Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 82

Diyos ang Kataas-taasang Hari

Awit ni Asaf.

82 Ang Diyos ang namumuno ng pulong sa kalangitan,
    sa pulong ng mga diyos, ganito ang kapasyahan:
“Dapat ninyong itigil na, paghatol na hindi tama,
    tumigil na ng paghatol na panig sa masasama. (Selah)[a]
Bigyan ninyong katarungan ang mahina at ulila,
    at huwag ninyong aapihin ang mahirap at may dusa.
Ang marapat na tulunga'y ang mahina at mahirap, sa kamay ng masasama sila'y dapat na iligtas!

“Anong pagkamangmang ninyo, wala kayong nalalaman!
    Sa gitna ng kadilima'y doon kayo nananahan,
    sa ibabaw ng daigdig ay wala nang katarungan.
Ang(A) sabi ko, kayo'y diyos, anak ng Kataas-taasan,
ngunit tulad nitong tao, lahat kayo'y mamamatay;
    katulad din ng prinsipe, papanaw ang inyong buhay.”

O Diyos, ikaw ay magbangon at daigdig pagharian,
    ang lahat ng mga bansa ay hawak ng iyong kamay!

Mga Awit 87

Awit ng Pagpaparangal sa Jerusalem

Isang Awit na katha ng angkan ni Korah.

87 Sa Bundok ng Zion, itinayo ng Diyos ang banal na lunsod,
ang lunsod na ito'y
    higit niyang mahal sa alinmang bayan ng angkan ni Jacob.
Kaya't iyong dinggin
    ang ulat sa iyong mabubuting bagay, O lunsod ng Diyos: (Selah)[a]

“Kapag isinulat ko at ang mga bansang sa iyo'y sasama,
    aking ibibilang ang bansang Egipto at ang Babilonia;
ibibilang ko rin bansang Filistia, Tiro at Etiopia.”[b]
At tungkol sa Zion,
    sasabihin nila, “Ang lahat ng bansa ay masasakupan,
    siya'y palalakasin at patatatagin ng Kataas-taasan.”
Si Yahweh ay gagawa,
    ng isang talaan ng lahat ng taong doo'y mamamayan, (Selah)[c]
sila ay aawit, sila ay sasayaw, at sila'y sabay-sabay na magsasabing,
    “Ang aking mga pagpapala'y ang Zion ang bukal.”

Isaias 52:7-12

O(A) kay gandang pagmasdan sa mga kabundukan,
    ang sugong dumarating upang ipahayag ang kapayapaan,
    at nagdadala ng Magandang Balita.
Ipahahayag niya ang tagumpay at sasabihin:
    “Zion, ang Diyos mo ay naghahari!”
Narito! Sisigaw ang nagbabantay,
    dahil sa galak, sama-sama silang aawit;
makikita nila si Yahweh na babalik sa Zion.
Magsiawit kayo,
    mga guhong pader nitong Jerusalem;
sapagkat inaliw ng Diyos ang hinirang niyang bayan;
    iniligtas na niya itong Jerusalem.
10 Sa lahat ng bansa, makikita ng mga nilalang,
    ang kamay ni Yahweh na tanda ng kalakasan;
    at ang pagliligtas ng ating Diyos tiyak na mahahayag.
11 Lisanin(B) ninyo ang Babilonia,
    mga tagapagdala ng kasangkapan ng Templo.
Huwag kayong hihipo ng anumang bagay na ipinagbabawal.
    Manatili kayong malinis at kayo ay mag-alisan.
12 Ngayon ay lalakad kayong hindi na nagmamadali.
    Hindi na kayo magtatangkang tumakas.
Papatnubayan kayo ni Yahweh;
    at iingatan sa lahat ng saglit ng Diyos ng Israel.

Mga Hebreo 2:5-10

Ang Nagsagawa ng Pagliligtas sa Atin

Hindi sa mga anghel ipinamahala ng Diyos ang daigdig na kanyang lilikhain—ang daigdig na aming tinutukoy. Sa(A) halip ay ganito ang sinasabi ayon sa isang bahagi ng Kasulatan:

“Ano ba ang tao upang iyong pahalagahan,
    o ang anak ng tao upang iyong pangalagaan?
Sandaling panahong siya'y ginawa mong mas mababa kaysa mga anghel,
    pinuspos mo siya ng dangal at ng luwalhati, [ginawa mo siyang tagapamahala ng lahat ng iyong nilikha][a]
    at ipinasakop mo sa kanyang kapangyarihan ang lahat ng bagay.”

Nang ipinasakop ng Diyos ang lahat ng bagay sa kapangyarihan ng tao,[b] walang bagay na di ipinailalim sa kanya. Sa kasalukuyan, hindi pa natin nakikitang napapailalim sa kanyang kapangyarihan ang lahat ng bagay. Subalit alam nating si Jesus, kahit na sa kaunting panaho'y ginawang mas mababa kaysa mga anghel, ay binigyan ng karangalan at kaluwalhatian dahil sa pagdurusa niya sa kamatayan. Dahil sa kagandahang-loob ng Diyos sa atin, niloob niyang si Jesus ay makaranas ng kamatayan para sa lahat. 10 Sa pamamagitan ng kanyang pagdurusa, siya'y ginawang ganap ng Diyos at nang sa gayon ay makapagdala siya ng maraming anak patungo sa kaluwalhatian. Ito'y dapat lamang gawin ng Diyos na lumikha at nangangalaga sa lahat ng bagay, sapagkat si Jesus ang tagapanguna ng kanilang kaligtasan.

Mga Awit 110

Si Yahweh at ang Piniling Hari

Isang Awit na katha ni David.

110 Sinabi(A) ni Yahweh,
sa aking Panginoon, “Maupo ka sa kanan ko,
hanggang lubusan kong mapasuko sa iyo ang mga kaaway mo.”

Magmula sa dakong Zion,
ay palalawakin niya ang lupaing iyong sakop;
“At lahat ng kaaway mo'y
sakupin at pagharian,” gayon ang kanyang utos.
Sasamahan ka ng madla,
kung dumating ang panahong lusubin ka ng kaaway;
magmula sa mga bundok,
lalabas at sasamahan ka ng mga kabataan.

Si(B) Yahweh ay may pangako
at ang kanyang sinabi, hinding-hindi magbabago:
“Ikaw ay pari magpakailanman,
ayon sa pagkapari ni Melquisedec.”

Si Yahweh ay naroroong
nakaupo sa kanan mo, at kapag siya ay nagalit,
ang lahat ng mga hari ay tiyak na malulupig.
Siya'y hukom na hahatol
sa lahat ng mga bansa; sa labanang walang puknat,
marami ang malalagas!
Sapagkat ang mga hari'y lulupigin niyang lahat.
Sa batis sa lansangan,
itong hari ay iinom, at sisigla ang katawan;
sa lakas na tataglayin, matatamo ang tagumpay.

Mga Awit 132

Awit ng Parangal para sa Templo

Isang Awit ng Pag-akyat upang Sumamba.

132 Alalahanin mo, O Yahweh, si David na iyong alipin;
    huwag mong lilimutin ang lahat ng hirap na kanyang tiniis.
Alalahanin mo ang kanyang pangakong ginawa sa iyo,
    O Dakilang Diyos ng bansang Israel, wika niya'y ganito:
3-5 “Di ako uuwi, nangangako ako na hindi hihimlay,
    hangga't si Yahweh ay wala pang lugar na matitirahan,
    isang templong laan sa Makapangyarihang Diyos ni Jacob.”

Aming(A) nabalitaang nasa Bethlehem ang Kaban ng Tipan,
    sa bukid ng Jaar namin nasumpungan.
Ang aming sinabi, “Ang templo ni Yahweh ay puntahan natin,
    sa harap ng trono siya ay sambahin!”

Sa iyong tahanan, Yahweh, pumasok ka kasama ang kaban,
    ang kabang sagisag ng kapangyarihan.
Iyong mga pari, hayaang maghayag ng iyong pagliligtas,
    ang mga hinirang sumigaw sa galak!

10 Alang-alang naman sa lingkod mong si David,
    ang piniling hari, ay huwag mong itakwil.
11 Ang(B) iyong pangako, kay David mong lingkod,
    huwag mong babawiin,
ganito ang iyong pangakong habilin:
    “Isa sa anak mo ang gagawing hari upang mamahala,
    matapos na ika'y pumanaw sa lupa.
12 Kung magiging tapat ang mga anak mo sa bigay kong tipan,
    at ang mga utos ko ay igagalang,
    ang mga anak mo'y pawang maghaharing walang katapusan.”

13 Pinili ni Yahweh,
    na maging tahanan ang Lunsod ng Zion.
14 Ito ang wika niya: “Doon ako titira panghabang panahon,
    ang paghahari ko'y magmumula roon.
15 Ang lahat ng bagay na hingin ng Zion, aking ibibigay,
    hindi magugutom ang dahop sa buhay.
16 Iyong mga pari hayaang maghayag sa aking pagliligtas,
    ang mga hinirang sumigaw sa galak.
17 Sa(C) lipi ni David, ako ay kukuha ng haring dakila,
    upang maingatan ang pagpapatuloy ng pamamahala.
18 Yaong kaharian niya ay uunlad at mananagana,
    ngunit kaaway niya'y lahat mapapahiya.”

Juan 1:9-14

Ito ang tunay na ilaw: dumarating ito sa sanlibutan upang magbigay liwanag sa lahat ng tao.[a]

10 Dumating ang Salita sa sanlibutan ngunit hindi siya kinilala ng sanlibutang ito na nilikha sa pamamagitan niya. 11 Pumunta siya sa kanyang bayan ngunit hindi siya tinanggap ng sarili niyang kababayan. 12 Subalit ang lahat ng tumanggap at sumampalataya sa kanya ay binigyan niya ng karapatang maging mga anak ng Diyos. 13 Sila ay naging mga anak ng Diyos, hindi dahil sa isinilang sila ayon sa kalikasan o sa kagustuhan o sa kagagawan ng tao, kundi ayon sa kalooban ng Diyos.

14 Naging tao ang Salita at nanirahan sa piling namin. Nakita namin ang kaluwalhatiang tunay na kanya bilang kaisa-isang Anak ng Ama. Siya ay puspos ng kagandahang-loob at ng katotohanan.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.