Book of Common Prayer
Sa Punong Mang-aawit: ayon sa Huwag Puksain. Salmo ni Asaf. Isang Awit.
75 Kami ay nagpapasalamat sa iyo, O Diyos;
kami ay nagpapasalamat, malapit ang iyong pangalan.
Ang mga kagila-gilalas mong gawa ay sinasaysay ng mamamayan.
2 At sa aking piniling takdang panahon,
may katarungan akong hahatol.
3 Kapag ang lupa ay nayayanig at ang lahat ng mga naninirahan dito,
ako ang nagpapatatag sa mga haligi nito. (Selah)
4 Aking sinabi sa hambog, “Huwag kang magyabang,”
at sa masama, “Huwag mong itaas ang iyong sungay;
5 huwag mong itaas ang iyong sungay nang mataas,
huwag kang magsalita nang may matigas na ulo.”
6 Sapagkat hindi mula sa silangan, o mula sa kanluran,
ni mula man sa ilang ang pagkataas;
7 kundi ang Diyos ang hukom,
ang isa'y ibinababa at ang iba'y itinataas naman.
8 Sapagkat sa kamay ng Panginoon ay may isang kopa,
may alak na bumubula, hinalong totoo;
at kanyang ibubuhos ang laman nito,
tunay na ang masasama sa lupa
ay ibubuhos at iinumin ang latak nito.
9 Ngunit ako'y magpapahayag magpakailanman,
ako'y aawit ng mga papuri sa Diyos ni Jacob.
10 Lahat ng mga sungay ng masama ay aking puputulin,
ngunit ang mga sungay ng matuwid ay itataas.
Sa Punong Mang-aawit: sa instrumentong may kuwerdas. Salmo ni Asaf. Isang Awit.
76 Sa Juda ang Diyos ay kilala,
ang kanyang pangalan sa Israel ay dakila.
2 Natatag sa Salem ang kanyang tahanan,
sa Zion ang kanyang dakong tirahan.
3 Doo'y binali niya ang humahagibis na mga palaso,
ang kalasag, ang tabak, at mga sandata sa pakikidigma. (Selah)
4 Ikaw ay maluwalhati, higit na marangal,
kaysa mga bundok na walang hanggan.
5 Ang matatapang ay inalisan ng kanilang samsam,
sila'y lumubog sa pagkakatulog,
at wala sa mga mandirigma
ang makagamit ng kanilang mga kamay.
6 Sa iyong saway, O Diyos ni Jacob,
ang mangangabayo at ang kabayo ay nahandusay sa mahimbing na pagkakatulog.
7 Ngunit ikaw, ikaw ay kakilakilabot!
Sinong makakatayo sa iyong harapan,
kapag minsang ang galit ay napukaw?
8 Mula sa langit ang hatol ay iyong ipinarinig,
ang lupa ay natakot, at tumahimik,
9 nang ang Diyos ay bumangon sa paghatol,
upang iligtas ang lahat ng naaapi sa sandaigdigan. (Selah)
10 Tunay na pupurihin ka ng poot ng tao;
ang nalabi sa poot ay ibibigkis mo sa iyo.
11 Mamanata ka sa Panginoon mong Diyos, at tuparin mo ang mga iyon,
magdala nawa ng mga kaloob ang lahat ng nasa kanyang palibot,
sa kanya na nararapat pag-ukulan ng takot,
12 siyang pumuputol ng espiritu ng mga pinuno,
na kinatatakutan ng mga hari sa mundo.
Awit ni David.
23 Ang Panginoon ay aking pastol; hindi ako magkukulang;
2 pinahihiga(A) niya ako sa luntiang pastulan,
inaakay niya ako sa tabi ng mga tubig na pahingahan.
3 Pinanunumbalik niya ang aking kaluluwa.
Inaakay niya ako sa mga landas ng katuwiran
alang-alang sa kanyang pangalan.
4 Bagaman ako'y lumakad sa libis ng lilim ng kamatayan,
wala akong katatakutang kasamaan;
sapagkat ikaw ay kasama ko,
ang iyong pamalo at ang iyong tungkod,
inaaliw ako ng mga ito.
5 Ipinaghahanda mo ako ng hapag
sa harapan ng aking mga kaaway;
iyong binuhusan ng langis ang aking ulo,
umaapaw ang aking saro.
6 Tiyak na ang kabutihan at kaawaan ay susunod sa akin
sa lahat ng mga araw ng aking buhay;
at ako'y maninirahan sa bahay ng Panginoon
magpakailanman.[a]
Awit ni David.
27 Ang Panginoon ay aking liwanag at aking kaligtasan;
sino ang aking katatakutan?
Ang Panginoon ay muog ng aking buhay;
sino ang aking kasisindakan?
2 Nang dumating sa akin ang mga manggagawa ng kasamaan,
upang lamunin ang aking laman,
ang aking mga kaaway at aking mga kalaban,
sila'y matitisod at mabubuwal.
3 Bagaman magkampo laban sa akin ang isang hukbo,
hindi matatakot ang aking puso;
bagaman magbangon ang digmaan laban sa akin,
gayunman ako'y magtitiwala pa rin.
4 Isang bagay ang hiningi ko sa Panginoon,
na aking hahanapin;
na ako'y makapanirahan sa bahay ng Panginoon,
sa lahat ng mga araw ng aking buhay,
upang mamasdan ang kagandahan ng Panginoon,
at sumangguni sa kanyang templo.
5 Sapagkat ako'y ikukubli niya sa kanyang kanlungan
sa araw ng kaguluhan
sa ilalim ng kanyang tolda ako'y kanyang itatago,
at itataas niya ako sa ibabaw ng isang malaking bato.
6 At ngayo'y itataas ang aking ulo
sa aking mga kaaway sa palibot ko;
at ako'y maghahandog sa kanyang tolda
ng mga alay na may sigaw ng pagsasaya.
Ako'y aawit, oo, ako'y aawit ng mga papuri sa Panginoon.
7 Dinggin mo kapag ako'y sumisigaw ng aking tinig, O Panginoon,
kaawaan mo ako at sa akin ay tumugon.
8 Sinabi mo, “Hanapin ninyo ang aking mukha;” sabi ng aking puso sa iyo,
“Ang iyong mukha, Panginoon, ay aking hinahanap.”
9 Huwag mong ikubli ang iyong mukha sa akin.
Sa galit, ang iyong lingkod ay huwag mong paalisin,
ikaw na naging saklolo sa akin.
Huwag mo akong itakuwil, huwag mo akong pabayaan,
O Diyos ng aking kaligtasan!
10 Sapagkat pinabayaan na ako ng aking ama at ina,
gayunma'y ibabangon ako ng Panginoon.
11 Ituro mo sa akin, O Panginoon, ang iyong daan,
akayin mo ako sa patag na landas
dahil sa aking mga kaaway.
12 Huwag mo akong ibigay sa kalooban ng aking mga kaaway;
sapagkat mga sinungaling na saksi laban sa akin ay nagbangon,
at sila'y nagbubuga ng karahasan.
13 Ako'y naniniwala na aking masasaksihan ang kabutihan ng Panginoon
sa lupain ng mga nabubuhay!
14 Maghintay ka sa Panginoon;
magpakalakas ka at magpakatapang ang iyong puso;
oo, maghintay ka sa Panginoon!
Si Elias ay Iniakyat sa Langit
2 Nang malapit nang iakyat ng Panginoon si Elias sa langit sa pamamagitan ng isang ipu-ipo, sina Elias at Eliseo ay magkasamang umalis mula sa Gilgal.
2 Sinabi ni Elias kay Eliseo, “Maghintay ka rito sapagkat sinugo ako ng Panginoon hanggang sa Bethel.” Ngunit sinabi ni Eliseo, “Habang buháy ang Panginoon, at habang ikaw ay nabubuhay, hindi kita iiwan.” Kaya't pumunta sila sa Bethel.
3 Ang mga anak ng mga propeta na nasa Bethel ay lumapit kay Eliseo, at sinabi sa kanya, “Nalalaman mo ba na kukunin ngayon ng Panginoon ang iyong panginoon mula sa iyo?” At kanyang sinabi, “Oo, nalalaman ko, manahimik kayo.”
4 Sinabi ni Elias sa kanya, “Eliseo, maghintay ka rito; sapagkat sinugo ako ng Panginoon sa Jerico.” Ngunit kanyang sinabi, “Habang buháy ang Panginoon, at habang buháy ka, hindi kita iiwan.” Kaya't sila'y dumating sa Jerico.
5 Lumapit kay Eliseo ang mga anak ng mga propeta na nasa Jerico, at nagsipagsabi sa kanya, “Nalalaman mo ba na kukunin ngayon ng Panginoon ang iyong panginoon mula sa iyo?” At siya'y sumagot, “Oo, nalalaman ko; manahimik kayo.”
6 At sinabi ni Elias sa kanya, “Maghintay ka rito; sapagkat sinugo ako ng Panginoon sa Jordan.” At kanyang sinabi, “Habang buháy ang Panginoon, at habang buháy ka, hindi kita iiwan.” Kaya't humayo silang dalawa.
7 Limampu sa mga anak ng mga propeta ay humayo rin, at tumayo sa tapat nila sa di-kalayuan habang silang dalawa ay nakatayo sa tabi ng Jordan.
8 At kinuha ni Elias ang kanyang balabal at tiniklop ito, at hinampas ang tubig, at nahawi ang tubig sa isang panig at sa kabila, hanggang sa ang dalawa ay makatawid sa tuyong lupa.
9 Nang(A) sila'y makatawid, sinabi ni Elias kay Eliseo, “Hingin mo kung ano ang gagawin ko sa iyo, bago ako kunin sa iyo.” At sinabi ni Eliseo, “Hayaan mong mapasaakin ang dobleng bahagi ng iyong espiritu.”
10 Siya ay tumugon, “Ang hinihingi mo ay isang mahirap na bagay; gayunma'y kung makita mo ako habang ako'y kinukuha sa iyo, iyon ay ipagkakaloob sa iyo. Ngunit kung hindi mo ako makita, iyon ay hindi mangyayari.”
11 Samantalang sila'y naglalakad at nag-uusap, isang karwaheng apoy at mga kabayong apoy ang naghiwalay sa kanilang dalawa. At si Elias ay umakyat sa langit sa pamamagitan ng isang ipu-ipo.
12 Iyon(B) ay nakita ni Eliseo at siya'y sumigaw, “Ama ko, ama ko! Mga karwahe ng Israel at mga mangangabayo nito!” Ngunit siya'y hindi na niya nakita. Kaya't kanyang hinawakan ang kanyang sariling kasuotan, at pinunit sa dalawang piraso.
13 Kinuha niya ang balabal ni Elias na nahulog sa kanya, at siya'y bumalik, at tumayo sa pampang ng Jordan.
14 Kanyang kinuha ang balabal ni Elias na nahulog sa kanya, at hinampas ang tubig, na sinasabi, “Nasaan ang Panginoon, ang Diyos ni Elias?” Nang kanyang mahampas ang tubig, ito ay nahawi sa isang panig at sa kabila, at si Eliseo ay tumawid.
Si Elias ay Hinanap Ngunit Hindi Nakita
15 At nang makita siya sa may di-kalayuan ng mga anak ng mga propeta na nasa Jerico, ay kanilang sinabi, “Ang espiritu ni Elias ay na kay Eliseo.” Sila'y lumapit upang salubungin siya at nagpatirapa sa lupa sa harapan niya.
16 Kanilang sinabi sa kanya, “Tingnan mo, ang iyong mga lingkod ay may limampung malalakas na lalaki. Hayaan mo silang humayo, at hanapin ang inyong panginoon. Baka tinangay siya ng Espiritu ng Panginoon at inihagis sa isang bundok, o sa isang libis.” At kanyang sinabi, “Hindi, huwag mo silang susuguin.”
17 Subalit nang kanilang pilitin siya hanggang sa siya'y mapahiya, ay kanyang sinabi, “Suguin sila.” Kaya't sila'y nagsugo ng limampung lalaki, at naghanap sila sa loob ng tatlong araw, ngunit hindi siya natagpuan.
18 Nang sila'y bumalik sa kanya, samantalang siya'y naghihintay sa Jerico at kanyang sinabi sa kanila, “Di ba sinabi ko sa inyo, huwag kayong humayo?”
Ang Ministeryo ng mga Apostol
4 Kaya't ituring ninyo kami bilang mga lingkod ni Cristo, at mga katiwala ng mga hiwaga ng Diyos.
2 Bukod dito, kailangan sa mga katiwala na sila ay matagpuang tapat.
3 Subalit para sa akin ay isang napakaliit na bagay ang ako'y hatulan ninyo o ng alinmang hukuman ng tao. Ako man ay hindi humahatol sa aking sarili.
4 Sapagkat wala akong nalalamang anuman laban sa aking sarili, bagaman hindi sa ako'y napawalang-sala, kundi ang humahatol sa akin ay ang Panginoon.
5 Kaya't huwag muna kayong humatol ng anuman nang wala pa sa panahon, hanggang sa dumating ang Panginoon. Siya ang magdadala sa liwanag sa mga bagay na sa ngayon ay nakatago sa kadiliman, at ibubunyag ang layunin ng mga puso. Kung magkagayon, ang bawat isa ay tatanggap ng papuri mula sa Diyos.
6 Mga kapatid, ang mga bagay na ito ay ginamit kong halimbawa sa aking sarili at kay Apolos para sa inyo, upang sa pamamagitan namin ay matuto kayo na huwag lumampas sa mga bagay na nakasulat, upang sinuman sa inyo ay huwag magmataas laban sa iba.
7 Sapagkat sino ang nakakakita ng kaibahan mo? At ano ang nasa iyo na hindi mo tinanggap? At kung tinanggap mo, bakit mo ipinagmamalaki na parang hindi mo tinanggap?
Ang Kautusan at mga Propeta
17 “Huwag ninyong isiping pumarito ako upang sirain ang kautusan o ang mga propeta; pumarito ako hindi upang sirain, kundi upang tuparin ang mga ito.
18 Sapagkat(A) katotohanang sinasabi ko sa inyo, hanggang sa mawala ang langit at lupa, ang isang tuldok o isang kudlit ay hindi mawawala sa kautusan, hanggang sa matupad ang lahat ng mga bagay.
19 Kaya't sinumang sumuway sa isa sa pinakamaliit sa mga utos na ito, at magturo nang gayon sa mga tao ay tatawaging pinakamaliit sa kaharian ng langit; ngunit ang sinumang tumupad at magturo ng mga ito ay tatawaging dakila sa kaharian ng langit.
20 Sapagkat sinasabi ko sa inyo, malibang humigit ang inyong katuwiran sa katuwiran ng mga eskriba at mga Fariseo, ay hindi kayo makakapasok sa kaharian ng langit.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001