Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 87

Awit ng Pagpaparangal sa Jerusalem

Isang Awit na katha ng angkan ni Korah.

87 Sa Bundok ng Zion, itinayo ng Diyos ang banal na lunsod,
ang lunsod na ito'y
    higit niyang mahal sa alinmang bayan ng angkan ni Jacob.
Kaya't iyong dinggin
    ang ulat sa iyong mabubuting bagay, O lunsod ng Diyos: (Selah)[a]

“Kapag isinulat ko at ang mga bansang sa iyo'y sasama,
    aking ibibilang ang bansang Egipto at ang Babilonia;
ibibilang ko rin bansang Filistia, Tiro at Etiopia.”[b]
At tungkol sa Zion,
    sasabihin nila, “Ang lahat ng bansa ay masasakupan,
    siya'y palalakasin at patatatagin ng Kataas-taasan.”
Si Yahweh ay gagawa,
    ng isang talaan ng lahat ng taong doo'y mamamayan, (Selah)[c]
sila ay aawit, sila ay sasayaw, at sila'y sabay-sabay na magsasabing,
    “Ang aking mga pagpapala'y ang Zion ang bukal.”

Mga Awit 90

IKAAPAT NA AKLAT

Ang Diyos at ang Tao

Panalangin ni Moises, ang lingkod ng Diyos.

90 Panginoon naming Diyos, ikaw ang aming tahanan,
    buhat pa nang simulang lumitaw ang aming angkan.
Wala pa ang mga bundok, hindi mo pa nilalalang,
    hindi mo pa nililikha itong buong daigdigan,
    ikaw noon ay Diyos na,
    pagkat ika'y walang hanggan.

Yaong taong nilikha mo'y bumabalik sa alabok,
    sa lupa ay nagbabalik kapag iyong iniutos.
Ang(A) sanlibong mga taon ay para bang isang araw,
    sa mata mo, Panginoon, isang kisap-mata lamang;
    isang saglit sa magdamag na ito ay dumaraan.
Mga tao'y pumapanaw na para mong winawalis,
    parang damo sa umagang tumubo sa panaginip.
Parang damong tumutubo, may taglay na bulaklak,
    kung gumabi'y nalalanta't bulaklak ay nalalagas.

Sa tindi ng iyong galit, para kaming nauupos,
    sa simbuyo ng galit mo'y lubos kaming natatakot.
Aming mga kasalanan, sa harap mo'y nahahayag,
    mga sala naming lihim ay kita mo sa liwanag.

Sa kamay mo'y nagwawakas itong hiram naming buhay,
    parang bulong lamang ito na basta lang dumaraan.
10 Buhay(B) nami'y umaabot ng pitumpung taóng singkad,
    minsan nama'y walumpu, kung kami'y malakas;
ngunit buong buhay namin ay puno ng dusa't hirap,
    pumapanaw pagkatapos, dito sa sangmaliwanag.

11 Ang tindi ng iyong galit sino kaya ang tatarok?
    Sino kaya ang susukat niyong ibubungang takot?
12 Dahil itong buhay nami'y maikli lang na panahon,
    itanim sa isip namin upang kami ay dumunong.

13 Hanggang kailan pa ba, Yahweh, ang ganitong kalagayan?
    Parang awa mo na, mga lingkod mo'y iyong tulungan!
14 Kung umaga'y ipadama iyong wagas na pag-ibig,
    at sa buong buhay nami'y may galak ang aming awit.
15 At ang aming kahirapan palitan mo ng ginhawa,
    singhaba rin ng panahon ang ipalit na ligaya.
16 Ipakita sa lingkod mo ang dakila mong gawain,
    at sa sunod naming lahi, ipadama ay gayon din.
17 Panginoon naming Diyos, kami sana'y pagpalain,
    magtagumpay nawa kami sa anumang aming gawin!
    Magtagumpay nawa kami!

Mga Awit 136

Awit ng Pagpapasalamat

136 Purihin(A) si Yahweh sa kanyang kabutihan.
    Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!
Pinakadakilang Diyos ng mga diyos ay pasalamatan.
    Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!
Ang Panginoon ng mga panginoon ay ating pasalamatan.
    Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!

Dakilang himala at kababalaghan, tanging kanya lamang.
    Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!
Itong(B) kalangitan kanyang ginawa nang buong kahusayan.
    Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!
Nilikha(C) ang lupa at pati ang tubig nitong kalaliman.
    Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!
Siya(D) ang lumikha, siya ang gumawa, ng araw at buwan.
    Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!
Nilikha ang araw upang sa maghapon ay siyang tumanglaw.
    Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!
At kanyang nilikhang pananglaw kung gabi, bituin at buwan.
    Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!

10 Ang(E) mga panganay ng mga Egipcio ay kanyang pinatay.
    Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!
11 Mula(F) sa Egipto kanyang inilabas ang bayang hinirang.
    Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!
12 Ang ginamit niya'y mga kamay niyang makapangyarihan.
    Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!
13 Ang(G) Dagat na Pula,[a] kanyang inutusan at nahati naman.
    Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!
14 Ang pinili niyang bayan ng Israel ay doon dumaan.
    Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!
15 Ngunit nilunod niya itong Faraon at hukbong sandatahan.
    Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!

16 Nang mailabas na'y siya ang kasama habang nasa ilang.
    Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!
17 Pinagpapatay niya yaong mga haring may kapangyarihan.
    Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!
18 Maging mga haring bantog noong una ay kanyang pinatay.
    Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!
19 Siya(H) ang pumatay sa haring Amoreo, ang haring si Sihon.
    Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!
20 Siya(I) rin ang pumatay sa bantog na si Og, ang hari ng Bashan.
    Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!
21 Ang lupain nila'y ipinamahagi sa kanyang hinirang.
    Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!
22 Ipinamahagi niya sa Israel, bayang minamahal.
    Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!

23 Di niya nilimot nang tayo'y malupig ng mga kaaway.
    Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!
24 Pinalaya tayo, nang tayo'y masakop ng mga kalaban.
    Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!
25 Lahat ng pagkain ng tao at hayop, siya'ng nagbibigay.
    Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!

26 Ang Diyos nitong langit ay dapat purihin at pasalamatan.
    Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!

Joel 3:9-17

“Ipahayag mo ito sa mga bansa:
    Humanda kayo sa isang digmaan.
    Tawagin ninyo ang inyong mga mandirigma,
    tipunin ninyong lahat ang inyong mga kawal at sumalakay kayo!
10 Gawin(A) ninyong tabak ang inyong mga araro
    at gawing sibat ang mga panggapas.
Pati ang mahihina ay kailangang makipaglaban.
11 Pumarito kayo agad,
    lahat ng bansa sa paligid,
    at magtipon kayo sa libis.”

O Yahweh, ipadala mo ang iyong mga hukbo.

12 “Kailangang humanda ang mga bansa
    at magtungo sa Libis ng Jehoshafat.
Akong si Yahweh ay uupo roon
    upang hatulan ang lahat ng bansa sa paligid.
13 Ubod(B) sila ng sama;
gapasin ninyo silang parang uhay
    sa panahon ng anihan.
Durugin ninyo silang parang ubas sa pisaan
    hanggang sa umagos ang katas.”

14 Libu-libo ang nasa Libis ng Jehoshafat,
    hindi magtatagal at darating doon ang araw ni Yahweh.
15 Hindi na magliliwanag ang araw at ang buwan,
    at hindi na rin kikislap ang mga bituin.

Pagpapalain ng Diyos ang Kanyang Bayan

16 Dumadagundong(C) mula sa Bundok ng Zion ang tinig ni Yahweh,
    mula sa Jerusalem ang kanyang tinig ay naririnig;
    nanginginig ang langit at lupa.
Subalit ipagtatanggol niya ang kanyang bayan.
17 “Sa gayon, malalaman mo, O Israel, na ako si Yahweh ay iyong Diyos!
    Ang aking tahanan ay ang Zion, ang banal na bundok.
Magiging banal na lunsod ang Jerusalem;
    hindi na ito muling masasakop ng mga dayuhan.

Santiago 2:1-13

Babala Laban sa Pagtatangi

Mga kapatid ko, bilang mga mananampalataya kay Jesu-Cristo na ating maluwalhating Panginoon, dapat maging pantay-pantay ang tingin ninyo sa lahat ng tao. Kung may pumasok sa inyong kapulungan na isang lalaking may mga singsing na ginto at nakadamit nang magara, at dumating din doon ang isang dukha na gusgusin ang damit, at inasikaso ninyong mabuti ang nakadamit nang magara at sinabi sa kanya, “Dito kayo maupo,” at sinabi naman ninyo sa mahirap, “Tumayo ka na lang diyan,” o kaya'y, “Sa sahig ka na lang umupo,” nagtatangi na kayo at humahatol nang mali.

Mga kapatid kong minamahal, makinig kayong mabuti! Hindi ba't pinili ng Diyos ang mahihirap sa mundong ito upang maging mayaman sa pananampalataya at maging kasama sa kahariang ipinangako niya sa mga umiibig sa kanya? Ngunit hinahamak ninyo ang mahihirap. Hindi ba't ang mayayaman ang umaapi sa inyo at sila ang kumakaladkad sa inyo sa hukuman? Hindi ba't sila rin ang lumalait sa marangal na pangalang ibinigay sa inyo ng Diyos?

Mabuti(A) ang inyong ginagawa kung tinutupad ninyo ang utos ng Diyos na ating hari, ayon sa Kasulatan, “Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng pag-ibig mo sa iyong sarili.” Ngunit kung nagtatangi kayo ng tao, kayo'y nagkakasala, at batay sa Kautusan, dapat kayong parusahan. 10 Ang lumalabag sa isang utos, kahit tumutupad sa iba pa, ay lumalabag sa buong Kautusan, 11 sapagkat(B) ang Diyos na nagsabing, “Huwag kang mangangalunya,” ay siya ring nagsabing, “Huwag kang papatay.” Kung hindi ka man nangangalunya, ngunit pumapatay ka naman, nilalabag mo pa rin ang Kautusan. 12 Kaya't mag-ingat kayo sa inyong pagkilos at pananalita, sapagkat hahatulan kayo ayon sa kautusang nagpapalaya sa inyo. 13 Walang awang hahatulan ang di-marunong maawa; ngunit mangingibabaw ang awa sa paghatol.

Lucas 16:10-18

10 Ang mapagkakatiwalaan sa maliit na bagay ay mapagkakatiwalaan din sa malaking bagay; ang mandaraya sa maliit na bagay ay mandaraya rin sa malaking bagay. 11 Kaya kung hindi kayo mapagkakatiwalaan sa mga kayamanan ng mundong ito, sino ang magtitiwala sa inyo ng tunay na kayamanan? 12 At kung hindi kayo mapagkakatiwalaan sa kayamanan ng iba, sino ang magbibigay sa inyo ng talagang para sa inyo?

13 “Walang(A) aliping maaaring maglingkod sa dalawang panginoon sapagkat kamumuhian niya ang isa at iibigin ang ikalawa, paglilingkuran nang tapat ang isa at hahamakin ang ikalawa. Hindi kayo maaaring maglingkod sa Diyos at sa kayamanan.”

Hindi Mawawalan ng Bisa ang Kautusan(B)

14 Nang marinig ito ng mga Pariseo, na mga sakim sa salapi, ay kinutya nila si Jesus. 15 Kaya't sinabi niya sa kanila, “Kayo ang nagpapanggap na matuwid sa harapan ng mga tao, ngunit alam ng Diyos ang nilalaman ng inyong mga puso. Sapagkat ang itinuturing na mahalaga ng mga tao ay kasuklam-suklam sa paningin ng Diyos.

16 “Ang(C) Kautusan ni Moises at ang sinulat ng mga propeta ay may bisa hanggang sa pagdating ni Juan na Tagapagbautismo. Buhat noon ay ipinapangaral na ang Magandang Balita tungkol sa kaharian ng Diyos, at ang lahat ay nagpupumilit na makapasok dito. 17 Mas(D) madali pang maglaho ang langit at ang lupa kaysa mawalan ng bisa ang kahit isang tuldok ng Kautusan.

18 “Kapag(E) hiniwalayan ng isang lalaki ang kanyang asawa, at mag-asawa sa iba, siya ay nagkakasala ng pangangalunya, at ang mag-aasawa naman sa babaing hiniwalayan ay nagkakasala rin ng pangangalunya.”

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.