Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 24

Ang Dakilang Hari

Awit ni David.

24 Ang(A) buong daigdig at ang lahat ng naroon,
    ang may-ari'y si Yahweh na ating Panginoon.
Itinayo niya ang daigdig sa ibabaw ng karagatan,
    inilagay ang pundasyon sa mga tubig sa kalaliman.
Sa burol ni Yahweh, sinong nararapat umahon?
    Sa banal niyang Templo, sinong dapat pumaroon?
Ang(B) taong malinis ang buhay pati ang isipan,
    hindi sumasamba sa mga diyus-diyosan;
    at hindi sumusumpa ng kasinungalingan.
Bibigyan siya ni Yahweh ng pagpapala't kaligtasan,
    ipahahayag siya ng Diyos na walang kasalanan.
Ganoon ang mga taong lumalapit sa Diyos,
    silang dumudulog sa Diyos ni Jacob. (Selah)[a]

Buksan n'yong mabuti ang mga tarangkahan,
    buksan ninyo pati mga lumang pintuan,
    at ang dakilang hari'y papasok at daraan.
Sino ba itong dakilang hari?
Siya si Yahweh na malakas at makapangyarihan,
    si Yahweh, matagumpay sa labanan.

Buksan n'yong mabuti ang mga tarangkahan,
    buksan ninyo pati mga lumang pintuan,
    at ang dakilang hari'y papasok at daraan.

10 Sino ba itong dakilang hari?
Ang makapangyarihang si Yahweh, siya ang dakilang hari! (Selah)[b]

Mga Awit 29

Ang Tinig ni Yahweh sa Gitna ng Unos

Awit ni David.

29 Purihin(A) ninyo si Yahweh, mga nilikha sa kalangitan,
    kilalanin ang kanyang lakas at kanyang kaluwalhatian.
Purihin ang kanyang maluwalhating pangalan,
    sambahin si Yahweh sa banal na kaayusan.
Tinig ni Yahweh'y naririnig sa ibabaw ng dagat,
    ang dakilang Diyos ay nagpapakidlat,
    umaalingawngaw at naririnig ng lahat.
Tinig ni Yahweh'y makapangyarihan,
    at punung-puno ng kadakilaan.

Maging mga punong sedar ng Lebanon,
    sa tinig ni Yahweh, mawawasak ang mga iyon.
Parang guyang pinalulundag niya ang mga bundok ng Lebanon,
    parang torong pinalulukso niya ang Bundok Hermon.

Dahil sa tinig ni Yahweh, kidlat ay gumuguhit.
Kapag siya'y nagsalita, disyerto'y nayayanig;
    inuuga niya pati ang ilang ng Kades.
Sa tinig ni Yahweh, mga usa'y napapaanak,
    at nakakalbo pati ang mga gubat,
    lahat ng nasa Templo'y sumisigaw, “Ang Diyos ay papurihan!”

10 Si Yahweh'y naghahari sa mga kalaliman,
    nakaupo sa trono, bilang hari kailanman.
11 Si Yahweh ang nagbibigay-lakas sa kanyang bayan,
    at pinagpapala sila ng mapayapang buhay.

Mga Awit 8

Kaluwalhatian ng Diyos at Dignidad ng Tao

Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit: sa saliw ng Gittith.[a]

O Yahweh, na aming Panginoon,
    sa buong mundo'y tunay kang dakila!
Iyong papuri'y abot sa langit!
    Pinupuri(A) ka ng mga bata't bagong silang,
ikaw ay nagtayo ng isang tanggulan,
    kaya't natahimik ang lahat ng iyong kaaway.
Pinagmasdan ko ang langit na gawa ng iyong kamay,
    pati ang buwan at mga bituin na iyong inilagay.
Ano(B) ba ang tao upang iyong pahalagahan;
    o ang anak ng tao upang iyong pangalagaan?

Nilikha(C) mo siyang mababa sa iyo[b] nang kaunti,
    pinuspos mo siya ng dangal at ng luwalhati.
Ginawa(D) mo siyang pinuno ng lahat ng iyong nilikha,
    sa lahat ng mga bagay, siya ang iyong pinamahala:
    mga tupa at kawan pati na ang mababangis,
    lahat ng ibong lumilipad, at mga isda sa karagatan,
    at lahat ng nilikhang nasa karagatan.

O Yahweh, na aming Panginoon,
    sa buong mundo'y tunay kang dakila!

Mga Awit 84

Awit ng Pananabik sa Tahanan ng Diyos

Isang Awit na katha ng angkan ni Korah upang awitin ng Punong Mang-aawit: ayon sa Gittith.[a]

84 Mahal ko ang iyong templo, O Makapangyarihang Yahweh!
Nasasabik ang lingkod mo na sa templo ay pumasok.
    Ang buo kong pagkatao'y umaawit na may lugod,
sa masayang pag-awit ko pinupuri'y buháy na Diyos.

Panginoon, sa templo mo, mga maya'y nagpupugad,
    maging ibong layang-layang sa templo mo'y nagagalak,
may inakay na kalinga sa tabi ng iyong altar;
    O Yahweh, hari namin at Diyos na walang hanggan.
Mapalad na masasabi, silang doo'y tumatahan
    at palaging umaawit, nagpupuring walang hanggan. (Selah)[b]

Ang sa iyo umaasa'y masasabing mapalad din,
    silang mga naghahangad, sa Zion ay makarating.
Habang sila'y naglalakbay sa tigang na kapatagan,
    tuyong lupa'y binabaha sa maagap na pag-ulan.
Habang sila'y lumalakad, lalo silang lumalakas,
    batid nilang nasa Zion ang Diyos nilang hinahanap.
Dinggin mo ang dalangin ko, O Yahweh, Makapangyarihang Diyos,
    O ikaw na Diyos ni Jacob, dinggin mo ang iyong lingkod. (Selah)[c]

Basbasan mo, aming Diyos, itong hari naming mahal,
    pagpalain mo po siya pagkat ikaw ang humirang.

10 Kahit isang araw lamang, mas gusto ko sa templo mo,
    kaysa isang libong araw na iba ang tahanan ko.
Gusto ko pang maging bantay sa pinto ng iyong templo,
    kaysa ako'y tumira sa bahay ng mga palalo.
11 Pagkat ang Panginoong Yahweh, pag-asa at sanggalang,
    kami'y pinagpapala mo sa pag-ibig mo at dangal.
Hindi siya nagkakait ng mabuting mga bagay
    sa sinumang ang gawain ay matuwid at marangal.
12 O Yahweh, ang Diyos na Makapangyarihan sa lahat,
    ang magtiwala sa iyo'y masasabing mapalad!

Error: 'Ecclesiastico 36:1-17' not found for the version: Magandang Balita Biblia
1 Corinto 12:27-13:13

27 Kayo ngang lahat ang iisang katawan ni Cristo, at bawat isa sa inyo ay bahagi nito. 28 Naglagay(A) ang Diyos sa iglesya, una, ng mga apostol; ikalawa, ng mga propeta; at ikatlo, ng mga guro. Naglagay rin siya ng mga gumagawa ng mga himala, mga nagpapagaling ng mga maysakit, mga tagatulong, mga tagapangasiwa, at mga nagsasalita sa iba't ibang mga wika. 29 Hindi lahat ay apostol, propeta o guro; hindi lahat ay binigyan ng kakayahang gumawa ng mga himala, 30 magpagaling ng mga maysakit, magsalita sa iba't ibang mga wika o magpaliwanag ng mga wikang ito. 31 Ngunit buong sikap ninyong hangarín ang mga kaloob na mas dakila.

At ngayo'y ituturo ko sa inyo ang landas na pinakamabuti sa lahat.

Ang Pag-ibig

13 Makapagsalita man ako sa mga wika ng mga tao at ng mga anghel, kung wala naman akong pag-ibig, para lamang akong kampanang umaalingawngaw o pompiyang na maingay. Kung(B) ako man ay may kakayahang magsalita ng mensahe mula sa Diyos at umunawa sa lahat ng hiwaga, kung nasa akin man ang lahat ng kaalaman at lahat ng pananampalataya, anupa't nakakapagpalipat ako ng mga bundok, ngunit wala naman akong pag-ibig, wala akong kabuluhan. At kung ipamigay ko man ang lahat ng aking mga ari-arian at ialay ang aking katawan upang sunugin,[a] ngunit wala naman akong pag-ibig, wala rin akong mapapala!

Ang pag-ibig ay matiyaga at magandang-loob, hindi maiinggitin, hindi mayabang ni mapagmataas man, hindi magaspang ang pag-uugali, hindi makasarili, hindi magagalitin, o mapagtanim ng sama ng loob sa kapwa. Hindi ito natutuwa sa masama, sa halip ay nagagalak sa katotohanan. Ang pag-ibig ay matiisin, mapagtiwala, puno ng pag-asa, at nagtitiyaga hanggang wakas.

Matatapos ang kakayahang magsalita ng mensahe mula sa Diyos, titigil rin ang kakayahang magsalita sa iba't ibang mga wika, at lilipas ang kaalaman, ngunit ang pag-ibig ay walang katapusan. Hindi pa ganap ang ating kaalaman at hindi rin ganap ang kakayahan nating magsalita ng mensahe mula sa Diyos, 10 ngunit pagdating ng ganap, maglalaho na ang di-ganap.

11 Noong ako'y bata pa, ako'y nagsasalita, nag-iisip at nangangatuwirang tulad ng bata. Ngayong ako'y mayroon nang sapat na gulang, iniwanan ko na ang mga asal ng bata. 12 Sa kasalukuyan ang ating nakikita ay tila malabong larawan sa salamin, subalit darating ang araw na ang lahat ay makikita natin nang harapan. Bahagya lamang ang nalalaman ko ngayon, ngunit darating ang araw na malulubos ang kaalamang ito, tulad ng lubos na pagkakilala niya sa akin.

13 Samantala, nananatili ang tatlong ito: ang pananampalataya, pag-asa, at pag-ibig, ngunit ang pinakadakila sa mga ito ay ang pag-ibig.

Mateo 18:21-35

Ang Talinghaga tungkol sa Lingkod na Di Marunong Magpatawad

21 Lumapit(A) si Pedro at nagtanong kay Jesus, “Panginoon, ilang beses ko po bang patatawarin ang aking kapatid na nagkakasala sa akin? Pitong beses po ba?”

22 Sinagot(B) siya ni Jesus, “Hindi pitong beses, kundi pitumpung ulit na pito.[a] 23 Sapagkat ang kaharian ng langit ay katulad nito: ipinasya ng isang hari na hingan ng ulat ang kanyang mga alipin tungkol sa kanilang mga utang. 24 Nang simulan niyang magkwenta, dinala sa kanya ang isang lingkod na may utang na milyun-milyong piso.[b] 25 Dahil sa siya'y walang maibayad, iniutos ng hari na ipagbili siya, pati ang kanyang asawa, mga anak, at lahat ng kanyang ari-arian, upang siya'y makabayad. 26 Lumuhod ang lingkod sa harapan ng hari at nagmakaawa, ‘Bigyan pa po ninyo ako ng panahon at babayaran ko sa inyo ang lahat.’ 27 Naawa sa kanya ang hari kaya't pinatawad siya sa kanyang pagkakautang at pinalaya.

28 “Ngunit pagkaalis roon ay nakita niya ang isa niyang kapwa lingkod na may utang sa kanya na ilang daang piso.[c] Sinakal niya ito, sabay sabi, ‘Magbayad ka ng utang mo!’ 29 Lumuhod ito at nagmakaawa sa kanya, ‘Bigyan mo pa ako ng panahon at babayaran kita.’ 30 Ngunit hindi siya pumayag. Sa halip, ito'y ipinabilanggo niya hanggang sa makabayad.

31 “Sumama ang loob ng ibang mga lingkod ng hari sa pangyayaring iyon, kaya't pumunta sila sa hari at nagsumbong. 32 Ipinatawag ng hari ang lingkod na iyon. ‘Napakasama mo!’ sabi niya. ‘Pinatawad kita sa utang mo sapagkat nagmakaawa ka sa akin. 33 Naawa ako sa iyo. Hindi ba't dapat ka rin sanang nahabag sa kapwa mo?’ 34 At sa galit ng hari, siya'y ipinabilanggo hanggang sa mabayaran nang buo ang kanyang utang. 35 Gayundin ang gagawin sa inyo ng aking Ama na nasa langit kung hindi ninyo taos pusong patatawarin ang inyong kapatid.”

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.