Book of Common Prayer
Panalangin ng Kabataang may Suliranin.
102 O Panginoon, pakinggan mo ang dalangin ko,
dumating nawa ang daing ko sa iyo!
2 Huwag mong ikubli sa akin ang mukha mo
sa araw ng kahirapan ko!
Ang iyong pandinig sa akin ay ikiling,
sa araw na ako'y tumatawag, agad mo akong sagutin!
3 Sapagkat napapawi sa usok ang mga araw ko,
at ang mga buto ko'y nagliliyab na parang hurno.
4 Ang puso ko'y nasaktan na parang damo, at natuyo;
nalimutan kong kainin ang aking tinapay.
5 Dahil sa lakas ng daing ko,
dumidikit sa aking laman ang mga buto ko.
6 Ako'y parang pelikano sa ilang;
ako'y gaya ng isang kuwago sa kaparangan.
7 Ako'y gising,
ako'y gaya ng malungkot na ibon sa bubungan.
8 Nililibak ako ng aking mga kaaway buong araw;
silang nang-iinis sa akin ay gumagamit sa pagsumpa ng aking pangalan.
9 Sapagkat parang tinapay na kinakain ko ang abo,
at ang luha sa aking inumin ay inihahalo ko,
10 dahil sa galit at poot mo;
sapagkat itinaas at itinapon mo ako.
11 Gaya ng lilim sa hapon ang mga araw ko;
ako'y natutuyo na parang damo.
12 Ngunit ikaw, O Panginoon, ay mamamalagi magpakailanman;
namamalagi sa lahat ng salinlahi ang iyong pangalan.
13 Ikaw ay babangon at sa Zion ay maaawa,
sapagkat panahon na upang maawa ka sa kanya;
ang takdang panahon ay dumating na.
14 Sapagkat pinapahalagahan ng iyong mga lingkod ang kanyang mga bato,
at nahahabag sa kanyang alabok.
15 Katatakutan ng mga bansa ang sa Panginoong pangalan,
at ng lahat ng hari sa lupa ang iyong kaluwalhatian.
16 Sapagkat itatayo ng Panginoon ang Zion,
siya'y magpapakita sa kanyang kaluwalhatian;
17 kanyang pahahalagahan ang sa hikahos na dalangin,
at ang kanilang daing ay hindi hahamakin.
18 Ito'y isusulat tungkol sa lahing susunod,
upang ang bayang di pa isinisilang ay magpuri sa Panginoon:
19 na siya'y tumungo mula sa kanyang banal na kaitaasan,
at tumingin ang Panginoon sa lupa mula sa kalangitan,
20 upang ang daing ng mga bilanggo ay pakinggan,
upang palayain ang mga itinakdang mamatay;
21 upang maipahayag ng mga tao sa Zion ang pangalan ng Panginoon,
at sa Jerusalem ang kanyang kapurihan,
22 kapag ang mga taong-bayan ay nagtipun-tipon,
at ang mga kaharian upang sumamba sa Panginoon.
23 Kanyang pinahina ang aking lakas sa daan;
kanyang pinaikli ang aking mga araw.
24 Aking sinabi, “O Diyos ko, huwag mo akong kunin
sa kalagitnaan ng aking mga araw,
ikaw na ang mga taon ay nananatili
sa lahat ng salinlahi!”
25 Nang(A) una ang saligan ng lupa ay iyong inilagay,
at ang kalangitan ay gawa ng iyong mga kamay.
26 Ikaw ay nananatili, ngunit sila ay mawawala,
parang kasuotan silang lahat ay mawawala.
Pinapalitan mo sila na gaya ng kasuotan, at sila'y mapapalitan;
27 ngunit ikaw ay nananatili, at ang mga taon mo'y walang katapusan.
28 Ang mga anak ng iyong mga lingkod ay mananatili;
ang kanilang mga anak ay matatatag sa iyong harapan.
IKALIMANG AKLAT
107 O(A) magpasalamat kayo sa Panginoon, sapagkat siya'y mabuti;
sapagkat magpakailanman ang kanyang tapat na pag-ibig ay nananatili.
2 Sabihing gayon ng tinubos ng Panginoon,
na kanyang tinubos mula sa kamay ng kaaway,
3 at tinipon mula sa mga lupain,
mula sa silangan at mula sa kanluran,
mula sa hilaga at mula sa timugan.
4 Sila'y nagsilaboy sa ilang, sa tapunang lugar,
na hindi natagpuan ang daan patungo sa isang bayang matitirahan;
5 gutom at uhaw,
ang kanilang kaluluwa ay nanghina.
6 Nang magkagayo'y dumaing sila sa Panginoon sa kanilang kabagabagan,
at iniligtas niya sila sa kanilang kahirapan.
7 Pinatnubayan naman niya sila sa matuwid na daan,
patungo sa isang bayang matatahanan.
8 Purihin nila ang Panginoon dahil sa kanyang tapat na pag-ibig,
dahil sa kanyang kahanga-hangang mga gawa sa mga anak ng mga tao!
9 Sapagkat kanyang binigyang-kasiyahan ang nauuhaw,
at ang gutom na kaluluwa ay binusog niya ng mabubuting bagay.
10 Ang ilan ay nakaupo sa kadiliman at sa anino ng kamatayan,
mga bilanggo sa kahirapan at may tanikala,
11 sapagkat sila'y naghimagsik laban sa mga salita ng Diyos,
at hinamak ang payo ng Kataas-taasan.
12 Ang kanilang mga puso ay yumuko sa mahirap na paggawa;
sila'y nabuwal at walang sumaklolo.
13 Nang magkagayo'y dumaing sila sa Panginoon sa kanilang kabagabagan,
at iniligtas niya sila sa kanilang kahirapan,
14 Inilabas niya sila sa kadiliman at anino ng kamatayan,
at sa kanilang mga gapos ay kinalagan.
15 Pasalamatan nila ang Panginoon dahil sa kanyang tapat na pag-ibig,
dahil sa kanyang kahanga-hangang mga gawa sa mga anak ng mga tao!
16 Sapagkat kanyang sinira ang mga pintuang tanso,
at pinutol ang mga baras na bakal.
17 Mga mangmang dahil sa daan ng kanilang mga kasalanan,
at dahil sa kanilang mga kasamaan ay nagdanas ng kahirapan;
18 ang anumang uri ng pagkain ay kinasuklaman ng kanilang kaluluwa,
at sila'y nagsilapit sa mga pintuan ng kamatayan.
19 Nang magkagayo'y nagsidaing sila sa Panginoon sa kanilang kabagabagan,
at iniligtas niya sila sa kanilang kahirapan.
20 Sinugo niya ang kanyang salita, at pinagaling sila,
iniligtas niya sila sa kapahamakan.
21 Purihin nawa nila ang Panginoon dahil sa kanyang tapat na pag-ibig,
dahil sa kanyang kahanga-hangang mga gawa sa mga anak ng mga tao!
22 At maghandog nawa sila ng mga alay na pasasalamat,
at ipahayag ang kanyang mga gawa na may awit ng kagalakan.
23 Silang nagsisibaba sa dagat sa mga sasakyang-dagat,
na nangangalakal sa tubig na malalawak;
24 nakita nila ang mga gawa ng Panginoon,
ang kanyang kahanga-hangang mga gawa sa kalaliman.
25 Sapagkat siya'y nag-utos, at itinaas ang maunos na hangin,
na nagpataas sa mga alon ng dagat.
26 Sila'y umakyat hanggang sa langit, sila'y nagsibaba sa mga kalaliman;
ang kanilang kaluluwa ay natutunaw sa masama nilang kalagayan,
27 sila'y sumuray-suray at nagpagiray-giray na parang taong lasing,
at ang kanilang karunungan ay nawala.
28 Nang magkagayo'y dumaing sila sa Panginoon sa kanilang kahirapan,
at iniligtas niya sila sa kanilang kapighatian.
29 Kanyang pinatigil ang bagyo,
anupa't ang mga alon ng dagat ay tumahimik.
30 Nang magkagayo'y natuwa sila sapagkat sila'y nagkaroon ng katahimikan,
at dinala niya sila sa kanilang nais daungan.
31 Purihin nila ang Panginoon dahil sa kanyang tapat na pag-ibig,
at dahil sa kanyang kahanga-hangang mga gawa sa mga anak ng mga tao!
32 Purihin nila siya sa kapulungan ng bayan,
at purihin siya sa pagtitipon ng matatanda.
Hiningi ng Hari ang Payo ni Isaias(A)
19 Nang ito'y marinig ni Haring Hezekias, pinunit niya ang kanyang mga suot, nagbalot ng damit-sako, at pumasok sa bahay ng Panginoon.
2 Kanyang sinugo kay propeta Isaias na anak ni Amos sina Eliakim na katiwala sa bahay, si Sebna na kalihim, at ang matatanda sa mga pari na may mga balot na damit-sako.
3 Sinabi nila sa kanya, “Ganito ang sabi ni Hezekias, Ang araw na ito ay araw ng kabagabagan, ng pagsaway at ng kahihiyan. Ang mga bata ay dumating na sa kapanganakan, at walang lakas upang sila'y mailuwal.
4 Marahil ay narinig ng Panginoon mong Diyos ang lahat ng mga salita ng Rabsake, na siyang sinugo ng kanyang panginoong hari ng Asiria upang tuyain ang buháy na Diyos, at sawayin ang mga salita na narinig ng Panginoon mong Diyos. Kaya't itaas mo ang iyong panalangin para sa nalalabing naiwan.”
5 At ang mga lingkod ni Haring Hezekias ay dumating kay Isaias,
6 at sinabi ni Isaias sa kanila, “Sabihin ninyo sa inyong panginoon, ‘Ganito ang sabi ng Panginoon, Huwag kang matakot dahil sa mga salitang narinig mo, na ipinanlait sa akin ng mga lingkod ng hari ng Asiria.
7 Ako'y maglalagay ng isang espiritu sa kanya, at siya'y makakarinig ng bali-balita at babalik sa kanyang sariling lupain; at aking ipabubuwal siya sa pamamagitan ng tabak sa kanyang sariling lupain.’”
Muling Nagbanta ang Taga-Asiria(B)
8 Bumalik ang Rabsake at natagpuan ang hari ng Asiria na nakikipagdigma laban sa Libna: sapagkat nabalitaan niya na nilisan ng hari ang Lakish.
9 Nang marinig ng hari ang tungkol kay Tirhaca na hari ng Etiopia, “Tingnan mo, siya'y lumabas upang lumaban sa iyo,” siya'y muling nagpadala ng mga sugo kay Hezekias, na sinasabi,
10 “Ganito ang inyong sasabihin kay Hezekias na hari ng Juda, ‘Huwag kang padadaya sa Diyos na iyong inaasahan sa pamamagitan ng pangangako na ang Jerusalem ay hindi ibibigay sa kamay ng hari ng Asiria.
11 Nabalitaan mo ang ginawa ng mga hari ng Asiria sa lahat ng lupain, na ganap nilang winawasak. At ikaw kaya ay maililigtas?
12 Nailigtas ba sila ng mga diyos ng mga bansa, ang mga bansang winasak ng aking mga ninuno—ang Gozan, Haran, Resef, at ang mga mamamayan ng Eden na nasa Telasar?
13 Nasaan ang hari ng Hamat, ang hari ng Arpad, ang hari ng lunsod ng Sefarvaim, ang hari ng Hena, o ang hari ng Iva?’”
14 Tinanggap ni Hezekias ang sulat sa kamay ng mga sugo, at binasa ito. Pagkatapos ay pumanhik si Hezekias sa bahay ng Panginoon at iniladlad ito sa harapan ng Panginoon.
15 At(C) si Hezekias ay nanalangin sa harap ng Panginoon at nagsabi, “O Panginoong Diyos ng Israel na nakaupo sa itaas ng mga kerubin, ikaw ang Diyos, ikaw lamang sa lahat ng mga kaharian sa lupa; ikaw ang lumikha ng langit at lupa.
16 Ikiling mo ang iyong pandinig, O Panginoon, at iyong pakinggan at imulat mo ang iyong mga mata, O Panginoon. Tumingin ka at pakinggan mo ang mga salita ni Senakerib, na kanyang isinugo upang kutyain ang buháy na Diyos.
17 Sa katotohanan, Panginoon, winasak ng mga hari ng Asiria ang mga bansa at ang kanilang mga lupain,
18 at inihagis ang kanilang mga diyos sa apoy, sapagkat sila'y hindi mga diyos, kundi gawa ng mga kamay ng mga tao, mga kahoy at bato; kaya't sila'y winasak.
19 Ngayon nga, O Panginoon naming Diyos, iligtas mo kami sa kanyang mga kamay, isinasamo ko sa iyo, upang makilala ng lahat ng mga kaharian sa lupa na ikaw, Panginoon, ang tanging Diyos.”
20 Pagkatapos ay nagsugo si Isaias na anak ni Amos kay Hezekias, na nagsasabi, “Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos ng Israel, Sapagkat ikaw ay nanalangin sa akin tungkol kay Senakerib na hari ng Asiria, ikaw ay aking pinakinggan.
16 Sapagkat kung ipinangangaral ko ang ebanghelyo, ay wala akong dahilan upang magmalaki, sapagkat ang katungkulan ay iniatang sa akin. Kahabag-habag ako kung hindi ko ipangaral ang ebanghelyo!
17 Sapagkat kung ito'y gawin ko nang maluwag sa kalooban, ay may gantimpala ako. Ngunit kung hindi maluwag sa kalooban, isang pangangasiwa ang ipinagkatiwala sa akin.
18 Ano kung gayon ang aking gantimpala? Ito lamang: na sa aking pangangaral, ang ebanghelyo ay ginawa kong walang bayad, upang hindi ko magamit ng lubusan ang aking karapatan sa ebanghelyo.
19 Sapagkat bagaman malaya ako sa lahat ng mga tao, ay nagpaalipin ako sa lahat, upang higit na marami ang aking mahikayat.
20 Sa mga Judio, ako ay naging gaya ng isang Judio, upang mahikayat ko ang mga Judio. Sa mga nasa ilalim ng kautusan, ako ay naging gaya ng isang nasa ilalim ng kautusan, bagaman ako ay wala sa ilalim ng kautusan upang aking mahikayat ang mga nasa ilalim ng kautusan.
21 Sa mga nasa labas ng kautusan, ako ay naging tulad sa walang kautusan, bagama't hindi ako malaya mula sa kautusan sa Diyos kundi nasa ilalim ng kautusan ni Cristo, upang mahikayat ko ang mga nasa labas ng kautusan.
22 Sa mahihina, ako ay naging mahina, upang mahikayat ko ang mahihina. Sa lahat ng mga bagay ay nakibagay ako sa lahat ng mga tao, upang sa lahat ng mga paraan ay makapagligtas ako ng ilan.
23 Ginawa ko ang lahat ng mga bagay dahil sa ebanghelyo, upang ako'y magkaroon ng bahagi sa mga pagpapala nito.
24 Hindi ba ninyo nalalaman na ang mga tumatakbo sa isang takbuhan ay tumatakbong lahat, ngunit iisa lamang ang tumatanggap ng gantimpala? Kaya't tumakbo kayo sa gayong paraan upang iyon ay inyong mapagwagian.
25 Ang bawat nakikipaglaban sa mga palaro ay nagpipigil sa sarili sa lahat ng mga bagay; ginagawa nila iyon upang sila ay makatanggap ng isang korona na may pagkasira, ngunit tayo'y sa walang pagkasira.
26 Kaya't ako'y tumatakbo na hindi gaya ng walang katiyakan; hindi ako sumusuntok na hindi gaya ng sumusuntok sa hangin.
27 Ngunit sinusupil ko ang aking katawan, at ginagawa itong alipin, upang pagkatapos na makapangaral ako sa iba, ako mismo ay hindi itakuwil.
Pinagaling ni Jesus ang Isang Ketongin(A)
8 Nang bumaba si Jesus[a] mula sa bundok, sinundan siya ng napakaraming tao;
2 at lumapit sa kanya ang isang ketongin, at lumuhod sa harapan niya na nagsasabi, “Panginoon, kung ibig mo ay malilinis mo ako.”
3 Iniunat ni Jesus ang kanyang kamay, at hinawakan niya ito na nagsasabi, “Ibig ko. Maging malinis ka.” At nalinis kaagad ang kanyang ketong.
4 At(B) sinabi ni Jesus sa kanya, “Ingatan mong huwag sabihin kaninuman, kundi humayo ka, magpakita ka sa pari, at ihandog mo ang kaloob na ipinag-utos ni Moises bilang patotoo sa kanila.”
Pinagaling ang Alipin ng Senturion(C)
5 Pagpasok niya sa Capernaum ay lumapit sa kanya ang isang senturion na nakikiusap sa kanya,
6 at nagsasabi, “Panginoon, ang aking alipin ay nakaratay sa bahay, lumpo, at lubha siyang nahihirapan.”
7 Sinabi niya sa kanya, “Pupuntahan ko siya at pagagalingin.”
8 Ngunit sumagot ang senturion at sinabi, “Panginoon, hindi ako karapat-dapat sa iyo na puntahan mo ang aking bahay,[b] ngunit sabihin mo lamang ang salita at gagaling ang aking alipin.
9 Sapagkat ako ay isang taong nasa ilalim ng awtoridad na may mga kawal na nasa ilalim ko. Sinasabi ko sa isa, ‘Humayo ka,’ at siya ay humahayo; at sa iba naman, ‘Halika,’ at siya ay lumalapit; at sa aking alipin, ‘Gawin mo ito,’ at ginagawa nga niya.”
10 Nang marinig ito ni Jesus ay namangha siya, at sinabi sa mga sumusunod sa kanya, “Katotohanang sinasabi ko sa inyo, kahit sa Israel man ay hindi ako nakatagpo ng ganito kalaking pananampalataya.
11 Sinasabi(D) ko sa inyo, marami ang manggagaling sa silangan at sa kanluran at mauupong kasalo ni Abraham, ni Isaac at ni Jacob sa kaharian ng langit,
12 ngunit(E) ang mga anak ng kaharian ay itatapon sa kadilimang nasa labas. Doon nga ang pagtangis at pagngangalit ng mga ngipin.”
13 Sinabi ni Jesus sa senturion, “Humayo ka na; mangyayari para sa iyo ang ayon sa iyong pananampalataya.” At gumaling nga ang alipin nang oras ding iyon.
Maraming Pinagaling si Jesus(F)
14 Nang pumasok si Jesus sa bahay ni Pedro, nakita niya ang biyenang babae nito na nakaratay dahil sa lagnat.
15 Hinawakan niya ang kamay ng babae, at nawala ang kanyang lagnat. Bumangon siya at naglingkod kay Jesus.
16 Nang gabing iyon ay dinala nila sa kanya ang maraming inaalihan ng mga demonyo. Pinalayas niya ang mga espiritu sa pamamagitan ng salita at pinagaling ang lahat ng mga may sakit.
17 Ito(G) ay upang matupad ang sinabi sa pamamagitan ni propeta Isaias: “Kinuha niya ang ating mga sakit at pinasan niya ang ating mga karamdaman.”
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001