Book of Common Prayer
Isang Awit. Awit ni Asaf.
83 O Diyos, huwag kang tumahimik;
huwag kang manahimik o maging walang kibo, O Diyos!
2 Sapagkat ang mga kaaway mo'y nagkakagulo,
silang napopoot sa iyo ay nagtaas ng kanilang mga ulo.
3 Sila'y naghanda ng mga tusong panukala laban sa iyong bayan,
sila'y nagsanggunian laban sa iyong mga iniingatan.
4 Kanilang sinasabi, “Pumarito kayo, bilang isang bansa'y pawiin natin sila,
upang ang pangalan ng Israel ay huwag nang maalala pa!”
5 Oo, sila'y nagsabwatan na may pagkakaisa,
laban sa iyo ay nagtipanan sila—
6 ang mga tolda ng Edom at ng mga Ismaelita;
ang Moab at ang mga Hagrita,
7 ang Gebal, ang Ammon, at ang Amalek;
ang Filisteo at ang mga taga-Tiro;
8 ang Asiria ay kumampi rin sa kanila;
sila ay maging bisig sa mga anak ni Lot. (Selah)
9 Gawin(A) mo sa kanila ng gaya sa Midian;
gaya ng kay Sisera at kay Jabin sa ilog ng Kison,
10 na namatay sa Endor;
na naging dumi para sa lupa.
11 Gawin(B) ang kanilang mga maharlika na gaya nina Oreb at Zeeb;
lahat nilang mga pinuno na gaya nina Zeba at Zalmuna;
12 na nagsabi, “Angkinin natin para sa ating sarili
ang mga pastulan ng Diyos.”
13 O Diyos ko, gawin mo silang gaya ng alabok na paikut-ikot,
parang dayami sa harap ng hangin.
14 Gaya ng apoy na sumusunog ng gubat,
gaya ng liyab na tumutupok ng mga bundok;
15 kaya't habulin mo sila ng iyong bagyo,
at takutin mo sila ng iyong buhawi!
16 Punuin mo ang kanilang mga mukha ng kahihiyan,
O Panginoon, upang hanapin nila ang iyong pangalan.
17 Mapahiya at masiraan nawa sila ng loob magpakailanman;
malipol nawa sila at mapahiya.
18 Malaman nawa nila na ikaw lamang,
na Panginoon ang pangalan,
ang sa buong lupa ay Kataas-taasan.
Awit ng Papuri. Kay David.
145 Aking Diyos at Hari, ika'y aking papupurihan,
at aking pupurihin ang pangalan mo magpakailanpaman.
2 Pupurihin kita araw-araw,
at pupurihin ko ang pangalan mo magpakailanpaman.
3 Dakila ang Panginoon, at sa papuri'y lubhang karapat-dapat,
at ang kanyang kadakilaan ay hindi masukat.
4 Ipagmamalaki ng isang salinlahi sa kasunod nito ang iyong mga gawa,
at ipahahayag ang iyong mga gawang dakila.
5 Sa maluwalhating kaningningan ng iyong karangalan,
at sa iyong kahanga-hangang mga gawa, ako'y magbubulay-bulay.
6 Ipahahayag ng mga tao ang kapangyarihan ng iyong kakilakilabot na mga gawa;
at akin namang ipahahayag ang iyong kadakilaan.
7 Kanilang sabik na sasambitin ang alaala ng iyong masaganang kabutihan,
at isisigaw nang malakas ang iyong katuwiran.
8 Ang Panginoon ay mapagpala at punô ng awa,
hindi magagalitin at sa tapat na pag-ibig ay sagana.
9 Ang Panginoon ay mabuti sa lahat;
at ang kanyang awa ay nasa lahat niyang ginawa.
10 Lahat mong mga gawa, O Panginoon, ay magpapasalamat sa iyo,
at pupurihin ka ng lahat ng mga banal mo!
11 Sasabihin nila ang kaluwalhatian ng iyong kaharian,
at ibabalita ang iyong kapangyarihan;
12 upang ipabatid sa mga anak ng mga tao ang iyong[a] mga gawang makapangyarihan,
at ang maluwalhating kaningningan ng iyong kaharian.
13 Ang kaharian mo'y walang hanggang kaharian,
at nananatili sa lahat ng mga salinlahi ang iyong kapangyarihan.
14 Inaalalayan ng Panginoon ang lahat ng nalulugmok,
at itinatayo ang lahat ng nakayukod.
15 Ang mga mata ng lahat sa iyo ay nakatingin,
at ibinibigay mo sa kanila sa tamang panahon ang kanilang pagkain.
16 Binubuksan mo ang iyong kamay,
binibigyang-kasiyahan mo ang nasa ng bawat bagay na may buhay.
17 Ang Panginoon ay matuwid sa lahat ng pamamaraan niya,
at mabait sa lahat niyang mga gawa.
18 Ang Panginoon ay malapit sa lahat ng sa kanya'y nananawagan,
sa lahat ng tumatawag sa kanya sa katotohanan.
19 Kanyang ibinibigay ang nasa ng lahat ng natatakot sa kanya;
kanya ring dinirinig ang kanilang daing, at inililigtas sila.
20 Iniingatan ng Panginoon ang lahat ng umiibig sa kanya;
ngunit lahat ng masama ay lilipulin niya.
21 Ang aking bibig ay magsasalita ng papuri sa Panginoon;
at pupurihin ng lahat ng laman ang kanyang banal na pangalan magpakailanpaman.
Sa Punong Mang-aawit. Awit ng mga Anak ni Kora.
85 Panginoon, ikaw ay naging mabuti sa iyong lupain,
ibinalik mo ang kayamanan ng Jacob.
2 Pinatawad mo ang kasamaan ng iyong bayan,
pinatawad mo ang lahat nilang kasalanan. (Selah)
3 Inalis mo ang lahat ng poot mo,
tumalikod ka sa bangis ng galit mo.
4 O Diyos ng aming kaligtasan, muli mo kaming panumbalikin,
at alisin mo ang iyong galit sa amin.
5 Magagalit ka ba sa amin magpakailanman?
Ipagpapatuloy mo ba ang iyong galit sa lahat ng salinlahi?
6 Hindi ba kami ay muling bubuhayin mo,
upang ang iyong bayan ay magalak sa iyo?
7 O Panginoon, ipakita mo sa amin ang iyong tapat na pagsuyo,
at ipagkaloob mo sa amin ang pagliligtas mo.
8 Aking papakinggan kung ano ang sasabihin ng Diyos na Panginoon,
sapagkat siya'y magsasalita ng kapayapaan sa kanyang bayan
at sa kanyang mga banal, ngunit huwag silang muling manumbalik sa kahangalan.
9 Tunay na ang kanyang pagliligtas ay malapit sa kanila na natatakot sa kanya;
upang ang kaluwalhatian ay manahan sa aming lupain.
10 Magsasalubong ang tapat na pag-ibig at katapatan,
ang katuwiran at kapayapaan ay maghahalikan.
11 Bubukal sa lupa ang katotohanan,
at tumitingin mula sa langit ang katuwiran.
12 Oo, ibibigay ng Panginoon kung ano ang mabuti;
at ang ating lupain ay magbibigay ng kanyang ani.
13 Mangunguna sa kanya ang katuwiran,
at ang kanyang mga yapak ay gagawing daan.
Panalangin ni David.
86 Ikiling mo ang iyong pandinig, O Panginoon, at ako'y sagutin mo,
sapagkat dukha at nangangailangan ako.
2 Ingatan mo ang aking buhay, sapagkat ako'y banal na tao.
Ikaw na aking Diyos,
iligtas mo ang iyong lingkod na nagtitiwala sa iyo.
3 O Panginoon, maawa ka sa akin,
sapagkat sa buong araw sa iyo ako'y dumaraing.
4 Pasayahin mo ang kaluluwa ng lingkod mo,
sapagkat sa iyo, O Panginoon itinataas ko ang kaluluwa ko.
5 Sapagkat ikaw, Panginoon, ay mabuti at mapagpatawad,
sagana sa tapat na pag-ibig sa lahat ng sa iyo ay tumatawag.
6 Pakinggan mo, O Panginoon, ang aking panalangin,
pakinggan mo ang tinig ng aking daing.
7 Sa araw ng aking kaguluhan ay tumatawag ako sa iyo;
sapagkat sinasagot mo ako.
8 Walang gaya mo sa gitna ng mga diyos, O Panginoon;
ni mayroong anumang mga gawang gaya ng sa iyo.
9 Lahat(A) ng mga bansa na iyong nilalang ay darating
at sasamba sa harapan mo, O Panginoon;
at ang iyong pangalan ay kanilang luluwalhatiin.
10 Sapagkat ikaw ay dakila at gumagawa ng kahanga-hangang mga bagay,
ikaw lamang ang Diyos.
11 O Panginoon, ituro mo sa akin ang iyong daan,
upang makalakad ako sa iyong katotohanan;
ilakip mo ang aking puso upang matakot sa iyong pangalan.
12 Nagpapasalamat ako sa inyo ng buong puso, O Panginoon kong Diyos,
at luluwalhatiin ko ang iyong pangalan magpakailanman.
13 Sapagkat dakila ang iyong tapat na pagsinta sa akin;
sa kalaliman ng Sheol ay iniligtas mo ang aking kaluluwa.
14 O Diyos, ang mga taong mayabang ay nagbangon laban sa akin,
isang pangkat ng malulupit na tao ang nagtatangka sa aking buhay,
at hindi ka nila isinaalang-alang sa harapan nila.
15 Ngunit ikaw, O Panginoon, ay Diyos na mahabagin at mapagbiyaya,
banayad sa pagkagalit, sa tapat na pag-ibig at katapatan ay sagana.
16 Lingunin mo ako, maawa ka sa akin;
ibigay mo ang lakas mo sa iyong lingkod,
at iligtas mo ang anak ng iyong lingkod na babae.
17 Pagpakitaan mo ako ng tanda para sa kabutihan,
upang makita ng mga napopoot sa akin at mapahiya,
sapagkat ikaw, Panginoon, ay tumulong at umaliw sa akin.
Sina David at Batseba
11 Sa(A) tagsibol ng taon, ang panahon na ang mga hari ay lumalabas upang makipaglaban, sinugo ni David si Joab at ang kanyang mga lingkod na kasama niya, at ang buong Israel. Kanilang sinalanta ang mga Ammonita at kinubkob ang Rabba. Ngunit si David ay nanatili sa Jerusalem.
2 Isang dapit-hapon, nang si David ay bumangon sa kanyang higaan at naglalakad sa bubungan ng bahay ng hari, nakakita siya mula sa bubungan ng isang babaing naliligo; at ang babae ay napakaganda.
3 Nagsugo si David at nagtanong tungkol sa babae. At sinabi ng isa, “Hindi ba ito ay si Batseba na anak ni Eliam, na asawa ni Urias na Heteo?”
4 Kaya't si David ay nagpadala ng mga sugo at kinuha siya. Ang babae ay pumaroon sa kanya at siya'y kanyang sinipingan. (Siya ay katatapos pa lamang maglinis mula sa kanyang karumihan.) Pagkatapos, siya'y bumalik sa kanyang bahay.
5 Ang babae ay naglihi; at siya'y nagsugo at sinabi kay David, “Ako'y buntis.”
6 Kaya't nagpasabi si David kay Joab, “Papuntahin mo sa akin si Urias na Heteo.” Pinapunta ni Joab si Urias kay David.
7 Nang si Urias ay dumating sa kanya, tinanong siya ni David kung ano ang kalagayan ni Joab at ng mga tauhan, at kung ano ang nangyayari sa labanan.
8 Sinabi ni David kay Urias, “Bumaba ka sa iyong bahay at hugasan mo ang iyong mga paa.” At lumabas si Urias sa bahay ng hari at isinunod sa kanya ang isang regalo mula sa hari.
9 Ngunit natulog si Urias sa pintuan ng bahay ng hari, kasama ng lahat ng mga lingkod ng kanyang panginoon, at hindi bumaba sa kanyang bahay.
10 Nang kanilang sabihin kay David na, “Hindi bumaba si Urias sa kanyang bahay,” sinabi ni David kay Urias, “Hindi ba galing ka sa isang paglalakbay? Bakit hindi ka bumaba sa iyong bahay?”
11 Sinabi ni Urias kay David, “Ang kaban, ang Israel, at ang Juda ay naninirahan sa mga tolda at ang aking panginoong si Joab, at ang mga lingkod ng aking panginoon ay nagkakampo sa parang. Pupunta ba ako sa aking bahay upang kumain, uminom, at sumiping sa aking asawa? Habang buháy ka, at buháy ang iyong kaluluwa, hindi ko gagawin ang bagay na ito.”
12 Pagkatapos ay sinabi ni David kay Urias, “Manatili ka rin dito ngayon at bukas ay paaalisin na kita.” Kaya't tumigil si Urias sa Jerusalem ng araw na iyon at sa kinabukasan.
13 Inanyayahan siya ni David na siya'y kumain at uminom sa harap niya; at siya'y kanyang nilasing. Kinahapunan, siya'y lumabas upang mahiga sa kanyang higaan kasama ang mga lingkod ng kanyang panginoon, ngunit hindi siya bumaba sa kanyang bahay.
14 Kinaumagahan, sumulat si David kay Joab at ipinadala kay Urias.
15 Sa liham ay kanyang isinulat, “Ilagay mo si Urias sa unahan ng pinakamainit na labanan, pagkatapos kayo'y umurong mula sa kanya, upang siya'y masaktan, at mamatay.”
16 Habang kinukubkob ni Joab ang lunsod, kanyang inilagay si Urias sa lugar na alam niyang kinaroroonan ng matatapang na lalaki.
17 At ang mga lalaki sa lunsod ay lumabas at lumaban kay Joab, at ilan sa mga lingkod ni David ay nabuwal na kasama ng bayan. Si Urias na Heteo ay napatay rin.
18 Pagkatapos ay nagsugo si Joab at sinabi kay David ang lahat ng mga balita tungkol sa labanan;
19 at kanyang ibinilin sa sugo, “Kapag tapos ka ng magsalaysay sa hari ng lahat ng mga balita tungkol sa labanan,
20 at, kung magalit ang hari at kanyang sabihin sa iyo, ‘Bakit lumapit kayong mabuti sa lunsod upang lumaban? Hindi ba ninyo nalalaman na sila'y papana mula sa pader?
21 Sino(B) ang pumatay kay Abimelec na anak ni Jerubeshet? Hindi ba isang babae ang naghagis sa kanya ng isang pang-ibabaw na bato ng gilingan mula sa pader, kaya't siya'y namatay sa Tebez? Bakit kayo'y lumapit sa pader?’ Saka mo sasabihin, ‘Ang iyong lingkod na si Urias na Heteo ay patay rin.’”
22 Kaya't humayo ang sugo, pumaroon at isinalaysay kay David ang lahat ng ipinasasabi sa kanya ni Joab.
23 At sinabi ng sugo kay David, “Ang mga lalaki ay nanaig laban sa amin, at lumabas sa amin sa parang; ngunit pinaurong namin sila hanggang sa pasukan ng pintuang-bayan.
24 At pinana ng mga tagapana ang iyong mga lingkod mula sa kuta; at ang ilan sa mga lingkod ng hari ay namatay, at ang iyong lingkod na si Urias na Heteo ay napatay rin.”
25 Nang magkagayo'y sinabi ni David sa sugo, “Ganito ang sabihin mo kay Joab, ‘Huwag mong ikabahala ang bagay na ito, sapagkat nilalamon ng tabak ngayon ang isa at pagkatapos ay ang iba naman. Palakasin mo ang iyong pagsalakay sa lunsod at wasakin mo iyon!’ Palakasin mo ang loob niya.”
26 Nang marinig ng asawa ni Urias na si Urias na kanyang asawa ay namatay, kanyang tinangisan ang kanyang asawa.
27 Nang tapos na ang pagluluksa, si David ay nagsugo at kinuha ang babae sa kanyang bahay, at siya'y naging kanyang asawa, at nagkaanak sa kanya ng isang lalaki. Ngunit ang bagay na ginawa ni David ay hindi kinalugdan ng Panginoon.
Ang mga Anak ni Eskeva
11 Gumawa ang Diyos ng mga di-pangkaraniwang himala sa pamamagitan ng mga kamay ni Pablo,
12 kaya't nang ang mga panyo o mga tapis na napadikit sa kanyang katawan ay dinala sa mga maysakit, nawala sa kanila ang mga sakit, at lumabas sa kanila ang masasamang espiritu.
13 Ngunit may ilang mga Judiong pagala-gala na nagpapalayas ng masasamang espiritu ang nangahas na bigkasin ang pangalan ng Panginoong Jesus sa mga may masasamang espiritu, na sinasabi, “Inuutusan ko kayo sa pamamagitan ni Jesus na ipinangangaral ni Pablo.”
14 Pitong anak na lalaki ng isang pinakapunong paring Judio, na ang pangalan ay Eskeva, ang gumagawa nito.
15 Ngunit sinagot sila ng masamang espiritu, “Kilala ko si Jesus, at kilala ko si Pablo; ngunit sino kayo?”
16 At ang taong kinaroroonan ng masamang espiritu ay lumukso sa kanila, at silang lahat ay dinaig niya, kaya tumakas sila sa bahay na iyon na mga hubad at sugatan.
17 Nalaman ito ng lahat ng naninirahan sa Efeso, mga Judio at gayundin ng mga Griyego; at sinidlan silang lahat ng takot, at pinuri ang pangalan ng Panginoong Jesus.
18 Marami rin naman sa mga nanampalataya ang dumating na ipinahahayag at ibinubunyag ang kanilang mga gawain.
19 Marami sa mga gumagamit ng mga salamangka ay tinipon ang kanilang mga aklat at sinunog sa paningin ng madla; at kanilang binilang ang halaga niyon, at napag-alamang may limampung libong pirasong pilak.
20 Sa gayo'y lumago at lubos na nanaig ang salita ng Panginoon.
Ang Pagbabagong Anyo ni Jesus(A)
2 Pagkaraan(B) ng anim na araw, isinama ni Jesus sina Pedro, Santiago at Juan, at dinala silang bukod sa isang mataas na bundok. Siya'y nagbagong-anyo sa harap nila;
3 at ang kanyang damit ay naging nagniningning na puti na walang sinuman sa lupa na makapagpapaputi ng gayon.
4 At doo'y nagpakita sa kanila si Elias na kasama si Moises at sila'y nakikipag-usap kay Jesus.
5 Sinabi ni Pedro kay Jesus, “Rabi, mabuti sa atin ang dumito. Hayaan ninyong gumawa kami ng tatlong kubol; isa sa iyo, isa kay Moises, at isa kay Elias.”
6 Sapagkat hindi niya alam kung ano ang sasabihin dahil sila'y lubhang natakot.
7 Pagkatapos,(C) nililiman sila ng isang ulap at may isang tinig na nanggaling sa ulap, “Ito ang aking Anak, ang Minamahal;[a] siya ang inyong pakinggan!”
8 Nang bigla silang tumingin sa paligid, wala silang nakitang sinumang kasama nila maliban kay Jesus lamang.
9 Habang bumababa sila sa bundok, iniutos niya sa kanila na huwag sabihin kaninuman ang kanilang nakita, hanggang sa ang Anak ng Tao ay magbangon mula sa mga patay.
10 Kaya't kanilang iningatan ang pananalitang ito sa kanilang sarili, na pinag-uusapan kung ano ang kahulugan ng pagbangon mula sa mga patay.
11 At(D) tinanong nila siya, “Bakit sinasabi ng mga eskriba na kinakailangang dumating muna si Elias?”
12 Sinabi niya sa kanila, “Tunay na si Elias ay unang dumarating at nagpapanumbalik ng lahat ng mga bagay. At paanong nasusulat ang tungkol sa Anak ng Tao na siya'y magdurusa ng maraming bagay at itatakuwil?
13 Ngunit sinasabi ko sa inyo, tunay na dumating na si Elias at ginawa nila sa kanya ang anumang kanilang naibigan ayon sa nasusulat tungkol sa kanya.”
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001