Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 37

Ang Kahihinatnan ng Masama at ng Mabuti

Katha ni David.

37 Huwag kang mabalisa dahil sa masama;
    huwag mong kainggitan liko nilang gawa.
Katulad ng damo, sila'y malalanta,
    tulad ng halaman, matutuyo sila.
Umasa ka sa Diyos, ang mabuti'y gawin,
    at mananahan kang ligtas sa lupain.
Kay Yahweh mo hanapin ang kaligayahan,
    at ang pangarap mo'y iyong makakamtan.

Ang iyong sarili'y sa kanya italaga,
    tutulungang ganap kapag ika'y nagtiwala.
Ang kabutihan mo ay magliliwanag,
    katulad ng araw kung tanghaling-tapat.
Sa harap ni Yahweh ay pumanatag ka, maging matiyagang maghintay sa kanya;
    huwag mong kainggitan ang gumiginhawa,
    sa likong paraan, umunlad man sila.

Huwag kang mapopoot ni mababalisa, iyang pagkagalit, iwasan mo sana;
    walang kabutihang makakamtan ka.
Ang nagtitiwala kay Yahweh, mabubuhay, ligtas sa lupain at doon tatahan,
    ngunit ang masama'y ipagtatabuyan.

10 Hindi magtatagal, sila'y mapaparam,
    kahit hanapin mo'y di masusumpungan.
11 Tatamuhin(A) ng mga mapagpakumbaba, ang lupang pangako na kanyang pamana;
    at sa lupang iyon na napakasagana, ang kapayapaa'y matatanggap nila.

12 Ang taong masama'y laban sa matuwid,
    napopoot siyang ngipi'y nagngangalit.
13 Si Yahweh'y natatawa lang sa masama,
    pagkat araw nila lahat ay bilang na.

14 Taglay ng masama'y pana at patalim,
    upang ang mahirap dustai't patayin,
    at ang mabubuti naman ay lipulin.
15 Ngunit sa sariling tabak mamamatay,
    pawang mawawasak pana nilang taglay.

16 Higit na mabuti ang may kakaunti ngunit matuwid at walang kinakanti,
    kaysa kayamanan nitong masasama, pagsamahin mang lahat, ito'y balewala.
17 Lakas ng masama ay aalisin,
    ngunit ang matuwid ay kakalingain.

18 Iingatan ni Yahweh ang taong masunurin,
    ang lupang minana'y di na babawiin.
19 Kahit na sumapit ang paghihikahos,
    di daranasin ang pagdarahop.
20 Ngunit ang masama'y pawang mamamatay;
    kalaban ni Yahweh, tiyak mapaparam, tulad ng bulaklak at mga halaman;
    para silang usok na paiilanlang.

21 Anumang hiramin ng taong masama, di na ibabalik sa kanyang kapwa,
    ngunit ang matuwid na puso'y dakila, ang palad ay bukás at may pang-unawa.
22 Lahat ng mga taong pinagpala ni Yahweh, lupang masagana, kanilang bahagi;
    ngunit ang sinuman na kanyang sumpain, sa lupaing iyon ay palalayasin.

23 Ang gabay ng tao sa kanyang paglakad, ay itong si Yahweh, kung nais maligtas;
    sa gawain niya, ang Diyos nagagalak.
24 Kahit na mabuwal, siya ay babangon,
    pagkat si Yahweh, sa kanya'y tutulong.

25 Mula pagkabata't ngayong tumanda na,
    sa tanang buhay ko'y walang nabalita na sa taong tapat, ang Diyos nagpabaya;
    o ang anak niya'y naging hampaslupa.
26 Sa lahat ng oras, bukás pa ang palad sa pagkakaloob sa mga mahirap;
    pagpapala'y laan ng kanilang mga anak.

27 Masama'y itakwil, mabuti ang gawin,
    upang manahan kang lagi sa lupain.
28 Ang lahat ng taong wasto ang gawain,
    ay mahal ni Yahweh, hindi itatakwil.
Sila'y iingatan magpakailanman,
    ngunit ang masama ay ihihiwalay.
29 Ang mga matuwid, ligtas na titira,
    at di na aalis sa lupang pamana.

30 Sa bibig ng matuwid namumutawi'y karunungan;
    at sa labi nila'y pawang katarungan.
31 Ang utos ng Diyos ang laman ng puso,
    sa utos na ito'y hindi lumalayo.

32 Ang taong masama'y laging nag-aabang,
    sa taong matuwid nang ito'y mapatay;
33 ngunit hindi naman siya hahayaang mahulog sa kamay ng mga kaaway;
    di rin magdurusa kahit paratangan.

34 Manalig ka kay Yahweh, utos niya'y sundin;
    ikaw ay lalakas upang ang lupain ay kamtin,
    at ang mga taksil makikitang palalayasin.

35 Ako'y may nakitang taong abusado,
    itaas ang sarili ang kanyang gusto; kahoy sa Lebanon ang tulad nito.
36 Lumipas ang araw, ang aking napuna, nang ako'y magdaan, ang tao'y wala na;
    hinanap-hanap ko'y di ko na makita.

37 Ang taong matuwid ay inyong pagmasdan,
    mapayapang tao'y patuloy ang angkan.
38 Ngunit wawasaking lubos ang masama,
    lahi'y lilipulin sa balat ng lupa.

39 Ililigtas ni Yahweh ang mga matuwid,
    iingatan sila kapag naliligalig.
40 Sasaklolohan sila't kanyang tutulungan
    laban sa masama, ipagsasanggalang;
    sapagkat si Yahweh ang kanilang sandigan.

Deuteronomio 7:6-11

Kayo(A) ay bansang itinalaga kay Yahweh. Hinirang niya kayo sa lahat ng bansa upang maging kanyang sariling bayan.

“Pinili niya kayo at inibig hindi dahil mas marami kayo kaysa ibang mga bansa, sa katunayan, kayo pa nga ang pinakakaunti sa lahat. Pinili niya kayo dahil sa pag-ibig niya sa inyo, at sa kanyang pangako sa inyong mga ninuno. Ito rin ang dahilan kaya niya kayo iniligtas sa kamay ng Faraon sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan. Kaya't(B) pakatatandaan ninyong si Yahweh na inyong Diyos ay Diyos, at siya ay Diyos na hindi marunong sumira sa pangako. Tapat siya sa lahat ng umiibig sa kanya at sumusunod sa kanyang mga tuntunin. Ipinadarama niya ang kanyang pagmamahal hanggang sa ikasanlibong salinlahi. 10 Subalit nililipol niya ang lahat ng namumuhi sa kanya; hindi makakaligtas sa kanyang parusa ang lahat ng hindi sumusunod sa kanya. 11 Kaya, sundin ninyo ang kautusan at mga tuntuning ito na ibinibigay ko sa inyo ngayon.

Tito 1

Mula kay Pablo, lingkod[a] ng Diyos at apostol ni Jesu-Cristo.

Sinugo ako upang patibayin ang pananampalataya ng mga hinirang ng Diyos, at upang palawakin ang kanilang kaalaman sa katotohanan tungkol sa pamumuhay na maka-Diyos, at bigyan sila ng pag-asa sa buhay na walang hanggan. Bago pa likhain ang sanlibutan, ang buhay na ito'y ipinangako na ng Diyos na kailanma'y hindi nagsisinungaling. Ipinahayag niya ito sa kanyang salita sa takdang panahon, at ako ang napagkatiwalaang mangaral nito, ayon sa utos ng Diyos na ating Tagapagligtas.

Kay Tito, na tunay kong anak sa iisa nating pananampalataya.

Sumaiyo nawa ang pagpapala at kapayapaang mula sa Diyos Ama at mula sa ating Tagapagligtas na si Cristo Jesus.

Mga Gawain ni Tito sa Creta

Iniwan kita sa Creta upang ayusin mo ang mga bagay na dapat pang ayusin at upang magtalaga ka ng matatandang pinuno ng iglesya sa bawat bayan, ayon sa iniutos ko sa iyo. Italaga(A) mo ang mga taong walang kapintasan; isa lamang ang asawa, at ang mga anak ay mananampalataya, may pagpipigil sa sarili at hindi suwail. Bilang katiwala ng Diyos, kailangang walang kapintasan ang isang tagapangasiwa[b] ng iglesya. Hindi siya dapat mayabang, hindi magagalitin, hindi lasenggo, hindi mapusok o sakim, bukás ang tahanan sa mga panauhin, maibigin sa kabutihan, mahinahon, matuwid, may kabanalan, at marunong magpigil sa sarili. Kailangang matatag siyang nananalig sa mga tunay na aral na natutunan niya, upang ito'y maituro naman niya sa iba at maipakita ang kamalian ng mga sumasalungat dito.

10 Sapagkat maraming tao, lalung-lalo na ang mga galing sa Judaismo, ang suwail at nanlilinlang sa iba sa pamamagitan ng mga katuruang walang kabuluhan. 11 Kailangang pigilan sila sa kanilang mga ginagawa sapagkat ginugulo nila ang mga pamilya at nagtuturo ng mga bagay na hindi dapat ituro, kumita lamang sila ng salapi. 12 Isa na ring taga-Creta na kinikilala nilang propeta ang nagsabi, “Ang mga taga-Creta ay palaging sinungaling, asal-hayop, batugan, at matakaw.” 13 Tama ang kanyang sinabi, kaya't mahigpit mo silang pagsabihan upang maging wasto ang kanilang pananampalataya, 14 at huwag nang maniwala pa sa mga alamat ng mga Judio, o sa katuruan ng mga taong tumalikod sa katotohanan. 15 Malinis ang lahat ng bagay sa may malinis na isipan, ngunit sa masasama at di-sumasampalataya, walang bagay na malinis sapagkat marumi ang kanilang budhi at isipan. 16 Ang sabi nila'y kilala nila ang Diyos, ngunit ito'y pinapasinungalingan ng kanilang mga gawa. Sila'y kasuklam-suklam, suwail at hindi nababagay sa gawang mabuti.

Juan 1:29-34

Ang Kordero ng Diyos

29 Kinabukasan, nakita ni Juan si Jesus na lumalapit sa kanya. Sinabi niya, “Tingnan ninyo, siya ang Kordero ng Diyos na nag-aalis ng kasalanan ng sanlibutan. 30 Siya ang tinutukoy ko nang sabihin kong ang dumarating na kasunod ko ay higit sa akin, sapagkat siya'y naroon na bago pa man ako ipanganak. 31 Hindi ko rin siya kilala noon subalit ako'y naparitong nagbabautismo sa tubig upang ipakilala siya sa Israel.”

32 Ganito ang patotoo ni Juan: “Nakita ko ang Espiritu na bumababa na parang isang kalapati na buhat sa langit at nanatili sa kanya. 33 Hindi ko nga siya kilala noon. Ngunit ang nagsugo sa akin upang magbautismo sa tubig ang siyang nagsabi sa akin, ‘Kung kanino mo makitang bumabâ at manatili ang Espiritu, siya ang magbabautismo sa pamamagitan ng Espiritu Santo.’ 34 Ngayon ay nakita ko siya, at pinapatotohanan kong siya ang Anak ng Diyos.”

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.