Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Awit 75-76

Sa Punong Mang-aawit: ayon sa Huwag Puksain. Salmo ni Asaf. Isang Awit.

75 Kami ay nagpapasalamat sa iyo, O Diyos;
    kami ay nagpapasalamat, malapit ang iyong pangalan.
Ang mga kagila-gilalas mong gawa ay sinasaysay ng mamamayan.

At sa aking piniling takdang panahon,
    may katarungan akong hahatol.
Kapag ang lupa ay nayayanig at ang lahat ng mga naninirahan dito,
    ako ang nagpapatatag sa mga haligi nito. (Selah)
Aking sinabi sa hambog, “Huwag kang magyabang,”
    at sa masama, “Huwag mong itaas ang iyong sungay;
huwag mong itaas ang iyong sungay nang mataas,
    huwag kang magsalita nang may matigas na ulo.”

Sapagkat hindi mula sa silangan, o mula sa kanluran,
    ni mula man sa ilang ang pagkataas;
kundi ang Diyos ang hukom,
    ang isa'y ibinababa at ang iba'y itinataas naman.
Sapagkat sa kamay ng Panginoon ay may isang kopa,
    may alak na bumubula, hinalong totoo;
at kanyang ibubuhos ang laman nito,
    tunay na ang masasama sa lupa
    ay ibubuhos at iinumin ang latak nito.
Ngunit ako'y magpapahayag magpakailanman,
    ako'y aawit ng mga papuri sa Diyos ni Jacob.
10 Lahat ng mga sungay ng masama ay aking puputulin,
    ngunit ang mga sungay ng matuwid ay itataas.

Sa Punong Mang-aawit: sa instrumentong may kuwerdas. Salmo ni Asaf. Isang Awit.

76 Sa Juda ang Diyos ay kilala,
    ang kanyang pangalan sa Israel ay dakila.
Natatag sa Salem ang kanyang tahanan,
    sa Zion ang kanyang dakong tirahan.
Doo'y binali niya ang humahagibis na mga palaso,
    ang kalasag, ang tabak, at mga sandata sa pakikidigma. (Selah)

Ikaw ay maluwalhati, higit na marangal,
    kaysa mga bundok na walang hanggan.
Ang matatapang ay inalisan ng kanilang samsam,
    sila'y lumubog sa pagkakatulog,
at wala sa mga mandirigma
    ang makagamit ng kanilang mga kamay.
Sa iyong saway, O Diyos ni Jacob,
    ang mangangabayo at ang kabayo ay nahandusay sa mahimbing na pagkakatulog.

Ngunit ikaw, ikaw ay kakilakilabot!
    Sinong makakatayo sa iyong harapan,
    kapag minsang ang galit ay napukaw?
Mula sa langit ang hatol ay iyong ipinarinig,
    ang lupa ay natakot, at tumahimik,
nang ang Diyos ay bumangon sa paghatol,
    upang iligtas ang lahat ng naaapi sa sandaigdigan. (Selah)

10 Tunay na pupurihin ka ng poot ng tao;
    ang nalabi sa poot ay ibibigkis mo sa iyo.
11 Mamanata ka sa Panginoon mong Diyos, at tuparin mo ang mga iyon,
    magdala nawa ng mga kaloob ang lahat ng nasa kanyang palibot,
    sa kanya na nararapat pag-ukulan ng takot,
12 siyang pumuputol ng espiritu ng mga pinuno,
    na kinatatakutan ng mga hari sa mundo.

Mga Awit 23

Awit ni David.

23 Ang Panginoon ay aking pastol; hindi ako magkukulang;
    pinahihiga(A) niya ako sa luntiang pastulan,
inaakay niya ako sa tabi ng mga tubig na pahingahan.
    Pinanunumbalik niya ang aking kaluluwa.
Inaakay niya ako sa mga landas ng katuwiran
    alang-alang sa kanyang pangalan.

Bagaman ako'y lumakad sa libis ng lilim ng kamatayan,
    wala akong katatakutang kasamaan;
sapagkat ikaw ay kasama ko,
    ang iyong pamalo at ang iyong tungkod,
    inaaliw ako ng mga ito.

Ipinaghahanda mo ako ng hapag
    sa harapan ng aking mga kaaway;
iyong binuhusan ng langis ang aking ulo,
    umaapaw ang aking saro.
Tiyak na ang kabutihan at kaawaan ay susunod sa akin
    sa lahat ng mga araw ng aking buhay;
at ako'y maninirahan sa bahay ng Panginoon
    magpakailanman.[a]

Mga Awit 27

Awit ni David.

27 Ang Panginoon ay aking liwanag at aking kaligtasan;
    sino ang aking katatakutan?
Ang Panginoon ay muog ng aking buhay;
    sino ang aking kasisindakan?

Nang dumating sa akin ang mga manggagawa ng kasamaan,
    upang lamunin ang aking laman,
ang aking mga kaaway at aking mga kalaban,
    sila'y matitisod at mabubuwal.

Bagaman magkampo laban sa akin ang isang hukbo,
    hindi matatakot ang aking puso;
bagaman magbangon ang digmaan laban sa akin,
    gayunman ako'y magtitiwala pa rin.

Isang bagay ang hiningi ko sa Panginoon,
    na aking hahanapin;
na ako'y makapanirahan sa bahay ng Panginoon,
    sa lahat ng mga araw ng aking buhay,
upang mamasdan ang kagandahan ng Panginoon,
    at sumangguni sa kanyang templo.

Sapagkat ako'y ikukubli niya sa kanyang kanlungan
    sa araw ng kaguluhan
sa ilalim ng kanyang tolda ako'y kanyang itatago,
    at itataas niya ako sa ibabaw ng isang malaking bato.

At ngayo'y itataas ang aking ulo
    sa aking mga kaaway sa palibot ko;
at ako'y maghahandog sa kanyang tolda
    ng mga alay na may sigaw ng pagsasaya.
Ako'y aawit, oo, ako'y aawit ng mga papuri sa Panginoon.

Dinggin mo kapag ako'y sumisigaw ng aking tinig, O Panginoon,
    kaawaan mo ako at sa akin ay tumugon.
Sinabi mo, “Hanapin ninyo ang aking mukha;” sabi ng aking puso sa iyo,
    “Ang iyong mukha, Panginoon, ay aking hinahanap.”
    Huwag mong ikubli ang iyong mukha sa akin.

Sa galit, ang iyong lingkod ay huwag mong paalisin,
    ikaw na naging saklolo sa akin.
Huwag mo akong itakuwil, huwag mo akong pabayaan,
    O Diyos ng aking kaligtasan!
10 Sapagkat pinabayaan na ako ng aking ama at ina,
    gayunma'y ibabangon ako ng Panginoon.

11 Ituro mo sa akin, O Panginoon, ang iyong daan,
    akayin mo ako sa patag na landas
    dahil sa aking mga kaaway.
12 Huwag mo akong ibigay sa kalooban ng aking mga kaaway;
    sapagkat mga sinungaling na saksi laban sa akin ay nagbangon,
    at sila'y nagbubuga ng karahasan.

13 Ako'y naniniwala na aking masasaksihan ang kabutihan ng Panginoon
    sa lupain ng mga nabubuhay!
14 Maghintay ka sa Panginoon;
    magpakalakas ka at magpakatapang ang iyong puso;
    oo, maghintay ka sa Panginoon!

Ezra 9

Nabalitaan ni Ezra ang Pag-aasawa sa mga Di-Judio

Pagkatapos na magawa ang mga bagay na ito, nilapitan ako ng mga pinuno at sinabi, “Ang taong-bayan ng Israel at ang mga pari at mga Levita ay hindi pa humihiwalay sa mga taong-bayan ng mga lupain ayon sa kanilang mga karumihan, sa mga Cananeo, Heteo, Perezeo, Jebuseo, Ammonita, Moabita, Ehipcio, at mga Amoreo.

Sapagkat kumuha sila sa kanilang mga anak na babae para mapangasawa nila at ng kanilang mga anak na lalaki, anupa't ang banal na lahi ay humalo sa mamamayan ng mga lupain. Sa ganitong kataksilan, ang kamay ng mga pinuno at ng mga punong lalaki ay nangunguna.”

Nang marinig ko ito, pinunit ko ang aking suot at ang aking balabal, binatak ang buhok sa aking ulo at balbas, at ako'y umupong natitigilan.

Lahat ng nanginig sa mga salita ng Diyos ng Israel, dahil sa kataksilan ng mga bumalik na bihag, ay nagtipun-tipon sa paligid ko habang ako'y nakaupong natitigilan hanggang sa oras ng paghahandog sa hapon.

Sa panahon ng paghahandog sa hapon, bumangon ako sa aking pag-aayuno na punit ang aking suot at ang aking balabal, at ako'y lumuhod at iniunat ko ang aking mga kamay sa Panginoon kong Diyos,

na sinasabi, “O Diyos ko, ako'y nahihiya at namumula na itaas ang aking mukha sa iyo, aking Diyos, sapagkat ang aming mga kasamaan ay tumaas nang higit kaysa aming ulo, at ang aming pagkakasala ay umabot hanggang sa langit.

Mula sa mga araw ng aming mga ninuno hanggang sa araw na ito, kami ay nasa napakalaking pagkakasala. Dahil sa aming mga kasamaan, kami, ang aming mga hari, at ang aming mga pari ay ibinigay sa kamay ng mga hari ng mga lupain, sa tabak, sa pagkabihag, sa pagkasamsam, at sa ganap na kahihiyan gaya sa araw na ito.

Subalit ngayon, sa maikling panahon ang biyaya ay ipinakita ng Panginoon naming Diyos, upang mag-iwan sa amin ng isang nalabi, at bigyan kami ng isang tulos sa loob ng kanyang dakong banal, upang palinawin ng aming Diyos ang aming mga mata, at bigyan kami ng kaunting ikabubuhay sa aming pagkaalipin.

Bagaman kami ay mga alipin, gayunma'y hindi kami pinabayaan ng aming Diyos sa aming pagkaalipin, kundi ipinaabot sa amin ang kanyang tapat na pag-ibig sa harapan ng mga hari ng Persia, upang bigyan kami ng ikabubuhay sa pagtatayo ng bahay ng aming Diyos, at upang kumpunihin ang mga guho niyon, at upang bigyan kami ng pader sa Juda at sa Jerusalem.

10 “At ngayon, O aming Diyos, ano ang aming sasabihin pagkatapos nito? Sapagkat tinalikuran namin ang iyong mga utos,

11 na iyong iniutos sa pamamagitan ng iyong mga lingkod na mga propeta, na sinasabi, ‘Ang lupain na inyong pinapasok upang angkinin, ay isang maruming lupain na may karumihan ng mga mamamayan ng mga lupain, dahil sa kanilang karumihang pumunô sa magkabilang dulo ng kanilang mga kahalayan.

12 Kaya't(A) huwag ninyong ibigay ang inyong mga anak na babae sa kanilang mga anak na lalaki, ni kunin man ninyo ang kanilang mga anak na babae para sa inyong mga anak na lalaki, ni hanapin ang kanilang kapayapaan o pag-unlad, upang kayo'y lumakas at kainin ang buti ng lupain, at iwan ninyo bilang pamana sa inyong mga anak magpakailanman.’

13 At pagkatapos ng lahat na sumapit sa amin dahil sa aming masamang mga gawa, at dahil sa aming napakalaking pagkakasala, yamang ikaw na aming Diyos ay nagparusa sa amin ng kaunti kaysa nararapat sa aming mga kasamaan at binigyan mo kami ng ganitong nalabi.

14 Muli ba naming sisirain ang iyong mga utos at mag-aasawa sa mga taong gumagawa ng mga karumihan na ito? Hindi ka ba magagalit sa amin hanggang sa mapuksa mo kami, kaya't hindi magkakaroon ng nalabi, o ng sinumang makakatakas?

15 O Panginoon, Diyos ng Israel, ikaw ay matuwid, sapagkat kami ay naiwan na isang nalabi na nakatakas, na gaya sa araw na ito. Narito, kami ay nasa harapan mo sa aming pagkakasala, sapagkat walang makakatayo sa harapan mo dahil dito.”

Apocalipsis 17:1-14

Ang Reyna ng Kahalayan

17 At(A) dumating ang isa sa pitong anghel na may pitong mangkok at nagsalita sa akin na nagsasabi, “Halika. Ipapakita ko sa iyo ang hatol sa tanyag na mahalay na babae[a] na nakaupo sa ibabaw ng maraming tubig;

na(B) sa kanya'y nakiapid ang mga hari sa lupa, at ang mga naninirahan sa lupa ay nalasing sa alak ng kanyang pakikiapid.

At(C) ako'y kanyang dinalang nasa Espiritu sa isang ilang at nakita ko ang isang babae na nakasakay sa isang halimaw na pula, na punô ng mga pangalan ng kalapastanganan na may pitong ulo at sampung sungay.

Ang(D) babae ay nakadamit ng kulay-ube at ng matingkad na pula, nagagayakan ng ginto at ng mahahalagang bato at mga perlas, at hawak sa kanyang kamay ang isang kopang ginto na punô ng mga karumaldumal at mga bagay na marurumi ng kanyang pakikiapid,

at sa kanyang noo ay nakasulat ang isang pangalan, ang isang hiwaga: “dakilang Babilonia, ina ng mga mahalay na babae[b] at ng mga karumaldumal sa lupa.”

At nakita ko ang babae na lasing sa dugo ng mga banal, at sa dugo ng mga martir[c] ni Jesus. Nang makita ko siya, ako ay lubhang nanggilalas.

Ngunit sinabi sa akin ng anghel, “Bakit ka nanggilalas? Sasabihin ko sa iyo ang hiwaga ng babae, at ng sinasakyan niyang halimaw na may pitong ulo at sampung sungay.

Ang(E) halimaw na nakita mo ay buháy noon[d] at ngayo'y wala na, at malapit nang umahon mula sa di-matarok na kalaliman at patungo sa kapahamakan. At silang mga naninirahan sa lupa, na ang kanilang pangalan ay hindi nakasulat sa aklat ng buhay mula nang itatag ang sanlibutan, ay manggigilalas kapag nakita nila ang halimaw, sapagkat buháy noon ngunit ngayo'y wala na at darating pa.

“Kailangan dito ang pag-iisip na may karunungan: ang pitong ulo ay pitong bundok na kinauupuan ng babae; sila rin ay pitong hari,

10 ang lima sa kanila ay bumagsak, ang isa'y nananatili pa, ang isa ay hindi pa dumarating at pagdating niya, kailangang magpatuloy siya nang sandaling panahon.

11 At ang halimaw na buháy noon at ngayo'y wala na, ay siya ring ikawalo ngunit kabilang sa pito at siya'y patungo sa kapahamakan.

12 At(F) ang sampung sungay na iyong nakita ay sampung hari, na hindi pa tumatanggap ng kaharian; subalit sila'y tatanggap ng kapangyarihan bilang mga hari sa loob ng isang oras, kasama ng halimaw.

13 Ang mga ito ay may isang pag-iisip at ibinibigay nila ang kanilang kapangyarihan at kapamahalaan sa halimaw.

14 Makikipagdigma ang mga ito laban sa Kordero at sila'y dadaigin ng Kordero, sapagkat siya'y Panginoon ng mga panginoon at Hari ng mga hari, at ang mga kasama niya ay mga tinawag, mga hinirang at tapat.”

Mateo 14:22-36

Lumakad si Jesus sa Ibabaw ng Tubig(A)

22 Pagkatapos ay pinasakay niya kaagad ang kanyang mga alagad sa bangka at pinauna niya sa kabilang ibayo, habang pinapauwi niya ang maraming tao.

23 Pagkatapos niyang pauwiin ang maraming tao ay umakyat siyang mag-isa sa bundok upang manalangin. Pagsapit ng gabi, siya'y naroong nag-iisa.

24 Ngunit ang bangka ng mga sandaling iyon ay malayong-malayo na sa dalampasigan[a] na hinahampas ng mga alon, sapagkat pasalungat sa kanila ang hangin.

25 Nang madaling-araw na[b] ay lumapit siya sa kanila na lumalakad sa ibabaw ng dagat.

26 At nang makita ng mga alagad na siya ay lumalakad sa ibabaw ng dagat, nasindak sila, na nagsasabi, ‘Multo!’ Nagsigawan sila sa takot.

27 Ngunit nagsalita kaagad sa kanila si Jesus, na nagsasabi, “Lakasan ninyo ang inyong loob; ako ito. Huwag kayong matakot.”

28 Sumagot sa kanya si Pedro at nagsabi, “Panginoon, kung ikaw iyan, ipag-utos mo sa akin na lumapit sa iyo sa ibabaw ng tubig.”

29 Sinabi niya, “Halika.” Kaya't bumaba si Pedro sa bangka at lumakad sa ibabaw ng tubig patungo kay Jesus.

30 Ngunit nang mapansin niya ang hangin,[c] natakot siya, at nang siya'y papalubog na ay sumigaw siya, “Panginoon, iligtas mo ako!”

31 Inabot kaagad ni Jesus ang kamay niya at hinawakan siya, na sinasabi sa kanya, “O ikaw na maliit ang pananampalataya, bakit ka nag-alinlangan?”

32 Nang makasakay na sila sa bangka, ay huminto na ang hangin.

33 Sinamba siya ng mga nasa bangka, na nagsasabi, “Tunay na ikaw ang Anak ng Diyos.”

Pinagaling ni Jesus ang mga Maysakit sa Genesaret(B)

34 Nang makatawid na sila, dumating sila sa lupain ng Genesaret.

35 Nang makilala siya ng mga tao sa pook na iyon ay nagpakalat sila ng balita sa buong lupain at dinala sa kanya ang lahat ng mga maysakit.

36 Nakiusap sila sa kanya na mahipo man lamang nila ang laylayan ng kanyang damit; at ang lahat ng humipo nito ay gumaling.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001