Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 97

Ang Dios ay Higit sa Lahat ng Pinuno

97 Ang Panginoon ay naghahari!
    Kaya magalak ang mundo, pati na ang mga isla.
Napapalibutan siya ng makakapal na ulap
    at naghahari nang may katuwiran at katarungan.
May apoy sa unahan niya at sinusunog nito ang mga kaaway niyang nakapalibot sa kanya.
Ang kanyang mga kidlat ay lumiliwanag sa mundo.
    Nakita ito ng mga tao at nanginig sila sa takot.
Natutunaw na parang kandila ang mga kabundukan sa presensya ng Panginoon, ang Panginoon na naghahari sa buong mundo.
Ipinapahayag ng langit na matuwid siya
    at nakikita ng lahat ng tao ang kanyang kaluwalhatian.
Mapapahiya ang lahat ng sumasamba sa mga dios-diosan at ang mga nagmamalaki sa mga ito.
    Ang lahat ng mga dios ay lumuhod at sambahin ang Dios.
Panginoon, narinig ng mga taga-Zion[a] at ng mga taga-Juda ang tungkol sa inyong wastong pamamaraan ng pamamahala,
    kaya tuwang-tuwa sila.
Dahil kayo, Panginoon, ang Kataas-taasang Dios ay naghahari sa buong mundo.
    Higit kayong dakila kaysa sa lahat ng mga dios.
10 Kayong mga umiibig sa Panginoon ay dapat mamuhi sa kasamaan.
    Dahil iniingatan ng Panginoon ang buhay ng kanyang mga tapat na mamamayan
    at inililigtas niya sila sa masasama.
11 Ang kabutihan ng Dios ay parang araw na sumisinag sa matutuwid
    at nagbibigay ito ng kagalakan sa kanila.
12 Kayong matutuwid, magalak kayo sa Panginoon.
    Pasalamatan siya at purihin ang kanyang pangalan!

Salmo 99

Ang Panginoon ay Banal na Hari

99 Naghahari ang Panginoon at nakaupo sa gitna ng mga kerubin.
    Kaya ang mga taoʼy nanginginig sa takot at ang mundoʼy nayayanig.
Makapangyarihan ang Panginoon sa Zion,[a]
    dinadakila siya sa lahat ng bansa.
Magpupuri ang mga tao sa kanya dahil siya ay makapangyarihan at kagalang-galang.
    Siya ay banal!
Siyaʼy haring makapangyarihan at ang nais niyaʼy katarungan.
    Sa kanyang paghatol ay wala siyang kinikilingan,
    at ang ginagawa niya sa Israel[b] ay matuwid at makatarungan.
Purihin ang Panginoon na ating Dios.
    Sambahin siya sa kanyang templo.[c]
    Siya ay banal!
Sina Moises at Aaron ay kanyang mga pari,
    at si Samuel ay isa sa mga nanalangin sa kanya.
    Tumawag sila sa Panginoon at tinugon niya sila.
Nakipag-usap siya sa kanila mula sa ulap na parang haligi;
    sinunod nila ang mga katuruan at tuntunin na kanyang ibinigay.
Panginoon naming Dios, sinagot nʼyo ang dalangin ng inyong mga mamamayan.[d]
    Ipinakita nʼyo sa kanila na kayo ay Dios na mapagpatawad kahit na pinarusahan nʼyo sila sa kanilang mga kasalanan.
Purihin ang Panginoon na ating Dios.
    Sambahin siya sa kanyang banal na Bundok,
    dahil ang Panginoon na ating Dios ay banal.

Salmo 115

Iisa ang Tunay na Dios

115 Panginoon, hindi kami ang dapat na parangalan,
    kundi kayo, dahil sa inyong pag-ibig at katapatan.
Bakit kami kinukutya ng ibang bansa at sinasabi nilang,
    “Nasaan na ang inyong Dios?”

Ang aming Dios ay nasa langit,
    at ginagawa niya ang kanyang nais.
Ngunit ang kanilang mga dios ay yari sa pilak at ginto na gawa lang ng tao.
May bibig sila, ngunit hindi nakakapagsalita;
    may mga mata, ngunit hindi nakakakita.
May mga tainga, ngunit hindi nakakarinig;
    may ilong, ngunit hindi nakakaamoy.
May mga kamay, ngunit hindi nakakahawak;
    may mga paa, ngunit hindi nakakalakad,
    at kahit munting tinig ay wala kang marinig.
Ang mga gumawa ng mga dios-diosan at nagtitiwala rito ay matutulad sa mga ito.

9-10 Kayong mga mamamayan ng Israel at kayong mga angkan ni Aaron,
    magtiwala kayo sa Panginoon.
    Siya ang tutulong at mag-iingat sa inyo.
11 Kayong mga may takot sa Panginoon,
    magtiwala kayo sa kanya.
    Siya ang tutulong at mag-iingat sa inyo.
12 Hindi tayo kinakalimutan ng Panginoon,
    pagpapalain niya ang mga mamamayan ng Israel at ang mga angkan ni Aaron.
13 Pagpapalain niya ang lahat ng may takot sa kanya, dakila man o aba.
14 Paramihin sana kayo ng Panginoon,
    kayo at ang inyong mga angkan.
15 Sanaʼy pagpalain kayo ng Panginoon na lumikha ng langit at ng lupa.
16 Ang kalangitan ay sa Panginoon, ngunit ang mundo ay ipinagkatiwala niya sa mga tao.
17 Ang mga patay ay hindi na makakapagpuri sa Panginoon, dahil sila ay nananahimik na.
18 Tayong mga buhay ang dapat magpuri sa Panginoon ngayon at magpakailanman.

    Purihin ang Panginoon!

Micas 7:7-15

Pero para sa akin, magtitiwala ako sa Panginoon na aking Dios. Maghihintay ako sa kanya na magliligtas sa akin, at tiyak na ako ay kanyang diringgin.

Ililigtas ng Panginoon ang mga Israelita

Sinabi ng mga Israelita, “Hindi tayo dapat kutyain ng ating mga kaaway. Kahit na nadapa tayo, muli tayong babangon. At kahit na nasa kadiliman tayo, ang Panginoon ang ating ilaw. Dahil sa nagkasala tayo sa Panginoon, dapat nating tiisin ang kanyang parusa sa atin hanggang sa ipagtanggol niya tayo at bigyan ng katarungan. Makikita natin ang pagliligtas niya sa atin sa pamamagitan ng pagdala niya sa atin sa kaliwanagan. 10 Makikita ito ng ating mga kaaway at mapapahiya sila. Sapagkat kinukutya nila tayo noon na nagsasabi, ‘Nasaan na ang Panginoon na inyong Dios?’ Hindi magtatagal at makikita natin ang kapahamakan nila. Magiging tulad sila ng putik na tinatapak-tapakan sa lansangan.”

11 Sinabi ni Micas sa mga taga-Jerusalem: Darating ang araw na muli ninyong itatayo ang mga pader ninyo at sa panahong iyon lalong lalawak ang inyong teritoryo. 12 Sa panahon ding iyon, pupunta sa inyo ang mga tao mula sa Asiria at sa mga lungsod ng Egipto, at mula sa Egipto hanggang sa Ilog ng Eufrates, at mula sa malalayong lugar.[a] 13 Magiging mapanglaw na lugar ang mga bansa sa mundo dahil sa kasamaan ng mga naninirahan doon.

Nanalangin ang mga Israelita na Kaawaan Sila ng Dios

14 Nanalangin ang mga Israelita,Panginoon, bantayan nʼyo po kami na iyong mga mamamayan katulad ng pagbabantay ng pastol sa kanyang mga tupa. Ang mga lupain sa aming paligid ay may masaganang pastulan, pero kami ay namumuhay sa kaparangan na kami-kami lang. Palawakin nʼyong muli ang aming teritoryo hanggang sa Bashan at sa Gilead katulad noon. 15 Magpakita po kayo sa amin ng mga himala katulad ng inyong ginawa nang ilabas nʼyo kami sa Egipto.

Gawa 3:1-10

Ang Paggaling ng Taong Lumpo

Isang araw, bandang alas tres ng hapon, pumunta si Pedro at si Juan sa templo. Oras noon ng pananalangin. Sa pintuan ng templo na tinatawag na “Maganda” ay may isang taong lumpo mula nang ipinanganak. Araw-araw siyang dinadala roon para humingi ng limos sa mga taong pumapasok sa templo. Nang makita niya sina Pedro at Juan na papasok sa templo, humingi siya ng limos. Tinitigan siya nina Pedro at Juan. Pagkatapos, sinabi ni Pedro sa kanya, “Tumingin ka sa amin.”

Tumingin ang lalaki sa kanila na naghihintay na malimusan. Pero sinabi ni Pedro sa kanya, “Wala akong pera.[a] Ngunit may ibibigay ako sa iyo: Sa pangalan[b] ni Jesu-Cristo na taga-Nazaret, lumakad ka!” At hinawakan ni Pedro ang kanang kamay nito at pinatayo siya. Biglang lumakas ang kanyang mga paa at bukong-bukong. Tumayo siya agad at lumakad-lakad. Pagkatapos, sumama siya kina Pedro at Juan sa templo. Palakad-lakad at patalon-talon siyang nagpupuri sa Dios. Nakita ng lahat na lumalakad siya at nagpupuri sa Dios. 10 Napansin nila na siya pala ang taong palaging nakaupo at humihingi ng limos doon sa pintuan ng templo na tinatawag na “Maganda.” Kaya lubos ang kanilang pagkamangha sa nangyari sa kanya.

Juan 15:1-11

Ang Tunay na Puno ng Ubas

15 Sinabi pa ni Jesus, “Ako ang tunay na puno ng ubas, at ang aking Ama ang tagapag-alaga. Pinuputol niya ang aking mga sangang hindi namumunga, at nililinis niya ang bawat sangang namumunga para lalo pang mamunga. Malinis na kayo dahil sa mga salitang sinabi ko sa inyo. Manatili kayo sa akin at akoʼy mananatili sa inyo. Hindi makakapamunga ang isang sanga malibang nakakabit ito sa puno. Ganoon din naman, hindi kayo makakapamunga kung hindi kayo mananatili sa akin.

“Ako ang puno ng ubas, at kayo ang aking mga sanga. Ang taong nananatili sa akin at ako rin sa kanya ay mamumunga nang marami. Sapagkat wala kayong magagawa kung hiwalay kayo sa akin. Ang hindi nananatili sa akin ay tulad ng mga sangang itinatapon at natutuyo, at pagkatapos ay tinitipon at inihahagis sa apoy para sunugin. Kung mananatili kayo sa akin at ang mga salita koʼy mananatili sa inyo, ipagkakaloob ko ang anumang hilingin ninyo. Napaparangalan ang aking Ama kung namumunga kayo nang sagana, at sa ganitong paraan ay naipapakita ninyo na mga tagasunod ko kayo. Mahal ko kayo gaya ng pagmamahal sa akin ng Ama. Manatili kayo sa aking pag-ibig. 10 Kung sinusunod ninyo ang mga utos ko, mananatili ang pag-ibig ko sa inyo. Katulad ko, sinusunod ko ang utos ng aking Ama, kaya nananatili ang kanyang pag-ibig sa akin.

11 “Sinabi ko sa inyo ang bagay na ito para magalak kayo katulad ko at malubos din ang inyong kagalakan.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®