Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 75-76

Diyos ang Siyang Huhusga

Isang Awit na katha ni Asaf upang awitin ng Punong Mang-aawit.

75 Salamat, O Diyos, maraming salamat,
    sa iyong pangalan kami'y tumatawag,
    upang gunitain sa lahat ng oras ang mga gawa mo na kahanga-hanga.

Wika ng Panginoon, “Sa takdang panahon,
    walang pagtatanging ako ay hahatol.
Itong mundong ito'y kahit na mayanig,
    maubos ang tao dito sa daigdig,
    ang saligan nito'y aking ititindig.” (Selah)[a]
“Sabi ko sa hambog sila ay mag-ingat, at ang masasama'y huwag magpasikat.
    Ang pagmamalaki'y dapat na iwasan, kung magsasalita'y gawing malumanay.”

Hindi sa silangan, hindi sa kanluran,
    hindi rin sa timog o sa hilaga man magmumula, hatol na inaasahan.
Tanging Diyos lamang ang siyang hahatol,
    sa mapapahamak o sa magtatagumpay.
Si Yahweh na Diyos ay may kopang hawak,
    sariwa't matapang yaong lamang alak;
ipauubaya niyang ito'y tunggain
    ng taong masama, hanggang sa ubusin.

Subalit ako ay laging magagalak;
    ang Diyos ni Jacob, aking itataas.
10 Lakas ng masama'y papatiding lahat,
    sa mga matuwid nama'y itataas!

Diyos ang Magtatagumpay

Awit na katha ni Asaf upang awitin ng Punong Mang-aawit: sa saliw ng mga instrumentong may kuwerdas.

76 Tunay na si Yahweh'y kilala sa Juda,
    sa buong Israel, dakilang talaga;
nasa Jerusalem ang tahanan niya,
    sa Bundok ng Zion, doon tumitira.
Lahat ng sandata ng mga kaaway,
    mga pana't sundang, baluting sanggalang, doon niya sinirang walang pakundangan. (Selah)[b]

O Diyos, dakila ka, ikaw ay maringal
    higit pa sa matatag na kabundukan.[c]
Walang magawâ, matatapang na kawal, binawi ng Diyos ang taglay na samsam;
    nahihimbing sila at nakahandusay,
    mga lakas nila, lahat ay pumanaw.
Nang ika'y magalit, O Diyos ni Jacob,
    sakay at kabayo'y pawang nangalugmok.

Ikaw, O Yahweh, kinatatakutan!
    Sino ang tatayo sa iyong harapan
    kapag nagalit ka sa mga kinapal?
Sa iyong paghatol na mula sa langit,
    ang lahat sa mundo'y takot at tahimik.
Nang ika'y tumayo't gawin ang paglitis,
    naligtas ang mga api sa daigdig. (Selah)[d]

10 Ang matinding galit sa iyo ng tao, hahantong na lahat sa pagpuri sa iyo.
    Silang nangaligtas sa mga labanan, laging magpupuri at mangagdiriwang.
11 Mga pangako mo kay Yahweh, iyong Diyos, ay iyong tuparin nang tapat sa loob;
    dapat na magdala ng mga kaloob ang lahat ng bansa sa iyong palibot.

12 Hambog na prinsipe ay ibinababâ,
    tinatakot niya hari mang dakila.

Mga Awit 23

Si Yahweh ang Ating Pastol

Awit ni David.

23 Si Yahweh ang aking pastol, hindi ako magkukulang;
pinapahimlay(A) niya ako sa luntiang pastulan,
    at inaakay niya sa tahimik na batisan.
Pinapanumbalik ang aking kalakasan,
at pinapatnubayan niya sa tamang daan,
    upang aking parangalan ang kanyang pangalan.
Dumaan man ako sa madilim na libis ng kamatayan,
    wala akong katatakutan, pagkat ika'y aking kaagapay.
Ang tungkod mo at pamalo, aking gabay at sanggalang.

Ipinaghahanda mo ako ng salu-salo,
    na nakikita pa nitong mga kalaban ko;
sa aking ulo langis ay ibinubuhos,
    sa aking saro, pagpapala'y lubus-lubos.
Kabutiha't pag-ibig mo sa aki'y di magkukulang, siyang makakasama ko habang ako'y nabubuhay;
    at magpakailanma'y sa bahay ni Yahweh mananahan.

Mga Awit 27

Panalangin ng Pagpupuri

Katha ni David.

27 Si Yahweh ang ilaw ko at kaligtasan;
    sino pa ba ang aking katatakutan?
Si Yahweh ang muog ng aking buhay,
    sino pa ba ang aking kasisindakan?

Kung buhay ko'y pagtangkaan ng taong masasama,
    sila'y mga kalaban ko at mga kaaway nga,
    mabubuwal lamang sila at mapapariwara.
Kahit isang hukbo ang sa aki'y pumalibot,
    hindi pa rin ako sa kanila matatakot;
salakayin man ako ng mga kaaway,
    magtitiwala pa rin ako sa Maykapal.

Kay Yahweh ay isang bagay lang ang aking hiniling,
    iisa lamang talaga ang aking hangarin:
ang tumira sa Templo niya habang buhay,
    upang kagandahan ni Yahweh'y aking mapagmasdan,
    at doo'y humingi sa kanya ng patnubay.
Itatago niya ako kapag may kaguluhan,
    sa loob ng kanyang Templo ako'y iingatan;
    sa ibabaw ng batong malaki ako'y ilalagay.
Matatalo ko ang mga nakapaligid kong kaaway.
    Sa Templo'y sisigaw nang may kagalakan, habang mga handog ko'y iniaalay;
    aawitan ko si Yahweh at papupurihan.

Pakinggan mo ako, Yahweh, sa aking panawagan,
    sagutin mo ako at iyong kahabagan.
Nang sabihin mo, Yahweh, “Lumapit ka sa akin,”
sagot ko'y, “Nariyan na ako at kita'y sasambahin.”
Huwag ka sanang magagalit sa akin;
    ang iyong lingkod, huwag mo sanang palayasin.
Tinulungan mo ako, Diyos ng aking kaligtasan,
    huwag mo po akong iwan, at huwag pabayaan!
10 Itakwil man ako ng aking ama at ina,
    si Yahweh ang sa akin ay mag-aaruga.

11 Ituro mo sa akin, Yahweh, ang iyong kagustuhan,
    sa ligtas na landas ako'y iyong samahan,
    pagkat naglipana ang aking mga kaaway.
12 Sa mga kaaway ay huwag akong ipaubaya,
    na kung lumulusob ay mga pagbabanta at kasinungalingan ang dalang sandata.

13 Naniniwala akong bago ako mamatay,
    kabutihan ni Yahweh'y aking masasaksihan.
14 Kay Yahweh tayo'y magtiwala!
    Manalig sa kanya at huwag manghinawa.
Kay Yahweh tayo magtiwala!

Error: 'Ecclesiastico 51:1-12' not found for the version: Magandang Balita Biblia
Pahayag 18:1-14

Ang Pagbagsak ng Babilonia

18 Pagkatapos nito, nakita kong bumababa mula sa langit ang isang anghel na may malaking kapangyarihan. Nagliwanag ang buong daigdig dahil sa kanyang kaluwalhatian. Sumigaw(A) siya nang napakalakas, “Bumagsak na! Bumagsak na ang makapangyarihang Babilonia! Ngayon ay kulungan na lamang siya ng mga demonyo, ng masasamang espiritu, ng maruruming ibon at ng marurumi at kasuklam-suklam na mga hayop. Sapagkat(B) pinainom niya ng alak ng kanyang kahalayan ang lahat ng bansa. Nakiapid sa kanya ang mga hari sa lupa, at ang mga mangangalakal sa buong daigdig ay yumaman sa kanyang mahalay na pamumuhay.”

Narinig(C) ko mula sa langit ang isa pang tinig na nagsasabi,

“Umalis ka sa Babilonia, bayan ko!
    Huwag kang makibahagi sa kanyang mga kasalanan,
    upang hindi ka maparusahang kasama niya!
Sapagkat(D) abot na hanggang langit ang mga kasalanan niya,
    at hindi nalilimutan ng Diyos ang kanyang kasamaan.
Gawin(E) ninyo sa kanya ang ginawa niya sa iba,
    gumanti kayo nang doble sa kanyang ginawa.
Punuin ninyo ang kanyang kopa
    ng inuming higit na mapait kaysa inihanda niya sa iba.
Kung(F) paano siya nagmataas at nagpasasa sa kalayawan,
    palasapin ninyo siya ng ganoon ding pahirap at kapighatian.
Sapagkat lagi niyang sinasabi,
‘Ako'y nakaluklok na isang reyna!
    Hindi ako biyuda,
    hindi ako magluluksa kailanman!’
Dahil dito, daragsa sa kanya ang mga salot sa loob ng isang araw:
    sakit, dalamhati, at taggutom;
at tutupukin siya ng apoy.
    Sapagkat makapangyarihan ang Panginoong Diyos na humahatol sa kanya.”

Tatangis(G) at iiyak ang mga haring nakiapid sa kanya at nagpasasa sa kalayawan sa piling niya, habang tinatanaw nila ang usok ng nasusunog na lungsod. 10 Tatayo sila sa malayo sapagkat takot silang madamay sa dinaranas niyang parusa. Sasabihin nila, “Kalagim-lagim! Kalagim-lagim ang dakilang Babilonia, ang makapangyarihang lungsod! Sa loob lamang ng isang oras ay naganap ang parusa sa kanya!”

11 Dahil(H) sa kanya'y tatangis din at magdadalamhati ang mga mangangalakal sa daigdig, sapagkat wala nang bibili ng kanilang paninda. 12 Wala(I) nang bibili ng kanilang mga ginto, pilak, alahas at perlas, mga telang lino, seda, telang kulay ube at pula, lahat ng uri ng mabangong kahoy, mga kagamitang yari sa pangil ng elepante, mamahaling kahoy, tanso, bakal, at marmol. 13 Wala nang bibili ng kanilang sinamon at mga pampalasa, kamanyang, mira at insenso, alak at langis, harina at trigo, mga baka at tupa, mga kabayo at karwahe, mga alipin, at maging kaluluwa ng tao. 14 “Wala na ang lahat ng mga bagay na hinangad mo. Ang lahat ng kayamanan mo, pati na ang iyong kagandahan ay naglahong kasama mo at hindi na masisilayan ng mga tao kailanman!”

Lucas 14:1-11

Pinagaling ni Jesus ang Lalaking may Manas

14 Isang Araw ng Pamamahinga, si Jesus ay inanyayahang kumain sa bahay ng isang pinuno ng mga Pariseo, at binabantayan nilang mabuti ang kanyang mga kilos. Lumapit kay Jesus ang isang lalaking may manas. Kaya't tinanong niya ang mga Pariseo at ang mga dalubhasa sa Kautusan, “Naaayon ba sa Kautusan ang magpagaling sa Araw ng Pamamahinga o hindi?”

Ngunit hindi sila umimik, kaya't hinawakan ni Jesus ang maysakit, pinagaling ito at saka pinauwi. Pagkatapos(A) ay sinabi niya sa kanila, “Kung ang inyong anak o ang inyong baka ang mahulog sa balon, hindi ba't iaahon ninyo ito kaagad kahit Araw ng Pamamahinga?”

Hindi sila nakasagot sa tanong na ito.

Pagmamataas at Pagpapakumbaba

Napansin ni Jesus na pinipili ng ilang mga panauhin ang mga upuang pandangal. Kaya't sinabi niya ang talinghagang ito sa kanila. “Kapag(B) inanyayahan ka sa isang kasalan, huwag kang uupo agad sa upuang pandangal. Baka may inanyayahang mas kilala kaysa sa iyo. Baka lapitan ka ng nag-anyaya sa inyong dalawa at sabihin sa iyo, ‘Maaari bang ibigay mo ang upuang iyan sa taong ito?’ Sa gayon, mapapahiya ka at doon ka uupo sa pinakaabang upuan. 10 Mabuti pa, kapag naanyayahan ka, doon ka muna maupo sa pinakaabang upuan. Kapag lumapit sa iyo ang nag-anyaya at kanyang sinabi, ‘Kaibigan, dito ka sa kabisera,’ mapaparangalan ka sa harap ng lahat ng mga panauhin. 11 Sapagkat(C) ang nagmamataas ay ibababa, at ang nagpapakumbaba ay itataas.”

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.