Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Beginning

Read the Bible from start to finish, from Genesis to Revelation.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Diyos (SND)
Version
Marcos 10-11

Pagpapalayas ng Lalaki sa Asawang Babae

10 Si Jesus ay umalis doon. Dumaan siya sa kabilang ibayo ng Jordan, at pumunta sa mga nasasakupan ng Judea. Muling dumating ang napakaraming tao sa kaniya at tulad ng kinaugalian niya, sila ay tinuruan niyang muli.

Ang mga Fariseo, na lumapit kay Jesus, ay nagtanong upang subukin siya: Matuwid ba sa lalaki na palayasin ang kaniyang asawa?

Sumagot si Jesus na sinasabi sa kanila: Ano ang iniutos sa inyo ni Moises?

Sumagot sila: Ipinahintulot ni Moises na sumulat ng katibayan ng paghihiwalay at palayasin siya.

Sa pagsagot ni Jesus, sinabi niya sa kanila: Dahil sa katigasan ng inyong puso sinulat niya para sa inyo ang utos na ito. Ngunit buhat pa sa pasimula ng paglalang, ginawa sila ng Diyos na lalaki at babae.

Dahil dito iiwan ng lalaki ang kaniyang ama at ina at siya ay makikipag-isa sa kaniyang asawa. Ang dalawa ay magiging isang laman

kaya hindi na sila dalawa kundi isang laman.

Kaya nga, ang pinagsama ng Diyos ay huwag paghiwalayin ng tao.

10 Sa bahay, siya ay muling tinanong ng kaniyang mga alagad patungkol sa bagay na ito. 11 Sinabi niya sa kanila: Ang sinumang lalaking magpalayas sa kaniyang asawa at mag-asawa ng iba ay nagkakasala ng pangangalunya laban sa kaniyang asawa. 12 Gayundin kapag pinalayas ng babae ang kaniyang asawa at nag-asawa ng iba, siya ay nangangalunya rin.

Si Jesus at ang Maliliit na Bata

13 Dinala nila kay Jesus ang maliliit na bata upang mahipo niya, ngunit sinaway ng mga alagad ang nagdala sa mga bata.

14 Subalit lubhang nagalit si Jesus nang makita ito. Sinabi niya sa kanila: Pahintulutan ninyong lumapit sa akin ang mga bata at huwag ninyo silang hadlangan, sapagkat sa mga katulad nila nauukol ang paghahari ng Diyos. 15 Katotohanang sinasabi ko sa inyo: Ang sinumang hindi tumanggap sa paghahari ng Diyos nang tulad sa isang maliit na bata ay hindi makakapasok doon sa anumang paraan. 16 Nang makalong ni Jesus at maipatong ang kaniyang mga kamay sa mga bata, pinagpala niya sila.

Ang Mayamang Pinuno

17 Nang papaalis na si Jesus, may isang lalaking patakbong lumapit sa kaniya. Ang lalaki ay lumuhod sa harapan niya at tinanong siya: Mabuting guro, ano ang gagawin ko upang magmana ng buhay na walang hanggan?

18 Ngunit sinabi ni Jesus sa kaniya: Bakit mo ako tinawag na mabuti? Walang mabuti kundi isa lang, ang Diyos. 19 Alam mo ang mga utos: Huwag kang mangalunya, huwag kang papatay, huwag kang magnakaw, huwag kang sumaksi sa kasinungalingan, huwag kang mandaya. Igalang mo ang iyong ama at ina.

20 Sinabi ng lalaki sa kaniya: Guro, ang lahat ng mga bagay na ito ay aking sinunod mula sa aking kabataan.

21 Tiningnan siya ni Jesus at inibig siya. Sinabi niya sa kaniya: Isang bagay ang kulang sa iyo. Humayo ka at ipagbili mo ang lahat mong tinatangkilik. Ibigay mo ang salapi sa mga dukha at magkakaroon ka ng nakaimbak na kayamanan sa langit. Pagkatapos pumarito ka, pasanin mo ang krus at sumunod ka sa akin.

22 Ang lalaki ay nalungkot sa salitang ito at siya ay umalis na namimighati sapagkat marami siyang pag-aari.

23 Sa pagtingin sa palibot, sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad: Napakahirap para sa mga mayroong kayamanan ang pumasok sa paghahari ng Diyos.

24 Namangha ang mga alagad sa kaniyang mga salita. Muling sumagot si Jesus at sinabi sa kanila: Mga anak, napakahirap makapasok sa paghahari ng Diyos ang mga nagtitiwala sa kanilang kayamanan. 25 Madali pang dumaan ang isang kamelyo sa butas ng karayom kaysa sa pumasok ang isang mayaman sa paghahari ng Diyos.

26 Sila ay lubhang nanggilalas at nagtanungan sa isa’t isa: Sino kaya ang maaaring maligtas?

27 Ngunit tiningnan sila ni Jesus at sinabi: Ang mga ito ay hindi maaaring magawa ng mga tao subalit hindi gayon sa Diyos sapagkat ang lahat ng mga bagay ay maaaring magawa ng Diyos.

28 Pagkatapos, si Pedro ay nagsimulang magsabi sa kaniya: Narito, iniwan namin ang lahat at sumunod sa iyo.

29 Sumagot si Jesus at sinabi: Katotohanang sinasabi ko sa inyo: May mga taong nag-iwan ng bahay, o mga kapatid na lalaki, o mga kapatid na babae, o ama, o ina, o asawang babae, o mga anak o mga bukid dahil sa akin at dahil sa ebanghelyo. 30 Ang sinumang nag-iwan ng mga ito ay tatanggap ngayon sa panahong ito ng tig-iisangdaang dami ng gayon. Tatanggap siya ng mga bahay, mga kapatid na lalaki at babae, mga ina, mga anak at mga lupain. Tatanggapin niya ang mga ito na may pag-uusig ngunit sa darating na kapanahunan, siya ay tatanggap ng buhay na walang hanggan. 31 Subalit maraming nauna na mahuhuli. Gayundin ang nahuli ay mauuna.

Binanggit Muli ni Jesus ang Kaniyang Kamatayan

32 Nang sila ay nasa daan paahon sa Jerusalem, nagtaka sila na si Jesus ay nasa unahan na nila. At sa kanilang pagsunod kay Jesus, sila ay natakot. Tinipon niyang muli ang labindalawang alagad at sinimulang sabihin sa kanila ang patungkol sa mga bagay na mangyayari na sa kaniya.

33 Sinabi ni Jesus: Narito, aahon tayo sa Jerusalem. Ang Anak ng Tao ay ipagkakanulo sa mga pinunong-saserdote at sa mga guro ng kautusan. Siya ay kanilang hahatulan ng kamatayan at ibibigay sa mga Gentil. 34 Siya ay kanilang kukutyain, hahagupitin, luluraan at papatayin. At sa ikatlong araw, siya ay mabubuhay muli.

Ang Kahilingan ng Isang Ina

35 Lumapit kay Jesus sina Santiago at Juan na mga anak ni Zebedeo. Sinabi nila: Guro, nais naming gawin mo sa amin ang anumang aming hingin sa iyo.

36 Sinabi ni Jesus sa kanila: Ano ang ibig ninyong gawin ko para sa inyo?

37 Sinabi nila sa kaniya: Ipagkaloob mo sa amin na maka­upo kami sa tabi mo sa iyong kaluwalhatian, ang isa ay sa kanan at ang isa ay sa kaliwa.

38 Sinabi sa kanila ni Jesus: Hindi ninyo nalalaman ang inyong hinihingi. Kaya ba ninyong inuman ang sarong aking iinuman? Kaya ba ninyong magpabawtismo ng bawtismong ibinawtismo sa akin?

39 Sinabi nila kay Jesus: Kaya namin.

Subalit sinabi ni Jesus sa kanila: Ang saro na aking iinuman ay tunay na iinuman ninyo. Ang bawtismo na ibinawtismo sa akin ay ibabawtismo sa inyo.

40 Ngunit ang umupo sa aking kanan at sa aking kaliwa ay hindi ako ang magkakaloob. Ito ay ipagkakaloob sa kanila na pinaghandaan nito.

41 Nang marinig ito ng sampu, sila ay lubhang nagalit kina Santiago at Juan. 42 Tinawag sila ni Jesus at sinabi: Nalalaman ninyo na ang mga kinikilalang namumuno sa mga Gentil ay namumuno na may pagkapanginoon sa kanila. Ang mga dakila sa kanila ay gumagamit ng kapamahalaan sa kanila. 43 Huwag maging gayon sa inyo. Ang sinuman sa inyo ang magnanais na maging dakila ay magiging tagapaglingkod ninyo. 44 Ang sinuman sa inyo ang magnanais na maging una ay magiging alipin ng lahat. 45 Ito ay sapagkat maging ang Anak ng Tao ay pumarito hindi upang paglingkuran kundi maglingkod at ibigay ang kaniyang buhay bilang pantubos sa marami.

Nakakita ang Bulag

46 Sila ay dumating sa Jerico. Habang si Jesus na kasama ang kaniyang mga alagad at ang napakaraming tao ay papalabas sa Jerico, ang bulag na si Bartimeo na anak ni Timeo ay nakaupo sa tabi ng daan at namamalimos.

47 Nang marinig niya na si Jesus na taga-Nazaret ang naroon, nagsimula siyang sumigaw. Sinabi niya: O anak ni David, Jesus, mahabag ka sa akin.

48 Sinaway siya ng napakaraming tao upang tumahimik. Ngunit lalo siyang sumigaw: Anak ni David, mahabag kasa akin.

49 Huminto si Jesus at ipinatawag siya.

Tinawag nila ang bulag na sinasabi: Lakasan mo ang iyong loob, tumindig ka, tinatawag ka ni Jesus.

50 Itinapon niya ang kaniyang balabal, tumindig at lumapit kay Jesus.

51 Sinabi sa kaniya ni Jesus: Ano ang nais mong gawin ko sa iyo?

Sumagot ang bulag at sinabi: Guro, nais kong matanggap ang aking paningin.

52 Sinabi ni Jesus: Humayo ka. Pinagaling ka ng iyong pananampalataya. Kaagad tinanggap ng bulag ang kaniyang paningin. Siya ay sumunod kay Jesus sa daan.

Pumasok si Jesus sa Jerusalem na Gaya ng Hari

11 Nang papalapit na sila sa Jerusalem, sa Betfage at Betania, patungong bundok ng Olibo, sinugo ni Jesus ang dalawa sa kaniyang mga alagad.

Sinabi niya sa kanila: Pumaroon kayo sa nayong nasa unahan ninyo. Pagkapasok na pagkapasok ninyo roon, may masusumpungan kayong nakataling batang asno na hindi pa nasasakyan ng sinumang tao. Kalagan ninyo iyon at dalhin dito. Kapag may nagsabi sa inyo: Bakit ninyo ginagawa ito? Sabihin ninyo: Kailangan ito ng Panginoon at agad na ipapadala iyon dito.

Sila ay pumaroon, at nasumpungan ang bisirong nakatali sa labas ng pintuan sa tabi ng daan at kinalagan nila ito. Ilan sa mga nakatayo roon ay nagsabi sa kanila: Ano ang ginagawa ninyo na kinakalagan ninyo ang batang asno? Sinabi ng mga alagad sa kanila ang ayon sa utos ni Jesus at kanilang pinayagan sila. Dinala nila kay Jesus ang batang asno. Isinapin nila sa ibabaw nito ang kanilang mga damit at sinakyan ito ni Jesus. Marami ang naglatag ng kanilang mga damit sa daanan. Ang iba ay pumutol ng mga sanga ng mga punong-kahoy at inilatag sa daan. Ang mga nauuna at mga sumusunod ay nagsisisigaw na sinasabing:

Hosana![a]Papuri sa kaniya na pumaparito sa pangalan ng Panginoon!

10 Papuri sa parating na paghahari ng ating amang si David na pumaparito sa pangalan ng Panginoon! Hosana sa kataas-taasan!

11 Pumasok si Jesus sa Jerusalem, at sa loob ng templo. Nang tumingin siya sa palibot sa lahat ng mga bagay, yamang dumidilim na, lumabas siya patungong Betania kasama ng labindalawang alagad.

Nilinis ni Jesus ang Templo

12 Kinabukasan, pagkagaling sa Betania, nagutom siya.

13 Sa di-kalayuan ay natanaw niya ang isang puno ng igos na may mga dahon. Nilapitan niya ito sa pagbabakasakaling makasumpong doon ng anuman. Nang malapitan niya ito, wala siyang nasumpungan kundi mga dahon lang, sapagkat hindi panahon ng pagbunga ng mga igos. 14 Nagsalita si Jesus at sinabi sa puno: Wala nang sinumang makakakain ng iyong bunga mula ngayon at magpakailanman. Narinig ito ng kaniyang mga alagad.

15 Dumating sila sa Jerusalem. Pagpasok ni Jesus sa loob ng templo, itinaboy niya ang mga nagtitinda at ang mga bumibili sa templo. Ang mga mesa ng mga mamamalit ng salapi at ang mga upuan ng mga nagtitinda ng mga kalapati ay itinaob niya. 16 Hindi niya pinayagang ang sinuman ay dumaan na may dalang sisidlan sa loob ng templo. 17 Nangaral siyang nagsabi sa kanila: Hindi ba nakasulat:

Ang bahay ko ay tatawagin ng lahat ng mga bansa na bahay-dalanginan. Subalit ginawa ninyo itong yungib ng mga tulisan.

18 Narinig ito ng mga guro ng kautusan at mga pinunong-saserdote. Hinanapan nila ng paraan kung papaano nila siya papatayin. Ito ay sapagkat takot sila kay Jesus dahil namangha ang lahat ng mga tao sa kaniyang mga turo.

19 Nang gumabi na ay lumabas siya sa lungsod.

Natuyo ang Puno ng Igos

20 Kinaumagahan, sa pagdaan nila, nakita nila ang puno ng igos na natuyo simula sa mga ugat.

21 Nang maala-ala ito ni Pedro, sinabi niya: Guro, tingnan mo. Ang puno ng igos na iyong isinumpa ay tuyo na.

22 Sumagot si Jesus sa kanila: Manampalataya kayo sa Diyos. 23 Katotohanang sinasabi ko sa inyo na ang sinumang magsabi sa bundok na ito: Umalis ka at maihagis sa dagat, makakamtam niya iyon. Ito ay kung hindi siya mag-alinlangan sa kaniyang puso sa halip ay manalig na matupad ang kaniyang sinabi. 24 Kaya nga, sinasabi ko sa inyo: Anumang mga bagay ang hingin ninyo sa pananalangin, manalig kayo na ito ay inyong nakamtam at ito ay mapapasainyo. 25 Kapag kayo ay nakatayo at nananalangin, kung mayroon kayong anumang laban sa kaninuman, patawarin ninyo siya. Ito ay upang patawarin din naman kayo sa inyong mga pagsalansang ng inyong Amang nasa langit. 26 Kung hindi kayo magpatawad, hindi rin kayo patatawarin sa inyong mga pagsalansang ng inyong Amang nasa langit.

Tinanong Nila si Jesus sa Kaniyang Kapangyarihan

27 Nagtungo silang muli sa Jerusalem. Habang naglalakad si Jesus sa templo, lumapit sa kaniya ang mga pinunong-saserdote at ang mga guro ng kautusan at ang mga matanda.

28 Sinabi nila sa kaniya: Anong kapamahalaan mayroon ka upang gawin mo ang mga ito? Sino ang nagbigay sa iyo ng kapamahalaang gawin ang mga bagay na ito?

29 Sinagot sila ni Jesus na sinabi sa kanila: Tatanungin ko rin kayo ng isang tanong. Kung sasagutin ninyo ako, sasabihin ko kung anong kapamahalaan mayroon ako upang gawin ang mga bagay na ito. 30 Ang bawtismo ni Juan, ito ba ay mula sa langit o mula sa mga tao? Sagutin ninyo ako.

31 Nangatwiranan sila sa isa’t isa na sinasabi: Kapag sinabi nating mula sa langit, sasabihin niya: Bakit hindi ninyo siya pinaniwalaan? 32 Ngunit kapag sinabi natin: Mula sa tao… At sila ay natakot sa mga tao sapagkat kinikilala nila si Juan bilang isang tunay na propeta.

33 Sumagot si Jesus sa kanila, na sinasabi: Hindi namin alam.

Tumugon si Jesus sa kanila, na sinasabi: Hindi ko rin sasabihin sa inyo kung sa anong kapamahalaan ginagawa ko ang mga bagay na ito.

Ang Salita ng Diyos (SND)

Copyright © 1998 by Bibles International