Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Awit 119:145-168

COPH.

145 O Panginoon, buong puso akong dumadaing, ako'y iyong sagutin,
    iingatan ko ang iyong mga tuntunin.
146 Ako'y dumadaing sa iyo; iligtas mo ako,
    upang aking matupad ang mga patotoo mo.
147 Babangon bago magbukang-liwayway at dumadaing ako;
    ako'y umaasa sa mga salita mo.
148 Ang mga mata ko'y gising sa gabi sa mga pagbabantay,
    upang sa salita mo ako'y makapagbulay-bulay.
149 Dinggin mo ang tinig ko ayon sa iyong tapat na pagmamahal;
    O Panginoon, muli mo akong buhayin ayon sa iyong katarungan.
150 Silang sumusunod sa kasamaan ay lumalapit,
    sila'y malayo sa iyong mga tuntunin.
151 Ngunit ikaw ay malapit, O Panginoon;
    at lahat mong utos ay katotohanan.
152 Noon pa mang una'y natuto na ako sa iyong mga patotoo
    na magpakailanman ay itinatag mo ang mga ito.

RESH.

153 Pagmasdan mo ang aking kadalamhatian at iligtas mo ako;
    sapagkat hindi ko kinalilimutan ang kautusan mo.
154 Ipaglaban mo ang aking layunin, at tubusin mo ako,
    muling buhayin mo ako ayon sa iyong pangako!
155 Ang kaligtasan ay malayo sa masama,
    sapagkat hindi nila hinahanap ang iyong mga batas.
156 O Panginoon, dakila ang kaawaan mo,
    muling buhayin mo ako ayon sa katarungan mo.
157 Marami ang umuusig sa akin at mga kaaway ko;
    ngunit hindi ako humihiwalay sa iyong mga patotoo.
158 Namasdan ko ang mga taksil at ako'y nasuklam,
    sapagkat hindi nila sinusunod ang iyong mga salita.
159 Isaalang-alang mo kung paanong iniibig ko ang mga tuntunin mo!
    Muling buhayin mo ako ayon sa tapat na pag-ibig mo.
160 Ang kabuuan ng iyong salita ay katotohanan;
    at bawat isa sa iyong matuwid na batas ay nananatili magpakailanman.

SIN.

161 Inuusig ako ng mga pinuno nang walang dahilan,
    ngunit ang puso ko'y namamangha sa iyong mga salita.
162 Ako'y nagagalak sa iyong salita
    gaya ng isang nakatagpo ng malaking samsam.
163 Aking kinapopootan at kinasusuklaman ang kasinungalingan,
    ngunit iniibig ko ang iyong kautusan.
164 Pitong ulit sa isang araw ikaw ay pinupuri ko,
    sapagkat matuwid ang mga batas mo.
165 May dakilang kapayapaan ang mga umiibig sa iyong kautusan,
    walang anumang sa kanila ay makapagpapabuwal.
166 O Panginoon, sa iyong pagliligtas ay umaasa ako,
    at tinutupad ko ang mga utos mo.
167 Sinusunod ng aking kaluluwa ang mga patotoo mo;
    lubos ko silang minamahal.
168 Aking tinutupad ang iyong mga tuntunin at ang iyong mga patotoo;
    sapagkat lahat ng aking lakad ay nasa harapan mo.

Jeremias 11:18-23

18 Ipinaalam iyon sa akin ng Panginoon at nalaman ko;
    pagkatapos ay ipinakita mo sa akin ang kanilang masasamang gawa.
19 Ngunit ako'y naging gaya ng maamong kordero
    na inaakay patungo sa katayan.
Hindi ko alam na laban sa akin
    ay gumawa sila ng mga pakana, na sinasabi,
“Sirain natin ang punungkahoy at ang bunga nito,
    at ihiwalay natin siya sa lupain ng mga nabubuhay,
    upang ang kanyang pangalan ay hindi na maalala.”
20 Ngunit, O Panginoon ng mga hukbo, na humahatol ng matuwid,
    na sumusubok sa puso[a] at sa pag-iisip,
ipakita mo sa akin ang iyong paghihiganti sa kanila,
    sapagkat sa iyo'y inihayag ko ang aking ipinaglalaban.

21 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon tungkol sa mga lalaki ng Anatot na nagbabanta sa iyong buhay, at nagsasabi, “Huwag kang magsalita ng propesiya sa pangalan ng Panginoon, kung hindi ay mamamatay ka sa aming kamay”—

22 kaya't ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo: “Parurusahan ko sila. Ang mga kabataang lalaki ay mamamatay sa pamamagitan ng tabak, ang kanilang mga anak na lalaki at babae ay mamamatay sa gutom.

23 Walang matitira sa kanila sapagkat ako'y magdadala ng kasamaan sa mga mamamayan ng Anatot, sa taon ng pagdalaw sa kanila.”

Mateo 10:16-22

Mga Pag-uusig na Darating(A)

16 “Ngayon,(B) sinusugo ko kayong tulad ng mga tupa sa gitna ng mga asong-gubat, kaya't maging matalino kayong gaya ng mga ahas at maamong gaya ng mga kalapati.

17 Mag-ingat(C) kayo sa mga tao, sapagkat ibibigay nila kayo sa mga hukuman at hahagupitin nila kayo sa kanilang mga sinagoga,

18 at kakaladkarin nila kayo sa harap ng mga gobernador at mga hari dahil sa akin, upang magpatotoo sa kanila at sa mga Hentil.

19 Ngunit kapag kayo ay naibigay na nila, huwag kayong mangamba kung paano kayo magsasalita o kung ano ang inyong sasabihin, sapagkat ipagkakaloob sa inyo sa oras na iyon ang inyong sasabihin;

20 sapagkat hindi kayo ang magsasalita, kundi ang Espiritu ng inyong Ama ang magsasalita sa pamamagitan ninyo.

21 Ipagkakanulo(D) ng kapatid ang kanyang kapatid tungo sa kamatayan, at ng ama ang kanyang anak at maghihimagsik ang mga anak laban sa kanilang mga magulang, at ipapapatay nila ang mga ito.

22 At(E) kapopootan kayo ng lahat dahil sa aking pangalan. Ngunit ang magtiis hanggang sa wakas ay maliligtas.

Mga Awit 112

Ang Kaligayahan ng Isang Mabuting Tao

112 Purihin ang Panginoon!
    Mapalad ang tao na natatakot sa Panginoon,
    na lubos na nagagalak sa kanyang mga utos!
Ang kanyang mga binhi ay magiging makapangyarihan sa lupa;
    ang salinlahi ng matuwid ay magiging mapalad.
Nasa kanyang bahay ang mga kayamanan at kariwasaan;
    at ang kanyang katuwiran ay nananatili magpakailanman.
Ang liwanag ay bumabangon sa kadiliman para sa matuwid,
    ang Panginoon ay mapagbiyaya at mahabagin at matuwid.
Ito ay mabuti sa taong mapagbigay at nagpapahiram,
    pananatilihin niya ang kanyang layunin sa katarungan.
Sapagkat siya'y hindi makikilos magpakailanman;
    ang matuwid ay maaalala magpakailanman.
Siya'y hindi matatakot sa masasamang balita;
    ang kanyang puso ay matatag, na sa Panginoon ay nagtitiwala.
Ang kanyang puso ay matatag, hindi siya matatakot,
    hanggang ang nais niya sa kanyang mga kaaway ay makita niya.
Siya'y(A) nagpamudmod, siya ay nagbigay sa dukha;
    ang kanyang katuwiran ay nananatili magpakailanman;
    ang kanyang sungay ay mataas sa karangalan.
10 Makikita ito ng masama at magagalit;
    pagngangalitin niya ang kanyang mga ngipin at matutunaw
    ang nasa ng masama ay mapapahamak.

Mga Awit 125

Awit ng Pag-akyat.

125 Ang mga nagtitiwala sa Panginoon ay gaya ng bundok ng Zion,
    na hindi makikilos kundi nananatili sa buong panahon.
Kung paanong ang mga bundok ay nakapalibot sa Jerusalem,
    gayon ang Panginoon ay nakapalibot sa kanyang bayan,
    mula sa panahong ito at magpakailanman.
Sapagkat ang setro ng kasamaan ay hindi mananatili
    sa lupaing iniukol sa mga matuwid;
upang hindi iunat ng mga matuwid
    ang kanilang mga kamay sa paggawa ng masama.
Gawan mo ng mabuti ang mabubuti, O Panginoon,
    at ang matutuwid sa kanilang mga puso.
Ngunit ang mga lumilihis sa kanilang masasamang lakad,
    ay itataboy ng Panginoon na kasama ng mga manggagawa ng kasamaan.
Dumating nawa ang kapayapaan sa Israel!

Mga Hebreo 12:12-24

Mga Tagubilin at mga Babala

12 Kaya't(A) itaas ninyo ang mga kamay na nanghihina at muling palakasin ang mga tuhod na nanlulupaypay,

13 at(B) gumawa kayo ng matuwid na landas para sa inyong mga paa, upang huwag malinsad ang pilay, kundi bagkus ay gumaling.

14 Pagsikapan ninyong magkaroon ng kapayapaan sa lahat at ng kabanalan na kung wala nito'y walang sinumang makakakita sa Panginoon.

15 Pakaingatan(C) ninyo na baka ang sinuma'y mahulog mula sa biyaya ng Diyos; baka may ilang ugat ng kapaitan ang sumibol at bumagabag sa inyo at mahawa nito ang marami.

16 Tiyakin(D) ninyong walang sinuman sa inyo na maging gaya ni Esau na mapakiapid, o lapastangan, na kapalit ng isang pinggang pagkain ay ipinagbili ang kanyang sariling pagkapanganay.

17 Nalalaman(E) ninyo na pagkatapos, nang nais niyang magmana ng pagpapala, siya'y itinakuwil sapagkat wala na siyang natagpuang pagkakataon upang magsisi, bagama't pinagsikapan niya iyon na may pagluha.

18 Sapagkat(F) hindi pa kayo lumapit sa bundok na nahihipo, sa apoy na nagliliyab, sa kadiliman, sa kapanglawan, at sa unos,

19 sa tunog ng trumpeta, at sa tunog ng mga salita na ang nakarinig ay nakiusap na huwag nang magsalita pa sa kanila ng anuman.

20 Sapagkat(G) hindi nila matiis ang iniuutos na, “Maging isang hayop man ang tumuntong sa bundok ay pagbababatuhin.”

21 At(H) kakilakilabot ang nakikita kaya't sinabi ni Moises, “Ako'y natatakot at nanginginig.”

22 Subalit kayo'y lumapit sa Bundok ng Zion, at sa lunsod ng Diyos na buháy, sa makalangit na Jerusalem, at sa mga di-mabilang na mga anghel, sa isang masayang pagtitipon,

23 at sa kapulungan ng mga panganay na nakatala sa langit, at sa Diyos na Hukom ng lahat, at sa mga espiritu ng mga matuwid na pinasakdal,

24 at(I) kay Jesus na tagapamagitan ng bagong tipan, at sa dugong iwinisik na nagsasalita ng lalong mabuti kaysa dugo ni Abel.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001