Book of Common Prayer
Sa Punong Mang-aawit. Isang Awit. Isang Salmo.
66 Magkaingay kayong may kagalakan sa Diyos, buong lupa;
2 awitin ninyo ang kaluwalhatian ng kanyang pangalan;
gawin ninyong maluwalhati ang pagpupuri sa kanya!
3 Inyong sabihin sa Diyos, “Kakilakilabot ang iyong mga gawa!
Dahil sa kadakilaan ng iyong kapangyarihan, ang iyong kaaway ay pakunwaring susunod sa iyo.
4 Sasamba sa iyo ang buong mundo;
aawit sila ng papuri sa iyo,
aawit ng mga papuri sa pangalan mo.” (Selah)
5 Halikayo at tingnan ang ginawa ng Diyos:
siya'y kakilakilabot sa kanyang mga gawa sa gitna ng mga tao.
6 Kanyang(A) ginawang tuyong lupa ang dagat;
ang mga tao'y tumawid sa ilog nang naglalakad.
Doon ay nagalak kami sa kanya,
7 siya'y namumuno sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan magpakailanman;
ang kanyang mga mata ay nagbabantay sa mga bansa—
huwag itaas ng mga mapaghimagsik ang mga sarili nila. (Selah)
8 O purihin ninyo ang aming Diyos, kayong mga bayan,
ang tinig ng pagpupuri sa kanya ay hayaang mapakinggan,
9 na umaalalay sa amin kasama ng mga buháy,
at hindi hinayaang madulas ang aming mga paa.
10 Sapagkat ikaw, O Diyos, ang sumubok sa amin;
sinubok mo kami na gaya ng pagsubok sa pilak.
11 Iyong inilagay kami sa lambat;
nilagyan mo ng malupit na pasan ang aming mga balikat.
12 Hinayaan mong sakyan ng mga tao ang aming mga ulo;
kami ay dumaan sa apoy at sa tubig;
at dinala mo kami sa kasaganaan.
13 Ako'y papasok sa iyong bahay na may dalang mga handog na susunugin,
ang mga panata ko sa iyo ay aking tutuparin,
14 na sinambit ng aking mga labi,
at ipinangako ng aking bibig, nang ako ay nasa pagkaligalig.
15 Hahandugan kita ng mga handog na sinusunog na mga pinataba,
na may usok ng handog na tupa;
ako'y maghahandog ng mga toro at mga kambing. (Selah)
16 Kayo'y magsiparito at inyong dinggin, kayong lahat na natatakot sa Diyos,
at ipahahayag ko kung ano ang kanyang ginawa para sa aking kaluluwa.
17 Ako'y dumaing sa kanya ng aking bibig,
at siya'y pinuri ng aking dila.
18 Kung iningatan ko ang kasamaan sa aking puso,
ang Panginoon ay hindi makikinig.
19 Ngunit tunay na nakinig ang Diyos;
kanyang dininig ang tinig ng aking panalangin.
20 Purihin ang Diyos,
sapagkat hindi niya tinanggihan ang aking panalangin
ni inalis ang kanyang tapat na pag-ibig sa akin!
Sa Punong Mang-aawit: sa instrumentong may kuwerdas. Isang Salmo. Isang Awit.
67 Ang Diyos nawa'y mahabag sa atin at tayo'y pagpalain,
at pagliwanagin nawa niya ang kanyang mukha sa atin, (Selah)
2 upang ang iyong daan ay malaman sa lupa,
ang iyong pagliligtas sa lahat ng mga bansa.
3 Purihin ka nawa ng mga bayan, O Diyos;
purihin ka nawa ng lahat ng mga bayan!
4 Ang mga bansa nawa'y magalak at umawit sa kagalakan,
sapagkat iyong hahatulan na may katarungan ang mga bayan,
at ang mga bansa sa lupa ay papatnubayan. (Selah)
5 Purihin ka nawa ng mga bayan, O Diyos;
purihin ka nawa ng lahat ng mga bayan.
6 Nagbigay ng kanyang bunga ang lupa;
ang Diyos, ang ating Diyos, sa atin ay nagpala;
7 Ang Diyos ang sa amin ay nagpala;
matakot sa kanya ang lahat ng mga dulo ng lupa!
Sa Punong Mang-aawit. Awit ni David.
19 Nagpapahayag ng kaluwalhatian ng Diyos ang kalangitan,
at ang mga gawa ng kanyang kamay ay inihahayag ng kalawakan.
2 Sa araw-araw ay nagsasalita,
at gabi-gabi ay nagpapahayag ng kaalaman.
3 Walang pananalita o mga salita man;
ang kanilang tinig ay hindi narinig.
4 Ngunit(A) lumalaganap sa buong lupa ang kanilang tinig,
at ang kanilang mga salita ay hanggang sa dulo ng daigdig.
Sa kanila ay naglagay siya ng tolda para sa araw,
5 na dumarating na gaya ng kasintahang lalaki na papalabas sa kanyang silid,
at nagagalak gaya ng malakas na tao na tumatakbo sa takbuhan.
6 Ang kanyang pagsikat ay mula sa dulo ng mga langit,
at sa mga dulo niyon ay ang kanyang pagligid,
at walang bagay na nakukubli sa kanyang init.
Ang Kautusan ng Diyos
7 Ang kautusan ng Panginoon ay sakdal,
na nagpapanauli ng kaluluwa;
ang patotoo ng Panginoon ay tiyak,
na nagpapatalino sa kulang sa kaalaman.
8 Ang mga tuntunin ng Panginoon ay matuwid,
na nagpapagalak sa puso;
ang utos ng Panginoon ay dalisay,
na nagpapaliwanag ng mga mata.
9 Ang pagkatakot sa Panginoon ay malinis,
na nananatili magpakailanman:
ang mga kahatulan ng Panginoon ay totoo
at lubos na makatuwiran.
10 Higit na dapat silang naisin kaysa ginto,
lalong higit kaysa maraming dalisay na ginto;
higit ding matamis kaysa pulot
at sa pulot-pukyutang tumutulo.
11 Bukod dito'y binalaan ang iyong lingkod sa pamamagitan nila;
sa pagsunod sa mga iyon ay may dakilang gantimpala.
12 Sinong makakaalam ng kanyang mga kamalian?
Patawarin mo ako sa mga pagkakamaling di nalalaman.
13 Ilayo mo rin ang iyong lingkod sa mga mapangahas na pagkakasala.
Huwag mong hayaang ang mga iyon ay magkaroon ng kapangyarihan sa akin!
Kung gayo'y magiging matuwid ako,
at magiging walang sala sa malaking paglabag.
14 Nawa'y ang mga salita ng bibig ko, at ang pagbubulay-bulay ng aking puso
ay maging katanggap-tanggap sa paningin mo,
O Panginoon, ang aking malaking bato at manunubos ko.
Ang Diyos ay Kasama Natin
Sa Punong Mang-aawit. Awit ng mga Anak ni Kora, ayon sa Alamot.
46 Ang Diyos ay ating kanlungan at kalakasan,
isang handang saklolo sa kabagabagan.
2 Kaya't hindi tayo matatakot bagaman mabago ang lupa,
bagaman ang mga bundok ay madulas sa puso ng dagat.
3 bagaman ang tubig nito ay bumula at humugong,
bagaman ang mga bundok ay mauga dahil sa unos niyon. (Selah)
4 May isang ilog na ang mga agos ay nagpapasaya sa lunsod ng Diyos,
ang banal na tahanan ng Kataas-taasan.
5 Ang Diyos ay nasa gitna niya; siya'y hindi makikilos;
tutulungan siyang maaga ng Diyos.
6 Ang mga bansa ay nagkagulo, ang mga kaharian ay nagpasuray-suray,
binigkas niya ang kanyang tinig, ang lupa ay natunaw.
7 Ang Panginoon ng mga hukbo ay kasama natin,
ang Diyos ni Jacob ay kanlungan natin. (Selah)
8 Pumarito kayo, inyong masdan ang sa Panginoong gawa,
kung paanong gumawa siya ng pagwasak sa lupa.
9 Kanyang pinahinto ang mga digmaan hanggang sa mga dulo ng lupa;
kanyang pinuputol ang sibat at binabali ang pana,
kanyang sinusunog ng apoy ang mga karwahe![a]
10 “Kayo ay magsitigil at kilalanin ninyo na ako ang Diyos.
Ako'y mamumuno sa mga bansa,
ako'y mamumuno sa lupa.”
11 Ang Panginoon ng mga hukbo ay kasama natin;
ang Diyos ni Jacob ay kanlungan natin. (Selah)
Si Haring Hosheas ng Israel
17 Nang ikalabindalawang taon ni Ahaz na hari ng Juda, si Hosheas na anak ni Ela ay nagsimulang maghari sa Samaria sa Israel, at siya ay naghari sa loob ng siyam na taon.
2 Gumawa siya ng masama sa paningin ng Panginoon, bagaman hindi gaya ng mga hari ng Israel na nauna sa kanya.
3 Umahon laban sa kanya si Shalmaneser na hari ng Asiria; at si Hosheas ay naging sakop niya at nagbayad sa kanya ng buwis.
4 Subalit ang hari ng Asiria ay nakakita ng pagtataksil kay Hosheas, sapagkat siya'y nagpadala ng mga sugo kay So na hari ng Ehipto, at hindi nagbigay ng buwis sa hari ng Asiria, tulad ng kanyang ginagawa taun-taon. Kaya't kinulong siya ng hari ng Asiria at iginapos sa bilangguan.
Bumagsak ang Samaria
5 Pagkatapos ay sinalakay ng hari ng Asiria ang buong lupain at dumating sa Samaria at kinubkob ito sa loob ng tatlong taon.
6 Nang ikasiyam na taon ni Hosheas, sinakop ng hari ng Asiria ang Samaria. Dinala niya ang mga Israelita sa Asiria, at inilagay sila sa Hala, at sa Habor, sa ilog ng Gozan, at sa mga lunsod ng mga Medo.
7 Ito ay nangyari sapagkat ang bayang Israel ay nagkasala laban sa Panginoon nilang Diyos, na siyang naglabas sa kanila sa lupain ng Ehipto, mula sa kamay ni Faraon na hari ng Ehipto. Sila'y natakot sa ibang mga diyos,
8 at lumakad sa mga kaugalian ng mga bansa na pinalayas ng Panginoon sa harapan ng mga anak ni Israel, at sa mga kaugaliang pinasimulan ng mga hari ng Israel.
9 Ang bayang Israel ay palihim na nagsigawa ng mga bagay na hindi matuwid laban sa Panginoon nilang Diyos. Sila'y nagtayo para sa kanila ng matataas na dako sa lahat nilang mga bayan, mula sa muog hanggang sa lunsod na may kuta.
10 Sila'y(A) nagtindig ng mga haligi at Ashera sa bawat mataas na burol, at sa ilalim ng bawat luntiang punungkahoy.
11 Nagsunog sila doon ng insenso sa lahat ng matataas na dako, gaya ng ginawa ng mga bansang pinalayas ng Panginoon sa harapan nila. Sila'y gumawa ng masasamang bagay na siyang ikinagalit ng Panginoon.
12 Sila'y naglingkod sa mga diyus-diyosan, na tungkol dito ay sinabi ng Panginoon, “Huwag ninyong gagawin ang bagay na ito.”
13 Gayunma'y binalaan ng Panginoon ang Israel at Juda sa pamamagitan ng bawat propeta at bawat nakakakita ng pangitain, na sinasabi, “Layuan ninyo ang inyong masasamang lakad at tuparin ninyo ang aking mga utos at mga tuntunin, ayon sa buong kautusan na aking iniutos sa inyong mga ninuno, at aking ipinadala sa inyo sa pamamagitan ng aking mga lingkod na mga propeta.”
14 Ngunit ayaw nilang makinig, kundi pinatigas ang kanilang ulo na gaya ng kanilang mga ninuno na hindi sumampalataya sa Panginoon nilang Diyos.
15 Kanilang itinakuwil ang kanyang mga tuntunin at ang kanyang tipan na ginawa niya sa kanilang mga ninuno, at ang mga babala na kanyang ibinigay sa kanila. Sila'y nagsisunod sa mga walang kabuluhan at naging walang kabuluhan at nagsisunod sa mga bansa na nasa palibot nila, na iniutos ng Panginoon na huwag silang gumawa ng tulad nila.
16 At(B) kanilang itinakuwil ang lahat ng mga utos ng Panginoon nilang Diyos, at gumawa para sa kanilang sarili ng mga larawang hinulma na dalawang guya, at nagsigawa ng sagradong poste,[a] at sinamba ang hukbo ng langit, at naglingkod kay Baal.
17 Kanilang(C) pinaraan sa apoy ang kanilang mga anak na lalaki at babae at gumamit ng panghuhula at pangkukulam, at ipinagbili ang kanilang sarili upang gumawa ng masama sa paningin ng Panginoon, na siyang ikinagalit niya.
18 Kaya't ang Panginoon ay galit na galit sa Israel, at inalis sila sa kanyang paningin. Walang naiwan maliban sa lipi ni Juda lamang.
36 Noon ay may isang alagad sa Joppa na ang pangalan ay Tabita, na sa Griyego ay Dorcas.[a] Siya'y puspos ng mabubuting gawa at ng pagkakawanggawa.
37 Nang mga araw na iyon, siya'y nagkasakit at namatay. Nang siya'y mahugasan na nila, kanilang ibinurol siya sa isang silid sa itaas.
38 Sapagkat malapit ang Lidda sa Joppa, nang mabalitaan ng mga alagad na si Pedro ay naroroon, nagsugo sila sa kanya ng dalawang tao at ipinakiusap sa kanya, “Pumarito ka sa amin sa lalong madaling panahon.”
39 Kaagad tumayo si Pedro at sumama sa kanila. Pagdating niya, kanilang inihatid siya sa silid sa itaas. Lahat ng mga babaing balo ay nakatayo sa kanyang tabi at umiiyak, at ipinapakita ang mga kasuotan at iba pang mga damit na ginawa ni Dorcas, noong siya'y kasama pa nila.
40 Pinalabas silang lahat ni Pedro, at pagkatapos ay lumuhod at nanalangin siya. Bumaling siya sa bangkay at kanyang sinabi, “Tabita, bumangon ka.” Iminulat niya ang kanyang mga mata, at nang makita niya si Pedro ay naupo siya.
41 Iniabot ni Pedro sa kanya ang kanyang kamay at siya'y itinindig. Pagkatapos tawagin ang mga banal at ang mga babaing balo, siya'y iniharap niyang buháy.
42 Ito'y napabalita sa buong Joppa at marami ang nanampalataya sa Panginoon.
43 Si Pedro[b] ay nanatili sa loob ng maraming araw sa Joppa, na kasama ni Simon na isang tagapagluto ng balat.
Tinawag ni Jesus ang mga Unang Alagad(A)
5 Samantalang(B) sinisiksik si Jesus[a] ng napakaraming tao upang makinig ng salita ng Diyos, siya'y nakatayo sa tabi ng lawa ng Genesaret.
2 Nakakita siya ng dalawang bangka na nasa tabi ng lawa; wala na roon ang mga mangingisda at naghuhugas na ng kanilang mga lambat.
3 Lumulan siya sa isa sa mga bangka na pag-aari ni Simon at hiniling sa kanya na ilayo ito nang kaunti sa lupa. Siya'y umupo at mula sa bangka ay nagturo sa mga tao.
4 Nang matapos na siya sa pagsasalita ay sinabi niya kay Simon, “Pumunta ka sa malalim at ihulog ninyo ang inyong mga lambat upang makahuli.”
5 Sumagot(C) si Simon, “Guro, sa buong magdamag ay nagpakapagod kami at wala kaming nahuli. Subalit dahil sa iyong salita ay ihuhulog ko ang mga lambat.”
6 Nang(D) magawa nila ito, nakahuli sila ng napakaraming isda, at halos masira ang kanilang mga lambat,
7 kaya't kinawayan nila ang mga kasamahan nilang nasa ibang bangka upang lumapit at tulungan sila. Sila'y lumapit at pinuno ng isda ang dalawang bangka, anupa't sila'y nagpasimulang lumubog.
8 Ngunit nang makita ito ni Simon Pedro, lumuhod siya sa paanan ni Jesus, na nagsasabi, “Lumayo ka sa akin, sapagkat ako'y taong makasalanan, O Panginoon.”
9 Sapagkat siya at ang lahat ng kanyang kasama ay namangha dahil sa mga isdang kanilang nahuli,
10 gayundin si Santiago at si Juan, mga anak ni Zebedeo, na mga kasamahan ni Simon. At sinabi ni Jesus kay Simon, “Huwag kang matakot, mula ngayon ay mamamalakaya ka ng mga tao.”
11 Nang maitabi na nila sa lupa ang kanilang mga bangka ay iniwan nila ang lahat, at sumunod sa kanya.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001