Book of Common Prayer
Ang Kabutihan ng Diyos sa Kanyang Bayan
106 Purihin(A) ang Panginoon!
O magpasalamat kayo sa Panginoon, sapagkat siya'y mabuti;
sapagkat ang kanyang tapat na pag-ibig ay nananatili magpakailanman.
2 Sinong makapagsasabi ng mga makapangyarihang gawa ng Panginoon,
o makapagpapakita ng lahat niyang kapurihan?
3 Mapalad silang sumusunod sa katarungan,
na sa lahat ng panahon ay gumagawa ng katuwiran.
4 Alalahanin mo ako, O Panginoon, kapag ikaw ay nagpakita sa iyong bayan ng paglingap,
dalawin mo ako ng iyong pagliligtas;
5 upang makita ko ang kasaganaan ng iyong hinirang,
upang ako'y magalak sa kasayahan ng iyong bansa,
upang ako'y lumuwalhati na kasama ng iyong mana.
6 Kami at ang aming mga magulang ay nagkasala;
kami ay nakagawa ng kasamaan, kami ay nagsigawa ng masama.
7 Hindi(B) naunawaan ng aming mga magulang
ang iyong mga kababalaghan sa Ehipto;
hindi nila naalala ang kasaganaan ng iyong mga kagandahang-loob,
kundi naghimagsik sa dagat, sa Dagat na Pula.
8 Gayunma'y iniligtas niya sila alang-alang sa kanyang pangalan,
upang kanyang maipakilala ang kanyang malakas na kapangyarihan.
9 Kanyang(C) sinaway ang Dagat na Pula, at ito'y natuyo,
pinatnubayan niya sila sa mga kalaliman na parang sa ilang.
10 Kaya't iniligtas niya sila sa kamay ng namumuhi,
at iniligtas niya sila sa kapangyarihan ng kaaway.
11 At tinabunan ng tubig ang kanilang mga kaaway;
walang nalabi sa kanila kahit isa man lamang.
12 Nang(D) magkagayo'y sinampalatayanan nila ang kanyang mga salita;
inawit nila ang kanyang kapurihan.
13 Ngunit agad nilang nalimutan ang kanyang mga gawa;
hindi nila hinintay ang kanyang payo.
14 Kundi(E) sila'y nagkaroon ng walang pakundangang pananabik nang sila'y nasa ilang,
at tinukso nila ang Diyos sa ilang.
15 Ibinigay niya sa kanila ang kanilang hiniling,
ngunit nagpadala ng nakapanghihinang karamdaman sa gitna nila.
16 Nang(F) ang mga tao sa kampo ay nanibugho kina Moises
at Aaron, na banal ng Panginoon,
17 ang lupa ay bumuka, at si Datan ay nilamon,
at tinabunan ang kay Abiram na pulutong.
18 Nagkaroon din ng sunog sa kanilang pulutong;
sinunog ng apoy ang masasama.
19 Sila'y(G) gumawa sa Horeb ng guya,
at sumamba sa larawang hinulma.
20 Ganito nila ipinagpalit ang kaluwalhatian
sa wangis ng baka na kumakain ng damo.
21 Nalimutan nila ang Diyos, ang kanilang Tagapagligtas,
na gumawa ng mga dakilang bagay sa Ehipto,
22 kahanga-hangang mga gawa sa lupain ng Ham,
at kakilakilabot na mga bagay sa Dagat na Pula.
23 Kaya't sinabi niya na kanyang lilipulin sila—
kung si Moises na kanyang hirang
ay hindi humarap sa kanya sa bitak,
upang pawiin ang kanyang poot na puksain sila.
24 Kanilang(H) hinamak ang lupaing maganda,
yamang wala silang pananampalataya sa pangako niya.
25 Sila'y nagmaktol sa mga tolda nila,
at ang tinig ng Panginoon ay hindi nila sinunod.
26 Kaya't itinaas niya ang kanyang kamay,
na sa ilang sila'y kanyang ibubuwal,
27 at(I) ang kanilang binhi sa mga bansa ay itatapon,
at ikakalat sila sa mga lupain.
28 At(J) iniugnay nila ang kanilang sarili sa Baal-peor,
at kumain ng mga handog na inialay sa mga patay;
29 kanilang ginalit ang Panginoon sa pamamagitan ng mga gawa nila,
at isang salot ang lumitaw sa gitna nila.
30 Nang magkagayo'y tumayo si Finehas at namagitan,
at ang salot ay napigilan.
31 At iyon ay itinuring sa kanya bilang katuwiran,
mula sa salinlahi hanggang sa salinlahi magpakailanman.
32 Kanilang(K) ginalit siya sa tubig ng Meriba,
at ito'y naging masama kay Moises dahil sa kanila;
33 sapagkat sila'y mapanghimagsik laban sa kanyang diwa,
at siya'y nagsalitang padalus-dalos sa kanyang mga labi.
34 Ang(L) mga bayan ay hindi nila nilipol,
gaya ng iniutos sa kanila ng Panginoon;
35 kundi nakihalo sila sa mga bansa,
at natuto ng kanilang mga gawa.
36 Sila'y naglingkod sa mga diyus-diyosan nila,
na naging bitag sa kanila.
37 Kanilang(M) inialay ang kanilang mga anak na lalaki
at ang mga anak na babae sa mga demonyo,
38 nagbuhos(N) sila ng walang salang dugo,
ang dugo ng kanilang mga anak na lalaki at mga anak na babae,
na kanilang inialay sa diyus-diyosan ng Canaan;
at ang lupain sa dugo ay nadumihan.
39 Gayon sila naging karumaldumal sa pamamagitan ng kanilang mga gawa,
at naging upahang babae sa kanilang mga gawa.
40 Kaya't(O) nag-alab ang galit ng Panginoon laban sa kanyang bayan,
at ang kanyang pamana ay kanyang kinasuklaman,
41 sa kamay ng mga bansa ay ibinigay niya sila,
kaya't pinamunuan sila ng mga napopoot sa kanila.
42 Pinagmalupitan sila ng kanilang mga kalaban,
at sila'y ipinaalipin sa ilalim ng kanilang kapangyarihan.
43 Iniligtas niya sila nang maraming ulit,
ngunit sa kanilang mga payo sila'y mapanghimagsik,
at sila'y ibinaba dahil sa kanilang kasamaan.
44 Gayunma'y pinahalagahan niya ang kanilang pagtitiis,
nang kanyang marinig ang kanilang pagdaing.
45 Kanyang naalala alang-alang sa kanila ang kanyang tipan,
at siya'y nagsisi ayon sa kasaganaan ng kanyang tapat na pagmamahal.
46 Ginawa niyang sila'y kaawaan
sa harap ng lahat ng bumihag sa kanila.
47 O(P) Panginoon naming Diyos, kami ay iligtas mo,
at mula sa mga bansa kami ay tipunin mo,
upang kami'y makapagpasalamat sa iyong banal na pangalan,
at lumuwalhati sa iyong kapurihan.
48 Purihin ang Panginoon, ang Diyos ng Israel,
mula sa walang hanggan hanggang sa walang hanggan!
At sabihin ng buong bayan, “Amen.”
Purihin ang Panginoon!
24 Pagkatapos ay pumaroon si David sa Mahanaim. At si Absalom ay tumawid sa Jordan kasama ang lahat ng lalaki ng Israel.
25 Inilagay ni Absalom si Amasa sa hukbo sa halip na si Joab. Si Amasa ay anak ng isang lalaki na ang pangalan ay Itra, na Israelita, na napakasal kay Abigal na anak na babae ni Nahas, na kapatid ni Zeruia, na ina ni Joab.
26 At ang Israel at si Absalom ay humimpil sa lupain ng Gilead.
27 Nang dumating si David sa Mahanaim, si Sobi na anak ni Nahas na taga-Rabba sa mga anak ni Ammon, si Makir na anak ni Amiel na taga-Lodebar, at si Barzilai na Gileadita na taga-Rogelim,
28 ay nagdala ng mga higaan, mga palanggana, mga sisidlang yari sa luwad, trigo, sebada, harina, butil na sinangag, mga patani, at pagkaing sinangag,
29 pulot-pukyutan, mantekilya, mga tupa, at keso ng baka para kay David at sa mga taong kasama niya upang kainin; sapagkat kanilang sinabi, “Ang mga tao ay gutom, pagod, at uhaw sa ilang.”
Si Absalom ay Natalo at Pinatay
18 Pagkatapos ay tinipon ni David ang mga tauhang kasama niya, at naglagay sa kanila ng mga pinuno sa mga libu-libo at pinuno ng mga daan-daan.
2 Pinahayo ni David ang hukbo, ang isang ikatlong bahagi ay sa pamumuno ni Joab, at ang isa pang ikatlong bahagi ay sa pamumuno ni Abisai na anak ni Zeruia, na kapatid ni Joab, at ang isa pang ikatlong bahagi ay sa pamumuno ni Itai na Geteo. At sinabi ng hari sa hukbo, “Ako man ay lalabas ding kasama ninyo.”
3 Ngunit sinabi ng mga tao, “Hindi ka dapat lumabas, sapagkat kung kami man ay tumakas, hindi nila kami papansinin. Kung ang kalahati sa amin ay mamatay, hindi nila kami papansinin. Ngunit ang katumbas mo ay sampung libo sa amin; kaya't mas mabuti na ikaw ay magpadala ng tulong sa amin mula sa lunsod.”
4 Sinabi ng hari sa kanila, “Kung ano ang inaakala ninyong mabuti ay aking gagawin.” At ang hari ay tumayo sa tabi ng pintuang-bayan, samantalang ang buong hukbo ay lumabas na daan-daan at libu-libo.
5 At ang hari ay nag-utos kina Joab, Abisai, at Itai, “Pakitunguhan ninyong may kaawaan ang kabataang si Absalom, alang-alang sa akin.” At narinig ng buong bayan nang nagbilin ang hari sa lahat ng punong-kawal tungkol kay Absalom.
6 Kaya't lumabas ang hukbo sa kaparangan laban sa Israel; at ang labanan ay naganap sa gubat ng Efraim.
7 Ang hukbo ng Israel ay natalo doon ng mga lingkod ni David, at nagkaroon ng malaking patayan doon sa araw na iyon na may dalawampung libong katao.
8 Ang labanan ay kumalat sa ibabaw ng buong lupain; at ang gubat ay lumamon ng mas maraming tao sa araw na iyon kaysa sa tabak.
Si Pablo sa Harap ng Sanhedrin
30 Nang sumunod na araw, dahil sa pagnanais na malaman ang tunay na dahilan kung bakit siya'y isinakdal ng mga Judio ay kanyang pinawalan siya at iniutos sa mga punong pari at sa buong Sanhedrin na magpulong. Pinababa niya si Pablo at iniharap sa kanila.
23 Habang nakatitig na mabuti si Pablo sa Sanhedrin, ay sinabi niya, “Mga ginoo, mga kapatid, hanggang sa mga araw na ito, ako'y nabuhay nang may malinis na budhi sa harapan ng Diyos.”
2 Pagkatapos, ipinag-utos ng pinakapunong paring si Ananias sa mga nakatayong malapit sa kanya na siya'y hampasin sa bibig.
3 Nang(A) magkagayo'y sinabi sa kanya ni Pablo, “Sasaktan ka ng Diyos, ikaw na pinaputing pader! Nakaupo ka ba riyan upang ako'y hatulan ayon sa kautusan, ngunit ako'y ipinahahampas mo nang labag sa kautusan?”
4 Sinabi ng mga nakatayo sa malapit, “Nilalait mo ba ang pinakapunong pari ng Diyos?”
5 At(B) sinabi ni Pablo, “Hindi ko alam, mga kapatid, na siya'y pinakapunong pari, sapagkat nasusulat, ‘Huwag mong pagsasalitaan ng masama ang isang pinuno ng iyong bayan.’”
6 Nang(C) mapansin ni Pablo na ang ilan ay mga Saduceo at ang iba'y mga Fariseo, ay sumigaw siya sa Sanhedrin, “Mga ginoo, mga kapatid, ako'y isang Fariseo, anak ng mga Fariseo. Ako'y nililitis tungkol sa pag-asa at muling pagkabuhay ng mga patay.”
7 Nang sabihin niya ito, nagkaroon ng pagtatalo ang mga Fariseo at mga Saduceo; at nahati ang kapulungan.
8 (Sapagkat(D) sinasabi ng mga Saduceo na walang muling pagkabuhay, o anghel, o espiritu; ngunit pinaniniwalaan ng mga Fariseo ang lahat ng ito.)
9 Pagkatapos ay nagkaroon ng malakas na sigawan, at tumindig ang ilan sa mga eskriba na kakampi ng mga Fariseo, at mainitang nagtalo na sinasabi, “Wala kaming makitang anumang kasalanan sa taong ito. Ano nga kung siya'y kinausap man ng isang espiritu, o ng isang anghel?”
10 Nang lumalaki ang kaguluhan, sa takot ng pinunong kapitan na baka lurayin nila si Pablo, ay pinababa ang mga kawal, sapilitang ipinakuha siya at siya'y ipinasok sa himpilan.
11 Nang gabing iyon, lumapit sa kanya ang Panginoon at sinabi, “Lakasan mo ang iyong loob! Sapagkat kung paano kang nagpatotoo tungkol sa akin sa Jerusalem, ay kailangang magpatotoo ka rin sa Roma.”
Isinumpa ni Jesus ang Puno ng Igos(A)
12 Kinabukasan, nang dumating sila mula sa Betania ay nagutom siya.
13 At pagkatanaw niya sa malayo ng isang puno ng igos na may mga dahon, lumapit siya upang tingnan kung may matatagpuan siya roon. At nang siya'y makalapit doon, wala siyang natagpuang anuman kundi mga dahon, sapagkat hindi pa panahon ng mga igos.
14 Sinabi niya rito, “Wala nang sinumang makakakain pa ng bunga mula sa iyo.” Ito'y narinig ng kanyang mga alagad.
Si Jesus sa Templo(B)
15 Pagkatapos ay dumating sila sa Jerusalem. Pumasok siya sa templo at sinimulan niyang itaboy ang mga nagbibili at ang mga bumibili sa loob ng templo. Ipinagtataob niya ang mga mesa ng mga nagpapalit ng salapi at ang mga upuan ng mga nagbibili ng mga kalapati.
16 Hindi niya pinahintulutan ang sinuman na magdala ng anuman na padadaanin sa templo.
17 Nagturo(C) siya at sinabi, “Hindi ba nasusulat, ‘Ang aking bahay ay tatawaging bahay-panalanginan para sa lahat ng mga bansa?’ Ngunit ginawa ninyo itong yungib ng mga magnanakaw.”
18 Narinig ito ng mga punong pari at ng mga eskriba at sila'y naghanap ng paraan kung paano nila siya mapapatay, sapagkat natatakot sila sa kanya dahil maraming tao ang namangha sa kanyang aral.
19 Nang sumapit na ang gabi, sila ay lumabas sa lunsod.
Ang Aral mula sa Namatay na Punong Igos(D)
20 Kinaumagahan habang sila'y nagdaraan, nakita nila ang puno ng igos na natuyo mula sa mga ugat.
21 Nang maalala ni Pedro ay sinabi niya sa kanya, “Rabi, tingnan mo! Ang puno ng igos na iyong isinumpa ay tuyo na.”
22 At sumagot si Jesus sa kanila, “Magkaroon kayo ng pananampalataya sa Diyos.
23 Katotohanang(E) sinasabi ko sa inyo, na ang sinumang magsabi sa bundok na ito, ‘Mabunot ka at mapatapon ka sa dagat,’ at hindi nag-aalinlangan sa kanyang puso, kundi naniniwala na mangyayari ang kanyang sinabi, ay mangyayari nga iyon sa kanya.
24 Kaya nga sinasabi ko sa inyo, ang lahat ng bagay na iyong idalangin at hingin, paniwalaan ninyong tinanggap na ninyo at iyon ay mapapasainyo.
25 Kapag(F) kayo'y nakatayo na nananalangin, magpatawad kayo kung mayroon kayong anumang laban sa kaninuman; upang patawarin kayo sa inyong mga kasalanan ng inyong Ama na nasa langit.
26 [Ngunit kung hindi kayo magpapatawad, hindi rin kayo patatawarin sa inyong mga kasalanan ng inyong Ama na nasa mga langit.]”
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001