Book of Common Prayer
Awit ng Pagpupuri sa Dios
95 Halikayo, magsiawit tayo nang may kagalakan!
Sumigaw tayo sa pagpupuri sa Panginoon na ating Bato na kanlungan at tagapagligtas.
2 Lumapit tayo sa kanya nang may pasasalamat,
at masaya nating isigaw ang mga awit ng papuri sa kanya.
3 Dahil ang Panginoon ay dakilang Dios.
Makapangyarihang hari sa lahat ng mga dios.
4 Siya ang may-ari ng kailaliman ng lupa at tuktok ng mga bundok.
5 Sa kanya rin ang dagat pati ang lupain na kanyang ginawa.
6 Halikayo, lumuhod tayo at sumamba sa Panginoon na lumikha sa atin.
7 Dahil siya ang ating Dios
at tayo ang kanyang mga mamamayan na gaya ng mga tupa sa kanyang kawan na kanyang binabantayan at inaalagaan.
Kapag narinig ninyo ang tinig niya,
8 huwag ninyong patigasin ang inyong mga puso,
katulad ng ginawa noon ng inyong mga ninuno doon sa Meriba at sa ilang ng Masa.
9 Sinabi ng Dios, “Sinubok nila ako doon, kahit na nakita nila ang mga ginawa ko.
10 Sa loob ng 40 taon, lubha akong nagalit sa kanila.
At sinabi kong silaʼy mga taong naligaw ng landas at hindi sumusunod sa aking mga itinuturo.
11 Kaya sa galit ko, isinumpa kong hindi nila makakamtan ang kapahingahang galing sa akin.”
Panawagan sa Dios para Tulungan
22 Dios ko! Dios ko! Bakit nʼyo ako pinabayaan?
Bakit kay layo nʼyo sa akin?
Dumadaing ako sa hirap, ngunit hindi nʼyo pa rin ako tinutulungan.
2 Dios ko, araw-gabiʼy tumatawag ako sa inyo,
ngunit hindi nʼyo ako sinasagot,
kaya wala akong kapahingahan.
3 Ngunit banal ka, at nakaluklok ka sa iyong trono,
at pinupuri ng mga Israelita.
4 Ang aming mga ninuno ay sa inyo nagtiwala,
at silaʼy inyong iniligtas.
5 Tinulungan nʼyo sila nang sila ay tumawag sa inyo.
Sila ay nagtiwala at hindi nabigo.
6 Akoʼy hinahamak at hinihiya ng mga tao.
Sinasabi nila na para akong higad at hindi tao.
7 Bawat makakita sa akin ay nangungutya, nang-aasar,
at iiling-iling na nagsasabi,
8 “Hindi baʼt nagtitiwala ka sa Panginoon,
bakit hindi ka niya iniligtas?
Hindi baʼt nalulugod siya sa iyo, bakit hindi ka niya tinulungan?”
9 Ngunit kayo ang naglabas sa akin sa sinapupunan ng aking ina,
at mula noong dumedede pa ako, iningatan nʼyo na ako.
10 Mula kapanganakan ko, nakadepende na ako sa inyo,
at mula noon, kayo lang ang aking Dios.
11 Kaya huwag nʼyo akong pababayaan,
dahil malapit nang dumating ang kaguluhan,
at wala na akong ibang maaasahan.
12 Napapaligiran ako ng maraming kaaway,
na para bang mababangis na mga toro mula sa Bashan.
13 Para rin silang mga leong umaatungal
at nakanganga na handa akong lapain.
14 Nawalan ako ng lakas na parang tubig na ibinubuhos,
at ang aking mga buto ay parang nalinsad[a] lahat.
At nawalan ako ng lakas ng loob, para akong nauupos na kandila.
15 Ang aking kalakasan ay natuyo na parang tigang na lupa,
at ang aking dila ay dumidikit sa aking ngala-ngala.
O Panginoon, pinabayaan nʼyo ako sa lupa na parang isang patay.
16 Pinaligiran ako ng mga taong masama na parang mga aso.
At binutasan nila ang aking mga kamay at mga paa.
17 Naglalabasan na ang lahat ng aking mga buto,
ngunit akoʼy kanilang tinitingnan lamang.
18 Ang aking mga damit ay kanilang pinaghati-hatian sa pamamagitan ng palabunutan.
19 Ngunit kayo, Panginoon, huwag nʼyo akong lalayuan.
Kayo ang aking kalakasan;
magmadali kayo at akoʼy tulungan.
20 Iligtas nʼyo ang buhay ko sa espada ng aking mga kaaway na tulad ng mga pangil ng aso,
21 o mga kuko ng leon, o sungay ng toro. Sagutin nʼyo po ang aking dalangin.
22 Ikukuwento ko sa aking mga kababayan ang lahat ng tungkol sa inyo.
At sa gitna ng kanilang pagtitipon, kayo ay aking papupurihan.
23 Kayong may takot sa Panginoon,
purihin ninyo siya!
Kayong mga lahi ni Jacob na siyang bayan ng Israel,
parangalan ninyo siya
at matakot kayo sa kanya!
24 Hindi niya binabalewala ang mga mahihirap.
Hindi niya sila tinatalikuran,
sa halip ay pinakikinggan pa niya ang kanilang mga pagtawag.
25 Panginoon, bigyan nʼyo ako ng kasiglahan na magpuri sa inyo sa gitna ng buong sambayanan.
Sa gitna ng mga taong may takot sa inyo,
tutuparin ko ang aking mga pangako sa inyo.
26 Kakain ang mga dukha hanggang sa mabusog.
Pupurihin kayo ng mga lumalapit sa inyo.
Sanaʼy sumakanila ang mabuti at mahabang buhay magpakailanman.
27 Panginoon, maaalala kayo ng tao sa buong mundo,
at sila ay manunumbalik at sasamba sa inyo,
28 sapagkat kayo ang naghahari,
at namumuno sa lahat ng bansa.
29 Kaya magdiriwang at sasamba sa inyo ang lahat ng mayayaman sa buong mundo.
Luluhod sa inyo ang lahat ng mga mortal, ang mga babalik sa alikabok.
30 Ang susunod na salinlahi ay maglilingkod sa inyo.
At tuturuan nila ang kanilang mga anak ng tungkol sa inyo, Panginoon.
31 Balang araw, silang hindi pa ipinapanganak ay malalaman ang mga ginawa nʼyo,
at maging ang pagliligtas nʼyo sa inyong mga mamamayan.
Awit ng Pagpupuri sa Panginoon
40 Akoʼy matiyagang naghintay sa Panginoon,
at dininig niya ang aking mga daing.
2 Para akong nasa malalim at lubhang maputik na balon,
ako ay kanyang iniahon at itinatayo sa malaking bato, upang hindi
mapahamak.
3 Tinuruan niya ako ng bagong awit,
ang awit ng pagpupuri sa ating Dios.
Marami ang makakasaksi at matatakot sa Dios,
at silaʼy magtitiwala sa kanya.
4 Mapalad ang taong sa Panginoon nagtitiwala,
at hindi lumalapit sa mga mapagmataas,
o sumasamba sa mga dios-diosan.
5 Panginoon kong Dios, wala kayong katulad.
Napakarami ng kahanga-hangang bagay na inyong ginawa para sa amin,
at ang inyong mga plano para sa amin ay marami rin.
Sa dami ng mga itoʼy hindi ko na kayang banggitin.
6 Hindi kayo nalulugod sa ibaʼt ibang klaseng handog.
Hindi kayo humihingi ng handog na sinusunog at handog para sa kasalanan.
Sa halip, ginawa nʼyo akong masunurin sa inyo.
7 Kaya sinabi ko,
“Narito ako. Sa inyong Kasulatan ay nakasulat ang tungkol sa akin.
8 O Dios, nais kong sundin ang kalooban ninyo.
Ang inyong mga kautusan ay iniingatan ko sa aking puso.”
9 Sa malaking pagtitipon ng inyong mga mamamayan, inihayag ko ang inyong pagliligtas sa akin.
At alam nʼyo, Panginoon, na hindi ako titigil sa paghahayag nito.
10 Hindi ko sinasarili ang pagliligtas nʼyo sa akin.
Ibinabalita ko na kayo ay nagliligtas at maaasahan.
Hindi ako tumatahimik kapag nagtitipon ang inyong mga mamamayan.
Sinasabi ko sa kanila ang inyong pag-ibig at katotohanan.
11 Panginoon, huwag nʼyong pigilin ang awa nʼyo sa akin.
Ang inyong pag-ibig at katapatan ang laging mag-iingat sa akin.
12 Hindi ko na kayang bilangin ang napakarami kong suliranin.
Para na akong natabunan ng marami kong kasalanan,
kaya hindi na ako makakita.
Ang bilang ng aking mga kasalanan ay mas marami pa kaysa sa aking buhok.
Dahil dito, halos mawalan na ako ng pag-asa.
13 Panginoon, pakiusap!
Iligtas nʼyo ako at kaagad na tulungan.
14 Mapahiya sana at malito ang lahat ng nagnanais na mamatay ako.
Magsitakas sana sa kahihiyan ang lahat ng mga nagnanais na akoʼy mapahamak.
15 Pahiyain nʼyo nang lubos ang mga nagsasabi sa akin, “Aha! Napasaamin ka rin!”
16 Ngunit ang mga lumalapit sa inyo ay magalak sana at magsaya.
Ang mga nagpapahalaga sa inyong pagliligtas ay lagi sanang magsabi,
“Dakilain ang Panginoon!”
17 Ako naman na dukha at nangangailangan,
alalahanin nʼyo ako, Panginoon.
Kayo ang tumutulong sa akin.
Kayo ang aking Tagapagligtas.
Aking Dios, agad nʼyo akong tulungan.
Inutusan ng Dios si Abraham na Ihandog si Isaac
22 Dumating ang panahon na sinubukan ng Dios si Abraham. Tinawag niya si Abraham, at sumagot si Abraham sa kanya. 2 Pagkatapos, sinabi niya, “Dalhin mo ang kaisa-isa[a] at pinakamamahal mong anak na si Isaac, at pumunta kayo sa lupain ng Moria. Umakyat kayo sa bundok na ituturo ko sa iyo at ialay mo siya sa akin bilang handog na sinusunog.”
3 Kinabukasan, maagang nagsibak si Abraham ng mga kahoy na gagamitin sa paghahandog, at isinakay niya ito sa asno. Lumakad siya kasama si Isaac at ang dalawa niyang aliping lalaki papunta sa lugar na sinabi sa kanya ng Dios. 4 Nang ikatlong araw ng kanilang paglalakbay, nakita ni Abraham sa di-kalayuan ang lugar na sinabi sa kanya ng Dios. 5 Kaya sinabi ni Abraham sa dalawa niyang alipin, “Dito muna kayo at bantayan ninyo ang asno, dahil aakyat kami roon para sumamba sa Dios. Babalik din kami agad.” 6 Ipinapasan ni Abraham kay Isaac ang mga kahoy na gagamitin sa paghahandog, at siya ang nagdala ng itak at sulo.
7 Habang lumalakad sila, sinabi ni Isaac, “Ama!” Sumagot si Abraham, “Bakit anak?” Nagtanong si Isaac, “May dala po tayong sulo at panggatong pero nasaan po ang tupa na ihahandog?”
8 Sumagot si Abraham, “Anak, ang Dios mismo ang magbibigay sa atin ng tupang ihahandog.” At nagpatuloy sila sa paglalakad.
9 Nang dumating sila sa lugar na sinabi ng Dios, gumawa si Abraham ng altar na bato, at inihanda niya ang mga kahoy sa ibabaw nito. Pagkatapos, iginapos niya si Isaac at inihiga sa ibabaw ng altar. 10 Kinuha niya ang itak. At nang papatayin na sana niya si Isaac, 11 tinawag siya ng anghel ng Panginoon mula sa langit, “Abraham! Abraham!” Sumagot si Abraham, “Narito po ako.” 12 Sinabi ng anghel, “Huwag mong patayin ang anak mo! Ngayon, napatunayan ko na may takot ka sa Dios dahil hindi mo ipinagkait ang kaisa-isa mong anak.” 13 Paglingon ni Abraham, may nakita siyang isang lalaking tupa na ang sungay ay nasabit sa mga sanga ng kahoy, at hindi na ito makaalis. Kaya kinuha ito ni Abraham at inihandog bilang handog na sinusunog kapalit ng kanyang anak. 14 Tinawag ni Abraham ang lugar na iyon na “Naglalaan ang Panginoon.” Ito ang pinagmulan ng kasabihang, “Sa bundok ng Panginoon may inilalaan siya.”
10 Ang kaligtasang itoʼy pinagsikapang saliksikin ng mga propeta noon. Sila ang nagpahayag tungkol sa kaloob na ito ng Dios sa atin. 11 Ipinahayag na sa kanila ng Espiritu ni Cristo na nasa kanila, na maghihirap siya bago parangalan. Kaya patuloy sa pagsasaliksik ang mga propeta noon kung kailan at kung papaano ito mangyayari. 12 Ipinahayag din sa kanila na ang mga bagay na ipinaalam nila ay hindi para sa ikabubuti nila kundi para sa atin.[a] At ngayon, napakinggan nʼyo na sa mga nangangaral ng Magandang Balita ang mga ipinahayag nila. Nagsalita sila sa inyo sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Banal na Espiritung sinugo sa kanila mula sa langit. Kahit ang mga anghel noon ay nagnais na maunawaan ang Magandang Balitang ito na ipinangaral sa inyo.
Sundin Ninyo ang Dios
13 Kaya lagi kayong maging handa na gawin ang kalooban ng Dios. Magpakatatag kayo at lubos na umasa na matatanggap nʼyo ang mga pagpapalang ibibigay sa inyo kapag dumating na si Jesu-Cristo. 14 Bilang masunuring mga anak ng Dios, huwag kayong padadala sa masasamang hilig ninyo noong hindi pa kayo nakakakilala sa Dios. 15 Banal ang Dios na tumawag sa inyo, kaya dapat magpakabanal din kayo sa lahat ng ginagawa ninyo. 16 Sapagkat sinasabi ng Dios sa Kasulatan, “Magpakabanal kayo dahil banal ako.”[b]
17 Walang pinapaboran ang Dios. Hinahatulan niya ang mga tao ayon sa gawa ng bawat isa. Kaya kung tinatawag nʼyo siyang Ama kapag nananalangin kayo sa kanya, igalang nʼyo siya habang naninirahan pa kayo sa mundong ito. 18 Alam naman ninyo kung ano ang ipinangtubos sa inyo mula sa walang kabuluhang pamumuhay na minana nʼyo sa mga ninuno ninyo. Ang ipinangtubos sa inyoʼy hindi ang mga bagay na nawawala katulad ng ginto o pilak, 19 kundi ang mahalagang dugo ni Cristo. Katulad siya ng isang tupa na walang dungis o kapintasan na inihandog sa Dios. 20 Bago pa likhain ang mundo, pinili na ng Dios si Cristo para maging Tagapagligtas natin. At ipinahayag siya ng Dios nitong mga huling araw alang-alang sa inyo.
Sinabi ni Jesus na Ikakaila Siya ni Pedro(A)
36 Nagtanong si Simon Pedro kay Jesus, “Panginoon, saan po kayo pupunta?” Sumagot si Jesus, “Sa ngayon ay hindi ka makakasama sa pupuntahan ko, pero susunod ka rin doon balang araw.” 37 Nagtanong pa si Pedro, “Panginoon, bakit hindi ako maaaring sumama sa inyo ngayon? Handa naman akong mamatay para sa inyo.” 38 Sumagot si Jesus, “Talaga bang handa kang mamatay para sa akin? Sinasabi ko sa iyo ang totoo, bago tumilaok ang manok, tatlong beses mong ikakaila na kilala mo ako.”
Ang Paglilibing kay Jesus(A)
38 Pagkatapos nito, hiningi ni Jose na taga-Arimatea ang bangkay ni Jesus kay Pilato. (Si Jose ay isang tagasunod ni Jesus, ngunit palihim lang dahil natatakot siya sa mga pinuno ng mga Judio.) Pinayagan siya ni Pilato, kaya pinuntahan niya ang bangkay ni Jesus para kunin ito. 39 Sinamahan siya ni Nicodemus, ang lalaking bumisita noon kay Jesus isang gabi. Nagdala si Nicodemus ng mga 35 kilo ng pabango na gawa sa pinaghalong mira at aloe. 40 Kinuha nila ang bangkay ni Jesus at nilagyan ng dala nilang pabango habang ibinabalot ng telang linen, ayon sa nakaugalian ng mga Judio sa paglilibing. 41 Sa lugar kung saan ipinako si Jesus ay may halamanan. At doon ay may isang bagong libingan na hinukay sa gilid ng burol, na hindi pa napapaglibingan. 42 Dahil bisperas na noon ng pista, at dahil malapit lang ang libingang iyon, doon na nila inilibing si Jesus.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®