Book of Common Prayer
Pananalig sa Kautusan ni Yahweh
(Zayin)
49 Ang pangako sa lingkod mo, sana'y iyong gunitain,
pag-asa ang idinulot ng pangako mo sa akin.
50 Sa gitna ng kahirapan, ang nadama ko ay aliw,
pagkat buhay ang natamo sa pangako mo sa akin.
51 Labis akong hinahamak nitong mga taong hambog,
ngunit di ko sinusuway ang bigay mong mga utos.
52 Bumabalik sa gunita ang payo mo noong araw,
ito, Yahweh, sa lingkod mo ang dulot ay kaaliwan.
53 Nag-aapoy ang galit ko sa tuwing nakikita ko,
yaong mga masasamang lumalabag sa batas mo.
54 Noong ako'y mapalayo sa sarili kong tahanan,
ang awiting nilikha ko ay tungkol sa kautusan.
55 Ang ngalan mo'y nasa isip kung kumagat na ang dilim,
Yahweh, aking sinisikap na utos mo'y laging sundin.
56 Nasasalig sa pagsunod ang tunay kong kagalakan,
kaya naman sinusunod ko ang iyong kautusan.
Pagtupad sa Kautusan ni Yahweh
(Kheth)
57 Ikaw lamang, O Yahweh, ang lahat sa aking buhay,
kaya ako'y nangangakong susundin ang kautusan.
58 Taimtim sa aking puso, na ako ay humihiling,
sang-ayon sa pangako mo ay mahabag ka sa akin.
59 Tinanong ko ang sarili kung ano ang nararapat,
ang tugon sa katanunga'y sundin ko ang iyong batas.
60 Kaya ako'y nagdumali, upang hindi na mabalam,
sa hangad kong masunod na ang bigay mong kautusan.
61 Mga taong masasama kahit ako ay gapusin,
ang bigay mong mga utos ay di pa rin lilimutin.
62 Gumigising akong lagi pagsapit ng hatinggabi,
sa matuwid mong paghatol lagi kitang pinupuri.
63 Tapat akong kaibigan ng sa iyo'y naglilingkod,
mga taong buong pusong sa utos mo'y sumusunod.
64 Ang dakilang pag-ibig mo'y laganap sa daigdigan,
ituro sa akin, Yahweh, ang banal mong kautusan.
Ang Kahalagahan ng Kautusan ni Yahweh
(Tet)
65 Tinupad mo, O Yahweh, ang pangakong binitiwan,
kay buti ng ginawa mo sa lingkod mong minamahal.
66 Ako'y bigyan mo ng dunong at ng tunay na kaalaman,
yamang ako'y nagtiwala sa utos mong ibinigay.
67 Ang sariling dati-rati'y namumuhay nang baluktot,
nang ako ay parusahan, salita mo ang sinunod;
68 kay buti mo, O Yahweh! Kay ganda ng iyong loob;
sa akin ay ituro mo ang bigay mong mga utos.
69 Ang gawain nitong hambog sadyang ako ay siraan,
ngunit buong puso ko ring sinusunod ang iyong aral.
70 Ang ganoong mga tao'y sadyang kapos ng unawa,
ngunit sa pagsunod sa utos mo, ako'y natutuwa.
71 Sa akin ay nakabuti ang parusang iyong dulot,
pagkat aking naunawang mahalaga ang iyong utos.
72 Higit pa sa ginto't pilak nitong buong sanlibutan,
ang mabuting idudulot ng bigay mong kautusan.
Kahangalan ang Magtiwala sa Kayamanan
Awit na katha ng angkan ni Korah upang awitin ng Punong Mang-aawit.
49 Bawat isa ay makinig, makinig ang sino pa man,
kahit saan naroroon ay makinig ang nilalang!
2 Kahit ikaw ay dakila o hamak ang iyong lagay,
makinig na sama-sama ang mahirap at mayaman.
3 Itong aking sasabihi'y salitang may karunungan,
ang isipang ihahayag, mahalagang mga bagay;
4 Ang pansin ko ay itutuon sa bugtong na kasabihan,
sa saliw ng aking alpa'y ihahayag ko ang laman.
5 Hindi ako natatakot sa panahon ng panganib,
kahit pa nga naglipana ang kaaway sa paligid—
6 mga taong naghahambog, sa yaman ay nananalig,
dahilan sa yaman nila'y tumaas ang pag-iisip.
7 Hindi kaya ng sinumang ang sarili ay matubos,
hindi kayang mabayara't tubusin sa kamay ng Diyos.
8 Ang bayad sa kanyang buhay ay halagang sakdal taas;
gaano man ang halagang hawak niya'y hindi sapat
9 upang siya ay mabuhay nang hindi na magwawakas
at sa labi ng libingan ay hindi na mapasadlak.
10 Alam(A) naman niyang lahat ay mamamatay,
kasama ang marunong, maging mangmang o hangal;
sa lahing magmamana, yaman nila'y maiiwan.
11 Doon sila mananahan sa libingan kailanpaman,
kahit sila'y may lupaing pag-aari nilang tunay;
12 maging sikat man ang tao, hinding-hindi maiwasan
katulad din noong hayop, tiyak siyang mamamatay.
13 Masdan ninyo yaong taong nagtiwala sa sarili,
at sa kanyang kayamanan ay nanghawak na mabuti: (Selah)[a]
14 Tulad niya'y mga tupa, sa patayan din hahantong,
itong si Kamatayan ang kanyang magiging pastol.
Ang matuwid, magwawagi kapag sumapit ang umaga,
laban doon sa kaaway na ang bangkay ay bulok na
sa daigdig ng mga patay, na malayo sa kanila.
15 Ngunit ako'y ililigtas, hindi ako babayaan,
aagawin ako ng Diyos sa kamay ng kamatayan. (Selah)[b]
16 Di ka dapat mabagabag, ang tao man ay yumaman,
lumago man nang lumago yaong kanyang kabuhayan;
17 hindi ito madadala kapag siya ay namatay,
ang yaman ay hindi niya madadala sa libingan.
18 At kahit na masiyahan ang tao sa kanyang buhay,
dahilan sa sinusuob ng papuri't nagtagumpay;
19 katulad ng ninuno niya, siya rin ay mamamatay,
masasadlak pa rin siya sa dilim na walang hanggan.
20 Ang tao mang dumakila ay iisa ang hantungan,
katulad ng mga hayop, tiyak siyang mamamatay!
Ang Kasamaan ng Tao(A)
Isang Maskil ni David, upang awitin ng Punong Mang-aawit; sa saliw ng Mahalath.[a]
53 Sinabi(B) ng hangal
sa kanyang sarili, “Wala namang Diyos!”
Wala nang matuwid
lahat nang gawain nila'y pawang buktot.
2 Magmula sa langit
ang Diyos nagmamasid sa kanyang nilalang,
kung mayro'ng marunong
at tapat sa kanya na nananambahan.
3 Ngunit kahit isa
ni isang mabuti ay walang nakita,
lahat ay lumayo
at naging masama, lahat sa kanila.
4 Ang tanong ng Diyos,
“Sila ba'y mangmang at walang kaalaman?
Ayaw manalangin,
kaya't bayan ko'y pinagnanakawan.”
5 Subalit darating
ang di pa nadaranas nilang pagkatakot,
pagkat ang kalansay
ng mga kaaway, ikakalat ng Diyos,
sila'y itatakwil,
magagapi sila nang lubos na lubos.
6 Ang aking dalangi'y
dumating sa Israel ang iyong pagliligtas
na mula sa Zion!
Kung ang bayan ng Diyos ay muling umunlad,
ang angkan ni Jacob,
bayan ng Israel, lubos na magagalak!
13 “Sinabi pa sa akin ni Yahweh, ‘Talagang matigas ang ulo ng mga taong ito. 14 Hayaan mo akong lipulin sila para mabura na ang alaala nila dito sa lupa, at sa iyo na magmumula ang isang bagong bansa na mas malaki at makapangyarihan kaysa kanila.’
15 “Kaya bumabâ ako mula sa nagliliyab na bundok, dala ang dalawang tapyas ng bato na kinasusulatan ng kasunduan. 16 Nakita ko ang pagkakasalang ginawa ninyo laban kay Yahweh. Gumawa kayo ng guyang ginto, at lumihis sa daang itinuro niya sa inyo. 17 Dahil dito, ibinagsak ko sa lupa ang dalawang tapyas ng batong dala ko, at nagkadurug-durog iyon sa harapan ninyo. 18 Pagkatapos, nagpatirapa ako sa harapan ni Yahweh, at sa loob ng apatnapung araw at gabi hindi ako kumain ni uminom dahil sa mga kasalanan ninyo na labis na ikinagalit ni Yahweh. 19 Natakot(A) ako na baka sa tindi ng galit niya'y puksain kayo. Mabuti na lamang at pinakinggan niya ako. 20 Galit na galit din siya kay Aaron, at ibig na rin niya itong patayin, kaya nanalangin ako para sa kanya. 21 Pagkatapos, kinuha ko ang guyang ginawa ninyo. Sinunog ko ito at dinurog na parang alabok saka ko ibinuhos sa batis na nagmumula sa bundok.
12 Mga kapatid, ingatan ninyong huwag magkaroon ang sinuman sa inyo ng pusong masama at walang pananampalataya, na siyang maglalayo sa inyo sa Diyos na buháy. 13 Sa halip, magpaalalahanan kayo araw-araw, habang ang panahon ay matatawag pang “Ngayon” upang walang sinumang madaya sa inyo ng kasalanan at sa gayo'y maging matigas ang puso. 14 Sapagkat tayong lahat ay kasama ni Cristo sa gawain, kung mananatiling matatag hanggang sa wakas ang ating pananalig na ating ipinakita noong tayo'y unang sumampalataya.
15 Ito(A) nga ang sinasabi sa kasulatan,
“Kapag narinig ninyo ngayon ang tinig ng Diyos,
huwag ninyong patigasin ang inyong mga puso,
tulad noong kayo'y maghimagsik sa Diyos.”
16 Sino(B) ang naghimagsik laban sa Diyos kahit na narinig nila ang kanyang tinig? Hindi ba't ang lahat ng inilabas ni Moises mula sa Egipto? 17 At kanino nagalit ang Diyos sa loob ng apatnapung taon? Hindi ba't sa mga nagkasala at patay na nabuwal sa ilang? 18 At sino ang tinutukoy niya nang kanyang sabihin, “Hinding-hindi sila makakapagpahinga sa piling ko”? Hindi ba't ang mga taong ayaw sumunod? 19 Maliwanag kung ganoon na hindi sila nakapasok sa lupang pangako dahil sa kawalan ng pananampalataya.
Alam ni Jesus ang Kalooban ng Tao
23 Nang Pista ng Paskwa ay nasa Jerusalem si Jesus. Marami ang naniwala sa kanya nang makita nila ang mga himalang ginagawa niya. 24 Subalit hindi ipinagkatiwala ni Jesus ang kanyang sarili sa kanila, sapagkat kilala niya ang lahat ng mga tao. 25 Hindi na kailangang may magsabi pa sa kanya tungkol sa kaninuman, sapagkat nalalaman niya ang nasa isip ng lahat ng tao.
Si Jesus at si Nicodemo
3 May isang Pariseo na nagngangalang Nicodemo na pinuno ng mga Judio. 2 Isang gabi, pumunta siya kay Jesus at sinabi, “Rabi, nalalaman po naming kayo'y isang tagapagturong mula sa Diyos, sapagkat walang makakagawa ng mga himalang ginagawa ninyo kung wala sa inyo ang Diyos.”
3 Sumagot si Jesus, “Tandaan mo ang sinasabi kong ito: malibang ipanganak na muli[a] ang isang tao, hindi niya makikita ang paghahari ng Diyos.”
4 “Paanong maipapanganak pang muli ang isang taong matanda na? Makakapasok pa ba siya sa sinapupunan ng kanyang ina para muling ipanganak?” tanong ni Nicodemo.
5 Sagot naman ni Jesus, “Tandaan mo ang sinasabi kong ito: malibang ang isang tao ay ipanganak sa pamamagitan ng tubig at ng Espiritu, hindi siya makakapasok sa kaharian ng Diyos. 6 Ang taong ipinanganak sa laman ay laman, at ang ipinanganak sa Espiritu ay espiritu. 7 Huwag kang magtaka sa sinabi ko sa iyo, ‘kayong lahat ay kailangang ipanganak na muli.’[b] 8 Umiihip ang hangin[c] kung saan nito nais at naririnig mo ang ugong nito, ngunit hindi mo alam kung saan ito nanggagaling at kung saan pupunta. Ganoon din ang bawat ipinanganak sa Espiritu.”
9 “Paano po mangyayari iyon?” tanong ni Nicodemo.
10 Sumagot si Jesus, “Guro ka pa naman sa Israel, hindi mo nauunawaan ang mga bagay na ito? 11 Pakatandaan mo: ang sinasabi namin ay nalalaman namin, at ang pinapatotohanan namin ay nasaksihan namin, subalit hindi ninyo tinatanggap ang aming patotoo. 12 Kung(A) hindi ninyo pinaniniwalaan ang mga sinasabi ko tungkol sa mga bagay dito sa mundo, paano pa ninyo mapapaniwalaan ang sasabihin ko tungkol sa mga bagay doon sa langit? 13 Wala(B) pang sinumang umakyat sa langit kundi ang bumabâ mula sa langit, ang Anak ng Tao.”
14 At(C) kung paanong itinaas ni Moises ang tansong ahas doon sa ilang, gayundin naman, kailangang itaas ang Anak ng Tao, 15 upang ang sinumang sumampalataya sa kanya ay magkaroon ng buhay na walang hanggan.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.