Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Awit 26

Awit ni David.

26 Pawalang-sala mo ako, O Panginoon,
    sapagkat ako'y lumakad sa aking katapatan,
    at ako'y nagtiwala sa Panginoon nang walang pag-aalinlangan.
Siyasatin mo ako, O Panginoon, at ako'y subukin,
    ang aking puso at isipan ay iyong suriin.
Sapagkat ang iyong tapat na pag-ibig ay nasa harapan ng aking mga mata,
    at ako'y lumalakad na may katapatan sa iyo.
Hindi ako umuupong kasama ng mga sinungaling na tao;
    ni sa mga mapagkunwari ay nakikisama ako.
Kinapopootan ko ang pangkat ng mga gumagawa ng kasamaan,
    at hindi ako uupong kasama ng tampalasan.

Hinuhugasan ko ang aking mga kamay sa kawalang-sala;
    at magtutungo ako, O Panginoon, sa iyong dambana,
na umaawit nang malakas ng awit ng pasasalamat,
    at ang iyong kahanga-hangang mga gawa ay ibinabalitang lahat.

O Panginoon, mahal ko ang bahay na iyong tinatahanan
    at ang dakong tinatahanan ng iyong kaluwalhatian.
Huwag mong kunin ang aking kaluluwa kasama ng mga makasalanan,
    ni ang aking buhay na kasama ng mga taong sa dugo ay uhaw,
10 mga taong masasamang gawa ang nasa kanilang mga kamay,
    na ang kanilang kanang kamay ay punô ng mga lagay.

11 Ngunit sa ganang akin ay lalakad ako sa aking katapatan;
    tubusin mo ako, at kahabagan.
12 Sa isang patag na lupa ang paa ko'y nakatuntong,
    sa malaking kapulungan ay pupurihin ko ang Panginoon.

Mga Awit 28

Awit ni David.

28 Sa iyo, O Panginoon, ako'y nananawagan,
    aking malaking bato, sa aki'y huwag magbingi-bingihan,
baka kung ikaw sa akin ay tumahimik lamang,
    ako'y maging gaya nila na bumababa sa Hukay.
Pakinggan mo ang tinig ng aking karaingan,
    habang ako'y dumaraing ng tulong sa iyo,
habang aking itinataas ang aking mga kamay
    sa dako ng kabanal-banalang santuwaryo.

Huwag mo akong agawing kasama ng masasama,
    na kasama ng mga taong kasamaan ang ginagawa,
na nagsasalita ng kapayapaan sa kanilang mga kapwa,
    gayong ang nasa kanilang mga puso ay masamang pakana.
Ayon(A) sa kanilang gawa, sila'y iyong pagbayarin,
    at ayon sa kasamaan ng kanilang mga gawain.
Gantihan mo sila ng ayon sa gawa ng kanilang mga kamay;
    ang karampatang ganti sa kanila'y ibigay.
Sapagkat ang mga gawa ng Panginoon, ay hindi nila pinapahalagahan,
    ni ang mga gawa ng kanyang mga kamay,
kanyang ibabagsak sila at hindi na sila itatayo kailanman.

Ang Panginoon ay purihin!
    Sapagkat narinig niya ang tinig ng aking mga daing.
Ang Panginoon ang aking lakas at aking kalasag;
    sa kanya ang aking puso ay nagtitiwala,
kaya't ako'y natutulungan, at ang aking puso ay nagagalak,
    at sa pamamagitan ng aking awit ako sa kanya'y nagpapasalamat.

Ang Panginoon ang lakas ng kanyang bayan,
    siya ang nagliligtas na kanlungan ng kanyang pinahiran.
Iligtas mo ang iyong bayan, at ang iyong pamana ay basbasan,
    maging pastol ka nila, at buhatin mo sila magpakailanman.

Mga Awit 36

Sa Punong Mang-aawit. Awit ni David, lingkod ng Panginoon.

36 Ang(A) pagsuway ay nagsasalita ng malalim
    sa puso ng masama;
walang pagkatakot sa Diyos
    sa kanyang mga mata.
Sapagkat pinupuri niya ang sarili sa sarili niyang mga mata,
    na hindi matatagpuan at kasusuklaman ang kasamaan niya.
Ang mga salita ng kanyang bibig ay kasamaan at pandaraya,
    sa pagkilos na may katalinuhan at sa paggawa ng mabuti ay huminto na siya.
Siya'y nagbabalak ng kasamaan habang nasa kanyang higaan;
    inilalagay niya ang sarili sa hindi mabuting daan;
    ang kasamaan ay hindi niya pinakaiiwasan.

Ang iyong tapat na pag-ibig, O Panginoon, ay abot hanggang sa kalangitan,
    hanggang sa mga ulap ang iyong katapatan.
Gaya ng mga bundok ng Diyos ang iyong katuwiran,
    ang iyong mga kahatulan ay gaya ng dakilang kalaliman;
    O Panginoon, inililigtas mo ang tao at hayop man.

Napakahalaga, O Diyos, ng iyong pag-ibig na tapat!
    Ang mga anak ng mga tao ay nanganganlong sa lilim ng iyong mga pakpak.
Sila'y nagpapakabusog sa kasaganaan ng iyong bahay;
    at binibigyan mo sila ng inumin mula sa ilog ng iyong kasiyahan.
Sapagkat nasa iyo ang bukal ng buhay;
    sa iyong ilaw nakakakita kami ng liwanag.

10 O ipagpatuloy mo ang iyong tapat na pag-ibig sa mga nakakakilala sa iyo,
    at ang iyong pagliligtas sa may matuwid na puso!
11 Huwag nawang dumating sa akin ang paa ng kapalaluan,
    ni ng kamay ng masama ako'y ipagtabuyan.
12 Doon ang mga gumagawa ng kasamaan ay nakasubsob,
    sila'y nakalugmok, at hindi na kayang bumangon.

Mga Awit 39

Sa Punong Mang-aawit: kay Jedutun. Awit ni David.

39 Aking sinabi, “Ako'y mag-iingat sa aking mga lakad,
    upang huwag akong magkasala sa aking dila;
iingatan ko ang aking bibig na parang binusalan,
    hangga't ang masasama ay nasa aking harapan.”
Ako'y tumahimik at napipi,
    ako'y tumahimik pati sa mabuti;
lalong lumubha ang aking pighati,
    ang puso ko'y uminit sa aking kalooban.
Samantalang ako'y nagbubulay-bulay, ang apoy ay nagningas,
    pagkatapos sa aking dila ako ay bumigkas:

Panginoon, ipaalam mo sa akin ang aking katapusan,
    at kung ano ang sukat ng aking mga araw;
    ipaalam sa akin kung gaano kadaling lumipas ang aking buhay!
Narito, ang aking mga araw ay ginawa mong iilang mga dangkal,
    at sa paningin mo'y tulad sa wala ang aking buhay.
Tunay na bawat tao'y nakatayong gaya ng isang hininga lamang. (Selah)
    Tunay na ang tao ay lumalakad na gaya ng anino!
Tunay na sila'y nagkakagulo nang walang kabuluhan;
    ang tao ay nagbubunton, at hindi nalalaman kung sinong magtitipon!

“At ngayon, Panginoon, sa ano pa ako maghihintay?
    Ang aking pag-asa ay nasa iyo.
Iligtas mo ako sa lahat ng aking mga pagsuway.
    Huwag mo akong gawing katuyaan ng hangal.
Ako'y pipi, hindi ko ibinubuka ang bibig ko,
    sapagkat ikaw ang gumawa nito.
10 Paghampas sa akin ay iyo nang tigilan,
    ako'y bugbog na sa mga suntok ng iyong kamay.
11 Kapag pinarurusahan mo ang tao nang may pagsaway sa pagkakasala,
iyong tinutupok na gaya ng bukbok ang mahalaga sa kanya;
    tunay na ang bawat tao ay isa lamang hininga! (Selah)

12 “Pakinggan mo, O Panginoon, ang aking panalangin,
    at iyong dinggin ang aking daing;
    huwag kang manahimik sa aking mga luha!
Sapagkat ako'y dayuhan na kasama mo,
    isang manlalakbay gaya ng lahat na aking mga ninuno.
13 Ilayo mo ang iyong tingin sa akin, upang muli akong makangiti,
    bago ako umalis at mapawi!”

Mga Panaghoy 1:1-12

Mga Kapanglawan ng Jerusalem

Kaylungkot na nakaupong nag-iisa ang lunsod
    na dating punô ng mga tao!
Siya'y naging parang isang balo,
    siya na dating dakila sa gitna ng mga bansa!
Siya na dating prinsesa ng mga lalawigan
    ay naging alipin!

Siya'y umiiyak nang mapait sa gabi,
    may mga luha sa kanyang mga pisngi;
sa lahat ng kanyang mangingibig
    ay wala ni isa mang sa kanya'y umaliw,
lahat ng kanyang mga kaibigan sa kanya ay nagtaksil,
    sila'y naging mga kaaway niya.

Ang Juda ay dinalang-bihag sa ilalim ng pagdadalamhati
    at mabigat na paglilingkod.
Siya'y naninirahan sa gitna ng mga bansa,
    ngunit walang natagpuan na mapagpapahingahan,
inabutan siya ng lahat ng humahabol sa kanya
    sa gitna ng pagkabalisa.

Ang mga daan patungo sa Zion ay nagluluksa,
    sapagkat walang dumarating sa kapistahang itinakda.
Lahat ng kanyang pintuan ay giba,
    ang mga pari niya'y dumaraing;
    ang kanyang mga dalaga ay pinahihirapan,
    at siya'y mapait na nagdurusa.

Ang kanyang mga kalaban ay naging kanyang mga pinuno,
    ang kanyang mga kaaway ay nagtatagumpay,
sapagkat pinagdusa siya ng Panginoon
    dahil sa dami ng kanyang mga pagsuway;
ang kanyang mga munting anak ay umalis
    bilang bihag sa harapan ng kaaway.

Mula sa anak na babae ng Zion ay naglaho
    ang lahat niyang karilagan.
Ang kanyang mga pinuno ay naging parang mga usa
    na hindi makatagpo ng pastulan;
sila'y tumakbong walang lakas sa harapan ng humahabol.

Naaalala ng Jerusalem
    sa mga araw ng kanyang paghihirap at kapaitan
ang lahat ng kanyang mahahalagang bagay noong una.
Nang ang kanyang bayan ay mahulog sa kamay ng kalaban,
    ay walang sumaklolo sa kanya,
    tiningnan siya na may kasiyahan ng kanyang mga kalaban,
    na tinutuya ang kanyang pagbagsak.

Ang Jerusalem ay nagkasala nang mabigat,
    kaya't siya'y naging isang maruming bagay;
lahat ng nagparangal sa kanya ay humahamak sa kanya,
    sapagkat kanilang nakita ang kanyang kahubaran.
Oo, siya'y dumaraing
    at tumatalikod.

Ang kanyang karumihan ay nasa kanyang mga damit;
    hindi niya inalintana ang kanyang wakas;
kaya't ang kanyang pagbagsak ay malagim,
    siya'y walang mang-aaliw.
“O Panginoon, masdan mo ang aking pagdadalamhati;
    sapagkat ang kaaway ay nagmamalaki!”

10 Iniunat ng kaaway ang kanyang kamay
    sa lahat ng kanyang mahahalagang bagay.
Oo, nakita niyang sinakop ng mga bansa
    ang kanyang santuwaryo,
yaong mga pinagbawalan mong pumasok
    sa iyong kapulungan.

11 Ang buong bayan niya ay dumaraing
    habang sila'y naghahanap ng tinapay;
ipinagpalit nila ng pagkain ang kanilang mga kayamanan
    upang ibalik ang kanilang lakas.
“Tingnan mo, O Panginoon, at masdan mo;
    sapagkat ako'y naging hamak.”

12 “Wala bang anuman sa inyo, kayong lahat na nagdaraan?
    Inyong masdan at tingnan
kung may anumang kapanglawan na gaya ng aking kapanglawan,
    na ibinigay sa akin,
na ipinabata sa akin ng Panginoon
    sa araw ng kanyang mabangis na galit.

1 Corinto 15:41-50

41 Mayroong kaluwalhatian ng araw, at iba ang kaluwalhatian ng buwan, at iba ang kaluwalhatian ng mga bituin, sapagkat ang isang bituin ay naiiba sa ibang bituin sa kaluwalhatian.

42 Gayundin naman ang muling pagkabuhay ng mga patay. Itinanim na may pagkasira, binubuhay na muli na walang pagkasira.

43 Ito ay itinatanim na walang dangal, ito ay binubuhay na may kaluwalhatian, itinatanim na may kahinaan, muling binubuhay na may kapangyarihan.

44 Ito ay itinatanim na katawang laman, ito ay binubuhay na katawang espirituwal. Kung may katawang makalupa ay mayroon ding espirituwal.

45 Kaya't(A) nasusulat, “Ang unang taong si Adan ay naging buháy na nilalang.”[a] Ang huling Adan ay naging espiritung nagbibigay-buhay.

46 Ngunit hindi una ang katawang espirituwal, kundi ang makalupa, pagkatapos ay ang espirituwal.

47 Ang unang tao ay mula sa lupa, isang taong mula sa alabok. Ang ikalawang tao ay mula sa langit.

48 Kung ano ang taong mula sa alabok, gayundin silang mula sa alabok, at kung ano ang taong mula sa langit ay gayundin silang makalangit.

49 At kung paanong taglay natin ang larawan ng taong mula sa alabok, tataglayin din natin ang larawan ng taong makalangit.

50 Mga kapatid, sinasabi ko ito: ang laman at dugo ay hindi magmamana ng kaharian ng Diyos; ni ang may pagkasira ay magmamana ng walang pagkasira.

Mateo 11:25-30

Ang Dakilang Paanyaya(A)

25 Nang oras na iyon ay sinabi ni Jesus, “Pinasasalamatan kita, Ama, Panginoon ng langit at lupa, sapagkat ikinubli mo ang mga bagay na ito sa mga pantas at matatalino, at ipinahayag mo sa mga sanggol;

26 oo, Ama, sapagkat gayon ang mapagpala mong kalooban.[a]

27 Ang(B) lahat ng mga bagay ay ibinigay sa akin ng aking Ama. Walang nakakakilala sa Anak kundi ang Ama; at walang nakakakilala sa Ama, kundi ang Anak, at sinumang piliin ng Anak na pagpahayagan niya.

28 Lumapit kayo sa akin, kayong lahat na nanlulupaypay at lubhang nabibigatan at kayo'y bibigyan ko ng kapahingahan.

29 Pasanin(C) ninyo ang aking pamatok, at matuto kayo sa akin; sapagkat ako'y maamo at may mapagpakumbabang puso at makakatagpo kayo ng kapahingahan para sa inyong mga kaluluwa.

30 Sapagkat madaling dalhin ang aking pamatok at magaan ang aking pasan.”

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001