Book of Common Prayer
Diyos ang Siyang Huhusga
Isang Awit na katha ni Asaf upang awitin ng Punong Mang-aawit.
75 Salamat, O Diyos, maraming salamat,
sa iyong pangalan kami'y tumatawag,
upang gunitain sa lahat ng oras ang mga gawa mo na kahanga-hanga.
2 Wika ng Panginoon, “Sa takdang panahon,
walang pagtatanging ako ay hahatol.
3 Itong mundong ito'y kahit na mayanig,
maubos ang tao dito sa daigdig,
ang saligan nito'y aking ititindig.” (Selah)[a]
4 “Sabi ko sa hambog sila ay mag-ingat, at ang masasama'y huwag magpasikat.
5 Ang pagmamalaki'y dapat na iwasan, kung magsasalita'y gawing malumanay.”
6 Hindi sa silangan, hindi sa kanluran,
hindi rin sa timog o sa hilaga man magmumula, hatol na inaasahan.
7 Tanging Diyos lamang ang siyang hahatol,
sa mapapahamak o sa magtatagumpay.
8 Si Yahweh na Diyos ay may kopang hawak,
sariwa't matapang yaong lamang alak;
ipauubaya niyang ito'y tunggain
ng taong masama, hanggang sa ubusin.
9 Subalit ako ay laging magagalak;
ang Diyos ni Jacob, aking itataas.
10 Lakas ng masama'y papatiding lahat,
sa mga matuwid nama'y itataas!
Diyos ang Magtatagumpay
Awit na katha ni Asaf upang awitin ng Punong Mang-aawit: sa saliw ng mga instrumentong may kuwerdas.
76 Tunay na si Yahweh'y kilala sa Juda,
sa buong Israel, dakilang talaga;
2 nasa Jerusalem ang tahanan niya,
sa Bundok ng Zion, doon tumitira.
3 Lahat ng sandata ng mga kaaway,
mga pana't sundang, baluting sanggalang, doon niya sinirang walang pakundangan. (Selah)[b]
4 O Diyos, dakila ka, ikaw ay maringal
higit pa sa matatag na kabundukan.[c]
5 Walang magawâ, matatapang na kawal, binawi ng Diyos ang taglay na samsam;
nahihimbing sila at nakahandusay,
mga lakas nila, lahat ay pumanaw.
6 Nang ika'y magalit, O Diyos ni Jacob,
sakay at kabayo'y pawang nangalugmok.
7 Ikaw, O Yahweh, kinatatakutan!
Sino ang tatayo sa iyong harapan
kapag nagalit ka sa mga kinapal?
8 Sa iyong paghatol na mula sa langit,
ang lahat sa mundo'y takot at tahimik.
9 Nang ika'y tumayo't gawin ang paglitis,
naligtas ang mga api sa daigdig. (Selah)[d]
10 Ang matinding galit sa iyo ng tao, hahantong na lahat sa pagpuri sa iyo.
Silang nangaligtas sa mga labanan, laging magpupuri at mangagdiriwang.
11 Mga pangako mo kay Yahweh, iyong Diyos, ay iyong tuparin nang tapat sa loob;
dapat na magdala ng mga kaloob ang lahat ng bansa sa iyong palibot.
12 Hambog na prinsipe ay ibinababâ,
tinatakot niya hari mang dakila.
Si Yahweh ang Ating Pastol
Awit ni David.
23 Si Yahweh ang aking pastol, hindi ako magkukulang;
2 pinapahimlay(A) niya ako sa luntiang pastulan,
at inaakay niya sa tahimik na batisan.
3 Pinapanumbalik ang aking kalakasan,
at pinapatnubayan niya sa tamang daan,
upang aking parangalan ang kanyang pangalan.
4 Dumaan man ako sa madilim na libis ng kamatayan,
wala akong katatakutan, pagkat ika'y aking kaagapay.
Ang tungkod mo at pamalo, aking gabay at sanggalang.
5 Ipinaghahanda mo ako ng salu-salo,
na nakikita pa nitong mga kalaban ko;
sa aking ulo langis ay ibinubuhos,
sa aking saro, pagpapala'y lubus-lubos.
6 Kabutiha't pag-ibig mo sa aki'y di magkukulang, siyang makakasama ko habang ako'y nabubuhay;
at magpakailanma'y sa bahay ni Yahweh mananahan.
Panalangin ng Pagpupuri
Katha ni David.
27 Si Yahweh ang ilaw ko at kaligtasan;
sino pa ba ang aking katatakutan?
Si Yahweh ang muog ng aking buhay,
sino pa ba ang aking kasisindakan?
2 Kung buhay ko'y pagtangkaan ng taong masasama,
sila'y mga kalaban ko at mga kaaway nga,
mabubuwal lamang sila at mapapariwara.
3 Kahit isang hukbo ang sa aki'y pumalibot,
hindi pa rin ako sa kanila matatakot;
salakayin man ako ng mga kaaway,
magtitiwala pa rin ako sa Maykapal.
4 Kay Yahweh ay isang bagay lang ang aking hiniling,
iisa lamang talaga ang aking hangarin:
ang tumira sa Templo niya habang buhay,
upang kagandahan ni Yahweh'y aking mapagmasdan,
at doo'y humingi sa kanya ng patnubay.
5 Itatago niya ako kapag may kaguluhan,
sa loob ng kanyang Templo ako'y iingatan;
sa ibabaw ng batong malaki ako'y ilalagay.
6 Matatalo ko ang mga nakapaligid kong kaaway.
Sa Templo'y sisigaw nang may kagalakan, habang mga handog ko'y iniaalay;
aawitan ko si Yahweh at papupurihan.
7 Pakinggan mo ako, Yahweh, sa aking panawagan,
sagutin mo ako at iyong kahabagan.
8 Nang sabihin mo, Yahweh, “Lumapit ka sa akin,”
sagot ko'y, “Nariyan na ako at kita'y sasambahin.”
9 Huwag ka sanang magagalit sa akin;
ang iyong lingkod, huwag mo sanang palayasin.
Tinulungan mo ako, Diyos ng aking kaligtasan,
huwag mo po akong iwan, at huwag pabayaan!
10 Itakwil man ako ng aking ama at ina,
si Yahweh ang sa akin ay mag-aaruga.
11 Ituro mo sa akin, Yahweh, ang iyong kagustuhan,
sa ligtas na landas ako'y iyong samahan,
pagkat naglipana ang aking mga kaaway.
12 Sa mga kaaway ay huwag akong ipaubaya,
na kung lumulusob ay mga pagbabanta at kasinungalingan ang dalang sandata.
13 Naniniwala akong bago ako mamatay,
kabutihan ni Yahweh'y aking masasaksihan.
14 Kay Yahweh tayo'y magtiwala!
Manalig sa kanya at huwag manghinawa.
Kay Yahweh tayo magtiwala!
Nagbabala ang Diyos sa Kanyang Bayan
20 Sabihin mo sa mga anak ni Jacob; gayundin sa mga taga-Juda: 21 “Makinig(A) kayo, mga hangal; may mga mata kayo ngunit hindi naman makakita, may mga tainga ngunit hindi naman makarinig. 22 Ako(B) si Yahweh; hindi ba kayo natatakot sa akin o nanginginig sa presensya ko? Ako ang naglagay ng buhangin upang maging hangganan ng karagatan, isang palagiang hangganan na hindi kayang bagtasin. Kahit magngalit ang dagat at tumaas ang mga alon, hindi sila makakalampas dito. 23 Ngunit kayo'y mapaghimagsik at matitigas ang ulo; tinalikuran ninyo ako at nilayuan. 24 Hindi man lamang ninyo inisip na parangalan si Yahweh na inyong Diyos, gayong siya ang nagbibigay ng ulan sa takdang panahon, at nagpapasapit sa panahon ng pag-aani taun-taon. 25 At sa halip, nagiging hadlang ang inyong mga kasalanan upang makamit ang mabubuting bagay na ito.
26 “Tumira sa aking bayan ang manggagawa ng kasamaan; mga nanghuhuli ng ibon ang katulad nila. Ang pagkakaiba lamang, mga tao ang binibitag nila. 27 Kung paanong pinupuno ng isang nanghuhuli ng ibon ang kanyang hawla, gayon nila pinupuno ng mga ninakaw ang kanilang mga bahay. Kaya naging mayaman sila at naging makapangyarihan. 28 Lagi silang busog at matataba. Sukdulan na ang kanilang kasamaan. Inaapi nila ang mga ulila at hindi makatarungan ang paglilitis na kanilang ginagawa. Hindi nila ipinagtatanggol ang karapatan ng mga kaawa-awa.
29 “Dahil dito'y paparusahan ko sila; maghihiganti ako sa kanilang bansa. Akong si Yahweh ang nagsasabi nito. 30 Nakakapangilabot at nakakatakot ang nangyari sa buong lupain. 31 Pawang kasinungalingan ang pahayag ng mga propeta; ang kanilang utos ang sinusunod ng mga pari, at hindi naman tumututol ang aking bayan. Subalit ano ang gagawin ninyo kapag nagwakas na ang lahat?”
19 Alam natin na anumang sinasabi ng Kautusan ay sinasabi sa mga nasasakop nito upang walang maidahilan ang sinuman, at dahil dito'y mananagot ang lahat sa Diyos. 20 Walang(A) taong mapapawalang-sala sa paningin ng Diyos sa pamamagitan ng pagsunod sa Kautusan, sapagkat ang ginagawa ng Kautusan ay ang ipaalam sa tao na siya'y nagkasala.
Ang Pagpapawalang-sala ng Diyos sa Tao
21 Ngunit ngayo'y nahayag na kung paano ginagawang matuwid ng Diyos ang tao. Ito'y hindi sa pamamagitan ng Kautusan; bagaman ang Kautusan at ang mga Propeta ang nagpapatotoo tungkol dito. 22 Ginagawang matuwid ng Diyos ang lahat sa pamamagitan ng kanilang pananampalataya kay Jesu-Cristo. Walang pagkakaiba ang mga tao, 23 sapagkat ang lahat ay nagkasala, at walang sinumang nakaabot sa kaluwalhatian ng Diyos. 24 Ngunit dahil sa kanyang kagandahang-loob na walang bayad niyang ibinigay, sila ay itinuring na matuwid sa pamamagitan ni Cristo Jesus na siyang nagpapalaya sa kanila. 25 Siya ang inialay ng Diyos bilang handog, upang sa pamamagitan ng kanyang dugo ay mapatawad ang kasalanan ng lahat ng sumasampalataya sa kanya. Ginawa ito ng Diyos upang patunayang siya'y matuwid, sapagkat noong unang panahon ay nagtimpi siya at pinagtiisan ang mga kasalanang nagawa ng mga tao. 26 Ngunit ngayon ay ipinapakita ng Diyos na siya'y matuwid at itinuturing niyang matuwid ang mga sumasampalataya kay Jesus.
27 Kaya't ano ngayon ang ating maipagmamalaki? Wala! At bakit naman tayo magmamalaki? Dahil ba sa ating pagsunod sa Kautusan? Hindi! Kundi dahil sa ating pananampalataya kay Cristo. 28 Kung gayon, maliwanag na sa pamamagitan ng pananampalataya itinuturing na matuwid ang tao, at hindi sa pamamagitan ng pagtupad sa Kautusan. 29 Ang Diyos ba'y Diyos lamang ng mga Judio? Hindi ba't Diyos din siya ng mga Hentil? Oo, siya'y Diyos din ng mga Hentil, 30 sapagkat(B) iisa lamang ang Diyos. Kapwa niya ituturing na matuwid ang mga Judio at mga Hentil batay sa kanilang pananampalataya. 31 Pinapawalang-saysay ba namin ang Kautusan dahil sa pananampalatayang ito? Hinding-hindi! Sa halip, pinapagtibay pa nga namin ito.
Hindi Sumampalataya kay Jesus ang Kanyang mga Kapatid
7 Pagkatapos nito'y nilibot ni Jesus ang Galilea. Iniwasan niya ang Judea dahil nais siyang patayin ng mga pinuno ng mga Judio roon. 2 Nalalapit(A) na noon ang Pista ng mga Tolda, isa sa mga pista ng mga Judio, 3 kaya't sinabi kay Jesus ng kanyang mga kapatid, “Bakit hindi ka umalis dito at pumunta sa Judea para makita ng iyong mga tagasunod ang ginagawa mo? 4 Walang taong naglilihim ng kanyang ginagawa kung ang hangad niya'y maging tanyag. Ginagawa mo rin lamang ang mga bagay na ito, magpakilala ka na sa sanlibutan.” 5 Maging ang mga kapatid ni Jesus ay hindi naniniwala sa kanya.
6 Sumagot si Jesus, “Hindi pa dumating ang aking panahon; sa inyo'y maaari kahit anong panahon. 7 Hindi kayo kapopootan ng sanlibutan, ngunit ako'y kinapopootan nila, sapagkat pinapatotohanan kong masasama ang mga gawa nito. 8 Kayo na lamang ang pumunta sa pista. Hindi ako pupunta[a] sapagkat hindi pa dumating ang aking panahon.” 9 Pagkasabi nito, nagpaiwan siya sa Galilea.
Nagturo si Jesus sa Pista ng mga Tolda
10 Pagkaalis ng kanyang mga kapatid, si Jesus ay palihim na pumunta rin sa pista. 11 Hinahanap siya roon ng mga Judio. “Nasaan kaya siya?” tanong nila. 12 Pabulong na pinag-uusapan siya ng marami. “Siya'y mabuting tao,” sabi ng ilan. “Hindi, inililigaw niya ang mga tao,” sabi naman ng iba. 13 Ngunit walang nangahas magsalita nang hayagan tungkol sa kanya dahil sa takot sa mga pinuno ng mga Judio.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.