Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Beginning

Read the Bible from start to finish, from Genesis to Revelation.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Diyos (SND)
Version
Marcos 15-16

Si Jesus sa Harap ni Pilato

15 Kapagdaka, sa kinaumagahan, ang mga pinunong-saserdote ay bumuo ng sanggunian kasama ang mga matanda at mga guro ng kautusan at ang buong Sanhedrin. Kanilang tinalian si Jesus at ibinigay nila siya kay Pilato.

Tinanong siya ni Pilato: Ikaw ba ang Hari ng mga Judio?

Sumagot si Jesus na nagsasabi: Tama ang iyong sinabi.

Ang mga pinunong-saserdote ay nagparatang sa kaniya ng maraming bagay. Tinanong siyang muli ni Pilato na nagsasabi: Tingnan mo kung gaano karami ang paratang nila laban sa iyo. Hindi ka ba sasagot?

Ngunit hindi pa rin tumugon si Jesus at namangha si Pilato.

Ngayon, sa araw ng paggunita, kaugalian ni Pilato na magpalaya sa kanila ng isang bilanggo na nais nilang hingin. Mayroong isang lalaki na kung tawagin ay Barabas. Siya ay nakabilanggo kasama ang kapwa niyang mga maghihimagsik na nakapatay sa isang pag-aalsa. Nagsimulang humiling kay Pilato ang napakaraming tao. Hiniling nila na gawin niya ang nakaugalian niyang ginagawa para sa kanila.

Sumagot sa kanila si Pilato na nagsasabi: Nais ba ninyong pakawalan ko sa inyo ang Hari ng mga Judio? 10 Sinabi niya ito dahil batid niya na dinala si Jesus ng mga pinunong-saserdote dahil sa inggit. 11 Inudyukan ng mga pinunong-saserdote ang napakaraming tao na ang pawalan para sa kanila ay si Barabas.

12 Sumagot muli si Pilato. Sinabi niya sa kanila: Ano ang nais ninyong gawin ko sa kaniya na tinatawag ninyong Hari ng mga Judio.

13 Muli silang sumigaw: Ipako siya sa krus!

14 Sinabi ni Pilato sa kanila: Ano bang kasamaan ang kaniyang ginawa?

Higit pa silang sumigaw: Ipako siya sa krus!

15 Sa pagnanais ni Pilato na bigyang-lugod ang napaka­raming tao ay pinalaya niya si Barabas sa kanila. Si Jesus naman pagkatapos na hagupitin ay ibinigay sa kanila upang ipako siya sa krus.

Nilibak ng mga Kawal si Jesus

16 Dinala siya ng mga kawal sa loob ng patyo na tinatawag na hukuman. Tinawag nila ang buong batalyon ng mga kawal na naroroon upang magtipon.

17 Sinuotan nila siya ng kulay ubeng damit. Nagsalapid din sila ng koronang tinik at inilagay nila ito sa kaniya. 18 Nagsimula silang bumati sa kaniya na sinasabi: Binabati, Hari ng mga Judio. 19 Hinampas nila siya sa ulo sa pamamagitan ng tambo at dinuraan siya. Lumuhod sila at sinamba siya. 20 Matapos nila siyang kutyain, hinubad nila ang kulay ubeng damit at isinuot sa kaniya ang kaniyang mga damit. Kanilang inaakay siya papalabas upang ipako sa krus.

Ipinako Nila si Jesus sa Krus

21 May isang dumadaan na pinilit nilang magbuhat ngkrus ni Jesus. Ito ay si Simon na taga-Cerene na dumating galing sa kaniyang bukid. Siya ang ama ni Alejandro at ni Rufo.

22 Dinala nila si Jesus sa dako ng Golgota na ang kahulugan ay dako ng bungo. 23 Binigyan nila siya ng alak na may halong mira upang kaniyang inumin ngunit hindiniya ito tinanggap. 24 Matapos siyang ipako sa krus, pinaghati-hatian nila ang kaniyang mga damit. Nagpalabunutan sila upang malaman nila kung kanino at ano ang madadala ng bawat isa.

25 Ika-tatlo na ang oras nang siya ay ipako nila sa krus. 26 Mayroong paratang na nakasulat, na nakaukit sa kaniyang ulunan: ANG HARI NG MGA JUDIO. 27 Ipinako rin nila sa krus kasama ni Cristo ang dalawang tulisan, ang isa ay nasa kanan at ang isa ay nasa kaliwa. 28 Ito ang kaganapan ng mga kasulatan na nagsasabi: Siya ay ibinilang sa mga walang kinikilalang kautusan ng Diyos. 29 Nilait siya ng mga dumaraan. Umiiling sila na nagsasabi: Aba! Gigibain mo ang banal na dako at sa ikatlong araw ay itatayo ito. 30 Iligtas mo ang iyong sarili at bumaba ka sa krus.

31 Sa ganoon ding paraan ay kinukutya siya ng mga pinunong-saserdote kasama ang mga guro ng kautusan. Sinabi nila: Iniligtas niya ang iba ngunit hindi naman niya mailigtas ang kaniyang sarili. 32 Bumaba mula sa krus ang Mesiyas, ang Hari ng Israel upang makita natin at tayo ay maniwala. Yaong mga kasama niyang ipinako ay inalipusta din siya.

Si Jesus ay Namatay

33 Nang dumating ang ika-anim na oras, dumilim ang buong lupa hanggang sa ika-siyam na oras.

34 At sa ika-siyam na oras, sumigaw si Jesus ng malakas na tinig na nagsasabi: Eloi, Eloi, lama sabachthani? Ang kahulugan nito ay: Diyos ko, Diyos ko, bakit mo ako pinabayaan?

35 Narinig ito ng ilan sa mga nakatayo na malapit doon. Sinabi nila: Narito, tinatawag niya si Elias.

36 Tumakbo ang isang tao at pinuno ang isang espongha ng maasim na alak. Inilagay niya ito sa isang tambo. Ibinigay niya ito upang ipainom sa kaniya na nagsasabi: Pabayaan ninyo siya. Tingnan natin kung darating si Elias upang ibaba siya.

37 Ngunit sumigaw si Jesus nang malakas na tinig. Pagkatapos nito, nalagutan siya ng hininga.

38 Ang makapal na tabing ng banal na dako ay napunit sa dalawa mula sa itaas hanggang sa ibaba. 39 Isang Kapitan ng Romano ang nakatayo sa tapat niya. Pagkatapos niyang makita na sumigaw si Jesus at nakitang nalagutan ng hininga, siya ay nagsabi: Totoong ang taong ito ay ang Anak ng Diyos.

40 May mga babae ring nakamasid mula sa malayo. Kabilang sa mga ito si Maria na taga-Magdala at si Maria na ina ni Santiago, na maliit, at ni Jose. Kabilang din si Salome. 41 Sila rin ang sumunod at naglingkod kay Jesus nang siya ay nasa Galilea. Naroroon din ang maraming babae na sumunod sa kaniya sa Jerusalem.

Inilibing Nila si Jesus

42 Noon ay araw ng Paghahanda, nang gumabi, na siyang araw bago ang araw ng Sabat.

43 At dumating si Jose na taga-Arimatea na isang marangal na kasapi ng Sanhedrin. Siya ay naghihintay din sa paghahari ng Diyos. Naglakas-loob siyang pumunta kay Pilato upang hingin ang katawan ni Jesus. 44 Namangha si Pilato na patay na si Jesus. Ipinatawag niya ang Kapitan at itinanong niya kung matagal nang patay si Jesus. 45 Nang mabatid niya ito sa Kapitan pinahintulutan niya si Jose na kunin ang bangkay ni Jesus. 46 Bumili siya ng telang lino. Ibinaba niya siya at binalot ng telang lino at inilagay sa libingan. Ang libingan ay iniuka sa bato at sa bukana nito ay may iginulong na bato. 47 Nakita ni Maria na taga-Magdala at ni Maria na ina ni Jose kung saan siya inilagay.

Si Jesus ay Muling Nabuhay sa mga Patay

16 Pagkalipas ng Sabat, bumili ng pamahid na pabango si Maria na taga-Magdala at si Maria, na ina ni Santiago at si Salome upang pahiran siya.

Maagang-maaga sa unang araw ng sanlinggo, pumunta sila sa libingan sa pagsikat ng araw. Sinabi nila sa isa’t isa: Sino ang magpapagulong para sa atin ng bato sa bukana ng libingan?

Nang tumingin sila pataas, nakita nila na naigulong na ang bato sapagkat ito ay napakalaki. Nang pumasok sila sa loob ng libingan, nakita nila ang isang binatang nakaupo sa gawing kanan na nakasuot ng puting kasuotan. Dahil dito sila ay lubhang nanggilalas.

Sinabi niya sa kanila: Huwag kayong manggilalas. Hina­hanap ninyo si Jesus na taga-Nazaret na ipinako sa krus. Nagbangon siya! Wala siya rito! Tingnan ninyo ang dakong pinaglagyan sa kaniya. Ngunit humayo kayo at sabihin ninyo sa kaniyang mga alagad at kay Pedro na mauuna siya sa inyo sa Galilea. Doon ay makikita ninyo siya gaya ng sinabi niya sa inyo.

Pagkalabas nila sa libingan, nagmamadali silang tumakbo na nanginginig at nanggigilalas at dahil sa takot, wala silang sinabing anuman sa kaninumang tao.

Nang si Jesus ay bumangon sa unang araw ng sanlinggo, siya ay unang nagpakita kay Maria na taga-Magdala. Siya ang babaeng na may pitong demonyo na pinalabas ni Jesus. 10 Umalis si Maria at isinalaysay ito sa mga naging kasama ni Jesus na namimighati at tumatangis. 11 Isinalaysay niya na si Jesus ay buhay at kaniyang nakita. Ngunit nang marinig nila ito, hindi nila ito pinaniwalaan.

12 Pagkatapos ng mga bagay na ito, nagpakita si Jesus sa dalawang alagad sa ibang kaanyuan. Siya ay nagpakita habang ang mga ito ay naglalakad patungo sa kanilang bukid. 13 Nang bumalik sila ay isinalaysay nila ito sa mga iba nilang kasama. Hindi rin sila naniwala sa kanila.

Nagpakita si Jesus sa mga Alagad

14 Pagkatapos nito, nagpakita siya sa labing-isang alagad habang sila ay nakadulog sa hapag kainan. Pinagwikaan niya sila sa kanilang kawalan ng pananampalataya at katigasan ng puso. Ito ay sapagkat hindi nila pinaniwalaan ang mga salita ng mga nakakita sa kaniya na muling nabuhay.

15 Sinabi niya sa kanila: Humayo kayo sa buong sanlibutan. Ipangaral ang ebanghelyo sa lahat ng nilikha. 16 Ang sinumang sumampalataya at mabawtismuhan ay maliligtas. Ang sinumang hindi sumampalataya ay hahatulan. 17 Sa mga sumasampalataya ay susunod ang mga tandang ito: Palalabasin nila ang mga demonyo sa aking pangalan. Makakapagsalita sila ng mga bagong wika. 18 Makakadampot sila ng mga ahas. Kapag uminom sila ng anumang bagay na nakakamatay, hindi sila mapipinsala niyaon sa anumang paraan. Ipapatong nila ang kanilang kamay sa may mga karamdaman at bubuti sila.

19 Kaya nga, pagkatapos magsalita ng Panginoon sa kanila, siya ay dinalang paitaas sa langit at umupo sa kanang tabi ng Diyos. 20 Ang mga alagad ay umalis at nangaral kahit saang dako. Ang Panginoon ay kasama nilang gumagawa. Pinag­titibay niya ang kaniyang salita sa pamamagitan ng mga tandang sumusunod dito. Siya nawa!

Ang Salita ng Diyos (SND)

Copyright © 1998 by Bibles International