Book of Common Prayer
Ang Panalangin ng Taong Pinagtaksilan ng Kanyang Kaibigan
55 O Dios, dinggin nʼyo ang aking dalangin.
Ang paghingi ko ng tulong ay bigyan nʼyo ng pansin.
2 Pakinggan nʼyo ako at sagutin,
naguguluhan ako sa aking mga suliranin.
3 Nag-aalala na ako sa pananakot at pang-aapi ng aking mga kaaway.
Dahil galit na galit sila, ginugulo nila ako at pinagbabantaan.
4 Kumakabog ang dibdib ko sa takot na akoʼy mamatay.
5 Nanginginig na ako sa sobrang takot.
6 At nasabi ko ito: “Kung may pakpak lang ako tulad ng kalapati, lilipad ako at maghahanap ng mapagpapahingahan.
7 Lilipad ako ng malayo at doon mananahan sa ilang.
8 Maghahanap agad ako ng mapagtataguan
para makaiwas sa galit ng aking mga kaaway na tulad ng malakas na hangin o bagyo.”
9 Panginoon, lituhin nʼyo ang aking mga kaaway at guluhin nʼyo ang kanilang mga pag-uusap.
Dahil nakita ko ang karahasan at kaguluhan sa lungsod.
10 Araw-gabi itong nangyayari.[a]
Ang lungsod ay puno ng kasamaan at kaguluhan.
11 Laganap ang kasamaan at walang tigil ang pang-aapi at pandaraya sa mga lansangan.
12 Matitiis ko kung ang kaaway ko ang kumukutya sa akin.
Kung ang isang taong galit sa akin ang magmamalaki sa akin, maiiwasan ko siya.
13 Ngunit mismong kagaya ko, kasama ko at kaibigan ko ang sa akin ay nangiinsulto.
14 Dati, malapit kami sa isaʼt isa, at magkasama pa kaming pumupunta sa templo ng Dios.
15 Sanaʼy mamatay na lang bigla ang aking mga kaaway.
Sanaʼy malibing silang buhay sa lugar ng mga patay.
Sapagkat ang kasamaan ay nasa puso nila at sa kanilang mga tahanan.
16 Ngunit ako ay humihingi ng tulong sa Panginoong Dios,
at inililigtas niya ako.
17 Umaga, tanghali at gabi, dumadaing ako at nagbubuntong-hininga sa kanya, at akoʼy pinapakinggan niya.
18 Ililigtas niya ako at iingatan sa aking pakikipaglaban,
kahit napakarami ng aking mga kalaban.
19 Pakikinggan ako ng Dios na naghahari magpakailanman,
at ibabagsak niya ang aking mga kaaway.
Dahil ang aking mga kaaway ay hindi nagbabago at walang takot sa Dios.
20 Kinalaban ng dati kong kaibigan ang kanyang mga kaibigan;
at hindi niya tinupad ang kanyang mga pangako.
21 Malumanay at mahusay nga siyang magsalita,
ngunit puno naman ng poot ang kanyang puso,
at ang kanyang pananalita ay nakakasugat tulad ng matalim na espada.
22 Ibigay mo sa Panginoon ang iyong mga alalahanin at aalagaan ka niya.
Hindi niya pababayaan ang mga matuwid magpakailanman.
23 Ngunit itatapon niya ang mga mamamatay-tao at ang mga mandaraya
sa napakalalim na hukay bago mangalahati ang kanilang buhay.
Ngunit ako, akoʼy magtitiwala sa kanya.
Panalangin para sa Bansa sa Oras ng Kaguluhan
74 O Dios, hanggang kailan mo kami itatakwil?
Bakit kayo nagagalit sa mga taong inyong kinakalinga?
2 Alalahanin nʼyo ang mga mamamayan na inyong pinili, ang lahing tinubos nʼyo, mula pa noong una at ginawa nʼyong pinakatangi-tanging kayamanan.
Alalahanin nʼyo rin ang bundok ng Zion na inyong tahanan.
3 Puntahan nʼyo ang lugar na sira pa rin hanggang ngayon;
tingnan nʼyo kung paanong sinira ng mga kaaway ang lahat sa templo.
4 Sumigaw sila sa loob ng inyong templo.
Nagtaas pa sila roon ng mga bandila bilang simbolo ng kanilang tagumpay.
5 Sinibak nila ang templo na parang pumuputol ng punongkahoy sa gubat gamit ang palakol.
6 Winasak nila ang mga inukit na mga kagamitan sa pamamagitan ng mga palakol.
7 Nilapastangan at sinunog nila ang inyong tahanan.
8 Sinabi nila sa kanilang sarili, “Lipulin natin silang lahat!”
Sinunog nila ang lahat ng lugar na pinagsasambahan sa inyo, O Dios.
9 Wala nang palatandaan na kasama namin kayo.
Wala nang propetang naiwan at walang nakakaalam kung hanggang kailan matatapos ang mga nangyayaring ito sa amin.
10 O Dios, hanggang kailan kayo kukutyain ng aming mga kaaway?
Papayagan nʼyo ba silang lapastanganin ang inyong pangalan habang buhay?
11 Bakit wala kayong ginagawa?
Kumilos na kayo![a]
Puksain nʼyo na sila!
12 Kayo, O Dios, ang aming Hari mula pa noong una.
Paulit-ulit nʼyo nang iniligtas ang mga tao sa mundo.[b]
13 Hinati nʼyo ang dagat sa pamamagitan ng inyong kapangyarihan at dinurog ang ulo ng mga dambuhalang hayop sa dagat.
14 Dinurog nʼyo ang ulo ng dragon na Leviatan at ipinakain ang bangkay nito sa mga hayop sa ilang.
15 Kayo ang nagpapadaloy ng mga bukal at mga batis, at ang ilog na hindi natutuyo ay pinapatuyo ninyo.
16 Kayo ang gumawa ng araw at ng gabi at naglagay ng araw at ng buwan sa kanilang kinalalagyan.
17 Kayo rin ang naglagay ng mga hangganan sa mundo
at lumikha ng tag-araw at taglamig.
18 Alalahanin nʼyo Panginoon, kung paano kayo pinahiya at kinutya ng mga hangal na kaaway.
Kung paano nilapastangan ng mga mangmang na ito ang inyong pangalan.
19 Huwag nʼyong ibigay sa kanilang mga kaaway na parang mababangis na hayop ang inyong mga mamamayan na parang kalapati.
Huwag nʼyong lubusang kalimutan ang inyong mga mamamayan na laging inaapi.
20 Alalahanin nʼyo ang kasunduan ninyo sa amin,
dahil laganap ang kalupitan sa madidilim na lugar ng lupaing ito.
21 Huwag nʼyong payagang mapahiya ang mga mahihirap at nangangailangan.
Purihin sana nila kayo.
22 Sige na po, O Dios, ipagtanggol nʼyo ang inyong karangalan.
Alalahanin nʼyo kung paano kayo laging hinihiya ng mga hangal na ito.
23 Huwag nʼyong balewalain ang walang tigil na paghiyaw ng inyong mga kaaway upang ipakita ang kanilang galit.
5 Sinabi pa ng Panginoon, “Isusumpa ko ang taong lumalayo sa akin at nagtitiwala lamang sa tao. 6 Matutulad siya sa isang maliit na punongkahoy sa ilang na walang magandang kinabukasan. Maninirahan siya sa tigang at maalat na lupain na walang ibang nakatira. 7 Pero mapalad ang taong nagtitiwala at lubos na umaasa lamang sa akin. 8 Matutulad siya sa punongkahoy na itinanim sa tabi ng ilog na ang mga ugat ay umaabot sa tubig. Ang punongkahoy na itoʼy hindi manganganib, dumating man ang tag-init o mahabang tag-araw. Palaging sariwa ang mga dahon nito at walang tigil ang pamumunga.
9 “Ang puso ng tao ay mandaraya higit sa lahat, at lubos na masama. Sino ang nakakaalam kung gaano ito kasama? 10 Pero ako, ang Panginoon, alam ko ang puso at isip ng tao. Gagantihan ko ang bawat isa ayon sa pag-uugali at mga gawa niya.
14 Panginoon, pagalingin nʼyo po ako at gagaling ako; iligtas nʼyo po ako at maliligtas ako. At kayo lang ang tangi kong pupurihin. 15 Sinabi po sa akin ng mga tao, “Nasaan na ang mga sinabi ng Panginoon? Bakit hindi pa rin ito nangyayari hanggang ngayon?” 16 O Panginoon, hindi po ako naging pabaya sa gawain ko bilang tagapagbantay ng mga mamamayan ninyo. Hindi ko po hinangad na ipahamak nʼyo sila. Alam po ninyo ang mga sinabi ko. 17 Huwag nʼyo po akong takutin, dahil kayo ang kanlungan ko sa panahon ng kapahamakan.
Mga Bilin
4 Kaya nga, mga minamahal na kapatid, magpakatatag kayo sa Panginoon. Mahal na mahal ko kayo at nasasabik akong makita kayo. Kayo ang kagalakan at gantimpala ko sa paglilingkod.
2 Nakikiusap ako kina Eudia at Syntique, na magkasundo na sila bilang magkapatid sa Panginoon. 3 At nakikiusap din ako sa iyo, tapat kong kasama sa pangangaral, na tulungan mo ang mga babaeng ito. Sapagkat katulong ko sila sa pagpapalaganap ng Magandang Balita, kasama nina Clement at ng iba ko pang kamanggagawa na ang mga pangalan ay nakasulat sa aklat ng buhay.[a]
4 Magalak kayong lagi sa Panginoon! Inuulit ko, magalak kayo!
5 Ipakita nʼyo sa lahat ang kagandahang-loob ninyo. Malapit nang dumating ang Panginoon! 6 Huwag kayong mag-alala sa anumang bagay. Sa halip, ilapit sa Dios ang lahat ng pangangailangan nʼyo sa pamamagitan ng panalangin na may pasasalamat. 7 Kapag ginawa nʼyo ito, bibigyan kayo ng Dios ng kapayapaan na siyang mag-iingat sa puso ninyo at pag-iisip dahil kayoʼy nakay Cristo Jesus. At ang kapayapaang ito ay hindi kayang unawain ng tao.
8 Bukod diyan, mga kapatid, lagi ninyong isaisip ang mga bagay na mabuti at kapuri-puri: mga bagay na totoo, marangal, matuwid, malinis, maganda, at kanais-nais. 9 Ipamuhay nʼyo ang lahat ng natutunan nʼyo at tinanggap mula sa akin, sa salita at sa gawa, at sasainyo ang Dios na nagbibigay ng kapayapaan.
Ang Pasasalamat ni Pablo sa Kanilang Tulong
10 Lubos akong nagagalak sa Panginoon dahil muli nʼyong ipinakita ang pagmamalasakit nʼyo sa akin. Alam kong lagi kayong nagmamalasakit sa akin, kaya lang wala kayong pagkakataong maipakita ito. 11 Hindi ko sinasabi ito dahil nanghihingi ako ng tulong sa inyo. Sapagkat natutunan kong maging kontento anuman ang kalagayan ko. 12 Marunong akong mamuhay sa hirap o ginhawa. Natutunan ko na ang lahat ng ito, kaya maging anuman ang kalagayan ko, busog man o gutom, sagana o salat, kontento pa rin ako. 13 Kaya kong harapin ang kahit anong kalagayan sa pamamagitan ng tulong ni Cristo na nagpapatatag sa akin.
Ipinahiwatig ni Jesus ang Kanyang Kamatayan
27 Sinabi pa ni Jesus, “Nababagabag ako ngayon. Sasabihin ko ba sa Ama na iligtas niya ako sa nalalapit na paghihirap? Hindi, dahil ito ang dahilan ng pagpunta ko rito.” 28 Pagkatapos, sinabi ni Jesus sa Ama, “Ama, ipakita nʼyo ang inyong kadakilaan.” Isang tinig mula sa langit ang sumagot, “Ipinakita ko na sa pamamagitan mo, at muli ko itong ipapakita.”
29 Nang marinig ng mga taong naroon ang tinig, sinabi nila, “Kumulog!” Pero sinabi naman ng iba, “Kinausap siya ng isang anghel.” 30 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Ang tinig na iyon ay ipinarinig hindi para sa akin kundi para sa kapakanan ninyo. 31 Dumating na ang paghatol sa mga tao sa mundo. Malulupig na si Satanas na siyang naghahari sa mundong ito. 32 At kapag itinaas na ako mula sa lupa, ilalapit ko ang lahat ng tao sa akin.” 33 (Sinabi ito ni Jesus upang ipahiwatig kung paano siya mamamatay.) 34 Sumagot ang mga tao sa kanya, “Nakasaad sa Kasulatan na ang Cristoʼy mabubuhay nang walang hanggan. Bakit mo sinasabing kailangang mamatay[a] ang Anak ng Tao? Sino ba ang Anak ng Tao na tinutukoy mo?” 35 Sumagot si Jesus, “Maikling panahon na lang ninyong makakasama ang ilaw. Kaya mamuhay kayo sa liwanag ng ilaw na ito habang narito pa, para hindi kayo abutan ng dilim. Sapagkat hindi alam ng naglalakad sa dilim kung saan siya papunta. 36 Kaya sumampalataya kayo sa akin na siyang ilaw ninyo habang narito pa ako, para maliwanagan ang isipan ninyo.”[b] Pagkasabi ni Jesus nito, umalis siya at nagtago sa kanila.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®