Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Beginning

Read the Bible from start to finish, from Genesis to Revelation.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Diyos (SND)
Version
Mateo 13-14

Ang Talinghaga Patungkol sa Manghahasik

13 Nang araw ring iyon, lumabas ng bahay si Jesusat umupo sa tabing-lawa.

Pinalibutan siya ng napakaraming tao, kaya pumunta siya sa isang bangka. Doon siya umupo habang ang buong karamihan naman ay nakatayo sa tabing-lawa. Maraming bagay ang sinabi niya sa kanila sa pamamagitan ng mga talinghaga.Sinabi niya: Narito, lumabas ang isang manghahasik upang maghasik. Sa kaniyang paghahasik, may ilang binhing nahulog sa tabing-daan. Dumating ang mga ibon at kinain ang mga ito. Ang ilan naman ay nahulog sa mga mabatong lugar at doon ay walang sapat na lupa. Tumubo agad ang mga ito, palibhasa hindi malalim ang lupa. Pagsikat ng araw, nalanta ang mga ito, at dahil sa walang ugat, tuluyan nang nanuyot. Ang ilan naman ay nahulog sa dawagan. Lumago ang mga dawag at siniksik ang mga ito. Ngunit ang ilan ay nahulog sa matabang lupa at nagbunga. Ang ilan ay nagbunga ng tig-iisangdaan, ang ilan ay tig-aanimnapu at ang ilan naman ay tig-tatatlumpu. Ang mga may pandinig ay makinig.

10 Dumating ang mga alagad at sinabi nila sa kaniya: Bakit ka nagsasalita sa kanila sa mga talinghaga?

11 Sumagot siya sa kanila: Ito ay sapagkat ipinagkaloob sa inyo na makaalam ng mga hiwaga ng paghahari ng langit. Ngunit hindi ito ipinagkaloob sa kanila. 12 Ito ay sapagkat ang sinumang mayroon ay bibigyan pa, at magkakaroon ng sagana.Ngunit ang sinumang wala, aalisin pa ang nasa kaniya. 13 Kaya nga, nagsasabi ako sa kanila sa mga talinghaga.

Ito ay sapagkat tumitingin sila at hindi nakaka­kita. May pinapakinggan sila ngunit hindi sila totoong nakikinig at hindi sila nakakaunawa.

14 Natupad sa kanila ang isinulat ni propeta Isaias na sinasabi:

Sa pamamagitan ng pakikinig ay makakarinig kayo ngunit hindi kayo makakaunawa. Sa pagtingin ay makakakita kayo, ngunit hindi kayo makakatalos.

15 Ito ay sapagkat ang mga puso ng mga taong ito ay matigas na. Nahihirapan nang makinig ang kanilang tainga. Ipinikit na nila ang kanilang mga mata. Kung hindi ay baka makakita pa ang kanilang mga mata at makarinig ang kanilang mga tainga. Baka makaunawa pa ang kanilang mga puso at manumbalik sila, at aking pagagalingin.

16 Pinagpala ang inyong mga mata sapagkat ang mga ito ay nakakakita. Pinagpala ang iyong mga tainga sapagkat ang mga ito ay nakakarinig. 17 Katotohanang sinasabi ko sa inyo: Maraming propeta at mga taong matuwid ang mahigpit na naghangad na makita ang mga bagay na inyong nakikita, ngunit hindi nila nakita. Hinangad nilang marinig ang mga bagay na inyong naririnig ngunit hindi nila narinig.

18 Kaya nga, pakinggan ninyo ang talinghaga patungkol sa manghahasik. 19 Ang sinumang nakikinig sa salita ng paghahari ng Diyos at hindi ito nauunawaan ay pinupuntahan ng masama.Inaagaw nito ang salitang naihasik na sa kaniyang puso. Siya itong nahasikan ng binhi sa tabing-daan. 20 Ang mga naihasik na binhi sa mabatong lupa ay ang mga nakikinig ng salita, at agad-agad itong tinanggap nang buong galak. 21 Ngunit wala itong ugat sa kaniyang sarili kaya hindi ito nagtagal. Kapag dumating ang paghihirap o pag-uusig dahil sa salita, kaagad itong natitisod. 22 Ang mga naihasik sa mga dawagan ay ang nakikinig ng salita. Ngunit ang kabalisahan ng kapanahunang ito at ang daya ng kayamanan ang dumaig sa salita, at hindi ito nagbunga. 23 Ang mga naihasik sa matabang lupa ay ang nakikinig ng salita at nauunawaan ito. Kaya naman, ito ay nagbubunga, ang ilan ay tig-iisangdaan, ang ilan ay tig-aanimnapu at ang ilan ay tig-tatatlumpu.

Ang Talinghaga Ukol sa Masamang Damo

24 Isinalaysay niya ang isa pang talinghaga sa kanila na sinasabi: Ang paghahari ng langit ay natutulad sa isang lalaki na naghasik ng mabuting binhi sa kaniyang bukirin.

25 Ngunit habang natutulog ang mga tao, dumating ang kaniyang kaaway. Naghasik siya ng masamang damo sa pagitan ng mga trigo at umalis. 26 Nang sumibol na ang mga usbong ng trigo at namunga, lumitaw rin ang mga masamang damo.

27 Kaya ang mga alipin ng may-ari ng sambahayan ay lumapit sa kaniya at sinabi: Ginoo, hindi ba mabubuting binhi ang iyong inihasik sa iyong bukid? Kung gayon, saan nanggaling ang masasamang damong ito?

28 Sinabi niya: Isang kaaway ang may kagagawan nito.

Sinabi ng mga alipin sa kaniya: Kung gayon, ibig mo bang tipunin namin ang mga ito?

29 Ngunit sinabi niya: Huwag. Ito ay sapagkat baka sa pagtipon ninyo ng masasamang damo ay mabunot din ninyo ang mga trigo. 30 Pabayaan ninyong kapwa silang tumubo hanggang sa anihan. Sa panahon ng anihan, sasabihin ko sa mang-aani: Tipunin muna ninyo ang masasamang damo at inyong pagbigkis-bigkisin upang sunugin. Ngunit ang mga trigo ay tipunin sa aking bangan.

Ang Talinghaga Ukol sa Binhi ng Mustasa

31 Isinalaysay niya sa kanila ang isa pang talinghaga na sinasabi: Ang paghahari ng langit ay katulad ng isang buto ng mustasa. Kinuha ito ng isang lalaki at inihasik sa kaniyang bukirin.

32 Pinakamaliit ito sa lahat ng mga binhi. Ngunit nang lumaki na, ito ang pinakamalaki sa mga gulay at naging isang punong-kahoy. Dumating dito ang mga ibon sa himpapawid at namugad sa kaniyang mga sanga.

Ang Talinghaga Patungkol sa Pampaalsa

33 Isa pang talinghaga ang isinalaysay niya sa kanila:Ang paghahari ng langit ay katulad sa pampaalsa na kinuha ng isang babae. Inihalo niya ito sa tatlong takal na harina hanggang sa mahaluan ang lahat.

34 Ang lahat ng mga bagay na ito ay sinabi ni Jesus sa napaka­raming mga tao sa pamamagitan ng mga talinghaga. Wala siyang sinabi sa kanila na hindi sa pamamagitan ng talinghaga. 35 Ito ay upang matupad ang sinabi ng propeta na sinasabi:

Magsasalita ako ng mga talinghaga. Ipahahayag ko ang mga bagay na natatago buhat pa nang likhain ang sanlibutan.

Ang Kahulugan ng Talinghaga ng Masamang Damo

36 Nang magkagayon, pinaalis ni Jesus ang napakaraming tao at pumasok sa bahay. Lumapit sa kaniya ang kaniyang mga alagad at sinabi: Ipaliwanag mo sa amin ang talinghagang patungkol sa masamang damo sa bukid.

37 Siya ay sumagot at sinabi sa kanila: Ang naghasik ng mabuting binhi ay ang Anak ng Tao. 38 Ang bukid ay ang sanlibutan. Ang mabuting binhi ay ang mga anak ng paghahari ng Diyos. Ngunit ang masamang damo ay ang mga anak ng masama. 39 Ang kaaway na naghasik ng mga ito ay ang diyablo. Ang tag-ani ay ang katapusan ng kapanahunang ito. Ang mang-aani ay ang mga anghel.

40 Kung paano nga ang pagtipon at pagsunog sa apoy ng masasamang damo, gayundin ang mangyayari sa katapusan ng kapanahunang ito. 41 Susuguin ng Anak ng Tao ang kaniyang mga anghel. Titipunin nila sa labas ng kaniyang paghahari ang lahat ng bagay na nakakapagpatisod at ang mga hindi kumikilala sa kautusan ng Diyos. 42 Ihahagis nila ang mgaito sa nagniningas na pugon ng apoy. Dito magkakaroonng pananangis at pagngangalit ng mga ngipin. 43 Kung magkagayon ang mga matuwid ay magliliwanag katulad ng araw sa paghahari ng kanilang Ama. Ang mga may pandinig ay makinig.

Ang mga Talinghaga Patungkol sa Natatagong Kayamanan at sa Perlas

44 Ang paghahari ng langit ay katulad ng natatagong kayamanan sa bukid. Natagpuan ito ng isang tao at muli niyang itinago ito. Dahil sa kagalakan, siya ay umuwi at ipinagbili ang lahat niyang tinatangkilik at binili ang bukid na iyon.

45 Gayundin naman, ang paghahari ng langit ay katulad ng isang mangangalakal na naghahanap ng magagandang perlas. 46 Nang makatagpo siya ng isang mamahaling perlas, umuwi siya. Ipinagbili ang lahat niyang tinatangkilik at binili ang perlas.

Ang Talinghaga Patungkol sa Lambat

47 Ang paghahari ng langit ay katulad din ng isang lambat na inihulog sa dagat at nakahuli ng sari-saring isda.

48 Nang mapuno ito, hinila nila sa pampang. Umupo sila at tinipon ang mabubuting isda sa mga lalagyan. Ngunit ang masasamang isda ay itinapon nila. 49 Gayundin ang mangyayari sa katapusan ng kapanahunang ito. Lalabas ang mga anghel at ihihiwalay ang masasama sa matutuwid. 50 Itatapon nila ang masasama sa nagniningas na apoy.Doon magkakaroon ng pananangis at pagngangalit ng mga ngipin.

51 Sinabi ni Jesus sa kanila: Naunawaan ba ninyo ang lahat ng bagay na ito?

Sinabi nila sa kaniya:Oo, Panginoon.

52 Nang magkagayon, sinabi niya sa kanila: Ito aysapagkat ang bawat guro ng kautusan na naging alagad ng paghahari ng langit ay katulad sa isang lalaking may-ari ng sambahayan na naglabas ng kaniyang mga bago at mga lumang kayamanan.

Ang Propetang Walang Karangalan

53 Nangyari na nang matapos na ni Jesus ang mga talinghagang ito, umalis siya roon.

54 Pagdating niya sa kaniyang sariling lupain, nagturo siya sa kanila sa kanilang sinagoga. Labis silang nanggilalas na sinabi: Saan kumuha ang lalaking ito ng karunungan at gayundin ang mga ganitong himala? 55 Hindi ba ito ang anak ng karpentero? Hindi ba ang kaniyang ina ay si Maria? Hindi ba ang mga kapatid niyang lalaki ay sina Santiago, Jose, Simon at Judas? 56 Hindi ba ang kaniyang mga kapatid na babae ay kasama natin? Kung gayon, saan nga kumuha ang lalaking ito ng ganitong mga bagay? 57 At kinatisuran nila siya.

Ngunit sinabi ni Jesus sa kanila: Ang isang propeta ay walang karangalan sa kaniyang sariling bayan at sambahayan.

58 Hindi siya gumawa roon ng maraming himala dahil sa hindi nila pagsampalataya.

Pinugutan si Juan na Tagapagbawtismo

14 Nang panahong iyon, narinig ni Herodes na tetrarka[a] ang patungkol sa katanyagan ni Jesus.

Sinabi niya sa kaniyang mga lingkod: Ito ay si Juan na tagapagbawtismo. Siya ay muling nabuhay mula sa mga patay kaya nakakagawa siya ng ganitong mga himala.

Ito ay sapagkat si Herodes nga ang nagpahuli kay Juan noon. Ginapos niya siya at ipinabilanggo alang-alang kay Herodias na asawa ni Felipe na kaniyang nakakabatang kapatid. Ito ay sapagkat sinabi ni Juan sa kaniya: Hindi matuwid na ariin mo siyang asawa. Hangad ni Herodes na ipapatay si Juan ngunit natakot siya sa mga tao sapagkat ibinilang nila siya na isang propeta.

Ngunit nang sumapit ang kaarawan ni Herodes, sumayaw ang anak ni Herodias sa harapan nila. Labis na nasiyahan si Herodes sa kaniya. Kaya nangako siyang may panunumpa na ibibigay sa kaniya ang anumang hingin niya. Sa udyok ng kaniyang ina, sinabi niya: Ibigay mo sa akin dito ang ulo ni Juan na tagapagbawtismo na nakalagay sa isang pinggan. Ang hari ay labis na nagdalamhati. Ngunit dahil sa kaniyang sinumpaan at sa mga kasalo niya sa dulang, iniutos niyang ibigay sa kaniya ang kahilingan. 10 Nagsugo siya at pinugutan ng ulo si Juan sa bilangguan. 11 Dinala ang kaniyang ulo na nakalagay sa isang pinggan at ibinigay sa dalaga. Dinala naman ito sa kaniyang ina. 12 Dumating ang kaniyang mga alagad at kinuha ang kaniyang bangkay at inilibing ito. Pumaroon sila kay Jesus at ibinalita ito sa kaniya.

Pinakain ni Jesus ang Limang Libong Lalaki

13 Nang marinig ito ni Jesus, umalis siya roon na sakay ng bangka upang magtungong mag-isa sa isang ilang na pook. Nang marinig nga ito ng mga tao, sumunod sila sa kaniya na naglalakad mula sa mga lungsod.

14 Pumunta si Jesus sa baybayin at nakita niya ang napakaraming tao at nahabag siya sa kanila. Pinagaling niya ang mga maysakit sa kanila.

15 Nang magtatakip-silim na, lumapit sa kaniya ang kaniyang mga alagad. Sinabi nila: Ito ay isang ilang na pook at lampas na ang oras. Paalisin mo na ang napakaraming tao upang sila ay pumunta sa mga nayon at nang makabili sila ng kanilang makakain.

16 Ngunit sinabi ni Jesus sa kanila: Hindi na kailangang umalis pa sila. Bigyan ninyo sila ng makakain.

17 Sinabi nila sa kaniya: Mayroon lang tayo ritong limang tinapay at dalawang isda.

18 Sinabi niya: Dalhin ninyo sa akin ang mga iyan. 19 At inutusan niya ang napakaraming tao na umupo sa damuhan. Kinuha niya ang limang tinapay at dalawang isda. Tumingala siya sa langit at kaniyang pinagpala at pinagputul-putol ito. Pagkatapos, ibinigay niya ito sa kaniyang mga alagad at ibinigay naman ng kaniyang mga alagad sa napakaraming tao. 20 Kumain silang lahat at nabusog. Inipon nila ang mga lumabis at nakapuno ng labindalawang bakol. 21 May mga limang libong kalalakihan ang mga kumain bukod pa ang mga babae at mga bata.

Lumakad si Jesus sa Ibabaw ng Tubig

22 Pinasakay kaagad ni Jesus ang kaniyang mga alagad sa isang bangka. Pinauna niya sila sa kabilang ibayo, habang pinaaalis niya ang napakaraming tao.

23 Nang makaalis na ang napakaraming tao, umahon siyang mag-isa sa bundok upang manalangin. Nang gumabi na, nag-iisa siya roon. 24 Samantala, ang bangka ay nasa kalagitnaan na ng lawa na sinasalpok ng mga alon sapagkat pasalungat ang hangin sa kanila.

25 Sa ikaapat na pagpupuyat ng gabi, pumaroon si Jesus sa kanila na naglalakad sa ibabaw ng lawa. 26 Lubhang natakot ang mga alagad nang makita siya na naglalakad sa ibabaw ng lawa. Sinabi nila: Multo! At sumigaw sila dahil sa takot.

27 Nagsalita kaagad si Jesus na sinabi sa kanila: Lakasan ninyo ang inyong loob. Ako ito, huwag kayong matakot.

28 Sumagot sa kaniya si Pedro:Panginoon, kung ikaw nga, hayaan mong makapariyan ako sa iyo sa ibabaw ng tubig.

29 Sinabi niya: Halika.

Pagkababa ni Pedro mula sa bangka, lumakad siya sa ibabaw ng tubig papunta kay Jesus.

30 Ngunit nang makita niya ang malakas na hangin, natakot siya at nagsimulang lumubog. Sumigaw siya na sinasabi: Panginoon, sagipin mo ako.

31 Kaagad na iniunat ni Jesus ang kaniyang kamay at hinawakan siya. Sinabi niya sa kaniya: O, ikaw na maliit ang pananampalataya, bakit ka nag-aalinlangan?

32 Nang makasakay na sila sa bangka, tumigil ang hangin. 33 Kaya ang mga nasa bangka ay lumapit at sumamba kay Jesus. Sinabi nila: Totoong ikaw nga ang Anak ng Diyos.

34 Nang makatawid na sila, dumating sila sa lupain ng Genezaret. 35 Nang makilala siya ng mga tao sa dakong iyon, ipinamalita nila sa buong palibot ng lupaing iyon. Kaya dinala nila sa kaniya ang lahat ng mga maysakit. 36 Ipinamanhik nila sa kaniya na ipahipo man lamang sa kanila ang laylayan ng kaniyang damit. At lahat ng humipo sa kaniyang damit ay pinagaling niya nang lubos.

Ang Salita ng Diyos (SND)

Copyright © 1998 by Bibles International