Beginning
Huwag Hahatol sa Kapwa
7 Huwag kayong hahatol upang hindi kayo hatulan.
2 Ito ay sapagkat sa hatol na inyong ihahatol ay hahatulan kayo. Sa sukat na inyong ipinanukat ay isusukat sa inyo.
3 Bakit mo tinitingnan ang puwing sa mata ng iyong kapatid? Ngunit hindi mo tinitingnan ang troso na nasa iyong mata. 4 Narito, papaano mo sabihin sa iyong kapatid: Payagan mong alisin ko ang puwing sa iyong mata. At narito, isang troso ang nasa mata mo. 5 Ikaw na mapagpaimbabaw. Alisin mo muna ang troso sa iyong mata. Kung magkagayon, makikita mong malinaw ang pag-aalis ng puwing sa mata ng iyong kapatid.
6 Huwag ninyong ibigay sa aso ang anumang banal. Huwag ninyong ihagis ang inyong mga perlas sa mga baboy. Kung gayon, yuyurakan lang nila ito at muling babalik at lalapain kayo.
Humingi, Maghanap, Kumatok
7 Humingi kayo at ito ay ibibigay sa inyo. Maghanap kayo at makakasumpong kayo. Kumatok kayo at ito ay bubuksan sa inyo.
8 Ito ay sapagkat ang bawat isang humihingi ay tumatanggap. Siya na naghahanap ay nakakasumpong. Ang kumakatok ay pinagbubuksan.
9 Sino kaya sa inyo ang magbibigay ng isang bato sa kaniyang anak kung ito ay humingi ng tinapay? 10 Kung humingi siya sa kaniya ng isda, bibigyan ba niya ito ng ahas? 11 Kayo, bagaman masasama ay marunong magbigay ng mabubuting kaloob sa inyong mga anak, gaano pa kaya ang inyong Ama na nasa langit? Hindi ba niya ibibigay ang mabubuting bagay sa kanila na humihingi sa kaniya? 12 Kaya nga, ang lahat ng bagay na ibig ninyong gawin ng mga tao sa inyo ay gayundin ang gawin ninyo sa kanila sapagkat ito ang kabuuan ng Kautusan at ng mga Propeta.
Ang Makipot at ang Maluwang na Daan
13 Pumasok kayo sa makipot na tarangkahan sapagkat ang maluwang na tarangkahan at malapad na daan ay patungo sa kapahamakan. Marami ang patungo roon.
14 Subalit ang makipot na tarangkahan at makitid na daan ay patungo sa buhay. Kakaunti ang mga nakakasumpong nito.
Ang Puno at ang Bunga Nito
15 Mag-ingat kayo sa mga bulaang propeta. Lumalapit sila sa inyo na nagdaramit-tupa, ngunit sa loob ay mababangis na lobo.
16 Makikilala ninyo sila nang lubos sa pamamagitan ng kanilang mga bunga. Ang mga tao ba ay makakapitas ng mga ubas sa tinikan o ng mga igos sa dawagan? 17 Maging ang bawat mabuting punong-kahoy ay nagbubunga ng mabuti. Ngunit ang isang masamang punong-kahoy ay nagbubunga ng masama. 18 Ang isang mabuting punong-kahoy ay hindi makapagbubunga ng masama, ni ang masamang punong-kahoy ay makapagbubunga ng mabuti. 19 Ang bawat punong-kahoy na hindi nagbubunga ng mabuti ay pinuputol at inihahagis sa apoy. 20 Kaya nga, sa kanilang mga bunga ay makikilala ninyo sila.
21 Hindi ang bawat isa na nagsasabi sa akin: Panginoon, Panginoon, ay makakapasok sa paghahari ng langit, kundi ang gumagawa ng kalooban ng aking Ama na nasa langit. 22 Sa araw na iyon ay marami ang magsasabi sa akin: Panginoon, Panginoon, hindi ba sa iyong pangalan ay naghayag kami ng salita katulad ng mga propeta, at sa iyong pangalan ay nagpalayas kami ng mga demonyo, at sa iyong pangalan ay gumawa kami ng maraming himala? 23 Pagkatapos nito ay ipahahayag ko sa kanila: Hindi ko kayo nakikilala. Lumayo kayo sa akin, kayong hindi kumikilala sa kautusan ng Diyos.
Ang Matalino at Mangmang na Tagapagpatayo
24 Kaya nga, ang sinumang dumirinig sa mga pananalita kong ito at isinasagawa ang mga ito, ay maihahalintulad ko sa isang lalaking matalino na nagtayo ng kaniyang bahay sa ibabaw ng bato.
25 Bumuhos ang ulan at bumaha. Umihip ang malakas na hangin at hinampas ang bahay na iyon, ngunit hindi bumagsak. Ito ay sapagkat itinayo niya iyon sa ibabaw ng bato. 26 Ang bawat isa na dumirinig ng mga pananalita kong ito at hindi isinasagawa ay maihahalintulad ko sa isang lalaking mangmang na nagtayo ng kaniyang bahay sa ibabaw ng buhanginan. 27 Bumuhos ang ulan at bumaha. Umihip ang malakas na hangin at hinampas ang bahay na iyon. Bumagsak ito at lubusang nawasak.
28 Nangyari nga, nang matapos na ni Jesus ang mga pananalitang ito, ang mga tao ay nanggilalas sa kaniyang turo. 29 Ito ay sapagkat siya ay nagturo sa kanila tulad ng may kapamahalaan at hindi tulad ng mga guro ng kautusan.
Nilinis ni Jesus ang Lalaking Ketongin
8 Nang siya ay bumaba mula sa bundok, sinundan siya ng napakaraming tao.
2 Narito, may lumapit na isang ketongin at sinamba siya na sinasabi: Panginoon kung ibig mo ay malilinis mo ako.
3 Iniunat ni Jesus ang kaniyang kamay at hinipo siya na sinasabi: Ibig ko. Maging malinis ka. Kaagad-agad na luminis ang kaniyang ketong. 4 Sinabi ni Jesus sa kaniya: Tiyakin mong huwag sabihin ito sa kaninuman kundi lumakad ka at magpakita ka sa mga saserdote. Maghain ka ng kaloob ayon sa inutos ni Moises bilang patotoo sa kanila.
Ang Kapitan ay Nanampalataya
5 Nang pumasok na si Jesus sa Capernaum, may lumapit sa kaniya na isang kapitan na namamanhik sa kaniya.
6 Sinabi ng kapitan: Panginoon, ang aking lingkod ay nakaratay sa bahay, lumpo at lubhang nahihirapan.
7 Sinabi ni Jesus sa kaniya: Ako ay paroroon at pagagalingin ko siya.
8 Ngunit sumagot ang kapitan: Panginoon, hindi ako karapat-dapat na ikaw ay pumasok sa aking bahay. Ngunit magsalita ka lamang at mapapagaling mo na ang aking lingkod. 9 Ito ay sapagkat ako rin naman ay isang taong nasa ilalim ng kapamahalaan na may nasasakupang mga kawal. Sinasabi ko sa isang tao: Pumaroon ka. At pumaparoon siya. Sinasabi ko naman sa iba: Halika. At lumalapit siya. Sa aking alipin naman ay sinasabi ko: Gawin mo ito. At kaniya itong ginagawa.
10 Namangha si Jesus nang marinig niya ito. Sinabi niya sa mga sumusunod sa kaniya: Katotohanang sinasabi ko sa inyo: Kahit sa mga taga-Israel ay hindi ko nasumpungan ang ganito kalaking pananampalataya. 11 Sinasabi ko sa inyo na marami ang manggagaling sa silangan at kanluran at kakaing kasama ni Abraham, Isaac at Jacob sa paghahari ng langit. 12 Ngunit ang mga anak ng paghahari ay itatapon sa kadiliman sa labas. Doon ay magkakaroon ng pananangis at pagngangalit ng mga ngipin.
13 Sinabi ni Jesus sa kapitan: Lumakad ka na. Mangyayari ang ayon sa pananampalataya mo. At ang kaniyang lingkod ay gumaling sa oras ding iyon.
Pinagaling ni Jesus ang Maraming Tao
14 Nang dumating si Jesus sa bahay ni Pedro, nakita niya ang kaniyang biyenang babae na nakahiga at nilalagnat.
15 Hinipo ni Jesus ang kamay nito at nawala ang lagnat. At siya ay bumangon at naglingkod sa kanila.
16 Kinagabihan, dinala nila sa kaniya ang maraming tao na inaalihan ng mga demonyo. Sa isang salita ay pinalayas niya ang masasamang espiritu at pinagaling ang lahat ng mga maysakit. 17 Ito ay upang matupad ang sinabi ni propeta Isaias na mangyayari. Sinasabi niya:
Kinuha niya ang ating mga kahinaan at dinala niya ang ating mga sakit.
Ang Halaga ng Pagsunod kay Jesus
18 Nang makita ni Jesus ang napakaraming tao sa palibot niya, nag-utos siya upang tumawid sa kabilang ibayo ng lawa.
19 May lumapit sa kaniya na isang guro ng kautusan. Sinabi nito sa kaniya: Guro, susunod ako sa iyo saan ka man pumaroon.
20 Sinabi ni Jesus sa kaniya: Ang mga sora ay may mga lungga at ang mga ibon sa himpapawid ay may mga pugad. Ngunit ang Anak ng Tao ay walang mapaghihiligan ng kaniyang ulo.
21 At isa sa kaniyang mga alagad ang nagsabi: Panginoon, pahintulutan mo muna akong makauwi upang ilibing ang aking ama.
22 Ngunit sinabi ni Jesus sa kaniya: Sumunod ka sa akin. Bayaan mong ilibing ng patay ang kanilang patay.
Pinatigil ni Jesus ang Bagyo
23 Pagkasakay niya sa isang bangka, sumunod sa kaniya ang kaniyang mga alagad.
24 Narito, nagkaroon ng isang malakas na bagyo sa lawa. Ang bangka ay natatabunan ng malalakas na alon. Ngunit si Jesus ay natutulog. 25 Lumapit sa kaniya ang kaniyang mga alagad at ginising siya. Sinabi nila: Panginoon, iligtas mo kami, napapahamak kami.
26 Sinabi ni Jesus sa kanila: Bakit kayo natatakot? O, kayong maliliit ang pananampalataya. Nang magkagayon, bumangon siya at sinaway ang mga hangin at ang mga alon. At nagkaroon ng isang malaking katahimikan.
27 Ngunit ang mga lalaki ay namangha at nagsabi: Anong uri ng tao ito na maging ang mga hangin at dagat ay tumatalima sa kaniya?
Pinagaling ni Jesus ang Dalawang Inaalihan ng Demonyo
28 Pagdating niya sa kabilang ibayo ng lawa, sa lupain ng mga Gadareno, sinalubong siya ng dalawang lalaking inaalihan ng mga demonyo. Sila ay nanggaling sa libingan at totoong napakabangis. Kaya walang sinumang maglakas-loob na dumaan sa daang iyon.
29 Narito, sila ay sumigaw na sinabi: Ano ang kinalaman ng bagay na ito sa amin at sa iyo Jesus, ikaw na Anak ng Diyos? Naparito ka ba upang pahirapan kami bago pa man dumating ang panahon?
30 Sa hindi kalayuan ay may isang kawan ng maraming baboy na nanginginain. 31 Nagmakaawa ang mga demonyo sa kaniya. Sinabi nila: Kapag palalayasin mo kami, pahintulutan mo kaming pumaroon sa kawan ng mga baboy.
32 Sinabi niya sa kanila: Pumaroon kayo. Pagkalabas nila, pumasok sila sa kawan ng mga baboy. Narito, ang buong kawan ng baboy ay tumakbong padaluhong sa isang malalim na bangin at nahulog sa kalalim-laliman ng lawa at nalunod. 33 Ang mga tagapag-alaga ay tumakbo at pumunta sa lungsod. Ipinamalita nila ang lahat ng nangyari at ang sinapit ng mga inalihan ng mga demonyo. 34 Narito, ang buong mamamayan sa lungsod ay lumabas upang salubungin si Jesus. Nang makita nila siya, nagmakaawa sila sa kaniya na umalis na sa kanilang lupain at sa mga hangganan nito.
Copyright © 1998 by Bibles International