Book of Common Prayer
Panalangin ng Paghingi ng Tulong
Isang Awit na katha ng angkan ni Korah, upang awitin ng Punong Mang-aawit: sa saliw ng Mahalath Leanoth.[a] Isang Maskil[b] ni Heman, na mula sa angkan ni Ezra.
88 Yahweh, aking Diyos, tanging ikaw lamang, aking kaligtasan,
pagsapit ng gabi, dumudulog ako sa iyong harapan.
2 Ako ay dinggin mo, sa pagdalangin ko ako ay pakinggan,
sa aking pagdaing ako ay tulungan.
3 Ang kaluluwa ko ay nababahala't puspos ng problema.
Dahilan sa hirap pakiwari'y buhay ko'y umiiksi na.
4 Ibinilang ako niyong malapit nang sa hukay ilagak,
ang aking katulad ay mahina na't ubos na ang lakas.
5 Ang katulad ko pa ay ang iniwanan sa gitna ng patay,
animo'y nasawi na nananahimik sa kanyang libingan.
Tulad na rin ako nitong mga tao na iyong nilimot,
parang mga tao na sa iyong tulong ay hindi maabot.
6 Dinala mo ako sa may kadilimang hukay na malalim,
na tulad ng libingan na ubod ng dilim.
7 Ikaw ay nagalit, at ang bigat nito'y sa akin nabunton,
ang katulad ko'y tinabunan ng malaking alon. (Selah)[c]
8 Mga kasama ko'y hinayaan mo na ako ay iwan,
hinayaan silang mamuhi sa aki't ako'y katakutan,
kaya hindi ako makatakas ngayo't pintua'y nasarhan.
9 Dahilan sa lungkot, ang aking paningi'y waring lumalamlam,
kaya naman, Yahweh, tumatawag ako sa iyo araw-araw,
sa pagdalangin ko ay taas ang kamay.
10 Makakagawa ba ikaw, Panginoon, ng kababalaghan,
para purihin ka niyong mga patay? (Selah)[d]
11 Ang pag-ibig mo ba doon sa libinga'y ipinapahayag,
o sa kaharian niyong mga patay ang iyong pagtatapat?
12 Doon ba sa dilim ang dakilang gawa mo ba'y makikita,
o iyong kabutihan, sa mga lupaing tila nalimot na?
13 Sa iyo, O Yahweh, ako'y nananangis at nananawagan,
sa tuwing umaga ako'y tumatawag sa iyong harapan.
14 Di mo ako pansin, Yahweh, aking Diyos, di ka kumikibo.
Bakit ang mukha mo'y ikinukubli mo, ika'y nagtatago?
15 Mula pagkabata ako'y nagtiis na, halos ikamatay;
ang iyong parusa'y siyang nagpahina sa aking katawan.
16 Sa aking sarili, tindi ng galit mo'y aking nadarama,
ako'y mamamatay kundi ka hihinto ng pagpaparusa.
17 Parang baha sila kung sumasalakay sa aking paligid,
sa buong maghapon kinukubkob ako sa lahat ng panig.
18 Iyong pinalayo mga kaibigan pati kapitbahay;
ang tanging natira na aking kasama ay ang kadiliman.
Ang Diyos ang Mag-iingat sa Atin
91 Siyang naghahangad ng pagkupkop ng Kataas-taasan,
at nananatili sa pagkalinga ng Makapangyarihan,
2 ay makakapagsabi kay Yahweh:
“Muog ka't kanlungan,
ikaw ang aking Diyos, ang Diyos na tangi kong pinagtiwalaan.”
3 Sa panganib at bitag ika'y kanyang ililigtas,
at kahit ano mang matinding salot ay di ka magdaranas.
4 Lulukuban ka niya sa lilim ng kanyang malapad na pakpak,
at sa kalinga niya ay palagi ka ngang nakakatiyak;
iingatan niya't ipagsasanggalang, pagkat siya'y matapat.
5 Pagsapit ng gabi, di ka matatakot sa anumang bagay,
maging sa gagawing biglaang paglusob ng mga kaaway.
6 Ni sa ano pa mang darating na salot pagkagat ng dilim,
sa pagpuksa'y wala kang takot, sa araw man dumating.
7 Kahit na mabuwal sa iyong harapan ang sanlibong tao,
sa iyong paligid ang bilang ng patay maging sampung libo;
di ka matatakot, at natitiyak mong di ka maaano.
8 Ika'y magmamasid at sa panonood, mapapatunayan,
iyong makikita, taong masasama'y pinaparusahan.
9 Sapagkat si Yahweh ang iyong ginawang tagapagsanggalang,
at ang pinili mong mag-iingat sa iyo'y Kataas-taasan.
10 Di mo aabuting ika'y mapahamak; di mararanasan
kahit anong uring mga paghihirap sa iyong tahanan.
11 Sa(A) kanyang mga anghel, ika'y itatagubilin,
saan mang dako maparoon, tiyak kang iingatan.
12 Sa(B) kanilang mga kamay, ika'y aalalayan,
nang sa mga bato, paa mo'y hindi masasaktan.
13 Iyong(C) tatapakan kahit mga ahas o leong mabagsik,
di ka maaano sa mga serpiyente't leong mababangis.
14 Ang sabi ng Diyos, “Ililigtas ko ang mga tapat sa akin,
at iingatan ko ang sinumang taong ako'y kikilanlin.
15 Kapag sila'y tumawag, laging handa ako na sila'y pakinggan,
aking sasamahan at kung may problema ay sasaklolohan;
aking ililigtas at ang bawat isa ay pararangalan.
16 Sila'y bibigyan ko't gagantimpalaan ng mahabang buhay,
at nakakatiyak, tatamuhin nila aking kaligtasan!”
Awit ng Papuri sa Diyos
Isang Awit para sa Araw ng Pamamahinga.
92 Ang magpasalamat
kay Yahweh ay mabuting bagay,
umawit na lagi
purihin ang ngalang Kataas-taasan.
2 Pag-ibig niyang wagas
ay dapat ihayag, kung bukang-liwayway,
pagsapit ng gabi
ang katapatan niya'y ihayag din naman.
3 Ito'y ipahayag
sa saliw ng alpa't tugtuging salteryo,
sa magandang himig
ng tugtuging lira'y ipahayag ito.
4 Ako'y nagagalak
sa iyong ginawa na kahanga-hanga,
sa lahat ng ito
ako'y umaawit dahilan sa tuwa.
5 O pagkadakila!
Kay dakila, Yahweh, ng iyong ginawa,
ang iyong isipan
ay sadyang mahirap naming maunawa.
6 Sa(D) kapos na isip,
ang bagay na ito ay di nalalaman,
hindi malilirip
ni mauunawa ng sinumang mangmang:
7 ang mga masama
kahit na dumami't sila ma'y umunlad,
kanilang hantungan
ay tiyak at lubos na kapahamakan;
8 sapagkat ikaw lang,
Yahweh, ang dakila't walang makatulad.
9 Nababatid naming
lilipuling lahat ang iyong kaaway,
at lahat ng taong
masama ang gawa ay mapipilan.
10 Ako'y ginawa mong
sinlakas ng torong mailap sa gubat,
ako'y pinagpala't
pawang kagalakan aking dinaranas.
11 Aking nasaksihan
yaong pagkalupig ng mga kaaway,
pati pananaghoy
ng mga masama'y aking napakinggan.
12 Tulad ng palmera,
ang taong matuwid tatatag ang buhay,
sedar ang kagaya,
kahoy sa Lebanon, lalagong malabay.
13 Mga punong natanim
sa tahanan ni Yahweh,
sa Templo ng ating Diyos
bunga nila'y darami.
14 Tuloy ang pagbunga
kahit na ang punong ito ay tumanda,
luntia't matatag,
at ang dahon nito ay laging sariwa.
15 Ito'y patotoo
na si Yahweh ay tunay na matuwid,
siya kong sanggalang,
matatag na batong walang karumihan.
Ang Araw ni Yahweh at ang Kanyang Espiritu
28 “Pagkatapos(A) nito, ipagkakaloob ko ang aking Espiritu[a] sa lahat ng tao:
ipahahayag ng inyong mga anak na lalaki't babae ang aking mga mensahe.
Magkakaroon ng mga panaginip ang inyong matatandang lalaki,
at makakakita ng mga pangitain ang inyong mga kabataang lalaki.
29 Sa panahong iyon, ibubuhos ko rin ang aking Espiritu
maging sa mga alipin, lalaki man o babae.
30 “Magpapakita ako ng mga kababalaghan
sa langit at sa lupa;
dugo, apoy at makapal na usok.
31 Ang(B) araw ay magdidilim,
at ang buwan ay pupulang parang dugo
bago dumating ang dakila at nakakatakot na araw ni Yahweh.
32 At(C) sa panahong iyon, ang lahat ng hihingi ng tulong kay Yahweh ay maliligtas.
Gaya ng kanyang sinabi,
may ilang makakatakas sa Bundok ng Zion
at ang aking mga pinili'y makakaligtas sa Jerusalem.”
Hahatulan ni Yahweh ang mga Bansa
3 Sinabi ni Yahweh,
“Pagsapit ng araw na iyon,
pasasaganain kong muli ang Juda at ang Jerusalem.
2 Titipunin ko ang lahat ng bansa
at dadalhin sa Libis ng Jehoshafat.[b]
Doon ko sila hahatulan
ayon sa ginawa nila sa aking bayan.
Pinangalat nila sa iba't ibang bansa ang mga Israelita
at pinaghati-hatian ang aking lupain.
3 Nagpalabunutan sila upang magpasya
kung kanino mapupunta ang mga bihag.
Ipinagbili nila ang mga bata bilang mga alipin
upang ang pinagbilhan ay ibili naman ng alak at ibayad sa mga babaing parausan.
4 “Ano(D) (E) ang ginagawa ninyo sa akin, kayong mga taga-Tiro, Sidon at Filistia? Sinusuhulan ba ninyo ako bilang kapalit ng isang bagay? Kung gayon, mabilis ko kayong gagantihan! 5 Kinuha ninyo ang aking pilak, ginto at mga kayamanan at dinala ang mga ito sa inyong mga templo.[c] 6 Binihag ninyo at inilayo sa kanilang bayan ang mga mamamayan ng Juda at Jerusalem at ipinagbili sa mga Griego. 7 Pauuwiin ko na sila mula sa mga dakong pinagtapunan ninyo sa kanila. Ipararanas ko naman sa inyo ang ginawa ninyo sa kanila. 8 Ipagbibili ko ang inyong mga anak sa mga taga-Juda upang ipagbili naman nila sa mga Sabeo.” Iyan ang sinabi ni Yahweh.
16 Huwag kayong padaya, mga kapatid kong minamahal. 17 Ang lahat ng mabuti at ganap na kaloob ay buhat sa Diyos, mula sa Ama na lumikha ng mga tanglaw sa kalangitan. Hindi siya nagbabago, o nagdudulot ng bahagya mang dilim dahil sa pagbabago. 18 Niloob niyang tayo'y maging anak niya sa pamamagitan ng salita ng katotohanan, upang tayo'y maging pangunahin higit kaysa lahat ng kanyang mga nilalang.
Pakikinig at Pagsasagawa
19 Mga(A) kapatid kong minamahal, unawain ninyo ito: maging alisto kayo sa pakikinig, maingat sa pagsasalita at hindi agad nagagalit. 20 Dahil ang galit ng tao ay hindi nakakatulong upang magawa kung ano ang ayon sa kalooban ng Diyos. 21 Kaya't talikuran na ninyo ang inyong maruruming gawa at alisin ang masasamang asal. Mapagpakumbabang tanggapin ninyo ang salitang itinanim sa inyong puso. Ito ay may kakayahang magligtas sa inyo.
22 Mamuhay kayo ayon sa salita ng Diyos. Kung ito'y pinapakinggan lamang ninyo ngunit hindi isinasagawa, dinadaya ninyo ang inyong sarili. 23 Sapagkat ang nakikinig ng salita ngunit hindi sumusunod dito ay katulad ng isang taong tumitingin sa salamin, 24 at pagkatapos makita ang sarili ay umaalis at kinakalimutan ang kanyang anyo. 25 Ang taong nagsasaliksik at nagpapatuloy sa pagsunod sa Kautusang ganap na nagpapalaya sa tao ang pagpapalain ng Diyos sa lahat ng kanyang gawain. Siya ang taong gumagawa at hindi siya katulad ng nakikinig lamang at pagkatapos ay nakakalimot.
26 Kung inaakala ninuman na siya'y relihiyoso, ngunit hindi naman siya marunong magpigil ng dila, dinadaya lamang niya ang kanyang sarili. Walang kabuluhan ang kanyang pagiging relihiyoso. 27 Ang relihiyon na dalisay at walang dungis sa harap ng ating Diyos at Ama ay ito: pagtulong sa mga ulila at sa mga biyuda sa kanilang kahirapan, at pag-iingat sa sarili upang huwag mahawa sa kasamaan ng mundong ito.
Ang Talinghaga ng Tusong Katiwala
16 Sinabi rin ni Jesus sa kanyang mga alagad, “May taong mayaman na may isang katiwala. May nagsumbong sa kanyang nilulustay nito ang kanyang ari-arian. 2 Kaya't ipinatawag niya ang katiwala at tinanong, ‘Ano ba itong naririnig ko tungkol sa iyo? Ibigay mo sa akin ang ulat ng iyong pangangasiwa sapagkat tatanggalin na kita sa iyong tungkulin.’ 3 Sinabi ng katiwala sa kanyang sarili, ‘Ano ang gagawin ko? Aalisin na ako ng aking amo sa pangangasiwa. Hindi ko kayang magbungkal ng lupa; nahihiya naman akong magpalimos. 4 Alam ko na ang aking gagawin! Maalis man ako sa pangangasiwa ay may tatanggap naman sa akin sa kanilang tahanan.’ 5 Kaya't isa-isa niyang tinawag ang mga may utang sa kanyang amo. Tinanong niya ang una, ‘Magkano ang utang mo sa aking amo?’ 6 Sumagot ito, ‘Isandaang tapayang[a] langis po.’ Kaya sabi ng katiwala, ‘Heto ang kasulatan ng iyong pagkakautang. Dali! Maupo ka't palitan mo, gawin mong limampu.’ 7 At tinanong naman niya ang isa, ‘Ikaw, gaano ang utang mo?’ Sumagot ito, ‘Isandaang kabang trigo po.’ ‘Heto ang kasulatan ng iyong pagkakautang,’ sabi niya. ‘Isulat mo, walumpu.’ 8 Pinuri ng amo ang madayang katiwala dahil sa katusuhang ipinamalas nito. Sapagkat ang mga makasanlibutan ay mas tuso kaysa mga maka-Diyos sa paggamit ng mga bagay ng mundong ito.”
9 At(A) nagpatuloy si Jesus sa pagsasalita, “Kaya't sinasabi ko sa inyo, gamitin ninyo ang kayamanan ng mundong ito sa paggawa ng mabuti sa inyong mga kapwa upang kung maubos na iyon ay tanggapin naman kayo sa tahanang walang hanggan.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.