa Canaan, isinalaysay nila kay Jacob ang nangyari sa kanila. Sinabi nila, 30 “Ama, napakabagsik pong magsalita ng gobernador sa Egipto. Akalain ba naman ninyong pagbintangan pa kaming mga espiya! 31 Sinabi po naming mga tapat na tao kami at hindi mga espiya. 32 Ipinagtapat pa naming kami'y labindalawang magkakapatid na lalaki at iisa ang aming ama. Sinabi po namin na patay na ang isa naming kapatid, at ang bunso nama'y kasama ninyo rito sa Canaan. 33 Pagkatapos po naming sabihin ito, akalain ninyong susubukan daw niya kung kami'y nagsasabi ng totoo! Pinaiwan po si Simeon, at pinauwi na kaming dala ang pagkaing aming binili. 34 Ngunit mahigpit po ang bilin niya na bumalik kaming kasama ang aming bunsong kapatid bilang katunayang kami'y nagsasabi ng totoo. Kung magagawa namin ito, nangako po siyang palalayain si Simeon at pahihintulutan kaming manirahan at magnegosyo sa kanyang bansa.”

35 Nang isalin nila ang kani-kanilang sako, nakita nila ang salaping kanilang ibinayad. Kaya't pati si Jacob ay natakot. 36 Sinabi niya, “Iiwan ba ninyo akong mag-isa? Wala na si Jose, wala rin si Simeon, ngayo'y gusto pa ninyong isama si Benjamin? Napakabigat namang pasanin ito para sa akin!”

37 Sinabi ni Ruben, “Ama, kung hindi ko maibalik sa inyo si Benjamin, patayin na ninyo ang dalawa kong anak. Ipaubaya ninyo sa akin si Benjamin at ibabalik ko siya.”

38 Ngunit sinabi ni Jacob, “Hindi ko papayagang sumama sa inyo ang aking anak, patay na ang kanyang kapatid at siya na lamang ang nasa akin. Sa tanda ko nang ito, kung siya'y masasawi sa daan, hindi ko na ito makakayanan; mamamatay akong nagdadalamhati.”

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.