Book of Common Prayer
Panalangin ng Pasasalamat dahil sa Tagumpay
118 O(A) magpasalamat kayo sa Panginoon, sapagkat siya'y mabuti;
ang kanyang tapat na pag-ibig ay nananatili magpakailanman.
2 Sabihin ngayon ng Israel,
“Ang kanyang tapat na pag-ibig ay nananatili magpakailanman.”
3 Sabihin ngayon ng sambahayan ni Aaron,
“Ang kanyang tapat na pag-ibig ay nananatili magpakailanman.”
4 Sabihin ngayon ng mga natatakot sa Panginoon,
“Ang kanyang tapat na pag-ibig ay nananatili magpakailanman.”
5 Tumawag ako sa Panginoon mula sa aking pagkabalisa,
sinagot ako ng Panginoon, at inilagay ako sa maluwag na dako.
6 Ang(B) Panginoon ay para sa akin, hindi ako matatakot.
Anong magagawa ng tao sa akin?
7 Ang Panginoon ay kakampi ko, kasama ng mga tumutulong sa akin,
ako'y titinging may pagtatagumpay sa mga napopoot sa akin.
8 Higit na mabuti ang manganlong sa Panginoon
kaysa magtiwala sa tao.
9 Higit na mabuti ang manganlong sa Panginoon
kaysa magtiwala sa mga pinuno.
10 Pinalibutan ako ng lahat ng mga bansa;
sa pangalan ng Panginoon, tiyak na pupuksain ko sila.
11 Pinalibutan nila ako, oo, pinalibutan nila ako,
sa pangalan ng Panginoon, sila ay tiyak na pupuksain ko.
12 Pinalibutan nila akong gaya ng mga pukyutan,
sila'y nasunog na parang apoy ng mga dawagan;
sa pangalan ng Panginoon sila'y tiyak na pupuksain ko.
13 Itinulak mo ako nang malakas, anupa't ako'y malapit nang mabuwal,
ngunit tinulungan ako ng Panginoon.
14 Ang(C) Panginoon ay aking awit at kalakasan,
at siya'y naging aking kaligtasan.
15 Ang tunog ng masayang sigawan at kaligtasan ay nasa mga tolda ng matuwid:
“Ang kanang kamay ng Panginoon ay gumagawang may katapangan,
16 ang kanang kamay ng Panginoon ay parangalan,
ang kanang kamay ng Panginoon ay gumagawang may katapangan!”
17 Hindi ako mamamatay, kundi mabubuhay,
at ang mga gawa ng Panginoon ay isasalaysay.
18 Pinarusahan akong mabuti ng Panginoon;
ngunit hindi niya ako ibinigay sa kamatayan.
19 Buksan ninyo sa akin ang mga pintuan ng katuwiran;
upang ako'y makapasok doon
at makapagpasalamat sa Panginoon.
20 Ito ang pintuan ng Panginoon;
ang matuwid ay papasok doon.
21 Ako'y magpapasalamat sa iyo sapagkat sinagot mo ako
at ikaw ay naging kaligtasan ko.
22 Ang(D) (E) batong itinakuwil ng mga nagtayo,
ay naging panulok na bato.
23 Ito ang gawa ng Panginoon;
ito ay kagila-gilalas sa ating mga mata.
24 Ito ang araw na ang Panginoon ang gumawa,
tayo'y magalak at matuwa.
25 O(F) Panginoon, ipinapakiusap namin sa iyo, ikaw ay magligtas!
O Panginoon, ipinapakiusap namin sa iyo, magsugo ka ng kaginhawahan.
26 Mapalad(G) siya na dumarating sa pangalan ng Panginoon!
Pinupuri ka namin mula sa bahay ng Panginoon.
27 Ang Panginoon ay Diyos, at binigyan niya kami ng liwanag!
Talian ninyo ang hain ng mga panali,
sa mga sungay ng dambana.
28 Ikaw ay aking Diyos, at ako'y magpapasalamat sa iyo;
ikaw ay aking Diyos, ikaw ay pupurihin ko.
29 O magpasalamat kayo sa Panginoon, sapagkat siya'y mabuti,
sapagkat ang kanyang tapat na pag-ibig ay nananatili magpakailanman!
Awit ng Papuri. Kay David.
145 Aking Diyos at Hari, ika'y aking papupurihan,
at aking pupurihin ang pangalan mo magpakailanpaman.
2 Pupurihin kita araw-araw,
at pupurihin ko ang pangalan mo magpakailanpaman.
3 Dakila ang Panginoon, at sa papuri'y lubhang karapat-dapat,
at ang kanyang kadakilaan ay hindi masukat.
4 Ipagmamalaki ng isang salinlahi sa kasunod nito ang iyong mga gawa,
at ipahahayag ang iyong mga gawang dakila.
5 Sa maluwalhating kaningningan ng iyong karangalan,
at sa iyong kahanga-hangang mga gawa, ako'y magbubulay-bulay.
6 Ipahahayag ng mga tao ang kapangyarihan ng iyong kakilakilabot na mga gawa;
at akin namang ipahahayag ang iyong kadakilaan.
7 Kanilang sabik na sasambitin ang alaala ng iyong masaganang kabutihan,
at isisigaw nang malakas ang iyong katuwiran.
8 Ang Panginoon ay mapagpala at punô ng awa,
hindi magagalitin at sa tapat na pag-ibig ay sagana.
9 Ang Panginoon ay mabuti sa lahat;
at ang kanyang awa ay nasa lahat niyang ginawa.
10 Lahat mong mga gawa, O Panginoon, ay magpapasalamat sa iyo,
at pupurihin ka ng lahat ng mga banal mo!
11 Sasabihin nila ang kaluwalhatian ng iyong kaharian,
at ibabalita ang iyong kapangyarihan;
12 upang ipabatid sa mga anak ng mga tao ang iyong[a] mga gawang makapangyarihan,
at ang maluwalhating kaningningan ng iyong kaharian.
13 Ang kaharian mo'y walang hanggang kaharian,
at nananatili sa lahat ng mga salinlahi ang iyong kapangyarihan.
14 Inaalalayan ng Panginoon ang lahat ng nalulugmok,
at itinatayo ang lahat ng nakayukod.
15 Ang mga mata ng lahat sa iyo ay nakatingin,
at ibinibigay mo sa kanila sa tamang panahon ang kanilang pagkain.
16 Binubuksan mo ang iyong kamay,
binibigyang-kasiyahan mo ang nasa ng bawat bagay na may buhay.
17 Ang Panginoon ay matuwid sa lahat ng pamamaraan niya,
at mabait sa lahat niyang mga gawa.
18 Ang Panginoon ay malapit sa lahat ng sa kanya'y nananawagan,
sa lahat ng tumatawag sa kanya sa katotohanan.
19 Kanyang ibinibigay ang nasa ng lahat ng natatakot sa kanya;
kanya ring dinirinig ang kanilang daing, at inililigtas sila.
20 Iniingatan ng Panginoon ang lahat ng umiibig sa kanya;
ngunit lahat ng masama ay lilipulin niya.
21 Ang aking bibig ay magsasalita ng papuri sa Panginoon;
at pupurihin ng lahat ng laman ang kanyang banal na pangalan magpakailanpaman.
Nagkasakit at Gumaling si Haring Hezekias(A)
20 Nang mga araw na iyon, nagkasakit si Hezekias at malapit nang mamatay. Si propeta Isaias na anak ni Amos ay pumaroon sa kanya, at sinabi sa kanya, “Ganito ang sabi ng Panginoon, ‘Ayusin mo ang iyong sambahayan; sapagkat ikaw ay mamamatay na, hindi ka na mabubuhay.’”
2 Nang magkagayo'y iniharap ni Hezekias ang kanyang mukha sa dingding at nanalangin sa Panginoon na sinasabi,
3 “Alalahanin mo ngayon, O Panginoon, idinadalangin ko sa iyo, kung paanong ako'y lumakad sa harapan mo sa katapatan, at nang buong puso at gumawa ng mabuti sa iyong paningin.” At si Hezekias ay umiyak nang mapait.
4 At bago nakalabas si Isaias sa gitnang bulwagan, dumating ang salita ng Panginoon sa kanya na sinasabi,
5 “Bumalik ka, at sabihin mo kay Hezekias na pinuno ng aking bayan, Ganito ang sabi ng Panginoon, ang Diyos ni David na iyong ninuno: Narinig ko ang iyong panalangin, nakita ko ang iyong mga luha; pagagalingin kita. Sa ikatlong araw ay aakyat ka sa bahay ng Panginoon.
6 Dadagdagan ko ng labinlimang taon ang iyong buhay. Ililigtas ko ikaw at ang lunsod na ito sa kamay ng hari ng Asiria at aking ipagtatanggol ang lunsod na ito alang-alang sa akin at sa aking lingkod na si David.”
7 At sinabi ni Isaias, “Magdala kayo ng binilong igos at itapal ito sa bukol upang siya'y gumaling.”
8 Sinabi ni Hezekias kay Isaias, “Ano ang magiging tanda na ako'y pagagalingin ng Panginoon, at ako'y aakyat sa bahay ng Panginoon sa ikatlong araw?”
9 At sinabi ni Isaias, “Ito ang tanda sa iyo mula sa Panginoon, na gagawin ng Panginoon ang bagay na kanyang ipinangako: susulong ba ang anino ng sampung hakbang, o babalik ng sampung hakbang?”
10 Sumagot si Hezekias, “Isang madaling bagay sa anino na pasulungin ng sampung hakbang; sa halip, pabalikin ang anino ng sampung hakbang.”
11 Si Isaias na propeta ay nanalangin sa Panginoon; at kanyang pinabalik ang anino ng sampung hakbang, na nakababa na sa orasang-araw ni Ahaz.
Mga Sugo mula sa Babilonia(B)
12 Nang panahong iyon, si Merodac-baladan na anak ni Baladan, na hari ng Babilonia, ay nagpadala ng mga sugo na may mga sulat at kaloob kay Hezekias, sapagkat kanyang nabalitaan na si Hezekias ay nagkasakit.
13 Sila'y tinanggap ni Hezekias at ipinakita sa kanila ang lahat ng kayamanan ng kanyang bahay, ang pilak, ginto, mga pabango, at mamahaling langis, ang kanyang taguan ng mga sandata, at ang lahat ng matatagpuan sa kanyang bodega. Walang anuman sa kanyang bahay o sa kanyang nasasakupan na hindi ipinakita sa kanila ni Hezekias.
14 Nang magkagayo'y pumaroon si propeta Isaias kay Haring Hezekias, at sinabi sa kanya, “Anong sinabi ng mga lalaking ito? At saan sila galing sa pagtungo sa iyo?” At sinabi ni Hezekias, “Sila'y galing sa malayong lupain, mula sa Babilonia.”
15 Kanyang sinabi, “Anong nakita nila sa iyong bahay?” At sumagot si Hezekias, “Kanilang nakita ang lahat ng nasa aking bahay. Walang anumang bagay na nasa aking mga bodega ang hindi ko ipinakita sa kanila.”
16 At sinabi ni Isaias kay Hezekias, “Pakinggan mo ang salita ng Panginoon:
17 Ang(C) mga araw ay dumarating na ang lahat ng nasa iyong bahay at ang inimbak ng iyong mga ninuno hanggang sa araw na ito ay tatangayin na patungo sa Babilonia; walang maiiwan, sabi ng Panginoon.
18 At(D) ilan sa iyong mga anak na lalaki na mula sa iyo na ipapanganak ay kukunin; at sila'y magiging mga eunuko sa bahay ng hari ng Babilonia.”
19 Nang magkagayo'y sinabi ni Hezekias kay Isaias, “Mabuti ang salita ng Panginoon na iyong sinabi.” Sapagkat kanyang inakala, “Bakit hindi, kung magkakaroon naman ng kapayapaan at kapanatagan sa aking mga araw?”
Natapos ang Paghahari ni Hezekias(E)
20 Ang iba pa sa mga gawa ni Hezekias, at ang lahat niyang kapangyarihan, at kung paano niya ginawa ang tipunan ng tubig at ang padaluyan, at nagdala ng tubig sa lunsod, hindi ba nakasulat ang mga iyon sa Aklat ng mga Kasaysayan[a] ng mga Hari ng Juda?
21 Natulog si Hezekias na kasama ng kanyang mga ninuno; at si Manases na kanyang anak ay nagharing kapalit niya.
Muling Inusig ang Iglesya
12 Nang panahong iyon, inilapat ni Herodes ang kanyang mga kamay upang pagmalupitan ang ilan sa mga kaanib ng iglesya.
2 Pinatay niya sa pamamagitan ng tabak si Santiago na kapatid ni Juan.
3 Nang makita niya na ito'y ikinasiya ng mga Judio, kanya namang isinunod na dakpin si Pedro. Ito ay nang panahon ng pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa.
4 (A) Nang siya'y mahuli na niya, kanyang inilagay siya sa bilangguan at siya'y ibinigay sa apat na pangkat na mga kawal upang siya'y bantayan at binabalak na siya'y iharap sa taong-bayan pagkatapos ng Paskuwa.
5 Habang si Pedro ay nasa bilangguan, ang iglesya ay taimtim na nanalangin sa Diyos para sa kanya.
Pinalaya ng Anghel si Pedro
6 Nang gabing si Pedro ay malapit nang ilabas ni Herodes, natutulog siya sa pagitan ng dalawang kawal na nakagapos ng dalawang tanikala at ang mga bantay sa harap ng pintuan ay nagbabantay sa bilangguan.
7 At biglang nagpakita ang isang anghel ng Panginoon at tumanglaw ang isang liwanag sa kulungan. Tinapik niya si Pedro sa tagiliran at siya'y ginising, na sinasabi, “Bumangon kang madali.” At nalaglag ang mga tanikala sa kanyang mga kamay.
8 Sinabi sa kanya ng anghel, “Magbihis ka at isuot mo ang iyong mga sandalyas.” At iyon nga ang ginawa niya. At sinabi niya sa kanya, “Ibalot mo sa iyong sarili ang iyong balabal at sumunod ka sa akin.”
9 Si Pedro[a] ay lumabas, at sumunod sa kanya. Hindi niya alam na tunay ang nangyayari sa pamamagitan ng anghel, ang akala niya'y nakakakita siya ng isang pangitain.
10 Nang sila'y makaraan sa una at sa pangalawang bantay, dumating sila sa pintuang-bakal na patungo sa lunsod. Ito'y kusang nabuksan sa kanila, sila'y lumabas at dumaan sa isang lansangan at agad siyang iniwan ng anghel.
11 Nang matauhan si Pedro, ay kanyang sinabi, “Ngayo'y natitiyak ko na sinugo ng Panginoon ang kanyang anghel at iniligtas ako sa kamay ni Herodes at sa lahat ng inaasahan ng mga Judio.”
12 Nang kanyang mabatid ito, pumunta siya sa bahay ni Maria, ang ina ni Juan na tinatawag na Marcos, na kinaroroonan ng maraming nagkakatipon at nananalangin.
13 Nang siya'y kumatok sa tarangkahan ay isang babaing katulong na ang pangalan ay Roda ang lumapit upang alamin[b] kung sino ang kumakatok.
14 Nang makilala niya ang tinig ni Pedro, sa tuwa'y hindi niya binuksan ang pintuan, kundi tumakbo sa loob at ipinagbigay-alam na nakatayo si Pedro sa harap ng pintuan.
15 Kanilang sinabi sa kanya, “Nasisiraan ka na.” Ngunit ipinilit niya na gayon nga. Ngunit kanilang sinabi, “Iyon ay kanyang anghel.”
16 Ngunit nagpatuloy si Pedro ng pagkatok at nang kanilang buksan, siya'y kanilang nakita at sila'y namangha.
17 Sila'y sinenyasan niya ng kanyang kamay upang tumahimik at isinalaysay sa kanila kung paanong inilabas siya ng Panginoon sa bilangguan. At sinabi niya, “Ipagbigay-alam ninyo ang mga bagay na ito kay Santiago, at sa mga kapatid.” At siya'y umalis at pumunta sa ibang dako.
Binuhay ni Jesus ang Anak ng Balo
11 Kinabukasan[a] siya ay tumuloy sa isang bayan na tinatawag na Nain, kasama ang kanyang mga alagad at ang napakaraming tao.
12 At nang siya'y papalapit na sa pintuan ng bayan, inilalabas ang isang taong namatay. Siya'y nag-iisang anak na lalaki ng kanyang ina na isang balo. Kasama niya ang napakaraming tao mula sa bayan.
13 Nang makita siya ng Panginoon, siya'y nahabag sa balo at sinabi rito, “Huwag kang umiyak.”
14 Siya'y lumapit at hinipo ang kabaong at ang mga nagbubuhat ay tumigil. At sinabi niya, “Binata, sinasabi ko sa iyo, ‘Bumangon ka.’”
15 Umupo ang patay at nagpasimulang magsalita. At siya'y ibinigay ni Jesus[b] sa kanyang ina.
16 Sinakmal ng takot ang lahat at niluwalhati nila ang Diyos, na sinasabi, “Lumitaw sa gitna natin ang isang dakilang propeta at dinalaw ng Diyos ang kanyang sambayanan.”
17 Ang balitang ito tungkol sa kanya ay kumalat sa buong Judea at sa lahat ng nakapaligid na lupain.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001