Book of Common Prayer
Sa Punong Mang-aawit. Awit ni David.
140 Iligtas mo ako, O Panginoon, sa masasamang tao;
mula sa mararahas na tao ay ingatan mo ako,
2 na nagbabalak ng kasamaan sa puso nila,
at patuloy na nanunulsol ng pakikidigma.
3 Pinatatalas(A) ang kanilang dila na gaya ng sa ahas;
at sa ilalim ng kanilang mga labi ay kamandag ng ulupong. (Selah)
4 O Panginoon, sa mga kamay ng masama ay ingatan mo ako,
ingatan mo ako sa mararahas na tao,
na nagbalak na tisurin ang mga paa ko.
5 Ang mga taong mapagmataas ay nagkubli para sa akin ng bitag,
at ng mga panali, at sila'y naglagay ng lambat sa tabi ng daan,
naglagay sila para sa akin ng mga patibong. (Selah)
6 Aking sinabi sa Panginoon, “Ikaw ay aking Diyos;
pakinggan mo ang tinig ng aking mga daing, O Panginoon.”
7 O Panginoon, aking Panginoon, lakas ng aking kaligtasan,
tinakpan mo ang ulo ko sa araw ng labanan.
8 Huwag mong ipagkaloob, O Panginoon, ang mga nasa ng masama;
huwag mong hayaang magpatuloy ang kanyang masamang pakana, baka sila'y magmalaki. (Selah)
9 Tungkol sa ulo ng mga pumalibot sa akin,
takpan nawa sila ng kasamaan ng kanilang sariling mga labi.
10 Mahulog nawa sa kanila ang mga nagniningas na baga!
Ihagis nawa sila sa apoy, sa mga malalim na hukay upang huwag na silang makabangong muli!
11 Ang mapanirang-puri nawa'y huwag matatag sa daigdig;
kaagad nawang tugisin ng kasamaan ang taong mapanlupig!
12 Alam kong tutulungan ng Panginoon ang panig ng nahihirapan,
at katarungan para sa mahirap.
13 Tunay na ang matuwid ay magpapasalamat sa iyong pangalan,
ang matuwid ay tatahan sa iyong harapan.
Maskil(A) ni David, nang siya ay nasa yungib. Isang Panalangin.
142 Ako'y dumadaing ng aking tinig sa Panginoon;
sa pamamagitan ng aking tinig ay sumasamo ako sa Panginoon.
2 Ibinubuhos ko sa kanyang harapan ang aking daing,
sinasabi ko sa kanyang harapan ang aking suliranin.
3 Kapag ang aking espiritu'y nanlulupaypay sa loob ko,
ang aking landas ay iyong nalalaman!
Sa daan na aking tinatahak
sila'y nagkubli para sa akin ng isang bitag.
4 Tumingin ka sa kanan, at iyong masdan,
walang nakakapansin sa aking sinuman;
walang kanlungang nalalabi para sa akin;
walang sinumang lumilingap sa aking kaluluwa.
5 Ako'y dumaing sa iyo, O Panginoon;
aking sinabi, “Ikaw ang aking kanlungan,
ang aking bahagi sa lupain ng mga buháy.”
6 Pakinggan mo ang aking pagsamo,
sapagkat ako'y dinalang napakababa.
Iligtas mo ako sa mga nagsisiusig sa akin;
sapagkat sila'y napakalakas para sa akin.
7 Ilabas mo ako sa bilangguan,
upang ako'y makapagpasalamat sa iyong pangalan!
Paliligiran ako ng mga matuwid;
sapagkat ako'y pakikitunguhan mong may kasaganaan.
Awit ni David.
141 Tumatawag ako sa iyo, O Panginoon; magmadali ka sa akin!
Pakinggan mo ang tinig ko, kapag ako'y tumatawag sa iyo.
2 Ibilang(A) mo ang aking dalangin na parang insenso sa iyong harapan,
at ang pagtataas ng aking mga kamay ay handog sa kinahapunan.
3 Maglagay ka ng bantay sa aking bibig, O Panginoon.
Ingatan mo ang pintuan ng aking mga labi!
4 Huwag mong ihilig ang aking puso sa anumang masama,
na ako'y gumawa ng masasamang gawa,
na kasama ng mga taong gumagawa ng masama,
at huwag mo akong pakainin ng masasarap na pagkain nila.
5 Sugatan nawa ako ng matuwid sa kagandahang-loob at sawayin niya ako,
ito'y langis sa ulo;
huwag nawang tanggihan ng aking ulo,
sapagkat ang aking panalangin ay laging laban sa kanilang mga gawang liko.
6 Ang kanilang mga hukom ay inihagis sa mga tabi ng malaking bato,
at kanilang diringgin ang aking mga salita
sapagkat sila ay maiinam.
7 Gaya ng isang nag-aararo at nagbubungkal ng lupa,
gayon ang kanilang mga buto sa bibig ng Sheol ay ikakalat.
8 Subalit ang mga mata ko, O Panginoong Diyos, sa iyo'y nakatuon;
sa iyo ako nanganganlong; huwag mo akong iwang walang kalaban-laban!
9 Iligtas mo ako sa patibong na para sa akin ay kanilang inilagay,
at mula sa mga bitag ng mga manggagawa ng kasamaan!
10 Mahulog nawa ang masasama sa kanilang sariling mga lambat,
habang ako naman ay tumatakas.
Awit ni David.
143 Pakinggan mo, O Panginoon, ang aking dalangin,
iyong dinggin ang aking mga daing!
Sa iyong katapatan, sa iyong katuwiran, ako'y iyong sagutin!
2 At(A) huwag kang pumasok na kasama ng iyong lingkod sa kahatulan;
sapagkat walang taong nabubuhay na matuwid sa iyong harapan.
3 Sapagkat inusig ng kaaway ang aking kaluluwa;
kanyang dinurog sa lupa ang aking buhay,
pinatira niya ako sa madilim na dako gaya ng mga matagal nang patay.
4 Kaya't ang aking espiritu ay nanlulupaypay sa loob ko;
ang puso ko ay kinikilabutan sa loob ko.
5 Aking naaalala ang mga araw nang una,
aking ginugunita ang lahat mong ginawa;
aking binubulay-bulay ang gawa ng iyong mga kamay.
6 Iniuunat ko sa iyo ang aking mga kamay,
ang kaluluwa ko'y uhaw sa iyo na gaya ng lupang tigang. (Selah)
7 Magmadali ka, O Panginoon, na ako'y iyong sagutin!
Ang espiritu ko'y nanlulupaypay!
Huwag mong ikubli ang iyong mukha sa akin;
baka ako'y maging gaya nila na nagsibaba sa Hukay.
8 Sa umaga'y iparinig sa akin ang iyong tapat na pag-ibig,
sapagkat sa iyo ako ay nananalig.
Ang daan na dapat kong lakaran sa akin ay ituro mo,
sapagkat itinataas ko ang aking kaluluwa sa iyo.
9 Iligtas mo ako sa aking mga kaaway, O Panginoon,
tumakas ako patungo sa iyo upang manganlong.
10 Turuan mo akong gawin ang iyong kalooban,
sapagkat ang aking Diyos ay ikaw!
Akayin nawa ako ng iyong mabuting Espiritu
sa landas na pantay!
11 Alang-alang sa iyong pangalan, O Panginoon, muli akong buhayin!
Sa iyong katuwiran ay ilabas mo ang aking kaluluwa mula sa kaguluhan,
12 At sa iyong tapat na pag-ibig ay tanggalin mo ang aking mga kaaway,
at iyong lipulin ang lahat ng nagpapasakit sa aking kaluluwa,
sapagkat ako'y iyong lingkod.
14 Inilakas nila ang kanilang mga tinig, sila'y umawit sa kagalakan,
dahil sa kadakilaan ng Panginoon ay sumigaw sila mula sa kanluran.
15 Kaya't mula sa silangan ay luwalhatiin ninyo ang Panginoon;
sa mga pulo ng dagat, ang pangalan ng Panginoon, ang Diyos ng Israel.
16 Mula sa kadulu-duluhang bahagi ng lupa ay nakarinig kami ng mga awit ng papuri,
ng kaluwalhatian sa Matuwid.
Ngunit aking sinabi, “Nanghihina ako,
nanghihina ako, kahabag-habag ako!
Sapagkat ang mga taksil ay gumagawa ng kataksilan.
Ang mga taksil ay gumagawang may lubhang kataksilan.”
17 Ang takot, ang hukay, at ang bitag ay nasa iyo,
O naninirahan sa lupa.
18 Siyang tumatakas sa tunog ng pagkasindak
ay mahuhulog sa hukay;
at siyang umaakyat mula sa hukay
ay mahuhuli sa bitag.
Sapagkat ang mga bintana ng langit ay nakabukas,
at ang mga pundasyon ng lupa ay umuuga.
19 Ang lupa ay lubos na nagiba,
ang lupa ay lubos na nasira,
ang lupa ay marahas na niyanig.
20 Pagiray-giray na parang taong lasing ang lupa,
ito'y gumigiray na parang dampa;
at ang kanyang paglabag ay nagiging mabigat sa kanya,
at ito'y bumagsak, at hindi na muling babangon pa.
21 At sa araw na iyon, parurusahan ng Panginoon
ang hukbo ng langit, sa langit,
at ang mga hari sa lupa, sa ibabaw ng lupa.
22 At sila'y matitipong sama-sama,
kagaya ng mga bilanggo sa hukay,
sila'y sasarhan sa bilangguan,
at pagkaraan ng maraming araw sila'y parurusahan.
23 Kung magkagayo'y malilito ang buwan,
at ang araw ay mapapahiya;
sapagkat ang Panginoon ng mga hukbo ay maghahari
sa bundok ng Zion at sa Jerusalem;
at sa harapan ng kanyang matatanda ay ihahayag niya ang kanyang kaluwalhatian.
13 At sino ang gagawa ng masama sa inyo kung kayo'y masigasig sa paggawa ng mabuti?
14 Subalit(A) magdusa man kayo ng dahil sa katuwiran ay mapapalad kayo. Huwag kayong matakot sa kanilang pananakot, ni mabahala,
15 kundi(B) sa inyong mga puso ay pakabanalin ninyo si Cristo bilang Panginoon. Lagi kayong maging handa na ipagtanggol sa bawat taong humihingi sa inyo ng katuwiran ang tungkol sa pag-asang nasa inyo,
16 ngunit gawin ito nang may kaamuan at paggalang.[a] Ingatan ninyong malinis ang budhi, upang kapag kayo ay inalipusta, ang mga nagsasalita ng laban sa inyong mabuting paraan ng pamumuhay kay Cristo ay mapahiya.
17 Sapagkat mas mabuting magdusa dahil sa paggawa ng mabuti kung iyon ay kalooban ng Diyos, kaysa magdusa dahil sa paggawa ng masama.
18 Sapagkat si Cristo man ay minsang nagdusa[b] dahil sa mga kasalanan, ang isang matuwid dahil sa mga di-matuwid, upang kayo[c] ay madala niya sa Diyos. Siya ay pinatay sa laman, ngunit binuhay sa espiritu;
19 sa gayundin, siya ay pumunta at nangaral sa mga espiritung nasa bilangguan,
20 na(C) noon ay mga suwail, nang ang Diyos ay matiyagang naghintay noong mga araw ni Noe, habang ginagawa ang daong, na noon ay kakaunti, samakatuwid ay walong kaluluwa, ang naligtas sa pamamagitan ng tubig.
21 At ang bautismo, na siyang kalarawan nito, ang nagliligtas sa inyo ngayon, hindi sa pag-aalis ng karumihan ng laman, kundi bilang paghiling sa Diyos ng isang malinis na budhi, sa pamamagitan ng muling pagkabuhay ni Jesu-Cristo,
22 na umakyat sa langit at nasa kanan ng Diyos, na ipinasakop sa kanya ang mga anghel, ang mga kapamahalaan at ang mga kapangyarihan.
Mga Binagong Buhay
4 Kung paanong si Cristo ay nagdusa sa laman ay sandatahan din naman ninyo ang inyong sarili ng gayong pag-iisip, sapagkat ang nagdusa sa laman ay tapos na sa kasalanan,
2 upang hindi na kayo mamuhay sa laman sa inyong nalalabing panahon sa masasamang pagnanasa ng mga tao, kundi sa kalooban ng Diyos.
3 Sapat na ang nakaraang panahon sa paggawa ninyo ng mga gustong gawin ng mga Hentil, na namumuhay sa kahalayan, masasamang pita, paglalasing, kalayawan, pag-iinuman, at sa kasuklamsuklam na pagsamba sa mga diyus-diyosan.
4 Sila ay nagtataka na kayo ay hindi na nakikisama sa gayong labis na kaguluhan, kaya't kayo'y nilalait nila.
5 Ngunit sila'y magbibigay-sulit sa kanya na handang humatol sa mga buháy at sa mga patay.
6 Sapagkat ito ang dahilan kung bakit ang ebanghelyo ay ipinangaral maging sa mga patay, upang bagaman sila'y nahatulan sa laman na gaya ng mga tao, ay mabubuhay sila sa espiritu tulad ng Diyos.
Ikatlong Pagsasabi ni Jesus tungkol sa Kanyang Kamatayan(A)
17 Habang umaahon si Jesus patungo sa Jerusalem, ibinukod niya ang labindalawang alagad, at sa daan ay sinabi niya sa kanila,
18 “Narito, umaahon tayo patungong Jerusalem. Ibibigay ang Anak ng Tao sa mga punong pari at sa mga eskriba; at kanilang hahatulan siya ng kamatayan.
19 At kanilang ibibigay siya sa mga Hentil upang kutyain, hagupitin at ipako sa krus; at siya'y muling mabubuhay sa ikatlong araw.”
Ang Kahilingan ng Ina nina Santiago at Juan(B)
20 Pagkatapos ay lumapit kay Jesus[a] ang ina ng mga anak ni Zebedeo, na kasama ang kanyang mga anak na lalaki. Siya'y lumuhod sa kanya at may hiniling na isang bagay sa kanya.
21 At sinabi niya sa kanya, “Ano ang ibig mo?” Sinabi niya sa kanya, “Ipag-utos mo na itong dalawa kong anak ay umupo, ang isa sa iyong kanan, at ang isa sa iyong kaliwa, sa iyong kaharian.”
22 Ngunit sumagot si Jesus at sinabi, “Hindi ninyo nalalaman ang inyong hinihingi. Kaya ba ninyong inuman ang kopa na malapit ko nang inuman? Sinabi nila sa kanya, “Kaya namin.”
23 Sinabi niya sa kanila, “Talagang iinuman ninyo ang aking kopa, ngunit ang maupo sa aking kanan at sa aking kaliwa ay hindi ako ang magkakaloob, kundi iyon ay para sa kanila na pinaglalaanan ng aking Ama.”
24 Nang marinig ito ng sampu ay nagalit sila sa dalawang magkapatid.
25 Ngunit(C) tinawag sila ni Jesus at sinabi sa kanila, “Alam ninyo na ang mga pinuno ng mga Hentil ay nangingibabaw na panginoon sa kanila, at ang mga dakila sa kanila ay gumagamit ng kapangyarihan sa kanila.
26 Hindi(D) maaaring magkagayon sa inyo, kundi ang sinuman sa inyo na nagnanais maging dakila ay kailangang maging lingkod ninyo;
27 at sinuman sa inyo na nagnanais na maging una ay kailangang maging alipin ninyo,
28 kung paanong ang Anak ng Tao ay naparito hindi upang paglingkuran, kundi upang maglingkod, at upang ibigay ang kanyang buhay na pantubos sa marami.”
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001