Book of Common Prayer
MEM.
97 O, mahal na mahal ko ang iyong kautusan!
Ito'y siya kong binubulay-bulay sa buong araw.
98 Ginawa akong higit na marunong kaysa aking mga kaaway ng mga utos mo,
sapagkat ito'y laging kasama ko.
99 Ako'y may higit na pang-unawa kaysa lahat ng aking mga guro,
sapagkat aking binubulay-bulay ang iyong mga patotoo.
100 Ako'y nakakaunawa ng higit kaysa nakatatanda,
sapagkat aking iningatan ang iyong mga salita.
101 Sa lahat ng masamang lakad ay pinigil ko ang mga paa ko,
upang aking masunod ang salita mo.
102 Ako'y hindi lumihis sa mga batas mo,
sapagkat tinuruan mo ako.
103 Napakatamis ang iyong mga salita sa panlasa ko;
higit na matamis kaysa pulot sa bibig ko!
104 Sa pamamagitan ng iyong mga tuntunin ay nagkaroon ako ng kaunawaan;
kaya't kinapopootan ko ang bawat huwad na daan.
NUN.
105 Ilawan sa aking mga paa ang salita mo,
at liwanag sa landas ko.
106 Ako'y sumumpa at pinagtibay ko,
na aking tutuparin ang matutuwid na mga batas mo.
107 Ako'y lubos na nagdadalamhati,
muli mo akong buhayin, O Panginoon, ayon sa iyong salita.
108 O Panginoon, ang aking handog na pagpupuri ay tanggapin mo,
at ituro mo sa akin ang mga batas mo.
109 Patuloy kong hawak sa kamay ko ang aking buhay,
gayunma'y hindi ko kinalilimutan ang iyong kautusan.
110 Ang masama ay naghanda ng bitag para sa akin,
gayunma'y hindi ako lumihis sa iyong mga alituntunin.
111 Ang mga patotoo mo'y aking mana magpakailanman;
sa aking puso, ang mga ito'y kagalakan.
112 Ikiniling ko ang aking puso upang ganapin ang iyong mga batas,
magpakailanman, hanggang sa wakas.
SAMECH.
113 Kinasusuklaman ko ang mga taong may salawahang kaisipan,
ngunit iniibig ko ang iyong kautusan.
114 Ikaw ang aking kalasag at dakong kublihan;
ang iyong salita ang aking inaasahan.
115 Lumayo kayo sa akin, kayong mga gumagawa ng kasamaan;
upang ang mga utos ng aking Diyos ay aking maingatan.
116 Alalayan mo ako ayon sa iyong pangako upang mabuhay ako,
at huwag mo akong hiyain sa pag-asa ko!
117 Alalayan mo ako, upang ako'y maging ligtas,
at laging magkaroon ako ng pagpapahalaga sa iyong mga batas.
118 Iyong tinatanggihan silang lahat na naliligaw sa iyong mga kautusan;
sapagkat ang kanilang katusuhan ay walang kabuluhan.
119 Inalis mo ang lahat ng masama sa lupa gaya ng basura,
kaya't iniibig ko ang iyong mga patotoo.
120 Ang laman ko'y nanginginig dahil sa takot sa iyo;
at ako'y takot sa mga hatol mo.
Awit para sa Pagdiriwang
Sa Punong Mang-aawit: ayon sa Ang Gittith. Awit ni Asaf.
81 Umawit kayo nang malakas sa Diyos na ating kalakasan;
sumigaw sa Diyos ni Jacob dahil sa kagalakan!
2 Umawit kayo at patunugin ninyo ang pandereta,
ang masayang lira at ang alpa.
3 Hipan(A) ninyo ang trumpeta kapag bagong buwan,
sa kabilugan ng buwan, sa ating araw ng pagdiriwang.
4 Sapagkat ito ay isang tuntunin para sa Israel,
isang batas ng Diyos ni Jacob.
5 Ginawa niya itong patotoo sa Jose,
nang siya'y lumabas sa lupain ng Ehipto.
Ako'y nakarinig ng tinig na hindi ko kilala:
6 “Pinagaan ko ang pasan sa iyong balikat;
ang iyong mga kamay ay pinabitiw sa basket.
7 Ikaw(B) ay tumawag nang nasa kaguluhan, at iniligtas kita;
sinagot kita sa lihim na dako ng kulog;
sinubok kita sa tubig ng Meriba. (Selah)
8 O bayan ko, habang kita'y pinaaalalahanan, ako'y iyong dinggin,
O Israel, kung ikaw sana'y makikinig sa akin!
9 Hindi(C) magkakaroon ng ibang diyos sa inyo;
at huwag kang yuyukod sa ibang diyos.
10 Ako ang Panginoon mong Diyos,
na naglabas sa iyo mula sa lupain ng Ehipto.
Buksan mo nang maluwang ang iyong bibig, at ito'y aking pupunuin.
11 “Ngunit ang aking bayan ay hindi nakinig sa aking tinig;
hindi ako sinunod ng Israel.
12 Kaya't ipinaubaya ko sila sa pagmamatigas ng kanilang puso,
upang sumunod sa kanilang sariling mga payo.
13 O kung ako sana'y papakinggan ng aking bayan,
ang Israel ay lalakad sa aking mga daan!
14 Pasusukuin ko kaagad ang kanilang mga kaaway,
at ibabaling ko ang aking kamay laban sa kanilang mga kalaban.
15 Ang mga napopoot sa Panginoon ay yuyuko sa kanya,
at ang kanilang panahon ay magtatagal kailanman.
16 Pakakainin kita ng pinakamabuting trigo,
at bubusugin kita ng pulot na mula sa bato.”
Ang Awit ni Asaf.
82 Kinuha ng Diyos ang kanyang lugar sa kapisanan ng Diyos;
siya'y humahatol sa gitna ng mga diyos.
2 “Hanggang kailan kayo hahatol ng di-makatarungan,
at magpapakita ng pagsang-ayon sa masama? (Selah)
3 Bigyan ninyo ng katarungan ang mahina at ulila;
panatilihin ang karapatan ng napipighati at dukha.
4 Sagipin ninyo ang mahina at nangangailangan;
iligtas ninyo sila sa kamay ng masama.”
5 Wala silang kaalaman o pang-unawa,
sila'y lumalakad na paroo't parito sa kadiliman;
lahat ng saligan ng lupa ay nayayanig.
6 Aking(D) sinasabi, “Kayo'y mga diyos,
kayong lahat ay mga anak ng Kataas-taasan.
7 Gayunma'y mamamatay kayong tulad ng mga tao,
at mabubuwal na gaya ng sinumang pinuno.”
8 Bumangon ka, O Diyos, hatulan mo ang lupa;
sapagkat iyo ang lahat ng mga bansa!
73 Kaya't(A) ang mga pari, mga Levita, mga bantay-pinto, mga mang-aawit, ang ilan sa mga mamamayan, at ang mga lingkod sa templo, at ang buong Israel ay nanirahan sa kanilang mga bayan. Nang dumating ang ikapitong buwan ang mga anak ni Israel ay nasa kanilang mga bayan.
Ang Kautusan ay Binasa ni Ezra sa Harap ng mga Tao
8 Ang buong bayan ay nagtipun-tipon na parang isang tao sa liwasang-bayan na nasa harapan ng Pintuang Tubig. Kanilang sinabi kay Ezra na eskriba na dalhin ang aklat ng kautusan ni Moises na ibinigay ng Panginoon sa Israel.
2 Dinala ng paring si Ezra ang aklat ng kautusan sa harapan ng kapulungan, na mga lalaki at mga babae, at sa lahat na makakarinig na may pang-unawa, nang unang araw ng ikapitong buwan.
3 Siya'y bumasa mula roon sa harapan ng liwasan na nasa harapan ng Pintuang Tubig, mula sa madaling-araw hanggang sa katanghaliang-tapat sa harapan ng mga lalaki at mga babae at ng mga nakakaunawa; at ang mga pandinig ng buong bayan ay nakatuon sa pakikinig sa aklat ng kautusan.
5 Binuksan ni Ezra ang aklat sa paningin ng buong bayan; (sapagkat siya'y nasa itaas ng buong bayan;) at nang ito'y kanyang buksan, ang buong bayan ay tumayo:
6 Pinuri ni Ezra ang Panginoon, ang dakilang Diyos. At ang buong bayan ay sumagot, “Amen, Amen,” na nakataas ang kanilang mga kamay; at kanilang iniyukod ang kanilang mga ulo at sumamba sa Panginoon na ang kanilang mga mukha'y nakatungo sa lupa.
7 Gayundin sina Jeshua, Bani, Sherebias, Jamin, Akub, Sabetai, Hodias, Maasias, Kelita, Azarias, Jozabed, Hanan, Pelaia, ang mga Levita ay tumulong sa taong-bayan upang maunawaan ang kautusan, samantalang ang taong-bayan ay nanatili sa kanilang kinatatayuan.
8 Kaya't sila'y bumasa mula sa aklat, sa kautusan ng Diyos, na may pakahulugan. Kanilang ibinigay ang diwa, kaya't naunawaan ng mga tao ang binasa.
9 Si Nehemias na tagapamahala, ang pari at eskribang si Ezra, at ang mga Levita na nagturo sa bayan ay nagsabi sa buong bayan, “Ang araw na ito ay banal sa Panginoon ninyong Diyos; huwag kayong tumangis, ni umiyak man.” Sapagkat ang buong bayan ay umiyak nang kanilang marinig ang mga salita ng kautusan.
10 Pagkatapos ay kanyang sinabi sa kanila, “Humayo kayo sa inyong lakad, kumain kayo ng masarap na pagkain at uminom kayo ng matamis na alak, at magpadala kayo ng mga bahagi sa mga walang naihanda, sapagkat ang araw na ito ay banal sa ating Panginoon. Huwag kayong malungkot, sapagkat ang kagalakan sa Panginoon ang inyong kalakasan.”
11 Sa gayo'y napatahimik ng mga Levita ang buong bayan, na sinasabi, “Kayo'y tumahimik, sapagkat ang araw na ito ay banal; huwag kayong malungkot.”
12 Ang buong bayan ay humayo sa kanilang lakad upang kumain at uminom at magdala ng mga bahagi, at para gumawa ng malaking kasayahan, sapagkat kanilang naunawaan ang mga salitang ipinahayag sa kanila.
Ang Pista ng mga Kubol
13 Sa ikalawang araw ay nagtipun-tipon ang mga puno ng mga sambahayan ng mga ninuno ng buong bayan kasama ang mga pari, at ang mga Levita kay Ezra na eskriba upang pag-aralan ang mga salita ng kautusan.
14 Kanilang(A) napag-alamang nakasulat sa kautusan na iniutos ng Panginoon sa pamamagitan ni Moises na ang mga anak ni Israel ay manirahan sa mga kubol[a] sa kapistahan ng ikapitong buwan,
15 at dapat nilang ibalita at ipahayag ang ganito sa lahat ng kanilang mga bayan at sa Jerusalem, “Lumabas kayo sa bundok at kumuha kayo ng mga sanga ng olibo, mga sanga ng olibong-ligaw, mirto, palma, at iba pang madahong punungkahoy upang gumawa ng mga kubol, gaya ng nakasulat.”
16 Kaya't lumabas ang bayan at dinala ang mga iyon at gumawa ng mga kubol, bawat isa'y sa bubungan ng kanilang bahay, mga bulwagan, sa mga bulwagan ng bahay ng Diyos, sa liwasan sa Pintuang Tubig, at sa liwasan sa Pintuan ng Efraim.
17 Ang buong kapulungan nang bumalik mula sa pagkabihag ay gumawa ng mga kubol, at nanirahan sa mga kubol; sapagkat mula sa mga araw ni Josue na anak ni Nun hanggang sa araw na iyon ay hindi gumawa ang mga anak ni Israel ng gayon. Nagkaroon ng napakalaking kasayahan.
18 At araw-araw, mula sa unang araw hanggang sa huling araw, siya ay bumasa mula sa aklat ng kautusan ng Diyos. Kanilang ipinagdiwang ang kapistahan sa loob ng pitong araw, at sa ikawalong araw ay nagkaroon ng isang taimtim na pagtitipon, ayon sa batas.
21 Pagkatapos(A) ay dinampot ng isang malakas na anghel ang isang bato, na gaya ng isang malaking gilingang bato, at inihagis sa dagat na sinasabi,
“Sa ganitong karahasan ibabagsak ang dakilang Babilonia,
at hindi na matatagpuan pa.
22 At(B) (C) ang tunog ng mga manunugtog ng alpa at ng mga musikero at ng mga manunugtog ng plauta, at ng mga manunugtog ng trumpeta
ay hindi na maririnig pa sa iyo;
at wala nang manggagawa ng anumang gawa
ang matatagpuan pa sa iyo;
at ang ingay ng gilingan
ay hindi na maririnig pa sa iyo;
23 at ang liwanag ng ilawan
ay hindi na tatanglaw pa sa iyo
at ang tinig ng lalaking ikakasal at ng babaing ikakasal
ay hindi na maririnig pa sa iyo;
sapagkat ang mga mangangalakal mo ay dating mga pangunahin sa lupa;
sapagkat dinaya ng iyong pangkukulam ang lahat ng mga bansa.
24 At(D) natagpuan sa kanya ang dugo ng mga propeta at ng mga banal,
at ng lahat ng mga pinatay sa lupa.”
Maraming Pinagaling si Jesus
29 Umalis si Jesus doon at dumaan sa baybayin ng Dagat ng Galilea. Umakyat siya sa bundok at naupo roon.
30 Lumapit sa kanya ang napakaraming tao na dala ang mga pilay, mga lumpo, mga bulag, mga pipi, at marami pang iba. Inilagay nila ang mga ito sa kanyang paanan at sila'y pinagaling niya.
31 Kaya't namangha ang maraming tao nang makita nilang nagsasalita ang mga pipi, gumaling ang mga lumpo, lumalakad ang mga pilay, at nakakita ang mga bulag, at niluwalhati nila ang Diyos ng Israel.
Ang Pagpapakain sa Apat na Libo(A)
32 Pagkatapos ay tinawag ni Jesus ang kanyang mga alagad, at sinabi, “Nahahabag ako sa napakaraming taong ito, sapagkat tatlong araw na silang sumasama sa akin at wala silang makain; at hindi ko nais na paalisin silang gutom, baka himatayin sila sa daan.”
33 At sinabi sa kanya ng mga alagad, “Saan tayo kukuha sa ilang na lugar ng sapat na tinapay upang mapakain ang ganito karaming tao?”
34 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Ilang tinapay mayroon kayo?” Sinabi nila, “Pito, at ilang maliliit na isda.”
35 Iniutos niya sa mga tao na umupo sa lupa.
36 Kinuha niya ang pitong tinapay at ang mga isda; nang siya'y makapagpasalamat, pinagputul-putol niya ito at ibinigay sa mga alagad, at ibinigay naman ng mga alagad sa mga tao.
37 Kumain silang lahat at nabusog. Kinuha nila ang natira sa mga pinagputul-putol at napuno pa ang pitong kaing.
38 Ang mga kumain ay apat na libong lalaki, bukod pa sa mga babae at sa mga bata.
39 Pinaalis na niya ang maraming mga tao. Sumakay siya sa isang bangka at nagtungo sa nasasakupan ng Magdala.[a]
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001