Beginning
Ang Malinis at ang Marumi
15 Nang magkagayon, lumapit kay Jesus ang mga guro ng kautusan at mga Fariseo na mula sa Jerusalem. Sinabi nila:
2 Bakit nilalabag ng mga alagad mo ang kaugalian ng mga matanda? Ito ay sapagkat hindi sila naghuhugas ng kamay bago kumain.
3 Sumagot siya sa kanila: Bakit nilalabag din ninyo ang utos ng Diyos dahil sa inyong kaugalian? 4 Ito ay sapagkat iniutos ng Diyos na sinasabi: Igalang mo ang iyong ama at ina. Ang sinumang manungayaw sa kaniyang ama o sa kaniyang ina ay dapat mamatay. 5 Ngunit sinasabi ninyo: Ang sinumang magsabi sa kaniyang ama o sa kaniyang ina: Ang anumang dapat ko sanang ibigay na kapakinabangan sa iyo ay naging kaloob ko na sa Diyos. At sa pamamagitan nito ay wala na siyang pananagutan sa kaniyang ama o sa kaniyang ina. 6 Sa ganitong paraan ay winawalang kabuluhan ninyo ang utos ng Diyos dahil sa inyong kaugalian. 7 Kayong mapagpaimbabaw! Tama ang paghahayag ni Isaias sa inyo na sinabi:
8 Lumalapit sa akin ang mga taong ito sa pamamagitan ng kanilang mga bibig at iginagalang nila ako sa pamamagitan ng kanilang mga labi. Ngunit ang kanilang mga puso ay malayo sa akin. 9 Walang kabuluhan ang pagsamba nila sa akin. Ang aral na kanilang itinuturo ay mga kautusan ng mga tao.
10 Tinawag niya ang napakaraming tao. Sinabi niya sa kanila: Pakinggan ninyo ako at unawain. 11 Ang nakakapagparumi sa isang tao ay hindi ang pumapasok sa bibig kundi ang lumalabas sa bibig. Ito ang nagpaparumi sa isang tao.
12 Nang magkagayon, lumapit ang kaniyang mga alagad at sinabi sa kaniya: Alam mo bang natisod ang mga Fariseo pagkarinig nila ng mga pananalitang ito?
13 Ngunit sumagot siya sa kanila: Ang bawat halamang hindi itinanim ng aking Ama na nasa langit ay bubunutin. 14 Pabayaan ninyo sila. Sila ay mga bulag na umaakay sa mga bulag. Kapag ang bulag ang aakay sa bulag, kapwa silang mahuhulog sa hukay.
15 Nang magkagayon, sinabi ni Pedro sa kaniya: Ipaliwanag mo sa amin ang talinghagang ito.
16 Sinabi ni Jesus: Wala pa rin ba kayong pang-unawa? 17 Hindi pa ba ninyo alam na ang anumang pumapasok sa bibig ay tumutuloy sa tiyan? Pagkatapos, hindi ba idinudumi ito sa palikuran? 18 Ngunit ang mga bagay na lumalabas sa bibig ay nanggagaling sa puso. Ang mga ito ang nagpaparumi sa tao. 19 Ito ay sapagkat sa puso nanggagaling ang masasamang pag-iisip, mga pagpatay, mga pangangalunya, ang pakikiapid, mga pagnanakaw, mga walang katotohanang pagsaksi at mga pamumusong. 20 Ito ang mga bagay na nagpaparumi sa isang tao. Ang hindi paghuhugas ng kamay bago kumain ay hindi nagpaparumi sa isang tao.
Ang Pananampalataya ng Isang Taga-Canaan
21 Pagkaalis ni Jesus sa lugar na iyon, pumunta siya sa mga lupain ng Tiro at Sidon.
22 Narito, may babaeng taga-Canaan na nakatira sa lupain ding iyon ang lumabas at sumisigaw sa kaniya na sinasabi: O, Panginoon, ikaw na Anak ni David, mahabag ka sa akin. Ang aking anak na babae ay labis na pinahihirapan ng demonyo.
23 Ngunit hindi niya siya tinugon ng kahit isang salita.Nilapitan siya ng kaniyang mga alagad at pinakiusapan na sinasabi: Paalisin mo siya sapagkat sigaw siya nang sigaw habang sumusunod sa atin.
24 Sinabi niya: Sinugo lamang ako para sa mga naliligaw na tupa sa sambahayan ng Israel.
25 Ngunit lumapit siya sa kaniya at kaniya siyang sinamba na sinasabi: Panginoon, tulungan mo ako!
26 Ngunit sumagot siya: Hindi nararapat na kunin ang tinapay sa mga anak at itapon ito sa mga aso.
27 Sinabi ng babae: Totoo, Panginoon. Ang mga aso man ay kumakain ng mga mumong nalalaglag mula sa hapag kainan ng kanilang mga panginoon.
28 Nang magkagayon sinabi ni Jesus sa kaniya: O, babae, napakalaki ng iyong pananampalataya. Mangyari sa iyo ang ayon sa ibig mo. Mula sa oras ding iyon, gumaling ang kaniyang anak.
Pinakain ni Jesus ang Apat na Libo
29 Pagkaalis ni Jesus doon, nagtungo siya sa tabi ng lawa ng Galilea. Umahon siya sa isang bundok at doon naupo.
30 Lumapit sa kaniya ang napakaraming tao. Dinala nila ang mga pilay, ang mga bulag, ang mga pipi at ang mga may kapansanan, at marami pang iba. Inilagay nila sila sa kaniyang paanan at pinagaling niya sila. 31 Namangha ang napakaraming tao nang makita nilang nakapagsalita na ang mga pipi, gumaling na ang mga may kapansanan, nakalakad na ang mga lumpo at nakakita na ang mga bulag. At niluwalhati nila ang Diyos ng Israel.
32 Kaya tinawag ni Jesus ang kaniyang mga alagad at pinalapit sa kaniya. Sinabi niya: Nahahabag ako sa napakaraming taong ito sapagkat tatlong araw na silang sumusunod sa akin at wala man lang silang makain. Hindi ko ibig na pauwiin silang gutom at baka manlupaypay sila sa daan.
33 Sinabi ng kaniyang mga alagad sa kaniya: Saan tayo kukuha sa ilang na ito ng sapat na tinapay upang mabusog ang napakaraming taong ito?
34 Sinabi ni Jesus sa kanila: Ilang tinapay mayroon kayo? Sinabi nila: Pito at ilang maliliit na isda.
35 Inutusan niya ang mga tao na umupo sa lupa. 36 Kinuha niya ang pitong tinapay at ang mga isda. Nagpasalamat siya at pinagputul-putol ang mga ito. Ibinigay niya ang mga ito sa kaniyang mga alagad at ibinigay naman ng mga alagad sa napakaraming tao. 37 Kumain silang lahat at nabusog. Pinulot nila ang mga lumabis sa mga pinagputul-putol at nakapuno sila ng pitong kaing. 38 Ang kumain ay apat na libong lalaki, bukod pa sa mga babae at mga bata. 39 Nang mapaalis na niya ang napakaraming tao, sumakay siya sa isang bangka at nagtungo sa mga hangganan ng Magdala.
Hiningan si Jesus ng Tanda
16 Lumapit ang mga Fariseo at ang mga Saduseo upang siya ay subukin. Hiniling nila sa kaniya na magpakita siya sa kanila ng isang tanda mula sa langit.
2 Sumagot siya at sinabi sa kanila: Kung gabi ay sinasabi ninyo: Bubuti ang panahon dahil mapula ang langit. 3 Kung umaga naman ay sinasabi ninyo: Masama ang panahon dahil mapula at makulimlim ang langit. O, kayong mga mapagpaimbabaw! Alam ninyong kilalanin ang anyo ng langit ngunit hindi ninyo alam kilalanin ang mga tanda ng panahon. 4 Ang mga tao sa panahong ito ay masama at mapangalunya. Mahigpit silang naghahangad ng isang tanda. Ngunit walang ibibigay na tanda sa kanila kundi ang tanda ni propeta Jonas.Umalis si Jesus at iniwan sila.
Mag-ingat sa Pampaalsa ng mga Fariseo at Saduseo
5 Nang ang kaniyang mga alagad ay makarating sa kabilang ibayo, nakalimutan nilang magdala ng tinapay.
6 Sinabi ni Jesus sa kanila: Mag-ingat kayo sa mga pampaalsa ng mga Fariseo at mga Saduseo.
7 Nangatwiran sila sa kanilang sarili patungkol dito na sinasabi: Ito ay sapagkat hindi tayo nakapagdala ng tinapay.
8 Ngunit nalaman ito ni Jesus at sinabi niya sa kanila: O, kayong maliit ang pananampalataya. Bakit kayo nangatwiranan sa inyong mga sarili na hindi kayo nakapagdala ng tinapay? 9 Hindi pa ba ninyo naunawaan ni naala-ala ang limang tinapay na ipinakain sa limang libo? Ilang bakol ang inyong nakuha? 10 Hindi ba ninyo naala-ala ang pitong tinapay na ipinakain sa apat na libo? Ilang kaing ang inyong nakuha? 11 Bakit hindi ninyo nauunawaan ang sinabi ko sa inyo. Ang sinabi ko ay dapat kayong mag-ingat sa pampaalsa ng mga Fariseo at mga Saduseo at hindi ang patungkol sa tinapay. 12 Sa ganoon, naunawaan na nila na hindi sila pinag-iingat sa pampaalsa ng tinapay kundi sa aral ng mga Fariseo at mga Saduseo.
Ang Pahayag ni Pedro Patungkol sa Mesiyas
13 Nang makarating si Jesus sa mga lupain ng Cesarea Filipo, tinanong niya ang kaniyang mga alagad. Sinabi niya: Ayon sa sinasabi ng mga tao, sino raw ba ako na Anak ng Tao?
14 Sinabi nila: Ang sabi ng iba: Si Juan na tagapagbawtismo.Ang sabi ng ilan: Si Elias. At ang iba ay nagsabing ikaw si Jeremias, o isa sa mga propeta.
15 Sinabi niya sa kanila: Ngunit ayon sa inyo sino ako?
16 Sumagot si Simon Pedro: Ikaw ang Mesiyas, ang Anak ng Diyos na buhay.
17 Sinabi ni Jesus sa kaniya: Pinagpala ka, Simon na anak ni Jonas sapagkat hindi ito ipinahayag sa iyo ng laman at dugo kundi ng aking Ama na nasa langit. 18 At sinasabi ko rin sa iyo: Ikaw ay Pedro. Sa ibabaw ng batong ito ay itatayo ko ang aking iglesiya. Hindi makakapanaig sa kaniya ang tarangkahan ng Hades. 19 Ibibigay ko sa iyo ang mga susi ng paghahari ng langit. Anuman ang iyong tatalian sa lupa ay tatalian sa langit. Anuman ang iyong kalagan sa lupa ay kakalagan sa langit. 20 Pagkatapos, ipinagbilin niya sa kaniyang mga alagad na huwag nilang sabihin kaninuman na siya ay si Jesus, ang Mesiyas.
Ipinagpaunang Banggitin ni Jesus ang Kaniyang Kamatayan
21 Magmula noon, ipinaalam ni Jesus ang mga bagay na ito sa kaniyang mga alagad. Sinabi niya: Kailangan kong pumunta sa Jerusalem. Doon ay magbabata ako ng maraming pahirap sa kamay ng mga matanda, mga pinunong-saserdote at mga guro ng kautusan. Papatayin nila ako at muli akong mabubuhay sa ikatlong araw.
22 Isinama siya ni Pedro at nagsimulang sawayin siya na sinasabi: Panginoon, malayo nawa ito sa iyo. Hindi ito mangyayari sa iyo.
23 Ngunit humarap siya at sinabi kay Pedro: Pumunta ka sa likuran ko, Satanas. Ikaw ay hadlang sa akin sapagkat hindi mo iniisip ang mga bagay na ukol sa Diyos, kundi ang mga bagay na ukol sa mga tao.
Tanggihan ang Sarili at Sumunod sa Akin
24 Nang magkagayon, sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad: Kung ang sinuman ay ibig sumunod sa akin, tanggihan niya ang kaniyang sarili, pasanin niya ang kaniyang krus at sumunod sa akin.
25 Ito ay sapagkat ang sinumang ibig magligtas ng kaniyang buhay ay mawawalan nito. Ngunit ang sinumang mawalan ng kaniyang buhay alang-alang sa akin ay makakasumpong nito. 26 Ito ay sapagkat kung makamtan man ng isang tao ang buong sanlibutan ngunit mapahamak naman ang kaniyang kaluluwa, ano ang pinakinabangan niya? Ano ang maibibigay ng isang tao bilang katumbas ng kaniyang kaluluwa? 27 Ito ay sapagkat paparito ang Anak ng Tao sa kaluwalhatianng kaniyang Ama, kasama ng kaniyang mga anghel. Gagantimpalaan niya ang mga tao ayon sa kanilang mga gawa. 28 Katotohanang sinasabi ko sa inyo: May ilan sa inyo na nakatayo rito ang hindi makakaranas ng kamatayan hanggang hindi nila makita ang Anak ng Tao sa kaniyang paghahari, sa kaniyang pagdating.
Ang Pagbabagong Anyo
17 Pagkaraan ang anim na araw, isinama ni Jesus sina Pedro at Santiago, at si Juan na kaniyang kapatid.Dinala niya silang bukod sa isang mataas na bundok.
2 Nagbagong-anyo siya sa harap nila.Nagliwanag ang kaniyang mukha na parang araw. Pumuti ang kaniyang mga damit na gaya ng busilak ng liwanag. 3 Narito, biglang nagpakita sa kanila sina Moises at Elias na nakikipag-usap sa kaniya.
4 Sinabi ni Pedro kay Jesus: Panginoon, mabuti para sa amin na kami ay naririto. Kung ibig mo, gagawa kami rito ng tatlong kubol. Isa ang para sa iyo, isa kay Moises at isa kay Elias.
5 Habang nagsasalita pa siya, narito, nililiman sila ng isang maningning na ulap. Narito, may isang tinig na buhat sa ulap na nagsasabi: Ito ang pinakamamahal kong Anak na labis kong kinalulugdan. Pakinggan ninyo siya.
6 Nang marinig ito ng mga alagad, napasubsob sila sa lupa at sila ay lubhang natakot. 7 Lumapit si Jesus at hinipo niya sila. Sinabi niya: Tumayo kayo at huwag kayong matakot. 8 Nang tumingin sila sa paligid, wala silang ibang nakita kundi si Jesus lamang.
9 Habang bumababa sila sa bundok, iniutos sa kanila ni Jesus na sinabi: Huwag ninyong sabihin kaninuman ang pangitaing ito hanggang sa muling mabuhay mula sa mga patay ang Anak ng Tao.
10 Tinanong siya ng kaniyang mga alagad na sinasabi: Bakit sinasabi ng mga guro ng kautusan na dapat munang dumating si Elias?
11 Sumagot si Jesus: Darating muna si Elias upang ipanumbalik ang lahat ng bagay. 12 Ngunit sinasabi ko sa inyo: Dumating na si Elias at hindi nila siya nakilala. Ginawa nila sa kaniya ang anumang kanilang naibigan. Gayundin naman ang Anak ng Tao ay pahihirapan na nila. 13 Nang magkagayon, naunawaan ng mga alagad na si Juan na tagapagbawtismo ang tinutukoy niya.
Pinagaling ni Jesus ang Batang Inaalihan ng Karumal-dumal na Espiritu
14 Pagdating nila sa napakaraming tao, nilapitan siya ng isang lalaki na nanikluhod sa kaniya na sinasabi:
15 Panginoon, mahabag ka sa aking anak na lalaki sapagkat siya ay may epilepsiya at lubha nang nahihirapan. Madalas siyang nabubuwal sa apoy at sa tubig. 16 Dinala ko siya sa iyong mga alagad at hindi nila siya napagaling.
17 Kaya tumugon si Jesus: O, lahing walang pananampalataya at lahing nagpakalihis, hanggang kailan ako mananatiling kasama ninyo at magtitiis sa inyo? Dalhin siya rito sa akin. 18 Sinaway ni Jesus ang demonyo at lumabas ito mula sa kaniya. Gumaling ang bata sa oras ding iyon.
19 Pagkatapos, lumapit nang bukod ang mga alagad kay Jesus at nagtanong: Bakit hindi namin siya mapalayas?
20 Sinabi ni Jesus sa kanila: Ito ay dahil sa hindi ninyo pananampalataya. Katotohanang sinasabi ko sa inyo: Kung kayo ay may pananampalatayang tulad ng butil ng mustasa, masasabi ninyo sa bundok na ito:Lumipat ka roon, at ito ay lilipat. At walang bagay na hindi ninyo mapangyayari. 21 Ngunit ang ganitong uri ay hindi mapapaalis maliban sa pamamagitan ng panalangin at pag-aayuno.
22 Samantalang nagkakatipon sila sa Galilea, sinabi ni Jesus sa kanila: Ang Anak ng Tao ay ipagkakanulo na sa mga kamay ng mga tao. 23 Papatayin nila siya at sa ikatlong araw ay muling bubuhayin. Sila ay lubhang namighati.
Ang Buwis sa Templo
24 Nang sila ay dumating sa Capernaum, ang mga maniningil ng buwis ng templo ay lumapit kay Pedro. Sinabi nila: Hindi ba nagbabayad ng buwis ang inyong guro?
25 Sinabi niya: Oo.
Nang makapasok na siya sa bahay, kinausap muna siya ni Jesus na sinasabi: Simon, ano ba ang palagay mo?Kanino naniningil ng bayarin at buwis pangdayuhan ang mga hari sa daigdig? Naniningil ba sila sa kanilang mga anak o sa mga dayuhan?
26 Sinabi ni Pedro sa kaniya: Sa mga dayuhan.
Sinabi ni Jesus sa kaniya: Kung gayon, di saklaw ang mga anak.
27 Gayunman, upang hindi nila tayo katisuran, pumaroon ka sa lawa at ihulog mo ang kawil. Kunin mo ang unang isda na iyong mahuhuli. Kapag ibinuka mo ang kaniyang bibig ay makakakita ka ng isang salaping pilak. Kunin mo at ibayad mo na buwis mo at buwis ko para sa kanila.
Copyright © 1998 by Bibles International