Book of Common Prayer
Sa Punong Mang-aawit: sa Saliw ng mga Plauta. Awit ni David.
5 Dinggin mo ang aking mga salita, O Panginoon,
pakinggan mo ang aking panaghoy.
2 Pakinggan mo ang tunog ng aking daing,
hari ko at Diyos ko;
sapagkat sa iyo ako'y nananalangin.
3 O Panginoon, sa umaga ang tinig ko'y iyong pinapakinggan;
sa umaga'y naghahanda ako para sa iyo, at ako'y magbabantay.
4 Sapagkat ikaw ay hindi isang Diyos na nalulugod sa kasamaan;
ang kasamaan ay hindi mo kasamang naninirahan.
5 Ang hambog ay hindi makakatayo sa iyong harapan,
kinapopootan mo ang lahat ng mga gumagawa ng kasamaan.
6 Iyong lilipulin sila na nagsasalita ng mga kasinungalingan;
kinasusuklaman ng Panginoon ang mamamatay-tao at manlilinlang.
7 Ngunit ako, sa pamamagitan ng kasaganaan ng iyong wagas na pag-ibig,
ay papasok sa iyong bahay;
at sa iyo'y may takot na sasamba sa templo mong banal.
8 Patnubayan mo ako, O Panginoon, sa iyong katuwiran
dahil sa aking mga kaaway;
tuwirin mo ang iyong daan sa aking harapan.
9 Sapagkat(A) walang katotohanan sa kanilang bibig;
ang kanilang puso ay pagkawasak,
ang kanilang lalamunan ay isang bukas na libingan,
sa pamamagitan ng kanilang dila ay nanlilinlang.
10 O Diyos, ipapasan mo sa kanila ang kanilang pagkakasala,
sa kanilang sariling mga balak ay hayaan mong mabuwal sila,
dahil sa marami nilang mga pagsuway, sila'y iyong palayasin,
sapagkat silang laban sa iyo ay suwail.
11 Ngunit hayaan mong magalak ang lahat ng nanganganlong sa iyo,
hayaan mo silang umawit sa kagalakan
at sila nawa'y ipagsanggalang mo,
upang dakilain ka ng mga umiibig sa pangalan mo.
12 O Panginoon, sapagkat iyong pinagpapala ang tapat,
na gaya ng isang kalasag ay tinatakpan mo siya ng paglingap.
Sa Punong Mang-aawit: sa Saliw ng Instrumentong may Kuwerdas; ayon sa Sheminith. Awit ni David.
6 O(B) Panginoon, huwag mo akong sawayin sa iyong kagalitan,
ni sa iyong pagkapoot, ako ay parusahan man.
2 Maawa ka sa akin, O Panginoon; sapagkat ako'y nanghihina;
O Panginoon, pagalingin mo ako; sapagkat nanginginig ang aking mga buto.
3 Ang aking kaluluwa ay nababagabag ding mainam.
Ngunit ikaw, O Panginoon, hanggang kailan?
4 Bumalik ka, O Panginoon, iligtas mo ang aking buhay;
iligtas mo ako alang-alang sa iyong tapat na pagmamahal.
5 Sapagkat sa kamatayan ay hindi ka naaalala;
sa Sheol naman ay sinong sa iyo ay magpupuri pa?
6 Sa aking pagdaing ako ay napapagod na,
bawat gabi ay pinalalangoy ko ang aking higaan,
dinidilig ko ang aking higaan ng aking mga pagluha.
7 Ang aking mga mata dahil sa dalamhati ay namumugto,
ito'y tumatanda dahil sa lahat ng mga kaaway ko.
8 Lumayo(C) kayo sa akin, kayong lahat na gumagawa ng kasamaan,
sapagkat ang tinig ng aking pagtangis ay kanyang pinakinggan.
9 Narinig ng Panginoon ang aking pagdaing;
tinatanggap ng Panginoon ang aking panalangin.
10 Lahat ng kaaway ko'y mapapahiya at mababagabag na mainam;
sila'y babalik, at kaagad na mapapahiya.
Panalangin para sa Katarungan
10 Bakit ka nakatayo sa malayo, O Panginoon?
Bakit ka nagtatago kapag magulo ang panahon?
2 Sa kapalaluan ay mainit na hinahabol ng masama ang dukha;
mahuli nawa sila sa binalangkas nilang mga pakana.
3 Sapagkat ipinagmamalaki ng masama ang nais ng kanyang puso,
sinusumpa at tinatalikuran ang Panginoon ng taong sakim sa patubo.
4 Sa kapalaluan ng kanyang mukha, ang masama ay hindi naghahanap sa kanya;
lahat niyang iniisip ay, “Walang Diyos.”
5 Ang kanyang mga lakad sa lahat ng panahon ay umuunlad,
malayo sa kanyang paningin ang iyong mga hatol na nasa itaas;
tungkol sa lahat niyang mga kaaway, kanyang tinutuya silang lahat.
6 Iniisip niya sa kanyang puso, “Hindi ako magagalaw;
sa buong panahon ng salinlahi ay hindi ako malalagay sa kaguluhan.”
7 Ang(A) kanyang bibig ay punô ng pagsumpa, pang-aapi at panlilinlang,
sa ilalim ng kanyang dila ay kalikuan at kasamaan.
8 Siya'y nakaupo sa mga tagong dako ng mga nayon;
sa mga kubling dako ang walang sala ay ipinapapatay,
ang kanyang mga mata ay palihim na nagmamatyag sa walang kakayahan.
9 Siya'y lihim na nagbabantay na parang leon sa kanyang lungga;
siya'y nag-aabang upang hulihin ang dukha,
sinusunggaban niya ang dukha kapag kanyang nahuli siya sa lambat niya.
10 Siya ay gumagapang, siya'y yumuyuko,
at ang sawing-palad ay bumabagsak sa kanyang mga kuko.
11 Sinasabi niya sa kanyang puso, “Ang Diyos ay nakalimot,
ikinubli niya ang kanyang mukha, hindi niya ito makikita kailanman.”
12 O Panginoon, O Diyos, itaas mo ang iyong kamay, bumangon ka;
huwag mong kalilimutan ang nagdurusa.
13 Bakit tinatalikuran ng masama ang Diyos,
at sinasabi sa kanyang puso, “Hindi mo ako hihingan ng sulit?”
14 Iyong nakita; oo, iyong namamasdan ang kaguluhan at pagkayamot,
upang iyong mailagay ito sa mga kamay mo;
itinalaga ng sawing-palad ang sarili sa iyo;
sa mga ulila ikaw ay naging saklolo.
15 Baliin mo ang bisig ng masama at gumagawa ng kasamaan;
hanapin mo ang kanyang kasamaan hanggang sa wala kang matagpuan.
16 Ang Panginoon ay hari magpakailanpaman,
mula sa kanyang lupain ang mga bansa ay mapaparam.
17 O Panginoon, iyong maririnig ang nasa ng maamo;
iyong palalakasin ang kanilang puso, iyong papakinggan ng iyong pandinig
18 upang ipagtanggol ang mga naaapi at ulila,
upang hindi na makapanakot pa ang taong mula sa lupa.
Sa Punong Mang-aawit. Mula kay David.
11 Sa Panginoon ay nanganganlong ako; paanong sa akin ay nasasabi mo,
“Tumakas ka na gaya ng ibon sa mga bundok;
2 sapagkat binalantok ng masama ang pana,
iniakma na nila ang kanilang palaso sa bagting,
upang ipana sa kadiliman
sa may matuwid na puso,
3 kung ang mga saligan ay masira,
matuwid ba'y may magagawa?”
4 Ang Panginoon ay nasa kanyang banal na templo,
ang trono ng Panginoon ay nasa langit;
ang kanyang mga mata ay nagmamasid,
ang mga talukap ng kanyang mata ay sumusubok
sa mga anak ng mga tao.
5 Sinusubok ng Panginoon ang matuwid at ang masama,
at kinapopootan ng kanyang kaluluwa ang nagmamahal sa karahasan.
6 Sa masama ay magpapaulan siya ng mga baga ng apoy; apoy at asupre
at hanging nakakapaso ang magiging bahagi ng kanilang saro.
7 Sapagkat ang Panginoon ay matuwid;
minamahal niya ang mga gawang matuwid;
ang kanyang mukha ay mamamasdan ng matuwid.
38 Sa gayo'y si Zadok na pari, si Natan na propeta, si Benaya na anak ni Jehoiada, ang mga Kereteo, at ang mga Peleteo ay lumusong at pinasakay si Solomon sa mola ni Haring David, at dinala siya sa Gihon.
39 Kinuha ni Zadok na pari ang sungay na sisidlan ng langis mula sa Tolda, at binuhusan ng langis si Solomon. Pagkatapos sila'y humihip ng trumpeta, at ang buong bayan ay nagsabi, “Mabuhay si Haring Solomon!”
40 At ang buong bayan ay umahong kasunod niya na humihihip ng mga plauta at nagagalak ng malaking kagalakan kaya't ang lupa ay nayanig dahil sa kanilang ingay.
41 Narinig ito ni Adonias at ng lahat ng panauhing kasama niya pagkatapos nilang makakain. Nang marinig ni Joab ang tunog ng trumpeta ay kanyang sinabi, “Anong kahulugan ng pagkakaingay na ito sa lunsod?”
42 Samantalang siya'y nagsasalita pa, si Jonathan na anak ni Abiatar na pari ay dumating. Sinabi ni Adonias, “Pumasok ka, sapagkat ikaw ay taong karapat-dapat, at nagdadala ka ng mabuting balita.”
43 Si Jonathan ay sumagot kay Adonias, “Hindi! Sa katunayan, ginawang hari si Solomon ng ating panginoong haring si David.
44 Sinugo ng hari na kasama niya si Zadok na pari, si Natan na propeta, si Benaya na anak ni Jehoiada, ang mga Kereteo at ang mga Peleteo at kanilang pinasakay siya sa mola ng hari.
45 Siya'y binuhusan ng langis bilang hari ni Zadok na pari at ni Natan na propeta sa Gihon. Sila'y umahong galak na galak mula roon, kaya't ang lunsod ay nagkakagulo. Ito ang ingay na iyong narinig.
46 Si Solomon ngayon ay nakaupo sa trono ng hari.
47 Bukod dito, ang mga lingkod ng hari ay pumaroon upang purihin ang ating panginoong haring si David, na nagsasabi, ‘Gawin nawa ng iyong Diyos ang pangalan ni Solomon na higit na tanyag kaysa iyong pangalan, at gawin ang kanyang trono na lalong dakila kaysa iyong trono.’ At ang hari ay yumukod sa kanyang higaan.
48 Ganito pa ang sinabi ng hari, ‘Purihin ang Panginoon, ang Diyos ng Israel, na siyang nagpahintulot sa akin na ang isa sa aking mga supling ay makaupo sa aking trono na nakikita ng aking mga mata.’”
Si Adonias ay Natakot
49 At ang lahat ng panauhin ni Adonias ay natakot at tumindig, at humayo ang bawat isa sa kanyang sariling lakad.
50 Natakot si Adonias kay Solomon at siya'y tumindig at humayo, at humawak sa mga sungay ng dambana.
51 Ipinaalam kay Solomon, “Si Adonias ay natatakot sa Haring Solomon, sapagkat siya'y humawak sa mga sungay ng dambana, na nagsasabi, ‘Isumpa ng Haring Solomon sa akin sa araw na ito na hindi niya papatayin ng tabak ang kanyang lingkod.’”
52 Sinabi ni Solomon, “Kung siya'y magpapakilala bilang taong karapat-dapat ay walang malalaglag sa lupa na isa mang buhok niya, ngunit kung kasamaan ang matagpuan sa kanya, siya'y mamamatay.”
53 Sa gayo'y nagsugo si Haring Solomon, at kanilang ibinaba siya mula sa dambana. At siya'y naparoon at nagbigay-galang kay Haring Solomon; at sinabi ni Solomon sa kanya, “Umuwi ka sa iyong bahay.”
Ang Huling Habilin ni David kay Solomon
2 Nang malapit na ang oras ng pagkamatay ni David, nagbilin siya ng ganito kay Solomon na kanyang anak:
2 “Ako'y patungo na sa daan ng buong lupa. Magpakalakas ka at magpakalalaki;
3 at ingatan mo ang bilin ng Panginoon mong Diyos. Lumakad ka sa kanyang mga daan, at ingatan ang kanyang mga tuntunin, mga utos, mga batas, at mga patotoo, ayon sa nasusulat sa kautusan ni Moises, upang ikaw ay magtagumpay sa lahat ng iyong ginagawa, at maging saan ka man bumaling.
4 Upang pagtibayin ng Panginoon ang kanyang salita na kanyang sinabi tungkol sa akin, na sinasabi, ‘Kung ang iyong mga anak ay mag-iingat sa kanilang lakad, na lalakad sa harap ko na may katapatan ng kanilang buong puso at ng kanilang buong kaluluwa, hindi ka mawawalan ng lalaki sa trono ng Israel.’
24 Habang sinasabi niya ang mga bagay na ito sa kanyang pagtatanggol, ay sinabi ni Festo nang may malakas na tinig, “Pablo, ikaw ay baliw; ang labis mong karunungan ay siyang nagpapabaliw sa iyo!”
25 Ngunit sinabi ni Pablo, “Hindi ako baliw, kagalang-galang na Festo; kundi mga salita ng katotohanan at katuwiran ang sinasabi ko.
26 Sapagkat nalalaman ng hari ang mga bagay na ito, at sa kanya'y nagsasalita ako ng buong laya, sapagkat naniniwala ako na sa kanya'y walang nalilingid sa mga bagay na ito; sapagkat ito'y hindi ginawa sa isang sulok.
27 Haring Agripa, naniniwala ka ba sa mga propeta? Nalalaman kong naniniwala ka.”
28 At sinabi ni Agripa kay Pablo, “Sa maikling panahon ay hinihikayat mo akong maging Cristiano!”
29 Ngunit sinabi ni Pablo, “Loobin nawa ng Diyos, na sa madali o matagal man, ay hindi lamang ikaw, kundi maging ang lahat ng mga nakikinig sa akin ngayon, ay maging katulad ko naman, maliban sa mga tanikalang ito.”
30 Pagkatapos ay tumayo ang hari, ang gobernador, si Bernice, at ang mga nakaupong kasama nila,
31 at nang sila'y makalayo, ay sinabi nila sa isa't isa, “Ang taong ito ay walang anumang ginagawa na marapat sa kamatayan o sa mga tanikala.”
32 Sinabi ni Agripa kay Festo, “Ang taong ito ay maaari na sanang palayain kung hindi siya dumulog kay Cesar.”
Naglayag si Pablo Patungong Roma
27 Nang ipasiya na kami ay maglalayag patungo sa Italia, inilipat nila si Pablo at ang iba pang bilanggo sa senturion na ang pangalan ay Julio, mula sa mga kawal ni Augusto.
2 Pagkalulan sa isang barkong Adrameto na maglalayag sa mga daungan sa baybayin ng Asia, tumulak kami kasama si Aristarco na isang taga-Macedonia mula sa Tesalonica.
3 Nang sumunod na araw ay dumaong kami sa Sidon; at pinakitunguhang mabuti ni Julio si Pablo at pinahintulutan siyang pumaroon sa kanyang mga kaibigan upang siya'y matulungan.
4 Nang kami'y tumulak buhat doon, naglayag kami na nanganganlong sa Cyprus, sapagkat pasalungat sa amin ang hangin.
5 Pagkatapos na makapaglayag kami sa kabila ng dagat na nasa tapat ng Cilicia at Pamfilia, nakarating kami sa Mira ng Licia.
6 Nakatagpo roon ang senturion ng isang barkong Alejandria na naglalayag patungo sa Italia at pinasakay niya kami roon.
7 Marahan kaming naglayag nang maraming araw at may kahirapan kaming nakarating sa tapat ng Cnido. Nang hindi kami pinahintulutan ng hanging makasulong pa, naglayag kami na nanganganlong sa Creta, sa tapat ng Salmone.
8 Sa pamamaybay namin dito na may kahirapan ay nakarating kami sa isang lugar na tinatawag na Mabubuting Daungan, malapit sa lunsod ng Lasea.
Ang Aral mula sa Puno ng Igos(A)
28 “Sa puno nga ng igos ay pag-aralan ninyo ang talinghaga: kapag nananariwa ang kanyang sanga, at sumusupling ang mga dahon, ay nalalaman ninyo na malapit na ang tag-araw.
29 Gayundin naman, kapag nakita ninyong nangyayari ang mga bagay na ito, alam ninyong iyon ay malapit na, nasa mga pintuan na.
30 Katotohanang sinasabi ko sa inyo, hindi lilipas ang lahing ito, hanggang sa maganap ang lahat ng mga bagay na ito.
31 Ang langit at ang lupa ay lilipas, ngunit ang aking mga salita ay hindi lilipas.
Walang Taong Nakakaalam ng Araw o Oras na Iyon(B)
32 “Ngunit(C) tungkol sa araw o oras na iyon ay walang nakakaalam, kahit ang mga anghel sa langit, kahit ang Anak, kundi ang Ama.
33 Kayo'y mag-ingat, kayo'y magbantay, sapagkat hindi ninyo nalalaman kung kailan ang panahon.
34 Tulad(D) ng isang tao na umalis upang maglakbay. Sa pag-alis niya sa kanyang bahay, at pagkabigay ng tagubilin sa kanyang mga alipin, sa bawat isa ang kanyang gawain, ay inutusan ang tanod sa pinto na magbantay.
35 Kaya't maging handa kayo, sapagkat hindi ninyo nalalaman kung kailan darating ang panginoon ng bahay, kung sa gabi, sa hatinggabi, sa pagtilaok ng manok, o sa umaga.
36 Baka sa bigla niyang pagdating ay matagpuan niya kayong natutulog.
37 At ang sinasabi ko sa inyo ay sinasabi ko sa lahat: Maging handa kayo.”
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001