Beginning
Tinukso ng Diyablo si Jesus
4 Si Jesus na puspos ng Banal na Espiritu ay bumalik mula sa Jordan. Pinatnubayan siya ng Espiritu sa ilang.
2 Doon ay tinukso siya ng diyablo sa loob ng apatnapung araw. Sa mga araw na iyon ay wala siyang kinaing anuman. Pagkatapos ng mga ito, nagutom siya.
3 Sinabi ng diyablo sa kaniya: Yamang ikaw ang anak ng Diyos, sabihin mo sa batong ito na maging tinapay.
4 Sumagot si Jesus sa kaniya na sinasabi: Nasusulat:
Hindi lamang sa tinapay mabubuhay ang tao kundi sa bawat Salita ng Diyos.
5 Dinala siya ng diyablo sa isang mataas na bundok. Ipinakita sa kaniya ang lahat ng mga paghahari sa sanlibutan sa sandaling panahon. 6 Sinabi ng diyablo sa kaniya: Ibibigay ko sa iyo ang lahat ng kapamahalaang ito at ang kanilang kaluwalhatian sapagkat ibinigay na ito sa akin at ibibigay ko ito kung kanino ko naisin. 7 Kung ikaw nga ay sasamba sa akin, ang lahat ng mga ito ay magiging iyo.
8 Sinagot siya ni Jesus at sinabi: Lumayo ka, Satanas! Ito ay sapagkat nasusulat:
Dapat mong sambahin ang Panginoon mong Diyos, at siya lamang ang dapat mong paglingkuran.
9 Dinala ng diyablo si Jesus sa Jerusalem at inilagay siya sa taluktok ng templo. Sinabi sa kaniya: Yamang ikaw ang Anak ng Diyos, magpatihulog ka. 10 Ito ay sapagkat nasusulat:
Uutusan niya ang kaniyang mga anghel patungkol sa iyo upang ingatan kang mabuti.
11 Bubuhatin ka nila ng kanilang mga kamay upang hindi tumama ang iyong paa sa bato.
12 Pagsagot ni Jesus ay sinabi sa kaniya: Nasusulat:
Huwag mong tuksuhin ang Panginoon mong Diyos.
13 Nang matapos ang bawat pagtukso ng diyablo, siya ay umalis at iniwan si Jesus ng pansamantala.
Si Jesus ay Tinanggihan ng mga Taga-Nazaret
14 Si Jesus ay bumalik sa Galilea sa kapangyarihan ng Espiritu. Kumalat sa buong lupain ang balita patungkol sa kaniya.
15 Nagturo siya sa kanilang mga sinagoga na niluluwalhati ng lahat.
16 Siya ay pumunta sa Nazaret, ang lugar na kinalakihan niya. Ayon sa kaniyang kinaugalian, siya ay pumasok sa sinagoga sa araw ng Sabat. Siya ay tumayo upang bumasa. 17 Ibinigay sa kaniya ang nakabalumbongaklat ni Isaias na propeta. Nang mailadlad ang aklat, natagpuan niya ang bahagi na ganito ang nasusulat:
18 Ang Espiritu ng Panginoon ay sumasaakin dahil pinahiran niya ako upang ipahayag ang ebanghelyo sa mga dukha. Sinugo niya ako upang pagalingin ang mga sugatang puso. Sinugo niya ako upang ipangaral ang kalayaan sa mga bihag at ang pananauli ng paningin sa mga bulag. Sinugo niya ako upang palayain ang mga inapi. 19 Sinugo niya ako upang ipangaral ang katanggap-tanggap na taon ng Panginoon.
20 Nang mabalumbon na ang aklat, ibinigay ito ni Jesus sa tagapaglingkod sa templo at umupo. Ang mga mata ng lahatng mga nasa loob ng sinagoga ay nakatuon sa kaniya. 21 Sinimulan niyang sabihin sa kanila: Sa araw na ito, habang kayo ay nakikinig, ang kasulatang ito ay naganap.
22 Ang lahat ay nagpatotoo sa kaniya. Namangha sila sa mgamabiyayang salita na lumabas sa kaniyang bibig. Sinabi nila: Hindi ba ito ang anak ni Jose?
23 Sinabi ni Jesus sa kanila: Tiyak na sasabihin ninyo sa akin ang talinghagang ito: Manggagamot, pagalingin mo ang iyong sarili. Ang anumang narinig naming ginawa mo sa Capernaum ay gawin mo rin dito sa sarili mong bayan.
24 Sinabi niya: Totoong sinasabi ko sa inyo, walang propetang tinatanggap sa kaniyang sariling bayan. 25 Sinasabi ko sa inyo ang katotohanan: Sa panahon ni Elias ay maraming mga babaeng balo sa Israel. Ang langit ay isinara sa loob ng tatlong taon at anim na buwan. Nagkaroon ng malaking taggutom sa lahat ng lupain. 26 Sa panahong iyon ay hindiisinugo si Elias sa mga babaeng balo maliban sa isang babaeng balo sa Sarepat. Ang Sarepat ay isang bayan sa Sidon. 27 Sa panahon ng propetang si Eliseo ay maraming ketongin sa Israel. Walang nilinis sa kanila malibankay Naaman na taga-Siria.
28 Sa pagkarinig ng mga bagay na ito, ang lahat ng nasa sinagoga ay nag-alab sa galit. 29 Sila ay tumindig at itinaboy si Jesus sa labas ng lungsod. Siya ay dinala nila sa bingit ng burol na kinatatayuan ng kanilang lungsod upang ihulog siya. 30 Gayunman, siya ay umalis na dumaan sa kanilang kalagitnaan.
Pinalayas ni Jesus ang Karumal-dumal na Espiritu
31 Si Jesus ay bumaba sa Capernaum, lungsod ng Galilea. Nagturo siya sa kanila sa araw ng Sabat.
32 Sila ay nanggilalas sa kaniyang turo dahil ang kaniyang salita ay may kapamahalaan.
33 Sa sinagoga ay may isang lalaki na may espiritu ng karumal-dumal na demonyo. Siya ay sumigaw na may malakas na tinig. 34 Sinabi niya: Aba! Ano ang kaugnayan natin sa isa’t isa, Jesus na taga-Nazaret? Pumunta ka ba upang kami ay wasakin? Kilala kita kung sino ka. Ikaw ang Banal ng Diyos!
35 Sinaway siya ni Jesus. Sinabi sa kaniya: Tumahimik ka at lumabas ka sa kaniya. Nang maibagsak ng demonyo ang lalaki sa kalagitnaan nila, lumabas siya mula sa lalaki. Hindi niya ito sinaktan.
36 Lahat sila ay namangha at nag-usap-usap sa bawat isa. Kanilang sinasabi: Anong salita ito? May kapamahalaan at kapangyarihang inutusan niya ang mga karumal-dumal na espiritu at sila ay lumabas. 37 At kumalat ang balita patungkol sa kaniya sa bawat dako ng lupain sa palibot.
Pinagaling ni Jesus ang Maraming Tao
38 Siya ay tumindig at lumabas sa sinagoga, siya ay pumasok sa bahay ni Simon. Ang biyenang babae ni Simon ay pinahihirapan ng mataas na lagnat. Hiniling nila kay Jesus na pagalingin siya.
39 Tumayo si Jesus sa tabi niya at sinaway ang lagnat at ito ay nawala. Kapagdaka, siya ay bumangon at pinaglingkuran sila.
40 Nang papalubog na ang araw, dinala nila kay Jesus ang mga taong may iba’t ibang karamdaman. Ipinatong niya ang kaniyang mga kamay sa bawat isa sa kanila at pinagaling sila. 41 Lumabas din ang mga demonyo sa marami sa kanila. Ang mga demonyo ay sumisigaw at nagsasabi: Ikaw ang Mesiyas, ang Anak ng Diyos! Sila ay sinaway niya at hindi pinagsalita dahil alam nila na siya ang Mesiyas.
42 Kinaumagahan, siya ay umalis at pumunta sa ilang na dako. Hinanap siya ng mga tao at lumapit sila sa kaniya. Nang sila ay makalapit sa kaniya, pinigilan nila siyang umalis. 43 Ngunit sinabi niya sa kanila: Kinakailangang ipangaral ko rin sa ibang mga lungsod ang ebanghelyo, patungkol sa paghahari ng Diyos. Ito angdahilan kung bakit ako isinugo. 44 Siya ay nangaral sa mga sinagoga sa Galilea.
Tinawag ni Jesus ang Unang mga Alagad
5 Nangyari nga, habang nagkakatipun-tipon ang mga tao sa kaniya upang makinig ng salita ng Diyos, siya ay nakatayo sa tabi ng lawa ng Genesaret.
2 Nakakita siya ng dalawang bangka na nasa tabi ng lawa. Ang mga mangingisda ay nakababa na sa bangka at naghuhugas ng mga lambat. 3 Sumakay siya sa isa sa mga bangka na pag-aari ni Simon. Ipinakiusap niya kay Simon na ilayo ng kaunti sa baybayin ang bangka. Pagkaupo niya, siya ay nagturo sa mga tao mula sa bangka.
4 Pagkatapos niyang magsalita, nagsabi siya kay Simon: Pumalaot kayo. Ihulog ninyo ang mga lambat upang makahuli ng mga isda.
5 Sumagot si Simon na sinabi: Guro, magdamag kaming nagpagal at wala kaming nahuli. Gayunman kahit wala kaming nahuli, sa iyong salita ay ihuhulog ko ang lambat.
6 Pagkagawa nila ng gayon, nakahuli sila ng napakaraming isda at ang lambat ay napupunit. 7 Kinawayan nila ang kanilang kapwa mangingisda na nasa ibang bangka upang lumapit at tulungan sila. Lumapit sila at pinuno ang dalawang bangka kaya sila ay papalubog.
8 Nang makita iyon ni Simon Pedro, nagpatirapa siya sa mga tuhod ni Jesus. Sinabi niya: Panginoon, lumayo ka sa akin sapagkat ako ay isang taong makasalanan. 9 Sinabi niya ito sapagkat siya ay namangha, gayundin ang kaniyang mga kasamahan dahil sa napakaraming huli. 10 Namangha rin ang mga anak ni Zebedeo na sina Santiago at Juan, na mga katuwang ni Simon. Sinabi ni Jesus kay Simon: Huwag kang matakot. Mula ngayon ay mamalakaya ka na ng tao. 11 Pagkadaong nila ng mga bangka, iniwan nila ang lahat at sumunod kay Jesus.
Nilinis ni Jesus ang Lalaking Ketongin
12 Nangyari, nang siya ay nasa isang lungsod, narito, may isang lalaking puno ng ketong. Pagkakita niya kay Jesus, nagpatirapa siya. Ipinamanhik niya sa kaniya na sinasabi: Panginoon, kung ibig mo, malilinis mo ako.
13 Sa pag-unat ni Jesus ng kaniyang kamay, siya ay kaniyang hinipo, na sinasabi: Ibig ko, luminis ka. Kapagdaka ay nawala ang kaniyang ketong.
14 Iniutos ni Jesus sa kaniya: Huwag mo itong sabihin sa kaninuman. Iniutos niya: Yumaon ka at ipakita mo ang iyong sarili sa saserdote at maghandog ka para sa pagkalinis mo. Maghain ka ayon sa iniutos ni Moises bilang pagpapatotoo sa kanila.
15 Lalo pang kumalat ang balita patungkol kay Jesus. Nagdatingan ang napakaraming mga tao upang makinig at upang mapagaling niya sa kanilang mga sakit. 16 Ngunit pumunta siya sa ilang at nanalangin.
Pinagaling ni Jesus ang Paralitiko
17 Nangyari, isang araw sa kaniyang pagtuturo mayroon doong nakaupong mga Fariseo at mga guro ng kautusan. Sila ay galing sa bawat nayon ng Galilea, Judea at Jerusalem. Naroroon ang kapangyarihan ng Panginoon upang pagalingin sila.
18 Narito, may mga lalaking nagdala ng isang paralitiko na nasa isang higaan. Naghahanap sila ng paraan kung papaano siya maipapasok sa loob ng bahay at mailagay sa harapan ni Jesus. 19 Dahil sa napakaraming tao, hindi sila makahanap ng paraan kung papaano siya maipapasok. Dahil dito, umakyat sila sa bubungan at doon nila siya ibinaba na nasa kaniyang maliit na higaan, sa gitna, sa harapan ni Jesus.
20 Nakita ni Jesus ang kanilang pananampalataya. Sinabi niya sa kaniya: Lalaki, pinatawad ka na sa iyong mga kasalanan.
21 Nagsimulang mangatwiran ang mga guro ng kautusan at mga Fariseo. Kanilang sinabi: Sino ito na nagsasalita ng pamumusong? Sino angmakakapagpatawad ng mga kasalanan? Hindi ba ang Diyos lamang?
22 Nalaman ni Jesus ang kanilang pangangatwiran. Sumagot siya sa kanila at sinabi: Bakit kayo nangangatwiran sa inyong mga puso? 23 Ano ang higit na madali, ang magsabing: Pinatawad ka sa iyong mga kasalanan, o ang magsabing:Bumangon ka at lumakad. 24 Ito ang gagawin ko upang malaman ninyo na ang Anak ng Tao ay may kapamahalaan sa lupa na magpatawad ng mga kasalanan. Sinabi niya sa paralitiko: Sinasabi ko sa iyo, bumangon ka. Buhatin mo ang iyong higaan at umuwi ka sa iyong bahay. 25 Pagdaka, tumayo siya sa harapan nila. Pagkabuhat niya ng kaniyang higaan, umuwi siya sa kaniyang bahay na niluluwalhati ang Diyos. 26 Ang lahat ay namangha at nagbigay kaluwalhatian sa Diyos. Napuspos sila ng takot. Sinabi nila: Sa araw na ito ay nakakita kami ng kamangha-manghang bagay.
Tinawag ni Jesus si Levi
27 Pagkatapos ng mga bagay na ito, si Jesus ay umalis. Nakita niya ang isang maniningil ng buwis na nagngangalang Levi. Siya ay nakaupo sa tanggapan ng buwis. Sinabi ni Jesus sa kaniya: Sumunod ka sa akin.
28 Sa pagtindig ni Levi iniwanan niya ang lahat at sumunod sa kaniya.
29 Si Levi ay naghanda ng isang malaking piging sa kaniyang bahay para kay Jesus. Naroroon ang napakaraming mga maniningil ng buwis at mga iba pang kasalo nila. 30 Nagbulong-bulungan ang mga guro ng kautusan at ang mga Fariseo laban sa kaniyang mga alagad. Sinabi nila: Bakit kayo kumakain at umiinom kasama ng mga maniningil ng buwis at ng mga makasalanan?
31 Sumagot si Jesus sa kanila: Sila na malulusog ay hindi nangangailangan ng manggagamot kundi ang mga maysakit. 32 Hindi ako naparito upang tawagin ang mga matuwid. Ako ay naparito upang tawagin ang mga makasalanan sa pagsisisi.
Nagtanong ang mga Fariseo Patungkol sa Pag-aayuno
33 Sinabi nila sa kaniya: Madalas mag-ayuno at manalangin ang mga alagad ni Juan. Ang mga alagad ng mga Fariseo ay gayundin ang ginagawa. Ngunit bakit ang iyong mga alagad ay kumakain at umiinom?
34 Sinabi niya sa kanila: Mapag-aayuno ba ninyo ang mga abay sa kasalan habang kasama nila ang lalaking ikakasal? 35 Darating ang mga araw na ang lalaking ikakasal ay aalisin sa kanila. Sa mga araw na iyon, sila ay mag-aayuno.
36 Siya ay nagsabi rin ng isang talinghaga sa kanila. Walang sinumang nagtatagpi ng kaputol ng bagong damit na hindi pa umuurong sa lumang damit. Kapag ginawa ng sinuman ang gayon, pupunitin ito ng bago at gayundin, hindi ito aayon sa lumang kaputol. 37 Walang sinumang nagsasalin ng bagong alak sa lumang sisidlang-balat. Kapag ginawa ng sinuman ang gayon, papuputukin ng bagong alak ang sisidlang-balat at mabubuhos ang alak. Ang mga sisidlang balat ay mawawasak. 38 Subalit ang bagong alak ay dapat ilagay sa mga bagong sisidlang-balat at ang dalawa ay magkasamang mapapanatili. 39 Walang sinumang nakainom ng lumang alak ang agad-agad ay magnanais ng bago sapagkat kaniyang sinasabi: Ang luma ay higit na masarap.
Copyright © 1998 by Bibles International