Book of Common Prayer
Sa Punong Mang-aawit: ayon sa mga Liryo. Patotoo ni Asaf. Isang Awit.
80 O(A) Pastol ng Israel, iyong pakinggan,
ikaw na pumapatnubay kay Jose na parang kawan;
ikaw na nakaluklok sa trono sa ibabaw ng mga kerubin, ikaw ay magliwanag
2 sa harapan ng Efraim, ng Benjamin at ng Manases!
Pakilusin mo ang iyong kapangyarihan,
at pumarito ka upang kami'y iligtas.
3 Panunumbalikin mo kami, O Diyos;
paliwanagin mo ang iyong mukha, upang kami ay maligtas!
4 O Panginoong Diyos ng mga hukbo,
hanggang kailan ka magagalit sa dalangin ng bayan mo?
5 Iyong pinakain sila ng tinapay ng mga luha,
at binigyan mo sila ng maiinom na mga luhang sagana.
6 Ginawa mo kaming kaalitan sa aming mga kalapit-bansa,
at ang mga kaaway namin ay nagtatawanang sama-sama.
7 Panunumbalikin mo kami, O Diyos ng mga hukbo;
paliwanagin mo ang iyong mukha upang kami ay maligtas!
8 Ikaw ay nagdala ng isang puno ng ubas mula sa Ehipto;
iyong pinalayas ang mga bansa, at itinanim mo ito.
9 Inihanda mo ang lupa para doon,
ito'y nag-ugat nang malalim at pinuno ang lupain.
10 Ang mga bundok ay natakpan ng lilim niyon,
ang malalaking sedro at ang mga sanga nito,
11 ang kanyang mga sanga hanggang sa dagat ay umabot,
at ang kanyang mga supling hanggang sa Ilog.
12 Bakit mo ibinagsak ang mga pader niya,
anupa't lahat ng dumaraan ay pumipitas ng kanyang bunga?
13 Sinisira ito ng baboy-damo na mula sa kagubatan,
at nanginginain doon ang lahat ng gumagalaw sa parang.
14 Bumalik kang muli, O Diyos ng mga hukbo, isinasamo namin sa iyo.
Tumungo ka mula sa langit, at masdan mo;
pahalagahan mo ang puno ng ubas na ito,
15 ang punong itinanim ng kanang kamay mo,
at sa anak na iyong pinalaki para sa iyong sarili.
16 Sinunog nila iyon sa apoy, iyon ay kanilang pinutol;
sa saway ng iyong mukha sila'y nalipol!
17 Ipatong nawa ang iyong kamay sa tao ng kanang kamay mo,
sa anak ng tao na iyong pinalakas para sa sarili mo.
18 Sa gayo'y hindi kami tatalikod sa iyo;
bigyan mo kami ng buhay, at tatawag kami sa pangalan mo.
19 Panunumbalikin mo kami, O Panginoong Diyos ng mga hukbo;
paliwanagin mo ang iyong mukha, upang kami ay maligtas!
Sa Punong Mang-aawit: ayon kay Jedutun. Salmo ni Asaf.
77 Ang aking tinig ay papailanglang sa Diyos,
at ako'y dadaing ng malakas;
ang aking tinig ay papailanglang sa Diyos,
at papakinggan niya ako.
2 Hinahanap ko ang Panginoon sa araw ng aking kaguluhan;
sa gabi'y nakaunat ang aking kamay, at hindi nangangalay;
ang kaluluwa ko'y tumatangging mabigyang kaaliwan.
3 Naaalala ko ang Diyos, at ako'y nababalisa;
nang ako'y nagdaramdam, ang diwa ko'y nanlulupaypay. (Selah)
4 Pinigilan mong magsara ang talukap ng aking mga mata,
ako'y totoong naguguluhan at hindi ako makapagsalita.
5 Ginugunita ko ang mga unang araw,
ang mga taóng nagdaan.
6 Sa gabi'y nakikipag-usap ako sa aking puso;
ako'y magbubulay-bulay sa aking puso at ang aking diwa ay magsisiyasat.
7 “Magtatakuwil ba ang Panginoon magpakailanman?
At hindi na ba muling masisiyahan?
8 Ang kanya bang tapat na pag-ibig ay huminto na magpakailanman?
Ang kanya bang mga pangako sa lahat ng panahon ay nawakasan?
9 Nakalimot na ba ang Diyos na maging mapagbiyaya?
Sa kanya bang galit ay isinara niya ang kanyang awa? (Selah)
10 At aking sinabi, “Ipinaghihinagpis ko
na ang kanang kamay ng Kataas-taasan ay nagbago.”
11 Aking gugunitain ang mga gawa ng Panginoon;
oo, aking aalalahanin ang mga kahanga-hangang gawa mo noong unang panahon.
12 Ako'y magbubulay-bulay sa lahat mong mga gawa,
at magmumuni tungkol sa iyong mga gawa.
13 Ang iyong daan, O Diyos, ay banal.
Sinong diyos ang dakila na gaya ng aming Diyos?
14 Ikaw ang Diyos na gumagawa ng mga kababalaghan,
na nagpahayag ng iyong kalakasan sa gitna ng mga bayan.
15 Tinubos mo ng iyong kamay ang iyong bayan,
ang mga anak ni Jacob at ni Jose. (Selah)
16 Nang makita ka ng tubig, O Diyos;
nang makita ka ng tubig, sila'y natakot:
oo, ang kalaliman ay nanginig.
17 Ang alapaap ay nagbuhos ng tubig;
nagpakulog ang himpapawid,
ang mga palaso mo ay humagibis sa bawat panig.
18 Ang tunog ng iyong kulog ay nasa ipu-ipo;
pinagliwanag ng mga kidlat ang daigdig;
ang lupa ay nanginig at nayanig.
19 Ang daan mo'y nasa dagat,
ang landas mo'y nasa malalaking tubig;
gayunman ang bakas mo'y hindi nakita.
20 Iyong pinatnubayan ang iyong bayan na parang kawan
sa pamamagitan ng kamay ni Moises at ni Aaron.
Awit ni Asaf.
79 O(A) Diyos, ang mga pagano sa iyong mana ay dumating,
kanilang dinungisan ang iyong templong banal;
ang Jerusalem sa mga guho ay kanilang inilagay.
2 Ang mga katawan ng iyong mga lingkod ay ibinigay nila
bilang pagkain sa mga ibon sa himpapawid,
ang laman ng iyong mga banal sa mga hayop sa lupa.
3 Ang kanilang dugo ay parang tubig na ibinuhos nila
sa palibot ng Jerusalem;
at walang sinumang sa kanila'y maglibing.
4 Kami'y naging tampulan ng pagtuya sa aming mga kalapit,
ang mga nasa palibot namin kami'y nililibak at nilalait.
5 Hanggang kailan, O Panginoon? Magagalit ka ba habang panahon?
Ang iyo bang mapanibughong poot ay mag-aalab na parang apoy?
6 Ibuhos mo ang iyong galit sa mga bansang
hindi kumikilala sa iyo,
at sa mga kaharian
na hindi tumatawag sa pangalan mo!
7 Sapagkat ang Jacob ay kanilang nilapa,
at ang kanyang tahanan ay kanilang giniba.
8 Huwag mong alalahanin laban sa amin
ang kasamaan ng aming mga ninuno,
mabilis nawang dumating ang iyong kahabagan upang salubungin kami,
sapagkat kami ay lubhang pinababa.
9 Tulungan mo kami, O Diyos ng aming kaligtasan,
para sa kaluwalhatian ng iyong pangalan;
iligtas mo kami at patawarin ang aming mga kasalanan,
alang-alang sa iyong pangalan.
10 Bakit sasabihin ng mga bansa,
“Nasaan ang kanilang Diyos?”
Nawa'y ang paghihiganti para sa dugong nabuhos ng iyong mga lingkod
ay malaman ng mga bansa sa harap ng aming mga mata.
11 Ang daing ng mga bilanggo'y dumating nawa sa iyong harapan,
ayon sa iyong dakilang kapangyarihan iligtas mo ang mga nakatakdang mamatay!
12 Ibalik mo ng pitong ulit sa sinapupunan ng aming mga kalapit-bansa
ang mga pagkutyang ikinutya nila sa iyo, O Panginoon.
13 Kung gayon kaming iyong bayan, ang mga tupa sa iyong pastulan,
ay magpapasalamat sa iyo magpakailanman;
sa lahat ng salinlahi ang papuri sa iyo'y aming isasalaysay.
Ipinahayag ng Bayan ang Kanilang mga Kasalanan
9 Nang ikadalawampu't apat na araw ng buwang ito ang bayang Israel ay nagtipun-tipon na may pag-aayuno at nakasuot ng damit-sako, at may lupa sa mga ulo nila.
2 Ang mga Israelita ay humiwalay sa lahat ng mga dayuhan, at nagtayo at nagpahayag ng kanilang mga kasalanan at ng mga kasamaan ng kanilang mga ninuno.
3 Sila'y tumayo sa kanilang lugar at bumasa sa aklat ng kautusan ng Panginoon nilang Diyos sa loob ng isang ikaapat na bahagi ng araw; at sa ibang ikaapat na bahagi nito ay nagpahayag ng kasalanan at sumamba sa Panginoon nilang Diyos.
4 Tumayo sa mga baytang ng mga Levita sina Jeshua, Bani, Cadmiel, Sebanias, Buni, Sherebias, Bani, at si Chenani at sumigaw nang malakas na tinig sa Panginoon nilang Diyos.
5 Ang mga Levitang sina Jeshua, Cadmiel, Bani, Hashabneias, Sherebias, Hodias, Sebanias, at Petaya, ay nagsabi, “Tumayo kayo at purihin ang Panginoon ninyong Diyos mula sa walang pasimula hanggang sa walang hanggan. Purihin ang iyong maluwalhating pangalan na nataas nang higit sa lahat ng pagpapala at pagpuri.”
6 “Ikaw ang Panginoon, ikaw lamang. Ikaw ang gumawa ng langit, ng langit ng mga langit, pati ng lahat ng natatanaw roon, ng lupa at ng lahat na bagay na naroon, ng mga dagat at ng lahat na naroon, at pinananatili mo silang lahat; at ang hukbo ng langit ay sumasamba sa iyo.
7 Ikaw(A) ang Panginoon, ang Diyos na siyang pumili kay Abram at naglabas sa kanya sa Ur ng mga Caldeo, at nagbigay sa kanya ng pangalang Abraham.
8 Natagpuan(B) mong tapat ang kanyang puso sa harapan mo, at nakipagtipan ka sa kanya upang ibigay sa kanyang mga binhi ang lupain ng mga Cananeo, Heteo, Amoreo, Perezeo, Jebuseo, at Gergeseo, at tinupad mo ang iyong pangako, sapagkat ikaw ay matuwid.
9 “Iyong(C) nakita ang paghihirap ng aming mga ninuno sa Ehipto, at iyong pinakinggan ang kanilang daing sa tabi ng Dagat na Pula.
10 Nagpakita(D) ka ng mga tanda at mga kababalaghan laban kay Faraon at sa lahat niyang mga lingkod at sa lahat ng mga tao ng kanyang lupain, sapagkat iyong nalaman na sila'y gumawa na may kapalaluan laban sa aming mga ninuno at ikaw ay gumawa para sa iyo ng pangalan na nananatili hanggang sa araw na ito.
11 Iyong(E) hinawi ang dagat sa harapan nila, kaya't sila'y dumaan sa gitna ng dagat sa tuyong lupa. Ang mga humahabol sa kanila ay iyong itinapon sa mga kalaliman na gaya ng isang bato sa malalim na tubig.
12 Sa(F) pamamagitan ng isang haliging ulap ay pinatnubayan mo sila sa araw, at sa pamamagitan ng isang haliging apoy sa gabi upang tumanglaw sa kanila sa daan na kanilang dapat lakaran.
13 Ikaw(G) ay bumaba sa bundok ng Sinai at nagsalita ka sa kanila mula sa langit, at binigyan mo sila ng mga matuwid na batas at mga tunay na kautusan, mabuting mga tuntunin at mga utos.
14 Ipinakilala mo sa kanila ang iyong banal na Sabbath, at nag-utos ka sa kanila ng mga utos, at ng mga tuntunin at ng kautusan sa pamamagitan ni Moises na iyong lingkod.
15 Binigyan(H) mo sila ng tinapay mula sa langit para sa kanilang pagkagutom at nagpalabas ka ng tubig para sa kanila mula sa malaking bato para sa kanilang uhaw, at sinabi mo sa kanila na pumasok upang angkinin ang lupain na iyong ipinangakong ibibigay sa kanila.
16 “Ngunit(I) sila at ang aming mga ninuno ay kumilos na may kapangahasan, at pinatigas ang kanilang leeg at hindi tinupad ang iyong mga utos.
17 Ayaw(J) nilang sumunod, at hindi inalala ang mga kababalaghan na iyong ginawa sa gitna nila, kundi naging matigas ang kanilang ulo[a] at pumili ng isang pinuno upang bumalik sa kanilang pagkabihag sa Ehipto. Ngunit ikaw ay Diyos na handang magpatawad, mapagpala at mahabagin, hindi magagalitin, sagana sa tapat na pag-ibig, at hindi mo sila pinabayaan,
18 maging(K) nang sila'y gumawa ng isang guyang hinulma at magsabi, ‘Ito ang iyong Diyos na nag-ahon sa iyo mula sa Ehipto,’ at gumawa ng mabibigat na paglapastangan.
19 Ikaw,(L) sa iyong dakilang kaawaan ay hindi mo sila pinabayaan sa ilang. Ang haliging ulap na pumatnubay sa kanila sa daan ay hindi humiwalay sa kanila sa araw, maging ang haliging apoy man sa gabi na nagbigay ng liwanag sa kanila sa kanilang dapat lakaran.
20 Ibinigay mo ang iyong mabuting Espiritu upang turuan sila, at hindi mo ipinagkait ang iyong manna mula sa kanilang bibig, at binigyan mo sila ng tubig para sa kanilang uhaw.
21 Sa loob ng apatnapung taon ay inalalayan mo sila sa ilang, at hindi sila nagkulang ng anuman; ang kanilang mga suot ay hindi naluma, at ang kanilang mga paa ay hindi namaga.
22 Binigyan(M) mo sila ng mga kaharian at mga bayan, na iyong ibinahagi sa kanila ang bawat sulok; kaya't kanilang inangkin ang lupain ni Sihon, na hari ng Hesbon, at ang lupain ni Og na hari ng Basan.
23 Pinarami(N) mo ang kanilang mga anak gaya ng mga bituin sa langit, at dinala mo sila sa lupain na iyong sinabi sa kanilang mga ninuno na pasukin at angkinin.
24 Kaya't(O) ang taong-bayan ay pumasok at inangkin ang lupain. Iyong pinasuko sa harapan nila ang mga naninirahan sa lupain, ang mga Cananeo, at ibinigay mo sa kanilang mga kamay, pati ang kanilang mga hari at ang mga tao ng lupain, upang magawa nila sa kanila kung ano ang kanilang naisin.
25 Kanilang(P) nasakop ang mga bayang nakukutaan at ang mayamang lupain, at inangkin ang mga bahay na punô ng lahat ng mabubuting bagay, ang mga balon na hinukay, mga ubasan, mga olibohan, mga punungkahoy na may bungang sagana; kaya't sila'y kumain, nabusog, tumaba, at nalugod sa iyong dakilang kabutihan.
Ang Pagbagsak ng Babilonia
18 Pagkatapos ng mga bagay na ito ay nakita ko ang isa pang anghel na nananaog mula sa langit, na may dakilang kapangyarihan; at ang lupa ay naliwanagan ng kanyang kaluwalhatian.
2 At(A) siya'y sumigaw nang may malakas na tinig na nagsasabi,
“Bumagsak, bumagsak ang dakilang Babilonia!
Ito'y naging tirahan ng mga demonyo,
pugad ng bawat espiritung karumaldumal,
at pugad ng bawat karumaldumal at kasuklamsuklam na mga ibon;
3 sapagkat(B) lahat ng mga bansa ay uminom
ng alak ng galit ng kanyang pakikiapid,
at ang mga hari sa lupa ay nakiapid sa kanya,
at ang mga mangangalakal sa lupa ay yumaman dahil sa kapangyarihan ng kanyang kalayawan.”
4 At(C) narinig ko ang isa pang tinig na mula sa langit na nagsasabi,
“Magsilabas kayo sa kanya, bayan ko,
upang huwag kayong madamay sa kanyang mga kasalanan,
at huwag kayong makabahagi
sa kanyang mga salot;
5 sapagkat(D) ang kanyang mga kasalanan ay nagkapatung-patong na umaabot hanggang sa langit,
at natatandaan ng Diyos ang kanyang mga kasalanan.
6 Ibigay(E) din ninyo ang ayon sa ibinigay niya sa inyo,
at bayaran ninyo ng makalawang ulit ang kanyang mga gawa;
sa kopang kanyang pinaghaluan ay inyong ipaghalo siya ng makalawang ulit.
7 Kung(F) gaano siya nagmalaki at namuhay sa kalayawan,
ay gayundin ang ibigay ninyo sa kanyang pahirap at pagluluksa.
Sapagkat sinasabi niya sa kanyang puso,
‘Ako'y nakaupong isang reyna.
Hindi ako balo
at hindi ko makikita kailanman ang pagluluksa.’
8 Kaya't sa loob ng isang araw ay darating ang mga salot sa kanya,
kamatayan, pagluluksa at gutom;
at siya'y lubos na susunugin sa apoy;
sapagkat makapangyarihan ang Panginoong Diyos na humatol sa kanya.”
Mga Minanang Turo(A)
15 Pagkatapos ay lumapit kay Jesus ang mga Fariseo at ang mga eskriba na nanggaling sa Jerusalem, at sinabi nila,
2 “Bakit lumalabag ang iyong mga alagad sa tradisyon ng matatanda? Hindi sila naghuhugas ng kanilang mga kamay bago sila kumain ng tinapay.”
3 Sumagot siya sa kanila at sinabi, “Bakit lumalabag naman kayo sa utos ng Diyos dahil sa inyong tradisyon?
4 Sapagkat(B) sinabi ng Diyos, ‘Igalang mo ang iyong ama at ang iyong ina;’ at ‘Ang magsalita ng masama sa ama o sa ina, ay dapat mamatay.’
5 Ngunit sinasabi ninyo na sinumang magsabi sa kanyang ama o sa kanyang ina, ‘Anumang pakikinabangin mo mula sa akin ay ipinagkaloob ko na sa Diyos.’ Ang taong iyon ay hindi na kailangang gumalang pa sa kanyang ama.
6 Kaya, pinawalang-saysay ninyo ang salita[a] ng Diyos dahil sa inyong tradisyon.
7 Kayong mga mapagkunwari, tama ang ipinahayag ni Isaias tungkol sa inyo nang sabihin niya,
8 ‘Iginagalang(C) ako ng bayang ito sa kanilang mga labi,
ngunit ang kanilang puso ay malayo sa akin.
9 At walang kabuluhan ang pagsamba nila sa akin,
na itinuturo nila bilang mga aral ang mga alituntunin ng mga tao.’”
Ang Nagpaparumi sa Tao(D)
10 Pinalapit ni Jesus[b] sa kanya ang mga tao at sinabi sa kanila, “Pakinggan ninyo ito at unawain.
11 Hindi ang pumapasok sa bibig ang nagpaparumi sa tao, kundi ang lumalabas sa bibig ang nagpaparumi.”
12 Pagkatapos ay dumating ang mga alagad at sinabi sa kanya, “Alam mo bang nasaktan ang mga Fariseo nang marinig nila ang pananalitang ito?”
13 Ngunit sumagot siya at sinabi, “Ang bawat halamang hindi itinanim ng aking Ama na nasa langit ay bubunutin.
14 Hayaan(E) ninyo sila; sila'y mga bulag na taga-akay.[c] At kung ang bulag ay umakay sa bulag, kapwa sila mahuhulog sa hukay.”
15 Sumagot naman si Pedro at sinabi sa kanya, “Ipaliwanag mo sa amin ang talinghaga.”
16 At sinabi niya, “Pati ba naman kayo'y wala pa ring pang-unawa?
17 Hindi pa ba ninyo nalalaman na ang anumang pumapasok sa bibig ay tumutuloy sa tiyan, at inilalabas sa daanan ng dumi?
18 Ngunit(F) ang mga bagay na lumalabas sa bibig ay nagmumula sa puso at siyang nagpaparumi sa tao.
19 Sapagkat nagmumula sa puso ang masasamang pag-iisip, pagpatay, pangangalunya, pakikiapid, pagnanakaw, pagsaksi sa kasinungalingan, at paglapastangan.
20 Ito ang mga bagay na nagpaparumi sa tao; ngunit ang kumain nang hindi naghuhugas ng mga kamay ay hindi nagpaparumi sa tao.”
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001