Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Awit 78

Maskil ni Asaf.

78 O bayan ko, sa aking turo ay makinig;
    ikiling ninyo ang inyong mga tainga sa mga salita ng aking bibig.
Aking(A) bubuksan ang aking bibig sa isang talinghaga;
    ako'y magsasalita ng malalabong pananalita mula pa noong una,
mga bagay na aming narinig at nalaman,
    na sinabi sa amin ng aming mga magulang.
Ang mga iyon sa kanilang mga anak ay hindi namin ikukubli,
    kundi sasabihin sa darating na salinlahi,
ang maluluwalhating gawa ng Panginoon, at ang kanyang kalakasan,
    at ang kanyang mga kahanga-hangang gawa na kanyang ginawa.

Sa Jacob siya'y nagtatag ng patotoo,
    at sa Israel ay nagtalaga ng kautusan,
na kanyang iniutos sa aming mga magulang,
    upang sa kanilang mga anak ay kanilang ituro naman;
upang malaman ang mga iyon ng susunod na salinlahi,
    ng mga batang di pa ipinapanganak,
na magsisibangon at sasabihin ang mga iyon sa kanilang mga anak,
    upang kanilang ilagak ang kanilang pag-asa sa Diyos,
at hindi malimutan ang mga gawa ng Diyos,
    kundi ingatan ang kanyang mga utos;
upang huwag silang maging gaya ng kanilang mga ninuno,
    isang matigas ang ulo at salinlahing mapanghimagsik,
isang salinlahing ang puso ay di ginawang matuwid,
    at ang kanilang diwa ay di-tapat sa Diyos.

Ang mga anak ni Efraim ay mga mamamana, na may sandatang pana,
    ay nagsitalikod sa araw ng pakikidigma.
10 Ang tipan ng Diyos ay hindi nila iningatan,
    kundi tumangging lumakad ayon sa kanyang kautusan.
11 Kanilang nalimutan ang mga nagawa niya,
    at ang mga himalang ipinakita niya sa kanila.
12 Sa(B) paningin ng kanilang mga magulang ay gumawa siya ng mga kababalaghan,
    sa lupain ng Ehipto, sa kaparangan ng Zoan.
13 Hinawi(C) niya ang dagat at pinaraan niya sila roon,
    at kanyang pinatayo ang tubig na parang isang bunton.
14 Sa(D) araw ay pinatnubayan niya sila sa pamamagitan ng ulap,
    at sa buong gabi ay sa pamamagitan ng apoy na nagliliyab.
15 Kanyang(E) biniyak ang mga bato sa ilang,
    at pinainom niya sila ng sagana na gaya ng mula sa mga kalaliman.
16 Nagpabukal siya ng mga batis mula sa bato,
    at nagpaagos ng tubig na parang mga ilog.

17 Gayunma'y lalo pa silang nagkasala laban sa kanya,
    na naghihimagsik laban sa Kataas-taasan sa ilang.
18 At(F) kanilang sinubok ang Diyos sa puso nila,
    sa paghingi ng pagkain na kanilang pinakananasa.
19 Sila'y nagsalita laban sa Diyos, na nagsasabi,
    “Makakapaghanda ba ang Diyos ng hapag sa ilang?
20 Upang tubig ay dumaloy ang bato'y kanyang hinataw,
    at ang mga bukal ay umapaw.
Makapagbibigay rin ba siya ng tinapay,
    o makapagdudulot ng karne sa kanyang bayan?”

21 Kaya't nang marinig ng Panginoon, siya'y napuno ng poot,
    isang apoy ang nag-alab laban sa Jacob,
    ang kanyang galit naman ay lumaki laban sa Israel;
22 sapagkat sa Diyos sila'y hindi nanampalataya,
    at sa kanyang kaligtasan sila'y hindi nagtiwala.
23 Gayunma'y ang langit sa itaas ay kanyang inutusan,
    at ang mga pintuan ng langit ay kanyang binuksan;
24 at(G) kanyang pinaulanan sila ng manna na makakain,
    at binigyan sila ng butil ng langit.
25 Kumain ang tao ng tinapay ng mga anghel;
    kanyang pinadalhan sila ng saganang pagkain.
26 Pinahihip niya ang hanging silangan sa kalangitan,
    at sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan, pinarating niya ang hanging timugan.
27 Kanyang pinaulanan sila ng karne na parang alabok,
    ng mga ibong may pakpak na parang buhangin sa mga dagat;
28 pinalagpak niya ang mga iyon sa gitna ng kanilang kampo,
    sa palibot ng kanilang mga tinitirhan.
29 At sila'y kumain at nabusog na mainam,
    sapagkat ibinigay niya sa kanila ang kanilang kinasasabikan.
30 Ngunit bago nabigyang kasiyahan ang kanilang pananabik,
    samantalang ang pagkain ay nasa kanila pang mga bibig,
31 ang galit ng Diyos ay nag-alab laban sa kanila,
    at pinatay niya ang pinakamalakas sa kanila,
    at sinaktan ang mga piling lalaki ng Israel.

32 Sa kabila ng lahat ng ito ay patuloy pa rin silang nagkasala;
    sa kabila ng kanyang mga kababalaghan ay hindi sila sumampalataya.
33 Kaya't kanyang winakasan ang kanilang mga araw sa walang kabuluhan,
    at ang kanilang mga taon sa biglang kakilabutan.
34 Nang kanyang pagpapatayin sila, siya'y kanilang hinanap;
    sila'y nagsisi at hinanap ang Diyos nang masikap.
35 Kanilang naalala na ang kanilang malaking bato ay ang Diyos,
    ang Kataas-taasang Diyos ang kanilang manunubos.
36 Ngunit kanilang tinuya siya ng bibig nila,
    nagsinungaling sila sa kanya sa pamamagitan ng kanilang mga dila.
37 Sapagkat(H) ang puso nila ay hindi tapat sa kanya,
    ni naging tapat man sila sa tipan niya.
38 Gayunman siya, palibhasa'y mahabagin,
    pinatawad niya ang kanilang kasamaan
    at hindi sila nilipol;
madalas na pinipigil niya ang kanyang galit,
    at hindi pinupukaw ang lahat niyang poot.
39 Kanyang naalala na sila'y laman lamang;
    isang dumaraang hangin at hindi na muling babalik.
40 Kaydalas na naghimagsik sila laban sa kanya sa ilang,
    at sa disyerto siya'y kanilang pinagdamdam.
41 Ang Diyos ay tinukso nilang paulit-ulit,
    at ang Banal ng Israel ay kanilang ginalit.
42 Hindi nila inalaala ang kanyang kapangyarihan,
    ni ang araw nang kanyang tubusin sila mula sa kalaban;
43 nang gawin niya sa Ehipto ang kanyang palatandaan,
    at ang kanyang mga kababalaghan sa kaparangan ng Zoan.
44 Ginawa(I) niyang dugo ang mga ilog nila,
    upang hindi sila makainom sa kanilang mga sapa.
45 Kanyang(J) pinadalhan sila ng mga pulutong ng mga bangaw, na lumamon sa kanila;
    at ng mga palaka, na sa kanila'y pumuksa.
46 Ibinigay(K) niya sa higad ang kanilang mga halaman,
    at ang bunga ng kanilang paggawa sa balang.
47 Sinira(L) niya ang kanilang ubasan ng ulang yelo,
    at ng namuong hamog ang kanilang mga sikomoro.
48 Ibinigay niya sa yelong-ulan ang kanilang mga hayop,
    at ang kanilang mga kawan sa mga kidlat at kulog.
49 Sa kanila'y pinakawalan niya ang bangis ng kanyang galit,
    poot, bagsik, at ligalig,
    isang pulutong ng mga pumupuksang anghel.
50 Para sa kanyang galit gumagawa siya ng daraanan;
    ang kanilang kaluluwa ay hindi niya iniligtas sa kamatayan,
    kundi ibinigay sa salot ang kanilang buhay.
51 Ang(M) lahat ng panganay sa Ehipto ay kanyang pinatay,
    ang unang labas ng kanilang lakas sa mga tolda ni Ham.
52 Pagkatapos(N) ay inakay niya na parang mga tupa ang kanyang bayan,
    at pinatnubayan sila sa ilang na parang kawan.
53 At(O) kanyang tiwasay na inakay sila, kaya't hindi sila nasindak;
    ngunit ang kanilang mga kaaway ay tinabunan ng dagat.
54 At(P) kanyang dinala sila sa kanyang lupaing banal,
    sa bundok na pinagtagumpayan ng kanyang kanang kamay.
55 Pinalayas(Q) niya ang mga bansa sa kanilang harapan,
    at sa pamamagitan ng pising panulat pinagbaha-bahagi niya ang mga ito bilang pamana,
    at ang mga lipi ng Israel sa kanilang mga tolda'y pinatahanan.

56 Gayunma'y(R) kanilang sinubukan at naghimagsik sila sa Diyos na Kataas-taasan,
    at ang kanyang mga patotoo ay hindi iningatan;
57 kundi tumalikod at gumawang may kataksilan na gaya ng kanilang mga magulang;
    sila'y bumaluktot na gaya ng mandarayang pana.
58 Sapagkat kanilang ginalit siya sa pamamagitan ng kanilang matataas na dako,
    kanilang pinapanibugho siya sa pamamagitan ng kanilang mga larawang nililok.
59 Nang marinig ito ng Diyos, sa poot siya ay napuspos,
    at ang Israel ay kinayamutang lubos.
60 Kanyang(S) pinabayaan ang kanyang tahanan sa Shilo,
    ang tolda na kanyang inilagay sa gitna ng mga tao;
61 at(T) ibinigay sa pagkabihag ang kanyang kalakasan,
    ang kanyang kaluwalhatian sa kamay ng kaaway.
62 Ibinigay niya ang kanyang bayan sa espada,
    at ibinulalas ang kanyang poot sa kanyang mana.
63 Nilamon ng apoy ang kanilang kabinataan,
    at ang mga dalaga nila'y walang awit ng kasalan.
64 Ang kanilang mga pari ay ibinuwal ng tabak;
    at ang mga balo nila'y hindi makaiyak.
65 Nang magkagayon ang Panginoon sa pagtulog ay gumising,
    gaya ng malakas na tao na sumisigaw dahil sa pagkalasing.
66 At sinaktan niya sa likod ang kanyang mga kaaway;
    sa walang hanggang kahihiyan, kanya silang inilagay.

67 Ang tolda ni Jose ay kanyang itinakuwil,
    hindi niya pinili ang lipi ni Efraim;
68 kundi ang lipi ni Juda ang kanyang pinili,
    ang bundok ng Zion na kanyang minamahal.
69 Itinayo niya ang kanyang santuwaryo na gaya ng mga kataasan,
    gaya ng lupa na kanyang itinatag magpakailanman.
70 Pinili(U) niya si David na lingkod niya,
    at kanyang kinuha siya mula sa kulungan ng mga tupa.
71 Mula sa pag-aalaga ng mga pasusuhing tupa siya ay kanyang dinala,
    upang maging pastol ng Jacob na bayan niya,
    ng Israel na kanyang pamana.
72 Kaya't siya'y nagpastol sa kanila ayon sa katapatan ng kanyang puso,
    at kanyang pinatnubayan sila ng sanay na mga kamay.

Nehemias 9:26-38

26 “Gayunma'y(A) naging masuwayin sila at naghimagsik laban sa iyo, at tinalikuran ang iyong kautusan at pinatay ang iyong mga propeta na nagbabala sa kanila upang mapanumbalik sa iyo, at sila'y gumawa ng mabibigat na paglapastangan.

27 Kaya't ibinigay mo sila sa kamay ng kanilang mga kaaway, na siyang nagpahirap sa kanila. At sa panahon ng kanilang paghihirap ay dumaing sila sa iyo, at dininig mo sila mula sa langit; at ayon sa iyong dakilang kaawaan ay binigyan mo sila ng mga tagapagligtas na nagligtas sa kanila sa kamay ng kanilang mga kaaway.

28 Ngunit pagkatapos na sila'y magkaroon ng kapahingahan, muli silang gumawa ng kasamaan sa harapan mo at iniwan mo sila sa kamay ng kanilang mga kaaway. Kaya't sila'y nagkaroon ng kapamahalaan sa kanila; ngunit nang sila'y manumbalik at dumaing sa iyo, iyong dininig mula sa langit at maraming ulit na iyong iniligtas sila ayon sa iyong mga kaawaan.

29 At(B) iyong binalaan sila upang maibalik sila sa iyong kautusan. Ngunit kumilos silang may kapangahasan, at hindi tinupad ang iyong mga utos, kundi nagkasala laban sa iyong mga batas, na kung tutuparin ito ng isang tao, siya'y mabubuhay, at iniurong ang balikat at pinatigas ang kanilang leeg at hindi sumunod.

30 Maraming(C) taon mo silang tiniis, at nagbabala sa kanila ang iyong Espiritu sa pamamagitan ng iyong mga propeta, gayunma'y ayaw nilang makinig. Kaya't ibinigay mo sila sa kamay ng mga tao ng mga lupain.

31 Gayunma'y sa iyong dakilang mga kaawaan ay hindi mo sila winakasan o tinalikuran man sila; sapagkat ikaw ay mapagpala at maawaing Diyos.

32 “Kaya't(D) ngayon, aming Diyos, ang dakila, makapangyarihan, at kasindak-sindak na Diyos, na nag-iingat ng tipan at ng tapat na pag-ibig, huwag mong ituring na munting bagay sa harapan mo ang hirap na dumating sa amin, sa aming mga hari, mga pinuno, mga pari, mga propeta, mga ninuno, at sa iyong buong bayan, mula sa panahon ng mga hari ng Asiria hanggang sa araw na ito.

33 Gayunma'y naging makatarungan ka sa lahat ng sumapit sa amin; sapagkat kumilos kang may katapatan, ngunit kumilos kaming may kasamaan.

34 Ang aming mga hari, mga pinuno, mga pari, at ang aming mga ninuno ay hindi sumunod sa iyong kautusan, o nakinig man sa iyong mga utos at sa iyong mga babala na iyong ibinigay sa kanila.

35 Hindi sila naglingkod sa iyo sa kanilang kaharian, at sa iyong dakilang kabutihan na iyong ibinigay sa kanila, at sa malaki at mayamang lupain na iyong ibinigay sa harapan nila, at hindi sila humiwalay sa kanilang masasamang gawa.

36 Narito kami, mga alipin sa araw na ito, sa lupain na iyong ibinigay sa aming mga ninuno upang tamasahin ang bunga niyon, at ang mabubuting kaloob niyon. Narito, kami ay mga alipin.

37 Ang kanyang mayamang bunga ay napupunta sa mga hari na iyong inilagay sa amin dahil sa aming mga kasalanan; may kapangyarihan din sila sa aming mga katawan at sa aming hayop ayon sa ikasisiya nila, at kami ay nasa malaking pagkabalisa.”

Lumagda ang Bayan sa Isang Kasunduan

38 Dahil sa lahat ng ito, kami ay gumawa ng matibay na kasunduan at isinusulat ito, at ang aming mga pinuno, ang aming mga Levita, at ang aming mga pari ay naglagay ng kanilang tatak dito.

Apocalipsis 18:9-20

At(A) ang mga hari sa lupa na nakiapid at namuhay sa kalayawan na kasama niya, ay iiyakan at tatangisan siya kapag nakita nila ang usok ng pagsusunog sa kanya.

10 Sila'y tatayo sa malayo dahil sa takot sa pahirap sa kanya, na nagsasabi,

“Kahabag-habag, kahabag-habag ang dakilang lunsod,
    ikaw na makapangyarihang lunsod ng Babilonia!
Sapagkat sa isang oras ay dumating ang hatol sa iyo.”

11 Ang(B) mga mangangalakal sa lupa ay tumatangis at nagluluksa dahil sa kanya, sapagkat wala nang bibili pa ng kanilang kalakal;

12 kalakal(C) na ginto at pilak, mahalagang bato at mga perlas, pinong lino, kulay-ube, sutla at pula; ng sari-saring mababangong kahoy, at bawat kasangkapang garing, bawat kasangkapang mahalagang kahoy, tanso, bakal, marmol,

13 kanela, pampalasa, kamanyang, mira at insenso; alak at langis, at mainam na harina at trigo, mga baka at mga tupa, mga kabayo at mga karwahe, at mga alipin; at ng mga kaluluwa ng mga tao.

14 “Ang mga bungang ninanais ng kaluluwa mo
    ay wala na sa iyo,
at lahat ng mga bagay na mararangya at mariringal
    ay nalipol sa iyo,
    at hindi na kailanman matatagpuan pang muli!”

15 Ang(D) mga mangangalakal ng mga bagay na ito na tumatangis at tumataghoy, na yumaman dahil sa kanya, ay tatayo sa malayo dahil sa takot sa pahirap sa kanya,

16 na nagsasabi,

“Kahabag-habag, kahabag-habag ang dakilang lunsod,
    siyang nagsusuot ng pinong lino at ng kulay-ube, at pula,
    at napapalamutian ng ginto, mahahalagang bato at perlas!
17 Sapagkat(E) sa loob ng isang oras ay nalipol ang ganito kalaking kayamanan!”

At ang bawat pinuno ng barko, ang bawat naglalayag saan mang dako, ang mga mandaragat, at lahat ng naghahanap-buhay sa dagat, ay nakatayo sa malayo,

18 at(F) nagsisisigaw pagkakita sa usok ng pagsusunog sa kanya, na nagsasabi,

“Anong lunsod ang katulad ng dakilang lunsod?”

19 At(G) sila'y nagbubuhos ng alabok sa kanilang mga ulo at nagsisigawan, na nag-iiyakan at nananaghoy, na nagsasabi,

“Kahabag-habag, kahabag-habag ang dakilang lunsod,
    na siyang nagpapayaman sa lahat na may mga barko sa dagat, dahil sa kanyang mga kayamanan!
Sapagkat sa loob ng isang oras siya ay nawasak!
20 Magalak(H) ka tungkol sa kanya, O langit,
    at kayong mga banal at mga apostol, at mga propeta;
sapagkat iginawad na ng Diyos para sa inyo ang hatol sa kanya!”

Mateo 15:21-28

Ang Pananalig ng Babaing Cananea(A)

21 Umalis doon si Jesus at pumunta sa nasasakupan ng Tiro at Sidon.

22 May isang babaing Cananea na mula sa lupaing iyon ang lumabas at nagsimulang sumigaw, “Mahabag ka sa akin, O Panginoon, Anak ni David; ang anak kong babae ay pinahihirapan ng isang demonyo.”

23 Ngunit hindi siya sumagot sa kanya kahit isang salita. Lumapit ang kanyang mga alagad at nakiusap sa kanya, na nagsasabi, “Paalisin mo siya, sapagkat nagsisisigaw siya at sumusunod sa hulihan natin.”

24 Ngunit sumagot siya at sinabi, “Ako'y hindi sinugo maliban sa mga nawawalang tupa ng sambahayan ni Israel.”

25 Ngunit lumapit siya at lumuhod sa kanya, na nagsasabi, “Panginoon, tulungan mo ako.”

26 Siya'y sumagot at sinabi, “Hindi mabuti na kunin ang tinapay ng mga anak at itapon ito sa mga aso.”

27 Ngunit sinabi niya, “Oo, Panginoon. Subalit maging ang mga aso ay kumakain ng mga mumo na nalalaglag mula sa hapag ng kanilang mga panginoon.”

28 Nang magkagayo'y sumagot si Jesus at sinabi sa kanya, “O babae, napakalaki ng iyong pananampalataya! Mangyayari sa iyo ang sinasabi mo.” At gumaling ang kanyang anak sa oras ding iyon.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001