Beginning
Ang Labis na Kasamaan sa Sodoma
19 Nang gabing dumating sa Sodoma ang dalawang anghel, nakaupo si Lot sa may pintuan ng lunsod. Pagkakita sa kanila'y tumayo si Lot at sinalubong sila. Nagpatirapa siya sa harapan ng mga anghel. 2 “Mga ginoo,” wika niya, “inaanyayahan ko po kayo sa amin. Doon na kayo maghugas ng paa at magpalipas ng gabi. Bukas na ng umaga kayo magpatuloy ng paglalakbay.”
Ngunit sumagot sila, “Huwag na, dito na lang kami sa lansangan magpapalipas ng gabi.”
3 Ngunit pinilit niya ang mga ito kaya sumama na rin sila sa kanya. Nagluto si Lot ng tinapay na walang pampaalsa, naghanda ng masarap na hapunan at kumain sila.
4 Nang matutulog na sila, pinaligiran ng mga lalaking taga-Sodoma ang kanyang bahay. Lahat ng kalalakihan sa lunsod, bata at matanda ay naroon. 5 Pasigaw(A) nilang tinanong si Lot, “Nasaan ang mga panauhin mong lalaki? Ilabas mo't makikipagtalik kami sa kanila!”
6 Lumabas si Lot at isinara ang pinto. 7 Sinabi niya sa mga tao, “Huwag, mga kaibigan, napakasama ng gagawin ninyong iyan. 8 Ako'y may dalawang anak na dalaga, sila na lang ang ibibigay ko sa inyo at gawin ninyo sa kanila ang gusto ninyo, huwag lamang ninyong galawin ang mga lalaking ito. Mga panauhin ko sila at dapat ko silang ingatan.”
9 Ngunit sumigaw sila, “Huwag kang makialam, dayuhan! Sino kang magtuturo sa amin ng aming gagawin? Tumabi ka kung ayaw mong masaktan nang higit kaysa kanila!” Itinulak nila si Lot at tinangkang wasakin ang pinto. 10 Ngunit hinaltak siya ng kanyang mga panauhin, at isinara ang pinto. 11 Pagkatapos,(B) binulag nila ang mga tao sa labas kaya't hindi makita ng mga ito ang pinto.
Iniwan ni Lot ang Sodoma
12 Sinabi ng dalawang panauhin kay Lot, “Magmadali ka! Isama mong lahat ang iyong mga anak at iba pang kamag-anak na nakatira sa lunsod na ito. Umalis na kayo rito, 13 sapagkat gugunawin na namin ang lunsod na ito! Pinakinggan ni Yahweh ang mabibigat na sumbong laban sa mga taga-Sodoma at pinapunta kami ni Yahweh upang wasakin ang lunsod na ito.”
14 Kaya't pinuntahan ni Lot ang mga mapapangasawa ng kanyang mga anak na babae at sinabi sa kanila, “Umalis na kayo agad sapagkat wawasakin ni Yahweh ang lunsod na ito.” Ngunit akala nila'y nagbibiro lamang si Lot.
15 Nang magbubukang-liwayway na, inapura ng mga anghel si Lot, “Magmadali ka! Umalis na kayo ng iyong asawa't mga anak nang hindi kayo madamay sa pagkawasak ng lunsod.” 16 Nag-aatubili(C) pa si Lot ngunit sa habag ni Yahweh, halos kaladkarin na sila ng mga lalaki palabas ng lunsod. 17 Pagkatapos, isa sa mga anghel ay nagsabi, “Iligtas ninyo ang inyong sarili! Huwag kayong lilingon o hihinto sa libis! Magtago kayo sa kaburulan para hindi kayo mamatay!”
18 Ngunit sumagot si Lot, “Huwag na po roon, Ginoo. 19 Napakalaki na ng utang na loob ko sa inyo; napakabuti ninyo at iniligtas ninyo ako. Ngunit napakalayo ng mga kaburulan. Baka hindi na ako makarating doon nang buháy. 20 Hindi ba maaaring doon na lamang sa maliit na bayang iyon?”
21 “Oo, sige, doon na kayo magpunta, at hindi ko wawasakin ang bayang iyon. 22 Ngunit magmadali kayo! Hindi ko maitutuloy ang gagawin ko hangga't wala kayo roon.”
Maliit ang bayang iyon kaya ito'y tinawag na Zoar.[a]
Ginunaw ang Sodoma at Gomorra
23 Mataas na ang araw nang makarating si Lot sa Zoar. 24 Saka(D) pa lamang pinaulanan ni Yahweh ng apoy at asupre ang Sodoma at Gomorra. 25 Tinupok ni Yahweh ang mga lunsod na iyon at ang buong libis, lahat ng mamamayan doon pati ang mga pananim. 26 Ngunit(E) lumingon ang asawa ni Lot kaya't ito'y naging isang haliging asin.
27 Kinabukasan, maagang nagtungo si Abraham sa dakong pinagtagpuan nila ni Yahweh. 28 Mula roon, tinanaw niya ang Sodoma at Gomorra, at ang buong libis. Nakita niyang tumataas ang makapal na usok na parang nagmumula sa malaking hurno. 29 Nang gunawin ng Diyos ang mga lunsod na iyon, hindi nawaglit sa kanyang isipan si Abraham kaya iniligtas niya si Lot.
Ang Pinagmulan ng mga Moabita at Ammonita
30 Sa takot ni Lot na manatili sa Zoar, sila ng dalawa niyang anak na babae ay umakyat sa kaburulan at nanirahan sa isang yungib doon. 31 Minsan, nag-usap ang magkapatid. Sinabi ng nakatatanda, “Wala nang natitirang lalaki sa daigdig. Matanda na ang ating ama at maaaring hindi na tayo magkaanak. 32 Mabuti pa'y lasingin natin siya at ating sipingan para magkaanak tayo.” 33 Nilasing nga nila ang kanilang ama nang gabing iyon. Sa kalasingan ni Lot, hindi niya namalayang nakipagtalik siya sa anak niyang panganay.
34 Kinabukasa'y sinabi ng panganay sa bunso, “Kagabi'y sumiping ako sa ating ama; lasingin natin siya uli mamaya, at ikaw naman ang sumiping nang pareho tayong magkaanak.” 35 Nilasing nga nila uli si Lot nang gabing iyon, at ang bunso naman ang sumiping. Tulad ng dati, hindi namalayan ni Lot ang kanyang pakikipagtalik dahil sa kalasingan. 36 Bunga nito, kapwa nagdalang-tao ang magkapatid. 37 Nagkaanak ng lalaki ang panganay at tinawag niyang Moab.[b] Siya ang ninuno ng mga Moabita ngayon. 38 Lalaki rin ang naging anak ng bunso at tinawag naman niya itong Ben-ammi.[c] Siya naman ang ninuno ng mga Ammonita ngayon.
Sina Abraham at Abimelec
20 Nilisan ni Abraham ang Mamre at nagpunta sa lupain ng Negeb sa pagitan ng Kades at Shur, at tumira sa Gerar. Habang siya'y naroon, 2 kapatid(F) ang pakilala niya kay Sara, kaya ito'y ipinakuha ni Abimelec, hari ng Gerar. 3 Sa isang panaginip, nagpakita ang Diyos kay Abimelec at sinabi, “Mamamatay ka dahil sa babaing kinuha mo; siya ay may asawa na.”
4 Noon ay hindi pa nasisipingan ni Abimelec si Sara, kaya't sinabi niya, “Panginoon, papatayin ba ninyo ako at ang aking bayan na wala namang kasalanan? 5 Kapatid ang pakilala ni Abraham kay Sara, at gayundin naman ang pakilala nito kay Abraham. Ginawa ko po ito na malinis ang aking hangarin, kaya wala akong kasalanan.”
6 Sumagot ang Diyos, “Oo, alam kong malinis ang hangarin mo, kaya naman hindi ko na hinintay na magalaw mo siya upang huwag ka nang magkasala sa akin. 7 Ibalik mo siya agad sa kanyang asawa. Propeta ang asawa niya, at ipapanalangin ka niya upang hindi ka mamatay. Kapag hindi mo siya ibinalik, hindi lamang ikaw ang mamamatay, kundi pati ang buong nasasakupan mo.”
8 Kinabukasan, sinabi ni Abimelec sa mga alipin niya ang mga bagay na ito, at gayon na lamang ang kanilang pagkatakot. 9 Dahil dito'y ipinatawag ni Abimelec si Abraham at tinanong, “Bakit mo ginawa ito? Ano bang kasalanan ko at dinalhan mo ng kapahamakang ito ang aking kaharian? Hindi tama ang ginawa mo! 10 Ano bang pumasok diyan sa isip mo at ginawa mo ang bagay na ito?”
11 Sumagot si Abraham, “Ang akala ko po'y walang takot sa Diyos ang mga tagarito, at nangangamba akong baka patayin nila ako para makuha ang aking asawa. 12 Ang totoo po'y kapatid ko siya sa ama at napangasawa ko siya. 13 Kaya po nang sabihin sa akin ng Diyos na lisanin ko ang sambahayan ng aking ama, sinabi ko sa aking asawa, ‘Mabuti pa'y ganito ang gawin mo: saanman tayo pumunta, sabihin mong tayo'y magkapatid at sa gayo'y maipapakita mo ang iyong katapatan sa akin.’”
14 Sa halip na parusahan, binigyan pa ni Abimelec si Abraham ng mga tupa, baka at mga aliping lalaki at babae, at ibinalik niya si Sara. 15 Sinabi pa niya kay Abraham, “Sa buong lupain kong ito, tumira ka kung saan mo gusto.” 16 Ito naman ang sinabi niya kay Sara: “Binibigyan ko ang iyong kapatid ng sanlibong pirasong pilak, bilang katunayan na ang dangal mo'y hindi nadungisan. Sa gayon, hindi iisipin ninuman na ikaw ay may ginawang masama.”
17-18 Dahil sa pagkakuha ng hari kay Sara, pinarusahan ni Yahweh ang lahat ng babae sa sambahayan ni Abimelec: hindi sila magkaanak. At upang malunasan ito, ipinanalangin sila ni Abraham. Gumaling naman si Abimelec, at mula noon, ang kanyang asawa't mga aliping babae ay nagkaanak.
Ang Kapanganakan ni Isaac
21 Pinagpala ni Yahweh si Sara at tinupad ang kanyang pangako. 2 Ayon(G) sa panahong sinabi ng Diyos, si Sara nga ay nagdalang-tao at nanganak ng isang lalaki, kahit matanda na noon si Abraham. 3 Isaac ang ipinangalan ni Abraham sa kanyang anak. 4 Ayon(H) sa utos ng Diyos, tinuli ni Abraham ang bata walong araw pagkasilang nito. 5 Isandaang taon na si Abraham nang ipanganak si Isaac. 6 Sinabi ni Sara, “Nakakatawa ang ginawang ito sa akin ng Diyos at sinumang makarinig nito'y tiyak na matatawa rin.” 7 At sinabi pa niya, “Sa edad na iyon ni Abraham, sinong makakapagsabi sa kanyang ako'y mag-aalaga pa ng bata? Gayunman, nabigyan ko pa rin siya ng anak kahit siya'y matanda na.”
8 Lumaki ang bata, at nang ito'y awatin, naghanda nang malaking salu-salo si Abraham.
Pinalayas si Hagar at si Ismael
9 Minsan, nakikipaglaro kay Isaac si Ismael, ang anak ni Abraham kay Hagar na taga-Egipto. 10 Nang(I) makita ito ni Sara, sinabi niya kay Abraham, “Palayasin mo ang aliping iyan at ang kanyang anak, sapagkat ang anak ng aliping iyan ay hindi dapat makibahagi sa mamanahin ng anak kong si Isaac!” 11 Labis itong ikinalungkot ni Abraham sapagkat anak din niya si Ismael. 12 Ngunit(J) sinabi ng Diyos kay Abraham, “Huwag kang mag-alala tungkol sa mag-ina. Sundin mo na ang gusto ni Sara, sapagkat kay Isaac magmumula ang lahing sinabi ko sa iyo. 13 Ngunit ang anak mong iyan kay Hagar ay magkakaanak din ng marami, at sila'y magiging isang bansa, dahil anak mo rin naman si Ismael.”
14 Madaling araw pa lamang, ang mag-ina'y ipinaghanda na ni Abraham ng baong pagkain at inumin. Ipinapasan ni Abraham ang mga ito kay Hagar at ang mag-ina ay kanyang pinaalis. Nagpagala-gala sila sa ilang ng Beer-seba. 15 Nang maubos na ang dalang tubig, iniwan ni Hagar ang kanyang anak sa lilim ng isang mababang punongkahoy, 16 at naupo nang may sandaang metro mula sa kinaroroonan ng bata. Sabi niya sa sarili, “Di ko matitiis na makitang mamatay ang aking anak.” Samantalang nakaupo siyang nag-iisip, umiiyak naman ang bata.[d]
17 Narinig ng Diyos ang iyak ng bata, at nagsalita mula sa langit ang anghel ng Diyos, “Hagar, anong bumabagabag sa iyo? Huwag kang matakot. Naririnig ng Diyos ang iyak ng iyong anak. 18 Lapitan mo siya at patahanin. Gagawin kong isang dakilang bansa ang kanyang lahi.” 19 Pinagliwanag ng Diyos ang paningin ni Hagar at nakita nito ang isang balon. Pinuno niya ng tubig ang dalang sisidlan at pinainom ang bata. 20 Hindi nga pinabayaan ng Diyos si Ismael; ito'y lumaki sa ilang ng Paran at naging mahusay na mangangaso. 21 Ikinuha siya ng kanyang ina ng mapapangasawa mula sa lupain ng Egipto.
Ang Kasunduan nina Abraham at Abimelec
22 Nang(K) panahong iyon, isinama ni Haring Abimelec si Picol, pinuno ng hukbo, at sila'y nagpunta kay Abraham. Sinabi ni Abimelec kay Abraham, “Sa lahat ng gawain mo'y pinagpapala ka ng Diyos. 23 Isumpa mo ngayon sa harap ng Diyos na hindi mo ako dadayain pati na ang aking lahi. Kung paanong ako'y naging tapat sa iyo, ipangako mo rin namang magiging tapat ka sa akin at sa lupaing ito na tinitirhan mo ngayon.”
24 “Nangangako ako,” tugon naman ni Abraham.
25 Ngunit nagreklamo si Abraham kay Abimelec tungkol sa isang balon na inagaw ng mga alipin ng hari. 26 Sumagot si Abimelec, “Hindi ko nalalaman iyon. Bakit ngayon mo lamang sinabi sa akin?” 27 Nagkasundo ang dalawa, at binigyan ni Abraham si Abimelec ng ilang tupa't baka. 28 Ibinukod ni Abraham ang pitong tupa ng kanyang kawan. 29 “Anong kahulugan nito?” tanong ni Abimelec.
30 Sumagot si Abraham, “Ito'y para sa iyo, bilang pagsang-ayon mo na akin ang balong ito.” 31 Kaya ang lugar na iyon ay tinawag na Beer-seba,[e] sapagkat doon ay nanumpa sila sa isa't isa.
32 Matapos ang sumpaang iyon, bumalik na sa lupain ng mga Filisteo si Abimelec at si Picol na pinuno ng kanyang hukbo. 33 Pagkaalis nila'y nagtanim naman si Abraham ng punong tamarisko sa Beer-seba at sumamba kay Yahweh, ang Diyos na Walang Hanggan. 34 Mahabang panahong nanirahan si Abraham sa lupain ng mga Filisteo.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.