Book of Common Prayer
Dalangin para Ingatan at Patnubayan
25 1-2 Panginoon kong Dios, sa inyo ako nananalangin at nagtitiwala.
Huwag nʼyo pong hayaan na mapahiya ako
at pagtawanan ng aking mga kaaway dahil sa aking pagkatalo.
3 Ang sinumang nagtitiwala sa inyo ay hindi malalagay sa kahihiyan,
ngunit mapapahiya ang mga traydor.
4 Ituro nʼyo sa akin, Panginoon, ang tamang pamamaraan,
ang tuwid na daan na dapat kong lakaran.
5 Turuan nʼyo akong mamuhay ayon sa katotohanan,
dahil kayo ang Dios na aking tagapagligtas.
Kayo ang lagi kong inaasahan.
6 Panginoon, alalahanin nʼyo ang kagandahang-loob at pag-ibig,
na inyong ipinakita mula pa noong una.
7 Panginoon, ayon sa inyong kabutihan at pag-ibig,
alalahanin nʼyo ako, pero huwag ang mga kasalanan at pagsuway ko
mula pa noong aking pagkabata.
8 Mabuti at matuwid po kayo, Panginoon,
kaya tinuturuan nʼyo ng inyong pamamaraan ang mga makasalanan.
9 Pinapatnubayan nʼyo ang mga mapagpakumbaba para gumawa ng tama.
Silaʼy tinuturuan nʼyo ng inyong pamamaraan.
10 Lahat ng ginagawa nʼyo ay nagpapakita ng inyong pag-ibig at katapatan sa mga sumusunod sa inyong mga kautusan.
11 Panginoon, alang-alang sa inyong kabutihan,[a] patawarin nʼyo ako sa napakarami kong kasalanan.
12 Ang sinumang may takot sa inyo, Panginoon, ay turuan nʼyo po ng daan na dapat nilang lakaran.
13 Mabubuhay sila ng masagana,
at ang kanilang lahi ay patuloy na maninirahan sa lupain na ipinangako ng Dios.
14 Panginoon, kayoʼy malapit sa mga taong may takot sa inyo,
at pinapaalala nʼyo sa kanila ang inyong kasunduan.
15 Palagi akong umaasa sa inyo, Panginoon,
dahil kayo ang palaging nagliligtas sa akin sa kapahamakan.
16 Dinggin nʼyo po ako at inyong kahabagan,
dahil akoʼy nag-iisa at naghihirap.
17 Lalong dumarami ang bigat sa aking kalooban.
Hanguin nʼyo ako sa aking mga kalungkutan.
18 Tingnan nʼyo ang dinaranas kong mga kahirapan,
at patawarin nʼyo ang lahat kong kasalanan.
19 Tingnan nʼyo kung gaano karami ang aking mga kaaway
na galit na galit sa akin.
20 Iligtas nʼyo ako, Panginoon! At ingatan ang aking buhay!
Nanganganlong ako sa inyo; huwag nʼyong hayaan na mapahiya ako.
21 Dahil namumuhay ako nang matuwid at walang kapintasan, at umaasa sa inyo,
nawaʼy maging ligtas ako.
22 O Dios, iligtas nʼyo po ang Israel sa lahat ng kaguluhan.
Ang Makatarungang Paghatol ng Dios
9 Panginoon, buong puso kitang pasasalamatan.
Ikukuwento ko ang lahat ng inyong ginawang kahanga-hanga.
2 Magpapakasaya ako dahil sa inyo, Kataas-taasang Dios.
Aawit ako ng mga papuri para sa inyo.
3 Kapag nagpapakita kayo sa aking mga kaaway, natatakot sila:
tumatakas sila, nadadapa, at sa inyong harapan silaʼy namamatay.
4 Nakaupo kayo sa inyong trono bilang matuwid na hukom.
Noong hinatulan nʼyo ako, napatunayan nʼyong wala akong kasalanan.
5 Hinatulan nʼyo at nilipol ang mga bansang masasama,
kaya hindi na sila maaalala magpakailanman.
6 Tuluyan nang nawala ang aking mga kaaway;
sila ay lubusang nawasak.
Giniba nʼyo rin ang kanilang mga bayan,
at silaʼy lubusan nang makakalimutan.
7 Ngunit kayo, Panginoon ay maghahari magpakailanman.
At handa na ang inyong trono para sa paghatol.
8 Hinahatulan nʼyo nang matuwid ang mga tao sa bawat bansa,
at wala kayong kinikilingan.
9 Panginoon, kayo ang kanlungan ng mga inaapi,
at kublihan sa panahon ng kahirapan.
10 Sa inyo nagtitiwala ang nakakakilala sa inyo,
dahil hindi nʼyo itinatakwil ang mga lumalapit sa inyo.
11 Magsiawit kayo ng papuri sa Panginoon na hari ng Jerusalem!
Ihayag ninyo sa mga bansa ang kanyang mga ginawa!
12 Hindi niya nakakalimutan ang panawagan ng mga pinahihirapan;
pinaghihigantihan niya ang mga nagpapahirap sa kanila.
13 Panginoon, tingnan nʼyo po ang pagpapahirap sa akin ng aking mga kaaway.
Maawa kayo sa akin, at iligtas nʼyo ako sa bingit ng kamatayan,
14 upang masabi ko sa lahat ng tao sa pintuan ng Zion,[a] ang inyong mga ginawa,
at akoʼy magagalak at magpupuri dahil sa inyong pagliligtas.
15 Nangyari mismo sa kanilang bansa ang plinano nilang masama.
At sila mismo ang nahuli sa sarili nilang bitag.
16 Ipinakita ng Panginoon kung sino siya sa pamamagitan ng paghatol niya ng matuwid.
At ang masasama ay napahamak,
dahil na rin sa kanilang ginawang masama.
17 Mamamatay ang taong masasama sa lahat ng bansa,
dahil itinakwil nila ang Dios.
18 Ang mga dukha ay hindi laging pababayaan,
at ang pag-asa ng mga mahihirap ay hindi na mawawala kailanman.
19 O Panginoon, huwag nʼyong pabayaang manaig ang kakayahan ng mga tao,
tipunin nʼyo sa inyong presensya at hatulan ang mga taong hindi kumikilala sa inyo.
20 Turuan nʼyo silang matakot Panginoon,
at nang malaman nilang silaʼy mga tao lamang.
Ang Nais ng Dios sa mga Sumasamba sa Kanya
15 Panginoon, sino ang maaaring tumira sa inyong templo?
Sino ang karapat-dapat na tumira sa inyong Banal na Bundok?
2 Sumagot ang Panginoon,
“Ang taong
namumuhay ng tama,
walang kapintasan at taos-pusong nagsasabi ng katotohanan,
3 hindi naninirang puri,
at hindi nagsasalita at gumagawa ng masama laban sa kanyang kapwa.
4 Itinatakwil ang mga taong sobrang sama,
ngunit pinararangalan ang mga taong may takot sa Dios.
Tinutupad ang kanyang ipinangako kahit na mahirap gawin.
5 Hindi nagpapatubo sa kanyang mga pautang,
at hindi tumatanggap ng suhol upang sumaksi laban sa taong walang kasalanan.”
Ang taong gumagawa ng ganito ay hindi matitinag kailanman.
Ipinaliwanag ni Daniel ang Kahulugan ng Panaginip
19 Nabagabag at natakot si Daniel (na tinatawag ding Belteshazar) nang marinig niya ito. Kaya sinabi sa kanya ng hari, “Belteshazar, huwag kang mabagabag sa panaginip ko at sa kahulugan nito.” Sumagot si Belteshazar, “Mahal na Hari, sana ang iyong panaginip at ang kahulugan nito ay sa inyong mga kaaway mangyari at hindi sa iyo. 20 Ang napanaginipan ninyong punongkahoy na lumaki at tumaas hanggang langit na kitang-kita sa buong mundo, 21 na may mayayabong na dahon at maraming bunga na maaaring kainin ng lahat, sinisilungan ng mga hayop at pinamumugaran ng mga ibon ang mga sanga, 22 ay walang iba kundi kayo, Mahal na Hari. Sapagkat kayo po ay naging makapangyarihan; ang kapangyarihan nʼyo ay abot hanggang langit,[a] at ang inyong nasasakupan ay umabot sa ibaʼt ibang dako ng mundo.”
23 Sinabi pa ni Daniel, “Nakita nʼyo rin, Mahal na Hari, ang isang anghel na bumaba mula sa langit na sumisigaw, ‘Putulin ninyo ang punongkahoy pero hayaan ninyo ang tuod nito sa lupa na natatalian ng bakal at tanso. Hayaang mabasa ng hamog at kakain kasama ng mga hayop sa gubat sa loob ng pitong taon.’
24 “Mahal na Hari, ito po ang ibig sabihin ng pangitaing niloob ng Kataas-taasan na Dios na mangyari sa inyo: 25 Itataboy kayo at ilalayo sa mga tao at maninirahan kayong kasama ng mga hayop sa gubat. Kakain kayo ng damo tulad ng baka at palagi kayong mababasa ng hamog. Pagkatapos ng pitong taon, kikilalanin nʼyo ang Kataas-taasang Dios na siyang may kapangyarihan sa mga kaharian ng mga tao at maaari niyang ipasakop ang mga ito kahit kanino niya gustuhin. 26 Tungkol naman po sa sinabi ng anghel na hayaan lang ang tuod, ang ibig sabihin noon ay ibabalik sa inyo ang kaharian nʼyo kung kikilalanin nʼyo na ang Dios ang siyang naghahari sa lahat. 27 Kaya Mahal na Hari, pakinggan nʼyo po ang payo ko: Tigilan nʼyo na po ang inyong kasamaan, gumawa kayo ng matuwid at maging maawain sa mga dukha. Kung gagawin nʼyo po ito, baka sakaling manatili kayong maunlad.”
19 Sa ganitong paraan, mapapatunayan natin na tayo nga ay nasa katotohanan at magiging panatag ang ating kalooban sa kanyang harapan 20 kahit inuusig man tayo ng ating konsensya. Sapagkat ang Dios ay mas higit kaysa sa ating konsensya at nalalaman niya ang lahat ng bagay. 21 Mga minamahal, kung hindi tayo inuusig ng ating konsensya, panatag tayong makakalapit sa Dios. 22 At matatanggap natin ang anumang hinihiling natin sa kanya, dahil sumusunod tayo sa kanyang mga utos at ginagawa ang naaayon sa kanyang kalooban. 23 At ito ang kanyang utos: Dapat tayong sumampalataya sa kanyang Anak na si Jesu-Cristo, at magmahalan gaya ng iniutos niya sa atin. 24 Ang mga sumusunod sa utos niya ay nananatili sa kanya, at siyaʼy nananatili rin sa kanila. At malalaman natin na nananatili ang Dios sa atin sa pamamagitan ng Banal na Espiritu na ibinigay niya sa atin.
Ang Espiritu ng Dios at ang Espiritu ng Anti-Cristo
4 Mga minamahal, huwag kayong basta maniniwala sa mga taong nagsasabi na ang ipinangangaral nilaʼy mula sa Banal na Espiritu. Sa halip, alamin muna ninyo kung nagmula nga sa Dios ang itinuturo nila. Sapagkat marami nang huwad at sinungaling na propetang nagkalat sa mundo. 2 Sa ganitong paraan ninyo malalaman kung ang espiritung sumasakanila ay mula sa Dios: kung kinikilala nila na si Jesu-Cristoʼy naging tao, ang Dios mismo ang nagsugo sa kanila. 3 Ngunit ang hindi kumikilala na si Jesus ay naging tao ay hindi isinugo ng Dios kundi ng espiritu ng anti-Cristo. Narinig ninyo na darating na ang anti-Cristo, at naririto na nga sa mundo. 4 Ngunit mga anak ko, kayoʼy sa Dios at napagtagumpayan na ninyo ang mga huwad at sinungaling na propeta, dahil ang Espiritung nasa inyo ay higit na makapangyarihan kaysa kay Satanas, na siyang naghahari ngayon sa mga makamundo. 5 Itong mga huwad at sinungaling na propetaʼy makamundo, kaya ang mga bagay ng mundo ang kanilang itinuturo, at nakikinig sa kanila ang mga makamundo. 6 Ngunit tayo naman ay sa Dios. Ang mga kumikilala sa Dios ay nakikinig sa mga itinuturo natin, ngunit ang mga hindi kumikilala sa Dios ay hindi nakikinig sa atin. Sa gayong paraan natin makikilala kung sino ang nangangaral ng mula sa Espiritu ng katotohanan o sa espiritu ng kasinungalingan.
Sinimulan ni Jesus ang Kanyang Gawain(A)
14 Bumalik si Jesus sa Galilea na taglay ang kapangyarihan ng Banal na Espiritu. Kumalat sa lahat ng lugar doon ang balita tungkol sa kanya. 15 Nagturo siya sa mga sambahan ng mga Judio, at pinuri siya ng lahat.
Hindi Tinanggap si Jesus sa Nazaret(B)
16 Umuwi si Jesus sa Nazaret, sa bayang kinalakihan niya. At katulad ng nakaugalian niya, pumunta siya sa sambahan ng mga Judio sa Araw ng Pamamahinga. Tumayo siya upang bumasa ng Kasulatan. 17 Ibinigay sa kanya ang aklat ni Propeta Isaias. Binuksan niya ito at pagkakita sa bahagi ng Kasulatan na kanyang hinahanap, binasa niya ito na nagsasabing:
18 “Sumasaakin ang Espiritu ng Panginoon,
dahil pinili niya ako upang ipangaral sa mga dukha ang Magandang Balita.
Sinugo niya ako upang ipahayag sa mga bihag na malaya na sila,
at sa mga bulag na makakakita na sila.
Sinugo rin niya ako upang palayain ang mga inaapi,
19 at ipahayag na dumating na ang panahon ng pagliligtas ng Panginoon.”[a]
20 Pagkatapos, ibinilot ni Jesus ang Kasulatan at isinauli sa tagapag-ingat nito. Umupo siya para magsimulang mangaral. Nakatingin sa kanya ang lahat ng naroon. 21 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Ang bahaging ito ng Kasulatan ay natupad na sa araw na ito habang nakikinig kayo.” 22 Pinuri siya ng lahat at humanga sa napakaganda niyang pananalita. Sinabi nila, “Hindi baʼt anak lang siya ni Jose?” 23 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Tiyak na babanggitin ninyo sa akin ang kawikaang ito: ‘Manggagamot, gamutin mo muna ang iyong sarili,’ na ang ibig sabihin, ‘Gawin mo rin dito sa sarili mong bayan ang mga nababalitaan naming ginawa mo sa Capernaum.’ ” 24 Sinabi pa ni Jesus sa kanila, “Sinasabi ko sa inyo ang totoo, walang propetang tinatanggap sa sarili niyang bayan. 25 Alalahanin ninyo ang nangyari noong panahon ni Propeta Elias. Hindi nagpaulan ang Dios sa loob ng tatlo at kalahating taon, at nagkaroon ng matinding taggutom sa buong lupain. Maraming biyuda sa Israel noon, 26 pero hindi pinapunta ng Dios si Elias sa kaninuman sa kanila kundi sa isang biyuda na hindi Judio sa Zarefat na sakop ng Sidon. 27 Ganyan din ang nangyari noong panahon ni propeta Eliseo. Maraming tao sa Israel ang may malubhang sakit sa balat,[b] ngunit walang pinagaling ni isa man sa kanila si Eliseo. Sa halip, si Naaman pa na taga-Syria ang pinagaling niya.” 28 Nagalit ang mga taong naroon sa sambahan nang marinig nila ito. 29 Nagtayuan sila at ipinagtabuyan si Jesus palabas ng bayan, at dinala malapit sa gilid ng burol, na kinatatayuan ng kanilang bayan, para ihulog siya sa bangin. 30 Pero dumaan siya sa kalagitnaan nila at iniwan sila.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®