Book of Common Prayer
Panalangin ng Isang Maysakit
Awit na katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit.
41 Mapalad ang isang taong tumutulong sa mahirap,
si Yahweh ang kakalinga kung siya nama'y mabagabag.
2 Buhay niya'y iingatan, si Yahweh lang ang may hawak,
sa kamay man ng kaaway, hindi siya masasadlak,
at doon sa bayan niya'y ituturing na mapalad.
3 Si Yahweh rin ang tutulong kung siya ay magkasakit,
ang nanghina niyang lakas ay ganap na ibabalik.
4 Ang pahayag ko kay Yahweh, “Tunay akong nagkasala,
iyo akong pagalingin, sa akin ay mahabag ka!”
5 Yaong mga kaaway ko, ang palaging binabadya,
“Kailan ka mamamatay, ganap na mawawala?”
6 Yaong mga dumadalaw sa akin ay hindi tapat;
ang balitang masasama ang palaging sinasagap,
at saan ma'y sinasabi upang ako ay mawasak.
7 Ang lahat ng namumuhi'y ang lagi nilang usapan,
ako raw ay ubod sama, ang panabi sa bulungan.
8 Ang sakit ko, sabi nila, ay wala nang kagamutan,
hindi na makakabangon sa banig ng karamdaman.
9 Lubos(A) akong nagtiwala sa tapat kong kaibigan
kasalo ko sa tuwina, karamay sa anuman;
ngunit ngayon, lubos siyang naging taksil na kalaban.
10 Sa akin ay mahabag ka, Yahweh, ako'y kaawaan;
ibalik mo ang lakas ko't kaaway ko'y babalingan.
11 Kung ikaw ay nalulugod, ganito ko malalaman,
sa aki'y di magwawagi kahit sino ang kaaway.
12 Tulungan mo ako ngayon, yamang ako'y naging tapat.
Sa piling mo ay patuloy na ingatan akong ganap.
13 Purihin(B) si Yahweh, ang Diyos ng Israel!
Purihin siya, ngayon at magpakailanman!
Amen! Amen!
Ang Hatol at Habag ng Diyos
Maskil[a] (A) ni David, upang awitin ng Punong Mang-aawit, nang si Doeg na isang Edomita ay nagpunta at magsumbong kay Saul na, “Si David ay nagpunta sa bahay ni Ahimelec”.
52 O taong malakas, bakit ka nagyabang
sa gawa mong mali?
Pag-ibig ng Diyos ang mamamalagi.
2 Balak mo'y wasakin
ang iba, ng iyong matalim na dila
ng pagsisinungaling.
3 Higit na matindi
ang iyong pag-ibig sa gawang masama,
higit na nais mo'y
kasinungalingan kaysa gawang tama. (Selah)[b]
4 Taong sinungaling
ang iba'y gusto mong saktan sa salita.
5 Kaya't wawasaki't
aal'sin ka ng Diyos sa loob ng tolda,
sa mundo ng buháy aalisin ka niya. (Selah)[c]
6 Ito'y makikita
ng mga matuwid, matatakot sila,
at ang sasabihing pawang nagtatawa:
7 “Masdan mo ang taong
sa Diyos di sumampalataya,
sa taglay niyang yaman nanangan
at nagpakalakas sa kanyang kasamaan.”
8 Kahoy na olibo
sa tabi ng templo, ang aking katulad;
nagtiwala ako
sa pag-ibig ng Diyos na di kumukupas.
9 Di ako titigil
ng pasasalamat sa iyong ginawa,
ang kabutihan mo'y
ipahahayag ko, kasama ng madla.
Panalangin Upang Iligtas
Isang Maskil[a] ng angkan ni Korah, upang awitin ng Punong Mang-aawit.
44 Ang gawa mo noong una dakilang mga bagay,
narinig po namin, O Diyos, sa ninuno naming mahal;
2 Pinalayas mo ang Hentil sa sarili nilang bayan,
at ang mga hinirang mo ang siya mong inilagay;
sila'y iyong pinagpala't pinaunlad yaong buhay,
samantalang iyong iba ay parusa ang nakamtan,
3 hindi sila ang gumapi sa lupain na minana,
hindi sila nagtagumpay dahilan sa lakas nila;
hindi tabak ang ginamit, ni ginamit na sandata,
kundi lakas mo, O Diyos, noong ikaw ang kasama;
oo, ito'y ginawa mo pagkat mahal mo nga sila.
4 O Diyos, ikaw ang hari ko na nagbigay ng tagumpay,
pagwawagi'y kaloob mo sa bayang iyong hinirang.
5 Dahilan sa iyong lakas, talo namin ang kaaway,
pagkat ikaw ang kasama, kaya sila napipilan.
6 Palaso ko, aking tabak, hindi ko rin inasahan,
upang itong kaaway ko ay magapi sa labanan.
7 Ngunit ikaw ang nanguna kaya kami nagtagumpay,
sa sinumang namumuhing malulupit na kaaway.
8 Kaya naman, ikaw, O Diyos, lagi naming pupurihin;
sa papuri't pasalamat ika'y aming tatanghalin. (Selah)[b]
9 Ngunit ngayo'y itinakwil, kaya kami
ay nalupig,
hukbo nami'y binayaa't hindi mo na tinangkilik;
10 Hinayaan mo nga kami kaya kami ay tumakas;
aming mga naiwanan ay sinamsam nilang lahat.
11 Kami'y iyong binayaang katayin na parang tupa,
matapon sa ibang bansa upang doon ay magdusa.
12 Kami'y iyong pinagbili sa maliit na halaga;
sa ginawang pagbebenta walang tubo na nakuha.
13 Sa sinapit naming ito, mga bansa ay nagtawa,
kinukutya kaming lagi, iniinis sa tuwina.
14 Pati bansang walang Diyos, sa gitna ng sanlibutan,
sa nangyari'y umiiling bilang tanda ng pag-uyam.
15 At lagi kong alaala mapait na karanasan,
aking puso ay nanlumo sa malaking kahihiyan.
16 Ang malaking kahihiyang ngayo'y aking tinataglay,
ay bunga ng pang-iinis at pagkutya ng kaaway.
17 Sa ganitong karanasan, kami'y lubhang nagtataka;
ikaw nama'y nakaukit sa isipa't alaala,
at ang tipan mo sa ami'y sinusunod sa tuwina.
18 Hindi namin sinusuway yaong iyong mga batas,
hanggang ngayo'y tapat kami, hindi kami lumalabag.
19 Gayon pa ma'y iniwan mo, kami'y iyong binayaan,
sa gitna ng mga ganid at pusikit na karimlan.
20 Kung pagsamba sa ating Diyos kusa naming itinigil,
at sa ibang mga diyos doon kami dumalangin,
21 ito'y iyong mababatid pagkat sa iyo'y walang lihim,
sa iyo ay walang lingid na isipan at damdamin.
22 Dahil(A) po sa inyo'y buong araw kaming pinapatay,
turing nila sa amin ay mga tupang pangkatay.
23 Gumising ka sana, Yahweh! Sa paghimlay ay gumising.
Bumangon ka! Kailanma'y 'wag po kaming itatakwil.
24 Kami'y huwag pagkublihan, pagtaguan ay huwag din,
ang pangamba nami't hirap, huwag mo pong lilimutin.
25 Halos kami ay madurog nang bumagsak na sa lupa;
sa bunton ng alikabok ay lupig na nabulagta.
26 Bumangon ka at tumulong, kami ngayon ay iligtas,
dahilan sa pag-ibig mong kailanma'y di kukupas!
Babala Laban sa Pagtalikod kay Yahweh
11 “Huwag(A) ninyong kalilimutan si Yahweh na inyong Diyos. Sundin ninyo ang kanyang mga utos at mga tuntunin. 12 Kung kayo'y namumuhay na nang sagana, nakatira na sa magagandang bahay, 13 at marami nang alagang hayop, at marami nang naipong pilak at ginto, 14 huwag kayong magmamalaki. Huwag ninyong kalilimutan si Yahweh na nagpalaya sa inyo mula sa pagkaalipin sa bansang Egipto. 15 Siya ang pumatnubay sa inyo sa inyong paglalakbay sa malawak at nakakatakot na ilang na puno ng makamandag na mga ahas at alakdan. Nang wala kayong mainom, nagpabukal siya ng tubig mula sa isang malaking bato. 16 Kayo'y pinakain niya roon ng manna, isang pagkaing hindi ninyo kilala. Pinaranas niya kayo ng hirap para kayo'y subukin, at turuang magpakumbaba; ang lahat ng iyo'y sa ikabubuti rin ninyo. 17 Kaya, huwag na huwag ninyong iisipin na ang kayamanan ninyo'y bunga ng sariling lakas at kakayahan. 18 Subalit alalahanin ninyong si Yahweh na inyong Diyos ang nagbibigay sa inyo ng lakas upang yumaman kayo. Ginagawa niya ito bilang pagtupad niya sa kanyang pangako sa inyong mga ninuno. 19 Kapag siya'y tinalikuran ninyo at sumamba kayo sa diyus-diyosan, ngayon pa'y binabalaan ko na kayo na malilipol kayo. 20 Kung hindi ninyo papakinggan ang kanyang tinig, malilipol kayo tulad ng nangyari sa mga bansang ipinalipol sa inyo ni Yahweh.
11 Si Jesus ang nagpapabanal sa mga tao. Ang kanyang Ama at ang Ama ng mga taong ito ay iisa, kaya't hindi niya ikinahihiyang tawagin silang mga kapatid. 12 Sinabi(A) niya sa Diyos,
“Ipapahayag ko sa aking mga kapatid ang iyong pangalan,
sa gitna ng kapulungan ika'y papupurihan.”
13 Sinabi(B) rin niya,
“Ako'y mananalig sa Diyos.”
At dugtong pa niya,
“Narito ako, at ang mga anak na kaloob sa akin ng Diyos.”
14 Dahil sa ang mga anak na tinutukoy niya ay tao, naging tao rin si Jesus at tulad nila'y may laman at dugo. Ginawa niya ito upang sa pamamagitan ng kanyang kamatayan ay mawasak niya ang diyablo na siyang may kapangyarihan sa kamatayan. 15 Sa pamamagitan din ng kanyang kamatayan ay pinalaya niya ang lahat ng tao na buong buhay nila'y inalipin ng takot sa kamatayan. 16 Hindi(C) ang mga anghel ang kanyang tinutulungan, sa halip ay ang mga anak ni Abraham. 17 Kaya't kinailangang matulad siya sa kanyang mga kapatid sa lahat ng paraan. Upang siya'y maging isang Pinakapunong Pari na mahabagin at tapat na naglilingkod sa Diyos at nag-aalay ng handog para mapatawad ang mga kasalanan ng tao. 18 At ngayo'y matutulungan niya ang mga tinutukso, sapagkat siya man ay tinukso at nagdusa.
Ang Unang Himala ni Jesus
2 Nang ikatlong araw, may kasalan sa Cana sa Galilea, at naroon ang ina ni Jesus. 2 Si Jesus at ang kanyang mga alagad ay inanyayahan din sa kasalan. 3 Naubos ang alak, kaya't sinabi ng ina ni Jesus sa kanya, “Anak, wala na silang alak.”
4 Sinabi ni Jesus, “Ipaubaya na lang po ninyo ito sa akin, Ginang.[a] Hindi pa ito ang aking tamang oras.”
5 Sinabi ng kanyang ina sa mga naglilingkod, “Gawin ninyo ang anumang sabihin niya sa inyo.”
6 May anim na banga doon, ang bawat isa'y naglalaman ng dalawampu hanggang tatlumpung galon. Ang mga ito ay nakalaan para sa paghuhugas ayon sa rituwal ng mga Judio. 7 Sinabi ni Jesus sa mga tumutulong doon, “Punuin ninyo ng tubig ang mga banga.”
At pinuno nga nila ang mga banga na halos mag-umapaw. 8 Pagkatapos, sinabi niya, “Kumuha kayo ng kaunti at dalhin ninyo sa namamahala ng handaan.”
Dinalhan nga nila ang namamahala, at 9 tinikman nito ang tubig na naging alak. Hindi niya alam kung saan nanggaling iyon, subalit alam ng mga sumalok ng tubig. Kaya't tinawag niya ang lalaking ikinasal 10 at sinabi, “Ang masarap na alak ay unang inihahain; kapag marami nang nainom ang mga tao, saka inihahain ang mababang uri. Ngunit sa huli ninyo inilabas ang masarap na alak!”
11 Ang nangyaring ito sa Cana sa Galilea ang unang himalang ginawa ni Jesus. Sa pamamagitan nito'y inihayag niya ang kanyang kaluwalhatian at naniwala sa kanya ang mga alagad niya.
12 Pagkatapos(A) nito, pumunta si Jesus sa Capernaum, kasama ang kanyang ina, mga kapatid, at mga alagad. Sila'y nanatili roon nang ilang araw.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.