Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Awit 1-4

UNANG AKLAT

Dalawang Uri ng Pamumuhay

Mapalad ang taong
    hindi lumalakad sa payo ng masama,
ni tumatayo man sa daan ng mga makasalanan,
    ni umuupo man sa upuan ng mga manunuya;
kundi nasa kautusan ng Panginoon ang kanyang kagalakan,
    at nagbubulay-bulay araw at gabi sa kanyang kautusan.
Siya ay(A) gaya ng isang punungkahoy
    na itinanim sa tabi ng agos ng tubig,
na nagbubunga sa kanyang kapanahunan,
    ang kanyang dahon nama'y hindi nalalanta,
sa lahat ng kanyang ginagawa ay nagtatagumpay siya.

Ang masama ay hindi gayon;
    kundi parang ipang itinataboy ng hangin.
Kaya't ang masama ay hindi tatayo sa hukuman,
    ni sa kapulungan ng matuwid ang makasalanan;
sapagkat ang lakad ng matuwid ang Panginoon ang nakakaalam,
    ngunit mapapahamak ang lakad ng makasalanan.

Ang Haring Pinili ng Panginoon

Bakit(B) nagsasabwatan ang mga bansa,
    at sa walang kabuluhan ang mga bayan ay nagpaplano?
Inihanda ng mga hari sa lupa ang kanilang sarili,
    at ang mga pinuno ay nagsisangguni,
laban sa Panginoon at sa kanyang binuhusan ng langis, na nagsasabi,
“Ang kanilang panggapos ay ating lagutin,
    at itapon ang kanilang mga panali mula sa atin.”

Siya na nakaupo sa kalangitan ay tumatawa;
    at ang Panginoon ay kumukutya sa kanila.
Kung magkagayo'y magsasalita siya sa kanila sa kanyang poot,
    at tatakutin sila sa kanyang matinding galit, na nagsasabi,
“Gayunma'y inilagay ko ang aking hari sa Zion, sa aking banal na burol.”

Aking(C) sasabihin ang tungkol sa utos ng Panginoon:
Sinabi niya sa akin, “Ikaw ay aking anak,
    sa araw na ito kita ay ipinanganak.
Humingi ka sa akin at ang mga bansa ay gagawin kong mana mo,
    at ang mga dulo ng lupa ay magiging iyo.
Sila'y(D) iyong babaliin ng pamalong bakal,
    at dudurugin mo sila gaya ng banga.”

10 Kaya't ngayon, O mga hari, kayo'y magpakapantas;
    O mga pinuno ng lupa, kayo'y magsihanda.
11 Kayo'y maglingkod sa Panginoon na may takot,
    at magalak na may panginginig,
12 ang anak ay inyong hagkan,
baka magalit siya at kayo'y mapahamak sa daan;
    sapagkat ang kanyang poot ay madaling mag-alab.

Mapapalad ang lahat na nanganganlong sa kanya.

Awit(E) ni David nang Takasan Niya si Absalom

Panginoon, ang mga kaaway ko ay dumarami!
    Ang tumitindig laban sa akin ay marami;
marami ang nagsasabi tungkol sa aking kaluluwa,
    walang tulong mula sa Diyos para sa kanya. (Selah)

Ngunit ikaw, O Panginoon ay isang kalasag sa palibot ko,
    aking kaluwalhatian, at siyang tagapagtaas ng aking ulo.
Ako'y dumadaing nang malakas sa Panginoon,
    at sinasagot niya ako mula sa kanyang banal na burol. (Selah)

Ako'y nahiga at natulog;
    ako'y muling gumising sapagkat inaalalayan ako ng Panginoon.
Sa sampung libu-libong tao ako'y hindi natatakot,
    na naghanda ng kanilang mga sarili laban sa akin sa palibot.
Bumangon ka, O Panginoon!
    Iligtas mo ako, O aking Diyos!
Sapagkat iyong sinampal sa pisngi ang lahat ng aking mga kaaway,
    iyong binasag ang mga ngipin ng masama.

Ang pagliligtas ay sa Panginoon;
    sumaiyong bayan nawa ang iyong pagpapala. (Selah)

Panalangin ng Saklolo

Sa Punong Mang-aawit: sa Saliw ng Instrumentong may Kuwerdas. Awit ni David.

Sagutin mo ako kapag tumatawag ako,
O Diyos na tagapagtanggol ko!
    Binigyan mo ako ng silid nang ako'y nasa kagipitan.
    Maawa ka sa akin, at dalangin ko'y iyong pakinggan.

O tao, hanggang kailan magdaranas ng kahihiyan ang aking karangalan?
    Gaano katagal mo iibigin ang mga salitang walang kabuluhan, at hahanapin ang kabulaanan? (Selah)

Ngunit alamin ninyo na ibinukod ng Panginoon para sa kanyang sarili ang banal;
    ang Panginoon ay nakikinig kapag sa kanya ako'y nagdarasal.

Magalit(F) ka, subalit huwag kang magkakasala;
    magbulay-bulay ka ng iyong puso sa iyong higaan, at tumahimik ka. (Selah)
Maghandog kayo ng matuwid na mga alay,
    at ang inyong pagtitiwala sa Panginoon ilagay.
Marami ang nagsasabi, “Sana'y makakita kami ng ilang kabutihan!
    O Panginoon, ang liwanag ng iyong mukha sa amin ay isilay!”
Ikaw ay naglagay ng kagalakan sa aking puso,
    kaysa nang ang kanilang butil at alak ay sagana.

Payapa akong hihiga at gayundin ay matutulog;
    sapagkat ikaw lamang, O Panginoon, ang gumagawa upang mamuhay ako sa katiwasayan.

Mga Awit 7

Sigaion ni David na kanyang inawit sa Panginoon tungkol kay Cus na Benjaminita.

O Panginoon kong Diyos, nanganganlong ako sa iyo,
    iligtas mo ako sa lahat ng humahabol sa akin, at iligtas mo ako,
baka gaya ng leon ay lurayin nila ako,
    na kinakaladkad akong papalayo, at walang sumaklolo.

O Panginoon kong Diyos, kung ginawa ko ito,
    kung may pagkakamali sa mga kamay ko,
kung ako'y gumanti ng kasamaan sa aking kaibigan
    o nilooban ang aking kaaway na walang dahilan,
hayaang habulin ako ng aking kaaway at abutan ako,
    at tapakan niya sa lupa ang buhay ko,
    at ilagay sa alabok ang kaluwalhatian ko. (Selah)

Ikaw ay bumangon, O Panginoon, sa iyong galit,
    itaas mo ang iyong sarili laban sa poot ng aking mga kagalit,
    at gumising ka dahil sa akin; ikaw ay nagtakda ng pagsusulit.
Hayaang ang kapulungan ng mga tao ay pumaligid sa iyo;
    at bumalik ka sa itaas sa ibabaw nito.
Ang Panginoon ay humahatol sa mga bayan;
    hatulan mo ako, O Panginoon, ayon sa aking katuwiran,
    at ayon sa taglay kong katapatan.

O(A) nawa'y magwakas na ang kasamaan ng masama,
    ngunit itatag mo ang matuwid;
sapagkat sinusubok ng matuwid na Diyos
    ang mga puso at mga pag-iisip.[a]
10 Ang Diyos ay aking kalasag,
    na nagliligtas ng pusong tapat.
11 Ang Diyos ay hukom na matuwid,
    at isang Diyos na araw-araw ay may galit.

12 Kung hindi magsisi ang tao, ihahasa ng Diyos ang tabak nito;
    kanyang inihanda at iniumang ang kanyang palaso;
13 nakakamatay na mga sandata ang kanyang inihanda,
    kanyang pinapagniningas ang kanyang mga pana.
14 Narito, siya'y nagdaramdam ng kasamaan;
    at siya'y naglihi ng kasamaan, at nanganak ng kabulaanan.
15 Siya'y gumawa ng hukay at pinalalim pang kusa,
    at nahulog sa butas na siya ang may gawa.
16 Bumabalik sa sarili niyang ulo ang gawa niyang masama,
    at ang kanyang karahasan sa sarili niyang bumbunan ay bumababa.
17 Ibibigay ko sa Panginoon ang pasasalamat na nararapat sa kanyang katuwiran,
    at ako'y aawit ng papuri sa pangalan ng Panginoon, ang Kataas-taasan.

1 Mga Hari 1:5-31

Si Adonias ay Nagtangkang Maging Hari

Samantala,(A) nagmataas si Adonias na anak ni Hagit, na nagsabi, “Ako'y magiging hari.” At siya'y naghanda ng mga karwahe at mga mangangabayo, at limampung lalaking tatakbo sa unahan niya.

Hindi siya kailanman pinagdamdam ng kanyang ama sa pagsasabing, “Bakit ka gumawa ng ganyan?” Siya rin ay napakagandang lalaki at ipinanganak kasunod ni Absalom.

Siya'y nakipag-usap kay Joab na anak ni Zeruia, at kay Abiatar na pari, at kanilang tinulungan si Adonias.

Ngunit si Zadok na pari, si Benaya na anak ni Jehoiada, si Natan na propeta, si Shimei, si Rei, at ang magigiting na mandirigma ni David ay hindi pumanig kay Adonias.

Naghandog si Adonias ng mga tupa, mga baka at ng mga pinatabang hayop sa bato ng Zohelet,[a] na nasa tabi ng En-rogel, at kanyang inanyayahan ang lahat ng kanyang kapatid na mga anak na lalaki ng hari, at ang lahat ng lalaki sa Juda na mga lingkod ng hari.

10 Ngunit si Natan na propeta, si Benaya, at ang magigiting na mandirigma at si Solomon na kanyang kapatid ay hindi niya inanyayahan.

11 Nang(B) magkagayo'y sinabi ni Natan kay Batseba na ina ni Solomon, “Hindi mo ba nabalitaan na si Adonias na anak ni Hagit ay siya ngayong hari at ito ay hindi nalalaman ni David na ating panginoon?

12 Pumarito ka ngayon at papayuhan kita upang mailigtas mo ang iyong sariling buhay, at ang buhay ng iyong anak na si Solomon.

13 Pumunta ka agad kay Haring David, at sabihin mo sa kanya, ‘Di ba, panginoon ko, isinumpa mo sa iyong lingkod, na iyong sinasabi, Si Solomon na iyong anak ay maghahari pagkamatay ko, at siya'y uupo sa aking trono? Kung gayo'y bakit si Adonias ang hari?’

14 Samantalang nagsasalita ka pa sa hari ay papasok ako na kasunod mo, at aking patototohanan ang iyong mga salita.”

Tumutol si Batseba

15 Kaya't pinasok ni Batseba ang hari sa silid; (noon ang hari ay lubhang matanda na; at si Abisag na Sunamita ay siyang nag-aalaga sa hari.)

16 Si Batseba ay yumukod at nagbigay-galang sa hari. At sinabi ng hari, “Anong ibig mo?”

17 Sinabi niya sa kanya, “Panginoon ko, isinumpa mo sa iyong lingkod sa pamamagitan ng Panginoon mong Diyos na sinasabi, ‘Tunay na si Solomon na iyong anak ay maghahari pagkamatay ko, at siya'y uupo sa aking trono.’

18 At ngayo'y si Adonias ay naging hari bagaman hindi mo ito nalalaman, panginoon kong hari.

19 Siya'y nag-alay ng mga baka, mga pinatabang hayop, ng napakaraming tupa, at inanyayahan ang lahat ng anak na lalaki ng hari, at si Abiatar na pari, at si Joab na puno ng hukbo; ngunit si Solomon na iyong lingkod ay hindi niya inanyayahan.

20 Panginoon kong hari, ang paningin[b] ng buong Israel ay nakatuon sa iyo, upang iyong sabihin sa kanila kung sino ang uupo sa trono ng aking panginoong hari pagkamatay niya.

21 Kung hindi, mangyayari na kapag ang aking panginoong hari ay natutulog na kasama ng kanyang mga ninuno, ako at ang aking anak na si Solomon ay mabibilang sa mga may sala.”

Sinang-ayunan ni Natan si Batseba sa Pagtutol

22 Samantalang siya'y nakikipag-usap pa sa hari, pumasok si Natan na propeta.

23 Kanilang isinaysay sa hari, na sinasabi, “Narito si Natan na propeta.” Nang siya'y dumating sa harap ng hari, siya'y yumukod na ang kanyang mukha ay nasa lupa.

24 At sinabi ni Natan, “Panginoon kong hari, iyo bang sinabi, ‘Si Adonias ay maghahari pagkamatay ko, at siya'y uupo sa aking trono’?

25 Sapagkat siya'y lumusong nang araw na ito, at nag-alay ng mga baka, mga pinatabang hayop, at ng napakaraming tupa, at inanyayahan ang lahat ng anak na lalaki ng hari, at ang mga pinuno ng hukbo, at si Abiatar na pari; at narito, sila'y nagkakainan at nag-iinuman sa harap niya at nagsasabi, ‘Mabuhay si Haring Adonias!’

26 Ngunit akong iyong lingkod, si Zadok na pari, si Benaya na anak ni Jehoiada, at ang iyong lingkod na si Solomon ay hindi niya inanyayahan.

27 Ang bagay bang ito ay ginawa ng aking panginoong hari, at hindi mo ipinaalam sa iyong mga lingkod kung sino ang uupo sa trono ng aking panginoong hari pagkatapos niya?”

28 Nang magkagayo'y sumagot si Haring David, “Papuntahin ninyo sa akin si Batseba.” At siya'y pumasok at tumayo sa harap ng hari.

29 Sumumpa ang hari na nagsasabi, “Habang nabubuhay ang Panginoon na tumubos ng aking kaluluwa mula sa lahat ng kagipitan,

30 kung paanong sumumpa ako sa iyo sa pangalan ng Panginoon, ang Diyos ng Israel, na sinasabi, ‘Si Solomon na iyong anak ang maghahari pagkamatay ko, at siya'y uupo sa aking trono na kahalili ko;’ katotohanang gayon ang aking gagawin sa araw na ito.”

31 Nang magkagayo'y iniyukod ni Batseba ang kanyang mukha sa lupa, at nagbigay-galang sa hari, at nagsabi, “Mabuhay magpakailanman ang aking panginoon na haring si David!”

Mga Gawa 26:1-23

Nagtanggol si Pablo sa Harapan ni Agripa

26 Sinabi ni Agripa kay Pablo, “May pahintulot kang magsalita para sa iyong sarili.” Iniunat ni Pablo ang kanyang kamay at ginawa ang kanyang pagtatanggol:

“Itinuturing kong mapalad ako, Haring Agripa, na sa harapan mo ay gagawin ko ang aking pagtatanggol sa araw na ito laban sa lahat ng ipinaratang ng mga Judio;

sapagkat bihasa ka sa lahat ng mga kaugalian at mga usapin ng mga Judio, kaya ipinapakiusap ko sa iyo na matiyaga mo akong pakinggan.

“Ang aking pamumuhay mula sa aking pagkabata, na simula pa'y ginugol ko na sa aking bansa at sa Jerusalem, ay nalalaman ng lahat ng mga Judio.

Nalalaman(A) nila mula pa nang una, kung handa silang magpatunay, na alinsunod sa pinakamahigpit na sekta ng aming relihiyon ay namuhay ako bilang isang Fariseo.

At ngayo'y nakatayo ako rito upang litisin dahil sa pag-asa sa pangakong ginawa ng Diyos sa aming mga ninuno;

na inaasahang matamo ng aming labindalawang lipi sa kanilang masigasig na paglilingkod gabi at araw. At dahil sa pag-asang ito ay isinasakdal ako ng mga Judio, O hari!

Bakit inaakala ninyong hindi kapani-paniwalang binubuhay ng Diyos ang mga patay?

“Ako(B) mismo ay napaniwala na dapat akong gumawa ng maraming mga bagay laban sa pangalan ni Jesus na taga-Nazaret.

10 At ginawa ko ito sa Jerusalem; at hindi ko lamang kinulong sa mga bilangguan ang marami sa mga banal, sa pamamagitan ng awtoridad mula sa mga punong pari, kundi nang sila'y ipapatay, ay ibinibigay ko ang aking pagsang-ayon laban sa kanila.

11 Madalas ko silang pinarurusahan sa lahat ng mga sinagoga at pinipilit ko silang manlapastangan; at sa nag-aalab na pagkagalit sa kanila ay pinag-uusig ko sila maging sa mga lunsod sa ibang lupain.

Isinalaysay ni Pablo ang Kanyang Pagbabagong-loob(C)

12 “Kaya't naglakbay ako patungo sa Damasco na taglay ang awtoridad at pahintulot ng mga punong pari.

13 Nang katanghalian, O hari, ay nakita ko sa daan ang isang liwanag mula sa langit na higit na maliwanag kaysa araw, na nagningning sa palibot ko at sa mga naglalakbay na kasama ko.

14 Nang bumagsak kaming lahat sa lupa ay narinig ko ang isang tinig na nagsasalita sa akin sa wikang Hebreo, ‘Saulo, Saulo, bakit mo ako inuusig? Makakasakit sa iyo ang sumikad sa matutulis.’

15 At sinabi ko, ‘Sino ka ba, Panginoon?’ At sinabi ng Panginoon, ‘Ako'y si Jesus na iyong pinag-uusig.

16 Subalit bumangon ka, at ikaw ay tumindig sapagkat sa layuning ito nagpakita ako sa iyo, upang italaga kang lingkod at maging saksi sa mga bagay na nakita mo sa akin at sa mga bagay na ipapakita ko pa sa iyo.

17 Ililigtas kita sa mga kababayan mo at sa mga Hentil, na sa kanila'y isinusugo kita,

18 upang buksan ang kanilang mga mata, at sila'y magbalik mula sa kadiliman tungo sa liwanag at mula sa kapangyarihan ni Satanas tungo sa Diyos, upang makatanggap sila ng kapatawaran ng mga kasalanan at ng isang pook sa piling ng mga ginawang banal sa pamamagitan ng pananampalataya sa akin.’

Isinalaysay ni Pablo ang Kanyang Paglilingkod

19 “Pagkalipas noon, O Haring Agripa, hindi ako naging suwail sa makalangit na pangitain,

20 kundi(D) ipinangaral muna sa mga nasa Damasco, at pagkatapos ay sa Jerusalem, at sa buong lupain ng Judea, at sa mga Hentil, na sila'y magsisi at magbagong-loob sa Diyos at gumawa ng mga gawang naaangkop sa pagsisisi.

21 Dahil dito hinuli ako ng mga Judio sa templo at pinagsikapang ako'y patayin.

22 Hanggang sa araw na ito ay natatamo ko ang tulong mula sa Diyos, kaya't nakatayo akong nagpapatotoo sa maliliit at gayundin sa malalaki, na walang sinasabi kundi ang sinabi ng mga propeta at ni Moises na mangyayari:

23 na(E) ang Cristo ay dapat magdusa at sa pagiging una sa pagbangon mula sa mga patay, ay ipahayag ang liwanag sa bayan, at gayundin sa mga Hentil.”

Marcos 13:14-27

Ang Karumaldumal na Paglapastangan(A)

14 “Ngunit(B) kapag nakita ninyo ang karumaldumal na paglapastangan na nakatayo sa dakong hindi niya dapat kalagyan (unawain ng bumabasa), kung magkagayo'y dapat nang tumakas sa mga bundok ang mga nasa Judea.

15 At(C) ang nasa bubungan ay huwag nang bumaba, o pumasok upang maglabas ng anuman sa kanyang bahay.

16 Ang nasa bukid ay huwag nang bumalik upang kumuha ng kanyang balabal.

17 Kahabag-habag ang mga nagdadalang-tao at ang mga nagpapasuso ng mga sanggol sa mga araw na iyon!

18 Subalit ipanalangin ninyo na ito'y huwag nawang mangyari sa taglamig.

19 Sapagkat(D) sa mga araw na iyon ay magkakaroon ng kapighatian, na ang gayo'y hindi pa nangyari buhat sa pasimula ng paglikha na nilalang ng Diyos hanggang ngayon, at hindi na mangyayari kailanman.

20 At malibang paikliin ng Panginoon ang mga araw, walang taong[a] makakaligtas, ngunit dahil sa mga hinirang na kanyang pinili, pinaikli niya ang mga araw na iyon.

21 Kung may magsabi sa inyo, ‘Narito ang Cristo!’ o, ‘Tingnan ninyo naroon siya!’ huwag ninyong paniwalaan.

22 Maglilitawan ang mga bulaang Cristo at ang mga bulaang propeta, at magpapakita ng mga tanda at mga kababalaghan, upang mailigaw nila, kung maaari, ang mga hinirang.

23 Ngunit mag-ingat kayo; ipinagpauna ko nang sabihin sa inyo ang lahat ng bagay.

Ang Pagdating ng Anak ng Tao(E)

24 “Ngunit(F) sa mga araw na iyon, pagkatapos ng kapighatiang iyon, magdidilim ang araw at ang buwan ay hindi magbibigay ng kanyang liwanag,

25 at(G) malalaglag ang mga bituin mula sa langit, at mayayanig ang mga kapangyarihan sa mga langit.

26 Pagkatapos,(H) makikita nila ang Anak ng Tao na dumarating sa mga ulap na may dakilang kapangyarihan at kaluwalhatian.

27 Pagkatapos ay susuguin niya ang mga anghel at titipunin ang kanyang mga hinirang mula sa apat na hangin, mula sa mga dulo ng lupa hanggang sa mga dulo ng langit.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001