Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 107:33-108:13

33 Nagagawa niyang
tuyuin ang ilog na tulad ng ilang,
maging mga batis
ay nagagawa ring parang lupang tigang.
34 Ang(A) lupang mataba,
kung kanyang ibigi'y nawawalang saysay,
dahilan sa sama
ng mga nilikhang doo'y nananahan.
35 Kahit naman ilang,
nagagawa niyang matabang lupain,
nagiging batisang
sagana sa tubig ang tuyong lupain.
36 Sa lupaing iyon,
ang mga nagugutom doon dinadala,
ipinagtatayo
ng kanilang lunsod at doon titira.
37 Sila'y nagbubukid,
nagtatanim sila ng mga ubasan,
umaani sila
ng saganang bunga, sa lupang tinamnan.
38 Sila'y pinagpala't
lalong pinarami ang kanilang angkan,
at dumarami rin
pati mga baka sa kanilang kawan.

39 Kapag pinahiya
ang bayan ng Diyos at nalupig sila,
ang bansang sumakop
na nagpapahirap at nagpaparusa,
40 sila'y susumbatan
nitong Panginoo't ang kanyang gagawin,
ikakalat sila sa hindi kilalang malayong lupain.
41 Ngunit itataas
ang nangagdurusa't laging inaapi,
parang mga kawan,
yaong sambahayan nila ay darami.
42 Nakikita ito
ng mga matuwid kaya nagagalak,
titikom ang bibig
ng mga masama at taong pahamak.

43 Kayong matalino,
ang bagay na ito'y inyong unawain,
pag-ibig ni Yahweh
na di kumukupas ay inyong tanggapin.

Papuri at Panalangin ng Tagumpay(B)

Awit ni David.

108 Nahahanda ako ngayon, O Diyos, ako ay handa na,
    na magpuri at umawit ng awiting masisigla!
Gumising ka, kaluluwa, gumising ka at magsaya!
    O magsigising na nga kayo, mga lira at alpa;
    tumugtog na at hintayin ang liwayway ng umaga.
Sa gitna ng mga bansa kita'y pasasalamatan,
    Yahweh, ika'y pupurihin sa gitna ng mga hirang.
Pag-ibig mong walang maliw ay abot sa kalangitan,
    nadarama sa itaas ang lubos mong katapatan.

Sa ibabaw ng mga langit, ikaw ay itatanghal,
    at dito naman sa daigdig ang iyong kaluwalhatian.
Sa taglay mong kalakasan kami sana ay iligtas,
    upang kaming iyong lingkod ay hindi na mapahamak;
    dinggin mo ang dalangin ko kapag ako'y tumatawag.

Sinabi nga nitong Diyos mula sa tronong luklukan,
    “Hahatiin ko ang Shekem, bilang tanda ng tagumpay,
    paghahati-hatiin ko ang Sucot na kapatagan, matapos na gawin ito'y ibibigay sa hinirang.
Ang Gilead at Manases, dal'wang dakong ito'y akin,
    magsisilbing helmet ko itong lugar ng Efraim;
    samantalang itong Juda ay setrong dadakilain.
Ang Moab ay isang lugar na gagawin kong hugasan,
    samantalang itong Edom ay lupa kong tatapakan;
    doon naman sa Filistia, tagumpay ko'y isisigaw.”

10 Sino kaya ang sasama sa lakad ko, Panginoon? Sa lunsod na mayroong kuta, sino'ng maghahatid ngayon?
    Sino kaya'ng magdadala sa akin sa lupang Edom?
11 Dahil kami'y itinakwil, hindi mo na pinapansin.
    Kung ikaw ay di kasama, paano ang hukbo namin?
12 O Diyos, kami'y tulungan mo sa paglaban sa kaaway,
    pagkat ang tulong ng tao ay walang kabuluhan.
13 Kung ang Diyos ang kasama, kasama sa panig namin,
    matatamo ang tagumpay, ang kaaway tatalunin.

Mga Awit 33

Awit ng Pagpupuri

33 Lahat ng matuwid dapat na magsaya,
    dahil sa ginawa ng Diyos sa kanila;
    kayong masunuri'y magpuri sa kanya!
Ang Diyos na si Yahweh ay pasalamatan,
    tugtugin ang alpa't awit ay saliwan;
Isang bagong awit, awiting malakas,
    kasaliw ang tugtog ng alpang marilag!

Si Yahweh ay tapat sa kanyang salita,
    at maaasahan ang kanyang ginawa.
Ang nais niya ay kat'wira't katarungan,
    ang pag-ibig niya sa mundo'y laganap.

Sa utos ni Yahweh, nalikha ang langit,
    ang araw, ang buwa't talang maririkit;
sa iisang dako, tubig ay tinipon,
    at sa kalaliman ay doon kinulong.

Matakot kay Yahweh ang lahat sa lupa!
    Dapat katakutan ng buong nilikha!
Ang buong daigdig, kanyang nilikha,
    sa kanyang salita, lumitaw na kusa.

10 Ang binabalangkas niyong mga bansa,
    kanyang nababago't winawalang-bisa.
11 Ngunit ang mga panukala ni Yahweh,
    hindi masisira, ito'y mananatili.
12 Mapalad ang bansang si Yahweh ang Diyos;
    mapalad ang bayang kanyang ibinukod.

13 Magmula sa langit, kanyang minamasdan
    ang lahat ng tao na kanyang nilalang.
14 Nagmamasid siya at namamahala
    sa lahat ng tao sa balat ng lupa.
15 Ang isip nila'y sa kanya nagmula
    walang nalilingid sa kanilang gawa.

16 Di(A) dahil sa hukbo, hari'y nagtagumpay,
    ni dahil sa lakas, nagwagi ang kawal;
17 kabayong pandigma'y di na kailangan,
    upang sa digmaa'y kamtin ang tagumpay;
    di makakapagligtas, lakas nilang taglay.

18 Ang nagmamahal kay Yahweh, at nagtitiwala
    sa kanyang pag-ibig, ay kinakalinga.
19 Hindi hahayaang sila ay mamatay,
    kahit magtaggutom sila'y binubuhay.

20 Tanging si Yahweh lang ang ating pag-asa;
    tulong na malaki at sanggalang siya.
21 Dahil nga sa kanya, kami'y natutuwa;
    sa kanyang pangalan ay nagtitiwala.

22 Ipagkaloob mo na aming makamit, O Yahweh, ang iyong wagas na pag-ibig,
    yamang ang pag-asa'y sa iyo nasasalig!

Malakias 3:13-4:6

Ang Pangako

13 “Masasakit ang sinabi ninyo tungkol sa akin,” sabi ni Yahweh. “Ngunit ang tanong ninyo, ‘Ano ba ang sinabi namin laban sa inyo?’ 14 Sabi ninyo, ‘Walang saysay ang maglingkod sa Diyos. Ano ba ang mapapala natin sa pagsunod sa kanyang mga utos o sa pagpapakita natin kay Yahweh na nagsisisi tayo sa nagawa nating kasalanan? 15 Hindi ba't kung sino ang palalo ay siya pang pinagpapala? Hindi lamang nananagana ang masasama kundi sinusubok pa nila ang Diyos sa paggawa nila ng kasamaan ngunit hindi sila pinaparusahan.’”

16 Pagkatapos, nag-usap-usap ang mga taong may paggalang kay Yahweh. Pinakinggan niyang mabuti ang kanilang usapan, kaya ipinatala niya sa isang aklat ang mga pangalan ng mga gumagalang sa kanya. 17 “Magiging akin sila,” sabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat. “Sa araw na ako'y kumilos, itatangi ko sila bilang sariling akin. Ililigtas ko sila, tulad ng pagliligtas ng isang ama sa anak na naglilingkod sa kanya. 18 Muli ninyong makikita ang pagkakaiba ng mabuti at ng masama, ng taong naglilingkod sa Diyos at ng hindi naglilingkod sa kanya.”

Ang Darating na Araw ni Yahweh

“Darating ang araw na gaya ng isang nagbabagang hurno, tutupukin ang mga palalo at masasama gaya ng dayami at walang matitira sa kanila,” sabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat. “Ngunit sa inyo na nagpaparangal sa akin ay sisikat ang aking katarungan na tulad ng araw, at ang sinag nito'y magpapagaling sa inyo. Lulundag kayo sa tuwa na parang mga guyang pinalaya sa kulungan. Sa araw na ako'y kumilos, magtatagumpay kayo laban sa masasama at sila'y tatapakan ninyo na parang alabok,” sabi ni Yahweh.

“Alalahanin ninyo ang mga itinuro ni Moises, ang mga tuntunin at kautusang ibinigay ko sa kanya sa Bundok ng Sinai,[a] upang sundin ng bansang Israel.

“Ngunit(A) bago dumating ang kakila-kilabot na araw ni Yahweh, isusugo ko sa inyo si Propeta Elias. Muling magkakasundo ang mga ama at ang mga anak. Kung hindi'y mapipilitan akong magtungo riyan at ganap na wasakin ang inyong bayan.”

Santiago 5:13-20

13 May paghihirap ba ang sinuman sa inyo? Manalangin siya. Nagagalak ba ang sinuman? Umawit siya ng papuri sa Diyos. 14 May sakit ba ang sinuman sa inyo? Ipatawag ninyo ang matatandang pinuno ng iglesya upang ipanalangin siya at pahiran ng langis sa pangalan ng Panginoon. 15 Pagagalingin ng Diyos ang maysakit dahil sa panalanging may pananampalataya; palalakasin siyang muli ng Panginoon. At kung siya'y nagkasala, patatawarin siya sa kanyang mga kasalanan. 16 Kaya(A) nga, ipagtapat ninyo sa inyong mga kapatid ang inyong mga kasalanan at ipanalangin ninyo ang isa't isa, upang kayo'y gumaling. Malaki ang nagagawa ng panalangin ng taong matuwid. 17 Si(B) Elias ay isang tao na tulad din natin; nang mataimtim siyang nanalangin na huwag umulan, hindi nga umulan sa loob ng tatlong taon at anim na buwan. 18 At(C) nang siya'y nanalangin para umulan, bumagsak nga ang ulan at namunga ang mga halaman.

19 Mga kapatid, kung may kapatid kayong nalilihis ng landas at may isa namang umakay sa kanya upang magsisi, 20 ito(D) ang tandaan ninyo: sinumang makapagpabalik sa isang makasalanan mula sa kanyang maling pamumuhay ay nagliligtas ng isang kaluluwa sa kamatayan at nagpapawi ng maraming kasalanan.

Lucas 18:9-14

Ang Talinghaga ng Pariseo at ng Maniningil ng Buwis

Sinabi rin niya ang talinghagang ito sa mga taong matuwid ang tingin sa sarili at hinahamak naman ang iba. 10 “May dalawang lalaking pumasok sa Templo upang manalangin, ang isa ay Pariseo at ang isa ay maniningil ng buwis. 11 Tumayo ang Pariseo at nanalangin nang ganito: ‘O Diyos, nagpapasalamat ako sa iyo sapagkat hindi ako katulad ng iba na mga magnanakaw, mandaraya, mangangalunya, o kaya'y katulad ng maniningil ng buwis na ito. 12 Dalawang beses akong nag-aayuno sa isang linggo at nagbibigay rin ako ng ikasampung bahagi mula sa lahat ng aking kinikita.’ 13 Samantala, ang maniningil ng buwis nama'y nakatayo sa malayo at di man lamang makatingin sa langit. Dinadagukan niya ang kanyang dibdib at sinasabi, ‘O Diyos, mahabag po kayo sa akin na isang makasalanan!’ 14 Sinasabi(A) ko sa inyo, ang lalaking ito'y umuwing matuwid sa harapan ng Diyos, at hindi ang Pariseo. Sapagkat ang sinumang nagmamataas ay ibababa at ang nagpapakababa ay itataas.”

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.