Book of Common Prayer
Paghingi ng Kapatawaran sa Dios
51 O Dios, kaawaan nʼyo po ako
ayon sa inyong tapat na pagmamahal.
At ayon sa inyong labis na pagmamalasakit sa akin,
ang lahat ng pagsuway ko ay inyong pawiin at akoʼy patawarin.
2 Hugasan nʼyo ako, at linisin nʼyo nang lubos sa aking kasamaan,
3 dahil inaamin ko ang aking mga pagsuway,
at lagi kong iniisip ang aking mga kasalanan.
4 Tanging sa inyo lamang ako nagkasala.
Gumawa ako ng masama sa inyong paningin.
Kaya makatarungan kayo sa inyong pagbibintang sa akin.
Karapat-dapat lang na hatulan nʼyo ako.
5 Akoʼy makasalanan at masama mula pa noong akoʼy isinilang,
kahit noong ipinaglilihi pa lang ako.
6 Ang nais nʼyo ay isang pusong tapat,
kung kayaʼt ipagkaloob nʼyo sa aking kaloob-looban ang karunungan.
7 Linisin at hugasan nʼyo ako sa aking mga kasalanan
upang lubusang luminis ang pusoʼt kaluluwa ko.[a]
8 Ipadama nʼyo sa akin ang kasiyahan at kaligayahan
upang sa aba kong kalagayan, muling mapasaakin ang kagalakan.
9 Kalimutan nʼyo ang aking mga kasalanan,
at pawiin ang lahat kong kasamaan.
10 Ilikha nʼyo ako ng busilak na puso, O Dios,
at bigyan ako ng bagong espiritu na matapat.
11 Huwag po akong itaboy palayo sa inyong piling,
at ang inyong Banal na Espiritu sa akin ay huwag nʼyo po sanang bawiin.
12 Sanaʼy ibalik sa akin ang kagalakang naramdaman ko noong iniligtas nʼyo ako,
at bigyan nawa ako ng masunuring espiritu.
13 At tuturuan ko ang mga makasalanan ng inyong mga pamamaraan upang manumbalik sila sa inyo.
14 Patawarin nʼyo ako sa kasalanan kong pagpatay,
O Dios na aking Tagapagligtas.
At sisigaw ako sa kagalakan dahil sa inyong pagliligtas.
15 Panginoon, buksan nʼyo po ang aking labi,
nang ang mga itoʼy magpuri sa inyo.
16 Hindi naman mga handog ang nais nʼyo;
mag-alay man ako ng mga handog na sinusunog, hindi rin kayo malulugod.
17 Ang handog na nakalulugod sa inyo ay pusong nagpapakumbaba at nagsisisi sa kanyang kasalanan.
Ito ang handog na hindi nʼyo tatanggihan.
18 Dahil sa kagustuhan nʼyo,
pagpalain nʼyo ang Jerusalem.[b]
Muli nʼyong itayo ang mga pader nito.
19 Nang sa gayon malugod kayo sa mga nararapat na handog,
pati sa mga handog na sinusunog ng buo.
At maghahandog din sila ng mga baka sa inyong altar.
Ang Dalangin ng Taong Inuusig
69 O Dios, iligtas nʼyo ako dahil para akong isang taong malapit nang malunod.
2 Tila lulubog na ako sa malalim na putik at walang matutungtungan.
Para akong nasa laot at tinatabunan ng mga alon.
3 Pagod na ako sa paghingi ng tulong at masakit na ang aking lalamunan.
Dumidilim na ang paningin ko sa paghihintay ng tulong nʼyo, O Dios.
4 Marami ang napopoot sa akin, mas marami pa sila kaysa sa aking buhok.
Gusto nila akong patayin ng walang dahilan.
Pinipilit nilang isauli ko ang mga bagay na hindi ko naman ninakaw.
5 O Dios, alam nʼyo ang aking kahangalan;
hindi lingid sa inyo ang aking mga kasalanan.
6 O Panginoong Dios na Makapangyarihan, Dios ng Israel,
huwag sanang malagay sa kahihiyan ang mga nagtitiwala at lumalapit sa inyo nang dahil sa akin.
7 Dahil sa inyo, iniinsulto ako at inilalagay sa kahihiyan.
8 Parang ibang tao ang turing sa akin ng mga kapatid ko,
parang isang dayuhan sa aming sariling tahanan.
9 Dahil sa labis-labis na pagpapahalaga ko sa inyong templo,[a] halos mapahamak na ako.
Tuwing iniinsulto kayo ng mga tao, nasasaktan din ako.
10 Kapag akoʼy umiiyak at nag-aayuno, hinihiya nila ako.
11 Kapag nakadamit ako ng sako upang ipakita ang aking pagdadalamhati,
ginagawa nila akong katatawanan.
12 Pinagbubulung-bulungan din ako ng mga nakaupo sa pintuang bayan.
At ang mga lasing ay kumakatha ng awit ng pangungutya tungkol sa akin.
13 Ngunit dumadalangin ako sa inyo, Panginoon.
Sa inyong tinakdang panahon, sagutin nʼyo ang dalangin ko ayon sa tindi ng inyong pagmamahal sa akin.
Dahil sa tapat kayo sa inyong pagliligtas,
14 tulungan nʼyo akong huwag lumubog sa putikan.
Iligtas nʼyo ako sa aking mga kaaway na parang inililigtas nʼyo ako mula sa malalim na tubig.
15 Huwag nʼyong hayaang tabunan ako ng mga alon at mamatay.
16 Sagutin nʼyo ako, Panginoon,
dahil sa inyong kabutihan at pagmamahal sa akin.
Kahabagan nʼyo ako at bigyang pansin.
17 Huwag kayong tumalikod sa akin na inyong lingkod.
Sagutin nʼyo agad ako dahil nasa kagipitan ako.
18 Lumapit kayo sa akin at iligtas ako sa aking mga kaaway.
19 Alam nʼyo kung paano nila ako hinihiya at iniinsulto.
Alam nʼyo rin kung sino ang lahat ng kaaway ko.
20 Nasaktan ako sa kanilang panghihiya sa akin
at sumama ang loob ko.
Naghintay ako na may dadamay at aaliw sa akin,
ngunit wala ni isa man.
21 Nilagyan nila ng lason ang aking pagkain at nang akoʼy mauhaw binigyan nila ako ng suka.
22 Habang kumakain sila at nagdiriwang,
mapahamak sana sila at ang kanilang mga kasama.
23 Mabulag sana sila at laging manginig.[b]
Ang mga Reklamo ni Jeremias
12 Panginoon, kapag nagrereklamo po ako sa inyo, palaging makatarungan ang tugon ninyo. Pero ngayon, may tanong po ako tungkol sa katarungan nʼyo: Bakit po umuunlad ang masasamang tao? Bakit po mapayapa ang buhay ng mga taong taksil sa inyo? 2 Pinagpapala nʼyo po sila na parang punongkahoy na nag-uugat, lumalago, at namumunga. Pinupuri po nila kayo ng mga bibig nila pero hindi galing sa puso nila. 3 Ngunit kilala nʼyo po ako Panginoon. Nakikita nʼyo ang mga ginagawa ko at alam po ninyo kung ano ang nasa puso ko. Kaladkarin nʼyo po ang mga taong ito na parang mga tupa patungo sa katayan. Ihiwalay po ninyo sila para katayin. 4 Hanggang kailan po kaya ang pagkatuyo ng lupa at ang pagkalanta ng mga damo? Namamatay na po ang mga hayop at mga ibon dahil sa kasamaan ng mga taong nakatira sa lupaing ito. At sinasabi pa nila, “Walang pakialam ang Dios sa sasapitin natin.”
Ang Sagot ng Panginoon
5 Sinabi ng Panginoon, “Jeremias, kung napapagod ka sa pakikipaghabulan sa mga tao, di lalo na sa mga kabayo? Kung nadadapa ka sa lugar na patag, di lalo na sa kagubatan na malapit sa Ilog ng Jordan? 6 Kahit na ang iyong mga kapatid at kamag-anak ay nagtaksil sa iyo. Nagbalak sila ng masama laban sa iyo. Huwag kang magtiwala sa kanila kahit na mabuti ang sinasabi nila.
7 “Itatakwil ko ang mga mamamayan ko, ang bansang pag-aari ko. Ibibigay ko ang minamahal kong mga mamamayan sa mga kaaway nila. 8 Lumaban sila sa akin na parang leon na umaatungal sa kagubatan, kaya nagalit ako sa kanila. 9 Naging kasuklam-suklam sila sa akin na parang ibong mandaragit. At sila mismoʼy napapalibutan ng mga ibong mandaragit. Titipunin ko ang mababangis na hayop para kainin sila nito. 10 Wawasakin ng maraming pinuno ang Juda na itinuturing kong aking ubasan. Tatapak-tapakan nila itong magandang lupain at gagawing ilang. 11 Gagawin nila itong malungkot na lugar at magiging walang kabuluhan sa akin. Magiging ilang ang lupaing ito, dahil wala nang magmamalasakit dito. 12 Darating ang mga mangwawasak sa lugar na ilang. Gagamitin ko sila bilang espada na wawasak sa buong lupain, at walang makakatakas. 13 Magtatanim ng trigo ang mga mamamayan ko, pero aani sila ng tinik. Magtatrabaho sila nang husto pero wala silang pakikinabangan. Mag-aani sila ng kahihiyan dahil sa matinding galit ko.”
14 Sinabi pa ng Panginoon, “Ito ang gagawin ko sa lahat ng masasamang bansa sa palibot ng Israel na sumira ng lupaing ibinigay ko sa mga mamamayan ko: Palalayasin ko sila sa lupain nila katulad ng pagpapalayas ko sa mga taga-Juda sa lupain nito. 15 Pero sa bandang huli, kahahabagan ko ulit ang mga bansang ito at ibabalik ko sila sa sarili nilang lupain. 16 At kung tatanggapin nila nang buong puso ang pananampalataya ng mga mamamayan ko at kung susumpa sila sa pangalan ko, gaya ng itinuro nila sa mga mamamayan ko na pagsumpa sa pangalan ni Baal, magiging kabilang din sila sa mga mamamayan ko.
Ang Tunay na Pagiging Matuwid
3 Ngayon, mga kapatid, magalak kayo sa Panginoon. Hindi ako magsasawang sabihin ito nang paulit-ulit dahil para ito sa kabutihan ninyo. 2 Mag-ingat kayo sa mga Judio na namimilit na tuliin ang mga hindi Judio. Mga asal-hayop sila at gumagawa ng masama. 3 Ngunit tayo ang totoong tuli,[a] dahil sumasamba tayo sa Dios sa tulong ng Banal na Espiritu, at ipinagmamalaki ang ginawa ni Cristo Jesus. Hindi tayo nagtitiwala sa mga panlabas na seremonya o panuntunan para maligtas tayo. 4 Kung sabagay, mayroon akong maipagmamalaki kung ang pagsunod sa mga seremonya ang pag-uusapan. Kung iniisip ninuman na may katuwiran siyang magmalaki sa mga bagay na ito, lalo na ako. 5 Sapagkat noong walong araw pa lamang ako ay tinuli na ako. Isa akong Israelita na mula sa lahi ni Benjamin. Kaya kung pagiging tunay na Judio ang pag-uusapan, talagang tunay akong Judio. At kung pagsunod sa Kautusan ng mga Judio naman ang pag-uusapan, talagang sinusunod ko ito dahil Pariseo ako. 6 Kung tungkol naman sa sigasig ng pagsunod ko sa relihiyon ng mga Judio, inusig ko ang iglesya. Walang maipipintas sa akin pagdating sa pagsunod sa Kautusan. 7 Pinapahalagahan ko noon ang lahat ng ito, pero ngayon itinuturing ko na itong walang halaga dahil kay Cristo. 8 At hindi lang iyan, para sa akin, ang lahat ng bagay ay walang halaga kung ihahambing sa pagkakakilala ko kay Cristo Jesus na aking Panginoon. Itinuring ko na parang basura ang lahat ng bagay makamtan lang si Cristo, 9 at ako namaʼy maging kanya. Hindi na ako nagtitiwala na akoʼy magiging matuwid sa pamamagitan ng pagsunod sa Kautusan kundi sa pananampalataya kay Cristo. Ang pagiging matuwid ko ay kaloob sa akin ng Dios nang sumampalataya ako kay Cristo. 10 Nais ko ngayon na higit pang makilala si Cristo, maranasan ang kapangyarihan ng muli niyang pagkabuhay, makabahagi sa mga paghihirap niya at matulad sa kanya, sa kamatayan niya. 11 Sa ganoon, mabubuhay akong muli. Harinawa.
Magpatuloy Hanggang Makamtan ang Gantimpala
12 Hindi ko sinasabing nakamtan ko na ang lahat, o kayaʼy naging ganap na ako. Sa halip, patuloy akong nagsusumikap para makamtan iyon, dahil ito ang layunin ni Cristo Jesus nang tawagin niya ako. 13 Mga kapatid, hindi ko sinasabing naabot ko na ang ganap na buhay. Ngunit ito ang ginagawa ko ngayon: Kinakalimutan ko na ang nakaraan at pinagsisikapan kong makamtan ang nasa hinaharap. 14 Tulad ng isang manlalaro, nagpapatuloy ako hanggang makamtan ko ang gantimpala na walang iba kundi ang pagtawag sa akin ng Dios na makapamuhay sa langit sa pamamagitan ni Cristo Jesus.
Ang Planong Pagpatay kay Lazarus
9 Maraming Judio ang nakabalita na nasa Betania si Jesus. Kaya nagpuntahan sila roon, hindi lang dahil kay Jesus kundi upang makita rin si Lazarus na muli niyang binuhay. 10 Kaya binalak din ng mga namamahalang pari na ipapatay si Lazarus, 11 dahil siya ang dahilan kaya maraming Judio ang humihiwalay na sa kanila at sumasampalataya kay Jesus.
Ang Matagumpay na Pagpasok ni Jesus sa Jerusalem(A)
12 Kinabukasan, nabalitaan ng maraming tao na dumalo sa pista na papunta si Jesus sa Jerusalem. 13 Kaya kumuha sila ng mga palaspas at sinalubong si Jesus. Sumisigaw sila, “Purihin ang Dios! Pagpalain ang dumarating na ito sa pangalan ng Panginoon.[a] Pagpalain ang Hari ng Israel!” 14 Nakakita si Jesus ng isang batang asno at sinakyan niya ito, gaya ng nakasaad sa Kasulatan,
15 “Huwag kayong matakot, mga taga-Zion!
Makinig kayo! Paparating na ang inyong Hari
na nakasakay sa isang batang asno!”[b]
16 Hindi pa naiintindihan noon ng mga tagasunod ni Jesus ang ginawang iyon ng mga tao. Pero nang makabalik na si Jesus sa langit, saka lang nila naintindihan na iyon ang nakasaad sa Kasulatan.
17 Marami ang nakasaksi nang muling buhayin ni Jesus si Lazarus. At ipinamalita nila ang pangyayaring ito. 18 Kaya marami ang sumalubong kay Jesus, dahil nabalitaan nila ang ginawa niyang himala. 19 Dahil dito, nag-usap-usap ang mga Pariseo, “Tingnan ninyo, sumusunod na sa kanya ang lahat ng tao,[c] at wala tayong magawa!”
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®