Book of Common Prayer
Awit ng Pag-akyat. Mula kay David.
131 Panginoon, hindi hambog ang aking puso,
ni mayabang man ang mata ko;
ni nagpapaka-abala sa mga bagay na lubhang napakadakila,
o sa mga bagay na para sa akin ay lubhang kamangha-mangha.
2 Tunay na aking pinayapa at pinatahimik ang aking kaluluwa;
gaya ng batang inihiwalay sa dibdib ng kanyang ina,
gaya ng batang inihiwalay ang aking kaluluwa sa loob ko.
3 O Israel, umasa ka sa Panginoon
mula ngayon at sa walang hanggang panahon.
Awit ng Pag-akyat.
132 Panginoon, alalahanin mo para kay David
ang lahat ng kanyang kahirapan,
2 kung paanong sumumpa siya sa Panginoon,
at nangako sa Makapangyarihan ni Jacob,
3 “Hindi ako papasok sa aking bahay,
ni hihiga sa aking higaan,
4 Mga mata ko'y hindi ko patutulugin,
ni mga talukap ng mata ko'y paiidlipin,
5 hanggang sa ako'y makatagpo ng lugar para sa Panginoon,
isang tirahang pook para sa Makapangyarihang Diyos ni Jacob.”
6 Narinig(A) namin ito sa Efrata,
natagpuan namin ito sa mga parang ng Jaar.
7 “Tayo na sa kanyang lugar na tirahan;
sumamba tayo sa kanyang paanan!”
8 Bumangon ka, O Panginoon, at pumunta ka sa iyong dakong pahingahan,
ikaw at ang kaban ng iyong kalakasan.
9 Ang iyong mga pari ay magsipagbihis ng katuwiran,
at sumigaw sa kagalakan ang iyong mga banal.
10 Alang-alang kay David na iyong lingkod,
mukha ng iyong binuhusan ng langis ay huwag mong italikod.
11 Ang(B) Panginoon ay sumumpa kay David ng isang katotohanan
na hindi niya tatalikuran:
“Ang bunga ng iyong katawan
ay aking ilalagay sa iyong luklukan.
12 Kung iingatan ng iyong mga anak ang aking tipan
at ang aking patotoo na aking ituturo sa kanila,
magsisiupo rin ang mga anak nila sa iyong trono magpakailanman.”
13 Sapagkat pinili ng Panginoon ang Zion;
kanya itong ninasa para sa kanyang tirahan.
14 “Ito'y aking pahingahang dako magpakailanman;
sapagkat ito'y aking ninasa, dito ako tatahan.
15 Ang kanyang pagkain ay pagpapalain ko ng sagana;
aking bubusugin ng tinapay ang kanyang dukha.
16 Ang kanyang mga pari ay daramtan ko ng kaligtasan,
at ang kanyang mga banal ay sisigaw ng malakas sa kagalakan.
17 Doo'y(C) magpapasibol ako ng sungay para kay David,
aking ipinaghanda ng ilawan ang aking binuhusan ng langis.
18 Ang kanyang mga kaaway ay daramtan ko ng kahihiyan,
ngunit ang kanyang korona ay magbibigay ng kaningningan.”
Awit ng Pag-akyat.
133 Narito, napakabuti at napakaligaya
kapag ang magkakapatid ay sama-samang namumuhay na nagkakaisa!
2 Ito'y gaya ng mahalagang langis sa ulo,
na tumutulo sa balbas,
sa balbas ni Aaron,
tumutulo sa laylayan ng kanyang damit!
3 Ito ay gaya ng hamog sa Hermon,
na pumapatak sa mga bundok ng Zion!
Sapagkat doon iniutos ng Panginoon ang pagpapala,
ang buhay magpakailanman.
Awit ng Pag-akyat.
134 Halikayo, purihin ninyo ang Panginoon, kayong lahat na lingkod ng Panginoon,
na nakatayo sa gabi sa bahay ng Panginoon!
2 Itaas ninyo ang inyong mga kamay sa dakong banal,
at ang Panginoon ay papurihan!
3 Pagpalain ka nawa ng Panginoon mula sa Zion;
siyang gumawa ng langit at lupa!
135 Purihin ang Panginoon!
Purihin ang pangalan ng Panginoon,
magpuri kayo, mga lingkod ng Panginoon,
2 kayong nagsisitayo sa bahay ng Panginoon,
sa mga bulwagan ng bahay ng ating Diyos!
3 Purihin ang Panginoon, sapagkat ang Panginoon ay mabuti;
umawit sa kanyang pangalan, sapagkat ito'y kaibig-ibig.
4 Sapagkat pinili ng Panginoon si Jacob para sa kanyang sarili,
ang Israel bilang kanyang sariling pag-aari.
5 Sapagkat nalalaman ko na ang Panginoon ay dakila,
at ang ating Panginoon ay higit sa lahat ng mga diyos.
6 Ginagawa ng Panginoon anumang kanyang kinalulugdan,
sa langit at sa lupa,
sa mga dagat, at sa lahat ng mga kalaliman.
7 Siya ang nagpapataas ng mga ulap sa mga dulo ng daigdig,
na gumagawa ng mga kidlat para sa ulan
at inilalabas ang hangin mula sa kanyang mga kamalig.
8 Siya ang pumatay sa mga panganay sa Ehipto,
sa hayop at sa tao;
9 siya, O Ehipto, sa iyong kalagitnaan,
ay nagsugo ng mga tanda at mga kababalaghan
laban kay Faraon, at sa lahat niyang mga lingkod;
10 na siyang sa maraming bansa ay gumapi,
at pumatay sa mga makapangyarihang hari,
11 kay Sihon na hari ng mga Amorita,
at kay Og na hari sa Basan,
at sa lahat ng mga kaharian ng Canaan,
12 at ibinigay bilang pamana ang kanilang lupain,
isang pamana sa kanyang bayang Israel.
13 Ang iyong pangalan, O Panginoon, ay magpakailanman,
ang iyong alaala, O Panginoon, ay sa lahat ng salinlahi.
14 Sapagkat hahatulan ng Panginoon ang kanyang bayan,
at mga lingkod niya'y kanyang kahahabagan.
15 Ang(D) mga diyus-diyosan ng mga bansa ay pilak at ginto,
na gawa ng mga kamay ng mga tao.
16 Sila'y may mga bibig, ngunit hindi sila nagsasalita;
mayroon silang mga mata, ngunit hindi sila nakakakita;
17 sila'y may mga tainga, ngunit hindi sila nakakarinig;
ni mayroon mang hininga sa kanilang mga bibig.
18 Maging kagaya sila
ng mga gumawa sa kanila—
oo, ang bawat nagtitiwala sa kanila!
19 O sambahayan ni Israel, purihin ninyo ang Panginoon!
O sambahayan ni Aaron, purihin ninyo ang Panginoon!
20 O sambahayan ni Levi, purihin ninyo ang Panginoon!
Kayong natatakot sa Panginoon, purihin ninyo ang Panginoon!
21 Purihin ang Panginoon mula sa Zion,
siya na tumatahan sa Jerusalem.
Purihin ang Panginoon!
4 Inutusan(A) ng hari si Hilkias na pinakapunong pari, at ang mga pari sa ikalawang hanay, at ang mga bantay-pinto, upang ilabas sa templo ng Panginoon ang lahat ng kasangkapang ginawa para kay Baal at sa mga Ashera, at para sa lahat ng hukbo ng langit. Kanyang sinunog ang mga iyon sa labas ng Jerusalem sa kaparangan ng Cedron, at dinala ang mga abo niyon sa Bethel.
5 Kanyang tinanggal ang mga paring sumasamba sa mga diyus-diyosan na itinalaga ng mga hari ng Juda na magsunog ng insenso sa matataas na dako sa mga lunsod ng Juda at sa mga palibot ng Jerusalem; gayundin yaong mga nagsunog ng insenso kay Baal, sa araw, sa buwan, sa mga tala, at sa lahat ng hukbo sa mga langit.
6 At kanyang inilabas ang Ashera mula sa bahay ng Panginoon, sa labas ng Jerusalem, sa batis ng Cedron, sinunog ito sa batis ng Cedron, at dinurog at inihagis ang alabok nito sa libingan ng mga karaniwang tao.
7 Kanyang giniba ang mga bahay ng mga lalaking nagbibili ng aliw na nasa bahay ng Panginoon, na pinagtatahian ng mga babae ng tabing para sa Ashera.
8 Kanyang inilabas ang lahat ng mga pari mula sa mga lunsod ng Juda, at nilapastangan ang matataas na dako na pinagsusunugan ng insenso ng mga pari, mula sa Geba hanggang sa Beer-seba. At kanyang ibinagsak ang matataas na dako ng mga pintuang-bayan na nasa pasukan ng pintuang-bayan ni Josue, na tagapamahala ng lunsod, na nasa kaliwa ng pasukan sa pintuan ng lunsod.
9 Gayunma'y ang mga pari sa matataas na dako ay hindi umahon sa dambana ng Panginoon sa Jerusalem, kundi sila'y kumain ng tinapay na walang pampaalsa kasama ng kanilang mga kapatid.
10 Kanyang(B) nilapastangan ang Tofet, na nasa libis ng mga anak ni Hinom, upang hindi paraanin sa apoy para kay Molec ang sinuman ng kanyang anak na lalaki o babae.
11 Kanyang inalis ang mga kabayo na itinalaga ng hari ng Juda sa araw, na nasa pasukan ng bahay ng Panginoon, sa tabi ng silid ni Natan-melec na eunuko, na nasa looban; at sinunog niya sa apoy ang mga karwahe ng araw.
12 Ang(C) mga dambana na nasa bubungan ng silid sa itaas ni Ahaz, na ginawa ng mga hari ng Juda, at ang mga dambana na ginawa ni Manases sa dalawang bulwagan ng bahay ng Panginoon ay kanyang pinabagsak, dinurog, at inihagis ang alabok ng mga iyon sa batis ng Cedron.
13 Nilapastangan(D) ng hari ang matataas na dako na nasa silangan ng Jerusalem, hanggang sa timog ng Bundok ng Kasiraan, na itinayo ng Haring Solomon para kay Astarte na karumaldumal ng mga Sidonio, at kay Cemos na karumaldumal ng Moab, at kay Malcom na karumaldumal ng mga anak ni Ammon.
14 At kanyang pinagputul-putol ang mga haligi, at pinutol ang mga sagradong poste,[a] at pinuno ang kanilang mga kinatatayuan ng mga buto ng tao.
15 Bukod(E) dito, ang dambana na nasa Bethel at matataas na dako na itinayo ni Jeroboam na anak ni Nebat, na nagbunsod sa Israel sa pagkakasala, ang dambanang iyon at ang matataas na dako ay kanyang ibinagsak at kanyang dinurog ang mga bato nito; sinunog din niya ang sagradong poste.[b]
16 Sa(F) pagpihit ni Josias, kanyang natanaw ang mga libingang nasa bundok. Siya'y nagsugo at inilabas ang mga buto sa mga libingan, at sinunog ang mga iyon sa dambana, at nilapastangan ito, ayon sa salita ng Panginoon na ipinahayag ng tao ng Diyos na siyang humula ng mga bagay na ito.
17 Pagkatapos(G) ay kanyang sinabi, “Ano yaong bantayog na nakikita ko roon?” Sinabi ng mga lalaki ng lunsod sa kanya, “Iyon ay libingan ng tao ng Diyos na nanggaling sa Juda at humula ng mga bagay na ito na iyong ginawa laban sa dambana sa Bethel.”
18 Kanyang sinabi, “Hayaan ninyo; huwag galawin ng sinuman ang mga buto niya.” Kaya't hinayaan nila ang mga buto niya, kasama ng mga buto ng propeta na nanggaling sa Samaria.
19 At ang lahat din ng mga dambana sa matataas na dako na nasa mga lunsod ng Samaria, na ginawa ng mga hari ng Israel upang galitin ang Panginoon, ay pinag-aalis ni Josias; at ginawa sa mga yaon ang ayon sa lahat ng kanyang ginawa sa Bethel.
20 Kanyang pinatay sa ibabaw ng dambana ang lahat ng pari sa matataas na dako na naroroon, at sinunog ang mga buto ng mga tao sa mga iyon. Pagkatapos siya'y bumalik sa Jerusalem.
Ipinagdiwang ni Josias ang Paskuwa(H)
21 At iniutos ng hari sa buong bayan, “Ipagdiwang ninyo ang paskuwa sa Panginoon ninyong Diyos, gaya ng nasusulat sa aklat na ito ng tipan.”
22 Walang gayong paskuwa ang ipinagdiwang mula sa mga araw ng mga hukom na naghukom sa Israel, o sa panahon ng lahat ng mga araw ng mga hari ng Israel o ng mga hari man ng Juda;
23 ngunit nang ikalabingwalong taon ni Haring Josias, ipinangilin sa Jerusalem ang paskuwang ito sa Panginoon.
Iba pang mga Pagbabagong Ginawa ni Josias
24 Bukod dito'y pinag-aalis ni Josias ang mga sumasangguni sa masamang espiritu at ang mga mangkukulam, ang mga terafim, ang mga diyus-diyosan, at ang lahat ng karumaldumal na nakita sa lupain ng Juda at Jerusalem, upang kanyang matupad ang mga salita ng kautusan na nasusulat sa aklat na natagpuan ng paring si Hilkias sa bahay ng Panginoon.
25 Sa mga haring nauna sa kanya ay walang naging gaya niya na bumalik sa Panginoon ng kanyang buong puso, buong kaluluwa, at buong lakas niya ayon sa lahat ng kautusan ni Moises, ni may lumitaw mang gaya niya pagkamatay niya.
Tungkol sa mga Kaloob na Espirituwal
12 Ngayon, mga kapatid, hindi ko nais na wala kayong alam tungkol sa mga kaloob na espirituwal.
2 Alam ninyo na nang kayo'y mga pagano pa, inakit at iniligaw kayo sa mga diyus-diyosan na hindi makapagsalita.
3 Kaya't nais kong maunawaan ninyo na walang nagsasalita sa pamamagitan ng Espiritu ng Diyos na nagsasabi, “Sumpain si Jesus!” at walang makapagsasabi, “Si Jesus ay Panginoon,” maliban sa pamamagitan ng Espiritu Santo.
4 May(A) iba't ibang uri ng mga kaloob, subalit iisang Espiritu.
5 At may iba't ibang uri ng paglilingkod, subalit iisang Panginoon.
6 May iba't ibang uri ng gawain, subalit iisang Diyos na gumagawa ng lahat ng mga bagay sa lahat.
7 Subalit sa bawat isa ay ibinigay ang paghahayag ng Espiritu, upang pakinabangan ng lahat.
8 Sa isa ay ibinigay sa pamamagitan ng Espiritu ang salita ng karunungan, at sa iba'y ang salita ng kaalaman ayon sa gayunding Espiritu,
9 sa iba'y pananampalataya sa pamamagitan ng gayunding Espiritu, at sa iba'y ang mga kaloob ng pagpapagaling sa pamamagitan ng isang Espiritu.
10 Sa iba'y ang paggawa ng mga himala, sa iba'y propesiya, sa iba'y ang pagkilala sa mga espiritu, sa iba'y ang iba't ibang wika, at sa iba'y ang pagpapaliwanag ng mga wika.
11 Ang lahat ng ito ay pinakilos ng iisa at gayunding Espiritu, na namamahagi sa bawat isa ayon sa pasiya ng Espiritu.
Muling Binuhay ang Anak ng Pinuno at Pinagaling ang Isang Babae(A)
18 Samantalang sinasabi niya sa kanila ang mga bagay na ito, may dumating na isang pinuno at lumuhod sa harapan niya at nagsabi, “Kamamatay pa lamang ng aking anak na babae, ngunit puntahan mo siya at ipatong mo ang iyong kamay sa kanya, at mabubuhay siya.”
19 Tumayo si Jesus at sumunod sa kanya, kasama ang kanyang mga alagad.
20 Samantala, may isang babaing labindalawang taon nang dinudugo ang lumapit sa likuran niya at hinipo nito ang laylayan ng kanyang damit;
21 sapagkat sinabi niya sa kanyang sarili, “Kung mahihipo ko lamang ang kanyang damit ay gagaling ako.”
22 Nang lumingon si Jesus at nakita siya ay sinabi niya, “Anak, lakasan mo ang iyong loob; pinagaling ka ng iyong pananampalataya.” Gumaling nga ang babae sa oras ding iyon.
23 Nang dumating na si Jesus sa bahay ng pinuno, at makita niya ang mga manunugtog ng plauta at ang maraming tao na nagkakagulo,
24 ay sinabi niya, “Umalis na kayo, sapagkat hindi patay ang batang babae kundi natutulog lamang.” At siya ay pinagtawanan nila.
25 Ngunit nang mapalabas na ang maraming tao, pumasok siya at hinawakan ang kamay ng batang babae at ito ay bumangon.
26 At kumalat ang balitang ito sa buong lupaing iyon.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001